Ikapu o Ayon sa Puso?
ni Kapi Capistrano

Noong nakaraang Linggo, siyempre, nagsimba ako tulad ng halos lahat ng mga Kristiyano sa buong mundo. Mag-isa akong nagsimba, dahil nahuli akong gumising, at nauna na ang pamilya ko noong umaga. Naalala kong magbitbit ng baryang pang-hulog mamaya sa pag-aalay. Umabot sa sampung piso ang nadala kong barya.

Katulad ng karamihan sa mga simbahan dito sa lungsod, sa labas pa lang ay maaamoy mo na ang marmol, na siyang materyal ng sahig at mga dingding ng simbahan. At kung sisilip ka ng bahagya sa may bukana, makikita mo na rin ang kislap ng mga ginintuang tabernakulo, at iba pang kasangkapan, ginintuan man o kristal.

Habang papasok sa simbahan, sinalubong ako ng isang paslit na nagbebenta ng sampaguita. Umiling ako, ngunit lumapit pa rin siya. Sinenyasan ko siyang "huwag na," ngunit nakiusap siya sa akin.

"Sige na kuya, baon ko lang para bukas."

Ngunit sampung piso lang ang dala ko. Kung bumili ako ng isang kuwintas, wala na akong ihuhulog mamaya. Paano na ang pag-aalay?

Noong malapit nang magtapos ang Hunyo, lumabas ang balitang pinaplano na raw ng Simbahang Katoliko (sa pamumuno ng Catholic Bishop's Conference of the Philippines o CBCP) na ipatupad ang sistemang "ikapu" (o tithing). Bumuo na raw ang CBCP ng komite upang pag-aralan kung paano ipapatupad ang ikapu. Kapag naging matagumpay daw ito, hindi na aasa ang mga parokya at mga diocese sa mga abuloy tuwing opertoryo at sa mga bayad ng mga nagpapakasal at nagpapabinyag. Gaya ng nasabi ni Msgr. Hernando Coronel, tagapagsalita ng CBCP: "The Church is having a hard time sustaining itself with just donations and the spare change given by members (Nahihirapan na ang Simbahan sa pananatili sa pamamagitan lamang ng mga donasyon at barya-barya ng mga parokyano)."

Ang Ikapu o Ika-sampu

Ang salitang "ikapu" ay nagmula sa salitang ika-sampu, gaya ng salitang tithing, na nakuha sa lumang ingles ng tenthing. Sa gayon, ang ikapu ay ang pag-aalay (o pagsasauli sa Diyos) ng ikasampung bahagi ng dagdag sa isang tao. Sa Lumang Tipan, mga produktong agrikultural ang inaalay sa Diyos, ito man ay ang ikasampung tupang dumaan sa ilalim ng patpat, o ang ikasampung bunga. Sa kontemporaryong panahon, ang mga sinasabing nag-iikapu ay naglalaan ng sampung porsiyento ng kanilang kita, o sampung porsiyento ng monetaryong halaga ng isang natanggap na bagay, tulad ng regalong damit o napanalunang kotse. Ibinibigay ang nakalaang pera sa mga grupong karismatiko gaya ng El Shaddai, ibang mga sekta, tulad ng Iglesia ni Cristo at ibang Protestanteng Kristyano, at lalo na ang Simbahang Katoliko, na siyang sinasabing mga katawan ng Diyos sa ispiritwal na nibel.

Mga Debate: Dapat ba o Hindi?

Sinasabi ng mga pabor sa ikapu na kailangan na ang ganitong sistema sa panahon ngayon, lalo na't hirap na raw ang simbahan sa pananatili nito. Ani Msgr. Coronel, "Kung tithing 'yan, rain or shine it's there (nandiyan iyan umulan man o umaraw). Kunwari may parokya kami rito sa Calamba, umulan lang siyempre ay hindi na magsisimba ang mga tao at bababa ang koleksiyon."

Bukod doon, inaasam nila na mapalitan na ang sistemang "arancel" sa pagpapatupad ng ikapu. Ang arancel ay ang sinasabing "bayad" (ngunit "donasyon" ang taguri ng mga opisina-paroko dito) para sa mga sakramentong iginagawad ng simbahan, tulad ng pagpapakasal at pagbibinyag. Sinasabi nilang umuusbong ang diskriminasyon sa ganitong sistema. Madalas, ang mga may-kaya lamang ang may kakayahang magbayad ng nakatakdang presyo. Halimbawa, sa pagpapakasal, ang karaniwang bayad para sa espesyal na serbisyo ay apat na libong piso (P4,000), at kasama na rito ang gastos para sa mga palamuti. Sa hindi makakayanan ang presyo, nariyan ang mga pinababang halaga, na maaaring bumaba hanggang isanlibong piso (P1,000), wala nga lang ang mga kagarbohan. Kung hindi pa rin kaya, nariyan ang mga mass weddings (o ang sabay-sabay na pagpapakasal), na ang tanging babayaran na lamang ay ang mga papeles-munisipal, na aabot sa humigit-kumulang na isandaang piso. Dito pa lang sa iba't ibang presyo at iba't ibang klase ng serbisyo sa pagpapakasal, lumilitaw ang pagkakaiba ng mayaman at mahirap. Madalas, nauuwi na lamang sa huwes (judge) ang pagpapakasal ng isang maralitang mag-asawa.

