Bakit Matanglawin?
ni Albert Alejo, SJ

Sa El Filibusterismo ni Rizal, may isang pangkat ng mga tulisang gumagawa ng malaking gulo sa kanayunan. Pati nga ilang prayle ay kanilang nabiktima. Ang pangalan ng pinuno ng tulisan: Matanglawin.

Sa makabayang dula ng Kahapon, Ngayon at Bukas ni Aurelio Tolentino, isang batikan at progresibong manunulat noong paglipat ng siglo, simula ng pananakop ng mga Amerikano, may isang tauhang sumasagisag sa kolonyal na pamahalaang Kastila. Malupit siya sa mga kapwa niya Pilipino. Ang pangalan ng opisyal na tuta ng mga prayle: Matanglawin.

Sa drama-musikal na Sinta na akda naman ni Onofre Pagsanghan, may isa ring tulisan na nagtangkang sumira sa kawalang-malay ng mga magsing-irog sa pamamagitan ng pang-akit sa buhay-lunsod. At ang pangalan ng tulisang manggagahasa: Matanglawin.

Masama ang dinadalang kahulugan ng Matanglawin sa mga nabanggit na panitikan. Ito’y isang ibong mandaragit. Marahas. Malupit. Mataas. Sagisag ng buktot na paggamit ng lakas at kapangyarihan.

Mabuti na lamang at hindi lamang dito nakasalalay ang kahulugan ng Matanglawin bilang isang pahayagang may layuning maging matapat at matapang na hanapin at ibunyag ang katotohanan, katotohanan lalo na ng mga walang tinig.

Noong panahon ng Hapon, ayon sa mananalaysay na si Teodoro Agoncillo, lubhang malakas ang propaganda ng mga Sakang laban sa demokrasya. Nawawalan ng pagkakataon ang mga tao na malaman kung ano na ang nangyayari. Maraming nanghina ng loob. Upang mapanatili ang pananampalataya ng mga tao sa demokrasya at upang malabanan ang propaganda ng mga Sakang, naglabas ng isang diyaryo ang mga gerilya. Hindi ito nakaimprenta. Naka-mimyograp lamang ito at kung minsan ay makinilyado. Subalit ang mas mahalaga ay nagtataglay ito ng diwang makabayan. At ang pangalan ng nasabing pahayagan: Matanglawin.

Sa pamumuno ni Koronel Guillermo Nakar, na kumikilos sa bulubundukin ng Sierra Madre, kumalat ang papasulong na pahayagan. Hindi lamang ito naghahatid ng balita tungkol sa mga huling araw ng Bataan, ipinaalam pa rin nito sa mga tao na tulad ng lawin, binabantayan ng mga gerilya ang kapakanan ng mga mamamayang Pilipino. Kasabay nito, minamanmanan nila at tinitiktikan ang mga ginagawa ng mga espiya.

Tulad din sa kasalukuyang panahon, ang maging manunulat noon ay isang kalbaryo. Parang laging may nakabiting palakol sa leeg ng sinumang maglathala ng kanyang naiibang opinyon. Lahat ng pahayagan ay inagaw ng mga Sakang. Itinira lamang nila yaong mga hindi subersibo.

Kaya’t sa Filipino man o sa Ingles, pahapyaw lamang ang naging pagtalakay sa mga paksa. Lumpo ang panitikan noong panahong iyon, kung hindi pa sa kaunting kontribusyon ng Matanglawin.

Samakatuwid, kung tutuusin ay kontrobersiyal na kaagad ang paggamit pa lamang ng pangalang Matanglawin. Samantalang ang lawin ay kilala sa pandadagit ng mga sisiw na walang kalaban-laban sa kanyang mga kuko, hinahangaan din naman ang kanyang mga matang may matalas na pagtitig sa kahit nakakubling pangyayari sa paligid.

Kung sana’y sa halip na mga mahihinang sisiw ay mga daga at ahas ng lipunan na lamang ang dadagitin ng lawin, kung sana’y lalo pang patalasin ng lawin ang kanyang titig sa hindi lamang sa itaas ng kanyang pedestal kundi pati na sa kapatagang kinaroroonan ng maraming suliranin...