ni Rafael Zuñiga

Mahigit dalawang linggo na ang nakaraan mula nang isambulat sa publiko ni Senador Panfilo Lacson ang kanyang expose kay First Gentleman Mike Arroyo. Diumano may ilang bank accounts si Arroyo sa ilalim ng pangalang Jose Pidal na may halagang humigit kumulang na P260M. May star-witness pa si Lacson, sa katauhan ni Eugenio Mahusay. Ngunit ilang araw pa lamang ang nakalipas, binawi ni Mahusay ang kanyang mga paratang kay Arroyo, at sinabing gumanti lamang siya dahil sa kanilang alitan ukol sa nawawalang cellphone at pera na ibinintang sa kanya. Matapos nito, lumabas sa publiko ang “tunay” na Jose Pidal sa GMA 7 sa isang panayam ni Arnold Clavio. Hindi lantad ang mukha ni Jose Pidal, ngunit ipinakita niya ang kanyang pagpirma sa pangalang Jose Pidal. At ang Jose Pidal na ito ay walang iba kundi si Ignacio Arroyo, ang kapatid ni Mike Arroyo.

Isang panginoong may lupa sa Negros si Ignacio Arroyo. Siya ang Lakas Chairman para sa Western Visayas, at kasal kay Alicia Rita, ang chairperson ng Philippine Stock Exchange. Kahit umamin na si Ignacio Arroyo na siya si Jose Pidal, hindi pa rin natinag ang paniniwala ni Lacson, at sinabing “fall guy” lamang si Ignacio Arroyo upang mapagtakpan ang kapatid. Nakapagtataka ring hindi kaagad lumabas sa publiko si Ignacio Arroyo upang akuin ang mga paratang ni Sen. Lacson. Ayon sa kanya, ginamit niya ang pangalang Jose Pidal para sa kanyang sariling seguridad. At kamakailan lamang, sinabi ng PNP Crime Lab na pareho ang pirma ni Ignacio Arroyo sa pirmang Jose Pidal, kung kaya’t isa itong patunay na mayroong Jose Pidal.

May hamon pa si Ignacio Arroyo na kunin ng Senado ang lahat ng salaping nasa Jose Pidal account nang mapatunayan kung may malaking halaga nga ito o wala.

Ngunit may iilang mga isyu ang nakakabit sa hamon ni Ignacio Arroyo. Ayon sa Anti-Money Laundering Law, hindi maaaring gumamit ng isang huwad na pangalan sa mga opisyal na transaksyon ang sinuman. Dawit na sana si Ignacio rito, ngunit ayon sa kanya, sinara niya ang mga Jose Pidal account bago pa maisabatas ang Anti-Money Laundering Bill kung kaya’t legal ang kanyang ginawa. Subalit sa kanyang hamong buksan ang kanyang Jose Pidal accounts, sinasabi ni Ignacio na hindi pa sarado ang mga ito, kung kaya’t dapat siyang makasuhan ng paglabag sa Anti-Money Laundering Law.

Ayon kay Senador Franklin Drilon, kailangang magbigay ni Lacson ng mga sapat na patunay, at hindi lamang mga paratang. Subalit paano makukuha ang mga papeles na kailangan kung tanging ang may-ari ng tinutukoy na account ang may karapatan na kumuha ng mga naturang papeles sa mga bangko. Dahil din sa Bank Secrecy Law, hindi mailahad ng mga bangko kung sa kanino man nakadeposito ang kayamanan ni Jose Pidal.

Tapos na ang Chapter 1 at Chapter 2 ng expose ni Sen. Lacson. Malapit na lumabas ang Chapter 3. Ilang kabanata pa kaya ang expose na ito? Bakit hindi na lang niya isambulat nang isang bagsakan ang lahat ng mga ebidensya upang matapos na ang kaguluhang ito. Maaari ngang isa itong telenovela sa Senado kung saan siya ang tanging tagasulat ng iskrip. Parang isang telenovela na marami ang pasikot-sikot na umiinog sa lagda ni Jose Pidal, at sa halagang P270M na hawak nito.

Humahaba lamang ang iskrip ng kuwento. At naiinip na ang taong bayan. Kung sadyang mahaba talaga ito, sana naman, karapat-dapat itong subaybayan.




 

 


Inaanyayahan ang lahat na dumalo sa NATSIT na gaganapin sa Biyernes, 4:30PM. Ikalawa ito sa serye ng NATSIT ngayong taon.

 


Orsem 2003
Para sa mga Bagong Salta




Ang Matanglawin ay bukas sa lahat (Atenista man o hindi) sa pakikipag-ugnayan: pagbibigay o pananaliksik ng impormasyon, pagtatalakay ng mga isyu o pagpapaalam ng mga puna at mungkahi ukol sa aming magasin at website.

Sa lahat ng interesado, mangyari lamang na tumawag sa (02)426-6001 lokal 5074
o sumulat sa:

Matanglawin, Publications Room, 2nd Floor Gonzaga Hall, Loyola Schools of Ateneo de Manila University, Loyala Heights, Quezon City
.


GUESTBOOK
WEB DISCUSSION
MESSAGE BOARD
 


 
Copyright © Matanglawin.com 2003