Mahigit
dalawang linggo na ang nakaraan mula nang isambulat sa publiko ni
Senador Panfilo Lacson ang kanyang expose kay First Gentleman Mike
Arroyo. Diumano may ilang bank accounts si Arroyo sa ilalim ng pangalang
Jose Pidal na may halagang humigit kumulang na P260M. May star-witness
pa si Lacson, sa katauhan ni Eugenio Mahusay. Ngunit ilang araw pa
lamang ang nakalipas, binawi ni Mahusay ang kanyang mga paratang kay
Arroyo, at sinabing gumanti lamang siya dahil sa kanilang alitan ukol sa
nawawalang cellphone at pera na ibinintang sa kanya. Matapos nito,
lumabas sa publiko ang “tunay” na Jose Pidal sa GMA 7 sa isang panayam
ni Arnold Clavio. Hindi lantad ang mukha ni Jose Pidal, ngunit ipinakita
niya ang kanyang pagpirma sa pangalang Jose Pidal. At ang Jose Pidal na
ito ay walang iba kundi si Ignacio Arroyo, ang kapatid ni Mike Arroyo.
Isang
panginoong may lupa sa Negros si Ignacio Arroyo. Siya ang Lakas Chairman
para sa Western Visayas, at kasal kay Alicia Rita, ang chairperson ng
Philippine Stock Exchange. Kahit umamin na si Ignacio Arroyo na siya si
Jose Pidal, hindi pa rin natinag ang paniniwala ni Lacson, at sinabing
“fall guy” lamang si Ignacio Arroyo upang mapagtakpan ang kapatid.
Nakapagtataka ring hindi kaagad lumabas sa publiko si Ignacio Arroyo
upang akuin ang mga paratang ni Sen. Lacson. Ayon sa kanya, ginamit niya
ang pangalang Jose Pidal para sa kanyang sariling seguridad. At
kamakailan lamang, sinabi ng PNP Crime Lab na pareho ang pirma ni
Ignacio Arroyo sa pirmang Jose Pidal, kung kaya’t isa itong patunay na
mayroong Jose Pidal.
May
hamon pa si Ignacio Arroyo na kunin ng Senado ang lahat ng salaping nasa
Jose Pidal account nang mapatunayan kung may malaking halaga nga ito o
wala.
Ngunit
may iilang mga isyu ang nakakabit sa hamon ni Ignacio Arroyo. Ayon sa
Anti-Money Laundering Law, hindi maaaring gumamit ng isang huwad na
pangalan sa mga opisyal na transaksyon ang sinuman. Dawit na sana si
Ignacio rito, ngunit ayon sa kanya, sinara niya ang mga Jose Pidal
account bago pa maisabatas ang Anti-Money Laundering Bill kung kaya’t
legal ang kanyang ginawa. Subalit sa kanyang hamong buksan ang kanyang
Jose Pidal accounts, sinasabi ni Ignacio na hindi pa sarado ang mga ito,
kung kaya’t dapat siyang makasuhan ng paglabag sa Anti-Money Laundering
Law.
Ayon
kay Senador Franklin Drilon, kailangang magbigay ni Lacson ng mga sapat
na patunay, at hindi lamang mga paratang. Subalit paano makukuha ang mga
papeles na kailangan kung tanging ang may-ari ng tinutukoy na account
ang may karapatan na kumuha ng mga naturang papeles sa mga bangko. Dahil
din sa Bank Secrecy Law, hindi mailahad ng mga bangko kung sa kanino man
nakadeposito ang kayamanan ni Jose Pidal.
Tapos
na ang Chapter 1 at Chapter 2 ng expose ni Sen. Lacson. Malapit na
lumabas ang Chapter 3. Ilang kabanata pa kaya ang expose na ito? Bakit
hindi na lang niya isambulat nang isang bagsakan ang lahat ng mga
ebidensya upang matapos na ang kaguluhang ito. Maaari ngang isa itong
telenovela sa Senado kung saan siya ang tanging tagasulat ng iskrip.
Parang isang telenovela na marami ang pasikot-sikot na umiinog sa lagda
ni Jose Pidal, at sa halagang P270M na hawak nito.
Humahaba lamang ang iskrip ng kuwento. At naiinip na ang taong bayan.
Kung sadyang mahaba talaga ito, sana naman, karapat-dapat itong
subaybayan.