Bang!
ni Kapi Capistrano, Aaron Rom Moralina, at Jose Leonardo Sabilano

Alas-nuwebe ng umaga (alas-nuwebe ng gabi naman dito), Setyembre 11, 2001. Katulad ng nakagawian, gising na gising na ang Manhattan, ang sentro ng pandaigdigang kalakalan. Sa Wall Street, hinihintay ng mga stockbroker ang pagbubukas ng stock exchange. Sa mga gusali ng World Trade Center, ang mga dating pinakamataas na gusali sa buong mundo bago natapos ang Petronas Twin Towers sa Kuala Lumpur sa Malaysia, kakabukas pa lamang ng mga opisina.

Napakaingay ng lugar. Mga teleponong nagsisikuliling, mga taong nagmamadaling pumasok - ang lahat ng ito'y napahinto.

Mula sa kawalan, may Boeing 767 na bumangga sa isang tore. Pagkalipas ng ilang minuto, may isa pang eroplanong sumalpak sa kabilang tore. Makalipas ng isang oras, magkasunod na nabuwag ang sentro ng komersyo ng buong daigdig. Nagsa-abo ang dating sagisag ng kapangyarihang ekonomiko ng Estados Unidos. Tinatayang humigit-kumulang sampung libong katao ang hindi nakaligtas, kasama ng ilang bilyong dolyar ng ari-arian ng mga kumpanyang ginamit ang gusali bilang opisina at base ng mga operasyon. Sabay-sabay nalibing sa konkreto ang mga manager ng kumpanya, mga janitor, mga nakatambay sa labas, mga turista. Kasama rito ang pitong Pilipino.

Sa kabilang dako naman, nilamon ng sunog ang isang bahagi ng Pentagon matapos bagsakan ng isa pang jetliner. Tinatayang libu-libong buhay ang nawala. Hanggang ngayon, tumataas pa rin ang bilang ng mga katawang natatagpuan sa ilalim ng mga semento't bato.

Wala pang umaamin sa paggawa ng krimeng ito, ngunit mayroon diumanong ebidensyang nagtuturo sa pangkat ng bilyonaryong Arabong si Osama bin Laden. Samantala, tinanggi naman ni bin Laden na may kinalaman siya sa pangyayari. Nanawagan ang pamahalaang Estados Unidos sa mga Taliban ng Afghanistan na isuko ang Arabong financier. Sagot naman ng mga Taliban, hindi nila isusuko si bin Laden kung walang ebidensiyang maihaharap sa kanila.

Ngunit mapilit ang Amerika. Pinarating ni Pangulong George W. Bush na handa silang makidigma at nagtawag pa ng mga reserbang pwersa. Kasabay nito, dumating ang suporta ng maraming pamahalaan. Kasama na rito ang administrasyong Gloria Macapagal-Arroyo.

Hanggang sa ngayon, nakaantabay pa rin ang sangkatauhan sa mga susunod na pangyayari...

Ang Pagguho ng America the Powerful

Matagal-tagal na rin matapos ang huling pakikisangkot ni Uncle Sam sa malawakang digmaan. Magmula noong 1945, palaging nananalo ang Estados Unidos sa mga digmaang kinasasangkot nito, maliban na lamang sa digmaan sa Vietnam. Matapos ay bahagyang nanahimik ito sa panghihimasok sa mga alitan ng ibang bansa.

Sa kabila ng pakunwaring "pananahimik" ng Estados Unidos, umigting naman ang sentimyentong galit sa ibang bansa. Lumaki ang bilang ng mga taga-pagbatikos nito, lalo na ang mga partido pulitikal na salungat sa paraang pakikipag-ugnayan ng Estados Unidos. Maliban pa sa pangulo ng Iraq na si Saddam Hussein, isa sa mga nagpakita ng matinding pagkontra ay ang mga tinatawag na Islamic fundamentalists. Kasama ang mga Taliban sa mga grupong ito. Sinasabing magkaugnay ang grupong Taliban at si Osama bin Laden, magkasundo sa mga ideolohiyang anti-West at parehong may kagustuhang mapabagsak ang Estados Unidos.

Matapos maganap ang trahedya sa WTC at Pentagon, maraming haka-hakang lumabas tungkol sa depensang militar ng Estados Unidos. Nagkatotoo ang dating inaakalang mangyayari lamang sa mga pelikulang Hollywood. Mayroon din palang kahinaan ang pinapaniwalaang mala-diyos na depensang militar ni Uncle Sam.

