Gulong ng Palad
ni Nono Alfonso, SJ

Mga anim na taong gulang pa lang ako nang makasam namin siya sa bahay. Marahil dose anyos siya noon. Sa umpisa pa lang, magaan an ang loob namin sa kanya ng bunso kong kapatid. Dahil hindi nalalayo ang kanyang edad sa amin; hindi tulad ng ibang katulong ng aking ina na nasa beynte o treinta anyos na rin. Kaya't parang kaibigan ang turing namin sa kanya - kalaro sa bahay-bahayan o taguan sa bahay, kakwentuhan, kabiruan at madalas, sumbungan ng mga sama ng loob sa pamilya.

Kapag wala akong pasok sa eskwela, bumubuntot ako sa kanya, pinanonood siya sa kanyang mga gawain, at paminsan-minsan ay tumutulong na rin. Sa umaga, pagkatapos ng agahan, naglilinis siya ng bahay. Walis dito, walis doon, lampaso doon, lampaso dito. Bandang alas-diyes, nagpaplantsa na siya ng damit na nalabhan niya at pinatutuyo kamakalawa. Mabilis siyang mamalantsa; kahit mga maong at polo shirt ay madali lamang para sa kanya. At habang iniisa-isa niya ang mga damit, nakikinig siya ng drama sa radyo. Ako naman ay nakahiga sa bundok ng damit na kailangan niyang plantsahin. Tuloy akabisado ko na rin ang mga program sa DZRH. Mula alas-diyes, "Dambana," isang tuloy-tuloy na serye ng drama, at pagkatapos nito yung mga sulat kay Tiya Dely, na sinusundan naman ng "Around the World," 'yung "live" na tawagan ng mga OCW's at kanilang pamilya dito sa Pilipinas. Tuwing komersyal, magbibigay siya ng kanyang opinyon sa drama, at paminsan-minsan, naibabahagi niya ang kwento ng kanyang buhay, ng kanyang kapalaran.

"Galing siya sa isang bayan mga ilang oras ang biyahe mula sa Naga, kasama na 'yung pagtawid ng dagat at pagbaybay sa mga bundok. Mahirap lang sila. Magsasaka ang kanyang mga magulang. Marami silang magkakapatid. Pangalawa siya sa panganay. Namasukan siya sa amin upang makapag-aral ang iba niyang kapatid.

Minsan dumadalaw sa bahay ang kanyang ina. Minsan ang mga kapatid. Sa may kusina niya pinapatuloy ang mga ito. Isa lang ang pakay nila: "babale" o kaya'y "mag-a-advance." Mula sa may pinto, matatanaw ko ang pagmamakaawa sa kanya ng kanyang ina. Minsan, siya naman ang nagmamakaawa. Gusto na raw niyang umuwi sa kanila. Gusto na niyang makabalik sa pag-aaral. Iisa lamang ang kinahahantungan ng mga dalaw na iyon, pag-alis ng kanyang ina o kapatid, said ang kanyang maliit na buwanang suweldo, may utang pa.

Paulit-ulit ang eksenang iyon sa kusina, habang lumalaki ako at habang tumatanda siya. Madalas, pagkaalis ng kanyang ina o kapatid, makikita ko siyang umiiyak. May mga araw naman, pagkatapos ng dalaw ng kanyang ina o kapatid, na halos wala siyang kibo at parang walang gana sa trabaho. Kaipala'y naibalita sa kanya na 'yung isa sa kanyang mga kapatid na sinusustentuhan ay nakabuntis o nabuntis at hindi na makakapag-aral. Subalit ilang araw lang, maaliwalas na uli ang kanyang mukha. Aniya, "Meron pa naman akong pag-asa, 'yung kasunod." At idudugtong niya ang isang linya ng theme song ng isang drama sa radyong paborito naming pakinggan: " ganyan lang talaga ang 'gulong ng palad'."