Ngunit sa kabilang dako, marami rin ang umaayaw sa ikapu. Noong ika-6 ng Hulyo, nagsalita si Arsobispo Jaime Cardinal Sin laban sa ikapu. Aniya, "Talking about it is irrelevant when we consider how the poor are suffering. All these debates about tithing are desecrating the Church of the poor (Hindi mahalaga ang pagtatalakay dito kapag tinitingnan natin kung paano nagdurusa ang mga mahihirap. Lahat ng debate tungkol sa ikapu ay nakaka-insulto sa Simbahan ng mga maralita)." Bukod doon, sinabi rin niya na "What the Church needs now is not more money but more determination to live like Christ (Ang kailangan ng Simbahan ngayon ay hindi higit na pera kundi higit na pagpupursigi na mamuhay katulad ni Kristo)."

Bukod sa mga pagsalungat, marami ang mga nagsasabing hindi magtatagumpay ang ikapu. Inamin mismo ng mga kumakampi dito na mahihirapan silang ipatupad ang sistema sa mga simbahan. Kahit nagtagumpay na ang sistema sa ibang parokya sa Dipolog at Romblon, hindi naman ito nagtagumpay sa ibang pilot parishes (mga experimental na parokya), dahil "from what I observed, there was no participatory system (mula sa aking nakita, walang sistema ng pakikibahagi)," ani Msgr. Nicolas Mondejar, obispo ng San Carlos City. Sinabi rin ni Frank Padilla, direktor ng Couples for Christ, "Hindi nila puwedeng pilitin 'yon, eh. Nasa tao na 'yan kung talagang maiintindihan niya."

Dahil sa mga pagtatalo, naglabas ang CBCP noong ika-9 ng Hulyo ng isang proposal na tinagurian nilang Modified Tithing. Wika ni Arsobispo Orlando Quevedo, pangulo ng CBCP, "The Church is against obligatory tithing (Tutol ang simbahan na maging obligasyon ang pag-iikapu)." Bukod doon, tutol din ang Simbahan sa sinasabing pag-aalay ng 10% ng kinita ng isang indibidwal o pamilya, ani Arsobispo Quevedo. Sa ilalim nitong bersyon ng ikapu, boluntaryo ang pagbibigay ng isang indibidwal o pamilya. Hindi lang nga niya tiniyak kung kailan ipatutupad ang ganitong sistema sa kalahatan ng Simbahan sa Pililpinas.  

Ikapu sa Bibliya

Una nabanggit sa bibliya ang pag-iikapu sa Genesis, na ginagampanan ng ating amang si Abraham, nang magwagi siya sa isang malaking digmaan at nag-uwi ng maraming yaman (spoils) mula dito:

Nang magkagayon si Melquisedec, hari ng Salem, ay kumuha ng tinapay at alak, dahil siya'y pari ng Kataas-taasang Diyos. Binasbasan niya si Abram na ang wika: "Pagpalain nawa si Abram ng Kataas-taasang Diyos, na lumikha ng langit at lupa. Purihin nawa ang kataa-taasang Diyos , na siyang nagpasukpo ng iyong mga kaaway."

Pagkaraan ay ibinigay ni Abram sa kanya ang ikapu ng lahat ng bagay.
- Genesis 15:18-20

Dito sa tagpong ito, naipakita na inihahandog ang ikapu sa Diyos sa pamamagitan ng isang represrentatibo, na si Melquisedec na isang mataas na pari. Bukod doon ibinigay ni Abraham ang ikapu bilang pasasalamat sa tagumpay ng digmaan, kung saan niya iniligtas ang pamangkin niyang si Lot mula sa pagkabihag. Sa gayon, isang pasasalamat sa mga biyaya ang ikapu. Ganoon din ang ipinapakita ng talatang ito:

Si Jacob ay gumawa rin ng isang panata.

