Now Showing: Corpus vs Lacson
ni Jenie Gabriel at Cris Mundin

Sa isang dramatikong paghaharap, maliliwanagan muli ang katotohanan ukol sa katiwalian sa gobyerno. Ngunit ngayon, ang mga pangunahing tauhan ay sina Col. Victor Corpus, ang hepe ng Intelligence Service ng Hukbong Sandatahan (AFP) at si Senador Panfilo Lacson, ang dating hepe ng PNP at PAOCTF.

Halos mag-iisang buwan na ang nakalipas mula noong isiwalat ni Corpus ang mga akusasyon laban kay Lacson. Mayroon diumanong indibidwal at magkasamang accounts sina Lacson at Erap sa Citibank at Bank of America. Dagdag pa rito, may checking at time deposits pa ang nasabing senador sa Estados Unidos, Canada at Hongkong na naglalaman ng humigit-kumulang 728.5 milyong dolyar. Liban dito, kasangkot din daw si Lacson sa pagkamatay ni Bubby Dacer at sa pagdakip ng mga anak ng mayayamang Tsinoy. Ayon din kay Corpus, nalikom lahat ng bagong senador ang malaking bahagi ng kanyang pangkalahatang salapi sa drug trafficking, money laundering, pagnanakaw at pantubos sa kidnapping. Balak din niyang sampahan si Lacson ng mga kasong tulad ng paglabag sa Anti-Graft and Corruption Practices Act, pandarambong o plunder, perjury at unexplained wealth.

Sa ngayon, nakaharap sa Senate Blue Ribbon Committee ang kasong ito ngunit wala pa masyadong pinupuntahan ang paglilitis. Marahil matagal pa bago natin makita ang wakas. Matagal bago pa natin malaman ang katotohanan. Sa kalaunan, painit nang painit ang paghaharap nina Corpus at Lacson. Mula sa mga nakatagong bank accounts hanggang sa katiwalian daw ng dalawa pang senador liban kay Lacson, hindi natin tiyak kung saan hahantong ang makapigil-hiningang paglilitis na ito.

Col. Victor Corpus: Mr. Gullible?

Pebrero pa lamang ng taong kasalukuyan, nagsimula nang maghanda si Victor Corpus na isiwalat ang lahat ng kanyang nalalaman laban kay Ping Lacson. Sa tulong ng grupo ni Corpus at ng dalawang kontrobersyal na saksi - si Mary Ong, alyas "Rosebud" at Angelo Mawanay, alyas "Ador" - patuloy pa rin ang paghakot ng mga ebidensya. Nais nilang mapatunayan ang mga paratang kay Lacson ukol sa pagdakip at pagpatay kina Dacer at Bentain at ang pagdala ng bawal na drogang nagkakahalaga ng P250 bilyon sa Pilipinas. Inakusahan din si Lacson ng maling paggamit ng 11 milyong pisong badyet ng PAOCTF noong pinamumunuan pa niya ito. Muli rin naungkat ang kaso ng Kuratong Baleleng Gang kung saan sinasabing kasabwat si Lacson. Iginiit din ng kampo ni Corpus na liban sa mga kasong ito, pwede pang sampahan si Lacson ng kasong paglabag sa Code of Conduct for Public Officers and Employees sapagkat nagsinungaling siya ukol sa kanyang assets at net worth. Sa kabila ng lahat ng pagtatanggol ni Lacson sa kanyang reputasyon, malakas pa rin daw ang ebidensya nina Corpus laban sa kanya.

Hamon ni Corpus kay Lacson na magbitiw siya sa puwesto kung mapapatunayang walang katotohanan ang kanyang mga paratang. Maaaring hindi na humantong sa ganito sapagkat habang tumatatagal, tila lumalakas ang mga ebidensya laban kay Lacson. Kinumpirma ng FBI ng Estados Unidos na may bank account nga si Lacson sa Citibank sa California. Nagsisilabasan na ang mga saksi tulad ng surprise witness na si Danny Devnavi na isa sa mga kaibigang matalik nina Lacson at Erap. Siguradong paglipas ng panahon, marami pang saksi ang lalabas upang tumestigo laban kay Lacson.

Marami ang nagsasabing nasa kamay na ni Corpus ang kahahantungan ng isyung ito. Kaya ba niyang patunayan ang kanyang mga paratang o lalabas bang puro kasinungalingan lamang ang mga ito?