Nang tumuntong ako sa hayskul, nadagdagan ang gawain niya sa bahay. Siya na rin ang nagluluto at namamalengke. Madalas, pinatutulong din siya ng nanay sa aming maliit na tindahan. At dahil sa tagal ng kanyang paglilingkod sa amin, nagmistula siyang kanang-kamay ng aking ina. Madalas, kapag may lakad ang aking ina, isinasama siya nito. Halos nababasa na rin niya ang takbo ng isip ng aking ina: kung kailan mainit ang ulo nito, at kung kailan malamig; kung kailan ito galit, at kung kailang masaya.

Samantala, nagkaroon na rin ako ng maraming kaibigan sa eskwela. Madalas, kahit walang klase, nasa labas pa rin ako ng bahay, kasama ng aking kabarkada. Katulad ng maraming binatilyo, nagrerebelde rin ako sa pamilya ng mga panahong iyon at tumutuklas ng maraming mundo. Marahil dahil dito'y paminsan-minsan na lang kaming makapag-usap. Nakukumusta ko pa rin siya tungkol sa kanyang pamilya. Subalit nang kalauna'y maging ang mga kumustahang ito'y naging madalang na rin.

Pagkatapos ko sa hayskul, iniwan ko ang probinsya at nagpatuloy ng pag-aaral sa isang pamantasan sa Maynila. Matagal din kaming hindi nagkita. Nang umuwi ako minsan, naikwento niya na kahit 'yung bunsong kapatid na pinag-aaral niya para maging security guard ay hindi na rin nakapagtapos ng kurso. Tulad ng ibang kapatid, napaaga rin ang pag-aasawa nito. Nang kumustahin ko siya, aniya wala raw siyang magagawa; iyon ang gulong ng kanyang palad.

Nang sumunod na bakasyon, nakauwi uli ako. Subalit labis akong nalungkot sa aking nabalitaan tungkol sa kanya. Ani ng nanay ko, pumatol daw sa isa naming "boy" na dating durugista. Pinipilit sila ng nanay kong magpakasal dahil may nangyari na raw. Hindi ako makapaniwala sa aking nabalitaan. Sabi ng kuya ko, marahil naghanap na rin siya ng karamay sa lungkot ng kanyang buhay. O marahil, nagrerebelde na rin siya sa mga kabiguan niya sa kanyang mga kapatid, sa kanyang pamilya. O marahil, napag-isip-isip niya na tumatanda na siya at kailangan niya na ring isipin ang sarili.

Nang makita ko siya, hindi namin napag-usapan ang mga nangyayari sa kanya. Tumaba na siya at meron na rin siyang lipstick at pulbos sa mukha. Nagpapaganda na siya, naisip ko. Hindi ko siya matanong sa mga pagbabago sa kanyang buhay. Parang nahihiya rin siya sa akin.

Mabilis na dumaan uli ang panahon. Natapos ko ang kolehiyo, nagtrabaho sa NGO at ngayon ay nasa seminaryo. Ang huli kong balita tungkol sa kanya ay noong umuwi ako sa Bicol, bago ako pumasok sa Nobisyado. Hiwalay na raw siya sa aming "boy." May anak silang lalaki. Umalis na siya sa amin, at mukhang hindi na babalik. Nagkagalit daw sila ng aking ina. May nakapagsabi na nakatira raw siya ngayong sa isang malayo, liblib, at mahirap na bayan sa isang bundok sa Bicol - walang kuryente, walang transportasyon, at pangangaso ang pangunahing hanapbuhay ng mga tao.

May kumurot sa aking puso nang mabalitaan ko ito. Binagabag din ako ng aking konsyensya. Bakit kailangang sa ganito magwakas ang aming ugnayan? Napakalaki ng aking utang na loob sa kanya. Ng aming pamilya. Hindi man lang ba ito naisip ng aking ina? Hindi ko maiwasang magalit sa aking ina, subalit wala na akong magawa. Huli na ang lahat.

Noong pabalik na ako sa Maynila, natanaw ko ang mahabang daan patungo sa bayang iyon. At sa aking wari, nakita ko ang isang babae, akay-akay niya sa isang kamay ang kanyang dalawang taong gulang na anak, habang pasan niya sa isang balikat ang ilang pirasong kahoy at binabaybay ang kahabaan ng mabatong daan, sa ilalim ng init ng araw.

Si Imelda.