At Napuno Na Ang Salop

Hindi natin maiiwasang isipin na hudyat ang mga pangyayaring ito ng ikatlong pandaigdigang digmaan. Sa mga telecast ng CNN at Fox, ipinapakita ang mga malagim na eksena sa mga trahedyang nangyari. Ipinakita nila ang mga katawang inililikas, ang mga bumbero at mga paramedikong sumasabak sa disgrasya, at higit sa lahat ang pagguho ng mga edipisyong tinaguriang kumakatawan sa kapangyarihan ng Amerika. Sa pagitan ng mga eksenang ito, isinisingit naman ang mga kuha ng mga taga-Palestinong nag-diriwang. Sa pagtatambis lamang ng mga eksenang ito, inilalahad na sa madla ang hidwaan ng dalawang ideyolohiya ng modernong mundo - ang kalayaang sinasariwa ng mga taga-kanluran, at ang pundamentalismong ipinaglalaban ng mga panatiko ng relihiyong Islam.

Panatiko ng relihiyong Islam

Noong nakaraang linggo lamang, lumikom na ng 50,000 reserbista si pangulong Bush. Lumabas din sa balita ang pagpaplano ng Amerika sa paglusob sa Afghanistan. Ngunit nagpahayag naman ang isang Rusong heneral na beterano ng ikalawang digmaang pagdaigdig na mahihirapan ang Amerika sa bulubundukin at delikadong lupain ng Afghanistan.

Mga ilang araw matapos ang sakuna, nagpahayag na ng pakikidalamhati't suporta ang iba't ibang mga bansa (o ang mga lider na ito) sa Amerika. Nagpakita ng pakikipag-alyansa ang mga pamahalaan ng Britanya, ang mga bansang kaanib ng NATO, ang komunistang Cubano, at maging ang administrasyong Arroyo. Maging ang ating bansa, isang kuting, handang makisabak sa away ng mga tigre.

Kalmot-kuting

Ibig sabihin ba nito, magiging makadahilanan na ang dating pilit ipinatutupad na VFA ng administrasyong Estrada?

Ibig sabihin ba nito, tatalikdan natin ang ating mga panloobang problema? Paano na ang mga inosenteng buhay na nawaglit sa piling ng mga Abu Sayyaf? Paano na ang alitang Corpus at Lacson? Paano na ang panawagan ng sektor ng paggawa? Paano na ang pagpapaginhawa ng buhay ng ating mga maralitang kababayan?

Tama nga siguro ang haka-haka ng mga progresibong grupo na nagpapapapet si Gloria mga 'Kano nang inihandog niya sa kanila ang ating serbisyo. Sa bawat pangangailangan ng mga Amerikano, narito tayo't naghahandog ng ating tulong, bagama't hindi naman nila kakailanganin iyon. Kuting lang tayo. Madaling mapaamo. Basta't may handog, tira-tira man o tinik.

Sa gitna ng lahat, nakiki-ramay pa rin kami sa lahat ng mga inosenteng buhay na nasayang dahil lamang sa pagtu-tunggalian ng mga ideyolohiya at sa pagpapakita ng kapangyarihan. Kasama namin ang buong daigdig sa lungkot na dinarama nito. Kinokondena namin ang pag-atake sa mga wala namang ginawang kasalanan kundi ang pagpasok sa kani-kanilang trabaho. Ang pagkitil ng buhay, maging alang-alang man ito sa ideolohiya o dahil sa trip lang ng iba, ay hindi kayang bigyan ng dahilan.

Ngunit naniniwala kaming hindi solusyon ang pakikidigma sa kasalukuyang kaguluhan. Hindi maiwawasto ang mali ng isa pang pagkakamali. Hindi naman panatiko ang lahat ng Muslim.Ang tinuturing "kapayapaan" ng mga Amerikano ay may kasama ring pananakot at pakikialam. Ang tunay na kapayapaan ay walang kasamang panlilinlang at paggamit sa maliliit na tao.

Maging mahinahon tayong lahat. Kaunting lamig ng ulo lamang ang kailangan. Hayaan natin ang kapayapaang bumalik, kahit unti-unti lang. Ngunit, maging alisto. Huwag nating hayaan ng kahit sino mang gamitin ang kawawang Pilipinas sa ninanais nilang gulo.