Senador Panfilo Lacson: Mr. Clean?

"I have been demonized without notice. I have been sent to hell without trial. I begin to wonder how the devil has organized his syndicate so well as to do me in." Ito ang mga salitang binitawan ni Senador Lacson, ang tinaguriang "Mr. Clean" ng Senado, sa kanyang naging privilege speech ukol sa mga alegasyong ibinintang sa kanya ni Corpus.

Maraming nagitla sa mga pahayag ng hepe ng ISAFP. Mas malaki raw ang nanakaw ni Lacson kay Erap. Umaabot ng 37 bilyong piso ang halaga kumpara sa 13 bilyong nanakaw ni Erap. Ngunit itinanggi iyon ni Lacson sapagkat 19 milyon lamang daw ang kabuuan ng kanyang assets base sa kanyang Statement of Assets and Liabilities, na isinumite niya dalawang buwan na ang nakalilipas. Sa katunayan, binigyan pa niya ng power of attorney si Corpus upang i-withdraw ang mga nasabing deposito sa bangko. Ngunit malakas ang loob ni Lacson na wala rin daw mapapatunayan si Corpus sapagkat haka-haka lamang ang mga ebidensyang hinaharap sa publiko. Kulang sa pisikal na ebidensya, aniya.

Ayon kay Lacson, si Corpus daw ay sira-ulo at uto-uto. Hindi raw mapagkakatiwalaan ang isang Komunistang rebeldeng tulad ni Corpus. Sa gitna ng mga naglalabasang ebidensya, iginiit pa rin ng senador na gumagawa lamang ng istorya ang hepe at isa lamang itong pakana para siraan siya. Dagdag pa ni Lacson na kung hindi mapapatunayan ni Corpus ang kanyang mga paratang, dapat lisanin niya ang puwesto at humarap sa korte. Kung sakali namang mapatunayan ni Corpus ang limpak-limpak na salapi, handa raw si Lacson na makulong agad kahit wala nang maganap na paglilitis sa korte.

Dapat mag-ingat si Lacson sa mga binibitawan niyang salita sapagkat narinig na ito ng taong bayan mula sa dating pangulong Joseph Estrada.

Sa Kasalukuyan

Now Showing: Corpus vs. Lacson. Sino kaya ang lalabas na panalo?

Tila isa na naman itong pag-at hindi alam ng mga manonood kung sino ang nagsasabi ng totoo. Awayan ng mga Senador at batuhan naman ng akusasyon ang nangyayari sa pagitan ng dalawang mabangis na magkaaway. Sangkot nga ba talaga si "Mr. Clean" sa pagnanakaw o gumagawa lang ba talaga ng istorya si "Mr. Gullible"? Sino ba talaga ang bida at sino ang kalaban?

Nakatuon ang mata ng buong bansa sa paglilitis na ito upang mabatid ang kasagutan, ngunit huwag sana tayong mabulag at mga organisadong krimen. Hindi ito isang nakakatawang palabas o dramatikong telenobela. Nakalulungkot isiping ganito ang nangyayari sa ating pulitika. Hindi alam ng taong bayan kung sino ang pagkakatiwalaan. Dati, ipinagmamalaki natin ang ating sistemang demokrasya ngunit ngayon, kaharap natin ang malagim na resulta - tiwali ang karamihan sa mga lider na nilagay natin sa puwesto.

Sa ngayon, tanging paghihintay na lamang ang ating magagawa sa paglilitis ng Senate Blue Ribbon Committee sa kaso ni Senador Panfilo Lacson. Nakasalalay sa kanila ang paglilitis. Kaya pa ba nilang ibalik ang integridad ng institusyon? O mababahiran ba muli sila ng kasinungalingan at katiwalian?

Sana matauhan tayong mga Pilipino sa kalagayan ng ating bansa. Ang paglilitis na ito ay isang tawag sa lahat na maging listo sa hinaharap. Marahil sa katapusan pa ng "madugong" paglilitis na ito natin malalaman ang buong katotohanan. At dahil sa paiba-ibang daloy ng mga pangyayari, siguradong nakatuon na naman ang mata ng lahat ng Pilipino sa palabas: Corpus vs. Lacson.

Basahin: Op Mouse, Bikes en Rosebud