"Kung ang Diyos ay sasaakin at ako'y iingatan sa aking paglalakbay, kung bibigyan ako ng makakain at ng damit na maisusuot, at ako'y pababaliking malualhati sa bahay ng aking ama, ang Panginoon ay magiging Diyos ko. Ang batong ito na aking inilalagay bilang alaalang haligi ay magiging bahay ng Diyos. Sa lahat ng ipagkakaloob mo sa akin ay matapat kong ibibigay ang ikasampu."
- Genesis 28:20-22

Sa mga talatang ito makikita natin na sa Diyos ang lahat ng pag-aari natin, at pagsasauli sa Diyos ang kanyang pag-aari ang ikapu. Isa siyang kasunduan (covenant) sa pagitan ng Diyos at ng tao, na nagpapaalala sa tao na sa Kanya ang lahat ng pag-aari natin.

Ngunit hindi lamang pag-aalay (o pagsasauli, ayon sa naunang talata) ang ikapu. Ito rin ay pakikipagkapwa-tao:

Sa katapusan ng tatlong taon ay ihihiwalay mo ang lahat ng ikapu ng ani ng taong iyon at ilalagay mo sa mga kamalig ng bayan, upang ang Levitang walang bahagi at pamana sa iyo at gayundin ang dayuhan, ang ulila, at ang balong nasa iyong bayan ay lumapit at mabusog, nang sa gayon ay pagpalain ng Panginoon mong Diyos ang lahat ng gawin ng kamay mo.
- Deuteronimo 14:28-29

Binanggit dito ang mga taong maari mong tukuyin bilang maralita ng panahon natin ngayon. Sa pamamagitan nitong utos na ito ng Diyos, nagbabahagi ang mga nabibiyayaan ng kanilang kasaganahan sa mga hindi gaanong pinagpala.

May nagsasabi na napawalang bisa na ang mga batas sa ikapu, pagdating ni Kristo. Hindi raw kabilang sa mga turo ni Hesus ang pag-iikapu, at hindi ito ginawa ng mga disipulo nang naglilibot na sila upang ipabalita ang wika ni Hesus. Wala na raw ang kapariang Levita na siyang mga opisyal na itinakda ng Diyos bilang tagatanggap ng ikapu. Nawasak na raw ang sistemang ikapu, pagdating ni Kristo.

Oo, hindi natin maikakaila na ibang pananaw ang ibinigay ni Kristo sa ating pananampalataya. Ngunit hindi maaaring kalimutan na si Hesus ang dakilang guro ng Lumang Tipan. "Kung sinasabi nilang wala na sa pananampalataya natin ang ikapu," ika ni Padre Adolfa Dacanay,S.J., "bakit kasama pa rin sa Bibiliya natin ang Lumang Tipan?" Kabilang pa rin ang Lumang Tipan sa pananampalataya natin dahil bahagi ito ng kabuuang kasaysayan ng pagliligtas ng Diyos. Hindi buo ang kahulugan ng Bagong Tipan kung wala ang Lumang Tipan.

Kaya nga lang, binabatikos ni Hesukristo ang maling pamamalakad at ang maling pananampalataya ng mga nagpapalakad ng templo:

"Ay sawimpalad kayo, mga Eskriba at Pariseo, mga mapagbalatkayo! Sapagkat ibinigay ninyo ang ikapu ng menta, anis at komino, ngunit pinababayaan ninyo ang lalong mabibigat na bagay ng Batas: ang kabanalan, ang kawanggawa at ang pananampalataya. Dapat gawin ang mga ito ngunit huwag ninyong kaligtaan ang iba. Mag bulag na taga-akay, sinasala ninyo ang lamok at nilululon ang kamelyo."
-Mateo 23:23

Gaya ng sinabi ni Padre Dacanay, hindi talaga masama ang pag-iikapu, at lalong hindi ito salungat sa ating pananampalataya. Ang mga katiwalian sa pamamalakad ang kailangang batikusin. Maganda naman ang mga hangarin ng pag-iikapu (mapa-noong Lumang Tipan man o ngayon sa isyung tinatalakay natin). Bukod sa maaari nitong mapalalim ang ating pananampalataya't relasyon sa Diyos, maaari pa itong makatulong sa mga hindi gaanong pinagpala na mga kapatid natin. Ito ang sinasabing bagong turo ni Hesukristo: ang pakikipagkapwa-tao (sa pamamagitan ng Dakilang Utos), at pagbibigay hindi dahil mapaparusahan tayo kung lumabag tayo sa canon, kundi ang pagbibigay ayon sa ating puso:

"Ang bawat isa ay magbigay ayon sa pasiya ng kanyang puso, huwag labag sa kalooban o kaya sapilitan , spagkat mahal ng Diyos ang malugod na nagbibigay."
-2 Corinto 9:7

At itnuturo din sa atin ang ganitong pagbibigay sa ginagawang pag-aalay ng isang balo:

"Umupo si Hesus sa tapat ng ingatang-yaman, pinagmamasdan niya kung paaanong naghuhulog ng salapi sa ingatang-yaman ang mga tao. Ang mga mayayaman ay naghuhulog ng malaking halaga. Lumapit ang isang dukhang balong babae at naghulog ng dalawang maliit na salaping tanso, katumbas ng ika-apat na bahagi ng as. Nang magkagayon ay tinawag niya ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila, "Tunay na sinasabi ko sa inyo na ang dukhang balong iyan ay naghulog ng higit sa lahat ng naghulog sa ingatang-yaman. Sapagkat silang lahat ay naghulog ng lumalabis sa kanila, datapuwat inihulog niya, sa kabila ng kanyang karalitaan, ang lahat niyang pag-aari, ang buo niyang ikabubuhay."
-Marcos 12,41-44

Ikapu at Indulhensya

Hindi pa talaga napapatupad ang ikapu sa mga Katolikong Pilipino. Ngunit may naganap na noon na maaaring maihalintulad dito - ang paniningil ng indulhensiya ng mga prayle.

Sa loob ng apat na siglong pananakop ng mga Kastila, ang pananampalataya nga natin marahil ang pinakamalaki nilang ambag sa ating kultura, kung matatanggap nga natin ito bilang ambag. Sa katunayan, hanggang ngayon ay ito pa rin ang pinaka-popular na relihiyon sa bansa, at malamang ay hindi mo ito alam. Kalakip na nitong pananampalatayang ito ang indulhensiya, na pinauso ng mga prayle upang matugunan ang mga "pangangailangan ng simbahan."

Upang mahikayat ang mga Katolikong magbigay sa simbahan, naglako sila ng taunang kapatawaran sa mga kasalanan. Hindi man natin marahil matitiyak ngayon kung gaano kamahal ang indulhensya, nakasulat sa ating kasaysayan na ang mga may-kaya lang ang nakabili nito. Kumbaga, kung mayaman ka, siguradong may bahay ka na rin sa langit sa ganitong sistema.

Maaaring wala ngang kalakip na kapatawaran ang sistemang ikapu ng Simbahan ngayon, implikado pa rin ang pangangailangang nito.

Implikadong Obligasyon

Sabihin mang hindi obligado ang mga Katolikong mag-ikapu, sigurado bang iiral pa rin sa mga Pilipino ang kawanggawa? Ang boluntaryanismo? Ang kalayaan sa pagpili? Magbigay man ang isa ng ikapu o hindi, mas higit ang pagkakataong hindi ito kusa.

Kaya sa tingin ba nila, kapag sinabi nilang boluntaryo ang ikapu, boluntaryo ba talaga ito?

Ngunit sa kabilang dako, makapangyarihan pa rin ba talaga ang mga salita ng Simbahan? Totoo pa bang "Simbahan ng Maralita" ang simbahan natin, gaya ng sinabi ni Cardinal Sin? Ilang buwan lang ang nagdaan matapos mapaghiwalay ang mayaman at mahirap sa EDSA, na nagsilbing pader sa pagitan ng dalawang uri. Bukod pa doon, sabihin na nating malaki ang ambag ni Bro. Mike Velarde sa schism na ito. Ano ba ang pagkakaiba ni Bro. Mike kay Cardinal Sin? Pareho nga silang mayaman, ngunit kung sasabihin ng Cardinal na "What the poor need is more meaning in life," sasabihin naman ni Bro. Mike na "Baliktarin ang mga payong! Saluhin ang grasyang nagmumula sa langit!" Sino ngayon ang mas kikilingan - ang eksistensyal o ang kongkreto?

At mula dito mapupunta ako sa susunod kong punto. Kung sinasabi nilang ang ikapu ay pisikal na representasyon ng pasasalamat sa Diyos, wala na marahil kawala ang Pilipino diyan. Kung susuriin nating mabuti, imposible marahil na magtayo ng simbahan dito sa Pilipinas na walang lamang santo. Oo, imposible marahil iyon. Kung mapapansin ninyo, naiipon pa nga sa paligid ng kung kanino mang rebulto ang mga deboto dito. May mga deboto kay Sto. Nino, mayroon din naman kay Santa Maria. At hindi kumpleto ang pagdalaw sa rebultong iyon kung hindi iyon mahihipo. Sa katunayan, doon lang nalilinisan ang mga santo - sa pagpahid ng panyo ng mga deboto. At kung Pasko, hindi mawawala ang linya ng mga gustong humalik sa istatwa ng sanggol na Hesus. Sa madaling sabi, mahirap magkaroon ng ispiritwal na pananampalataya ang isang Pilipinong Katoliko kung walang pisikal na representasyon.

Samakatuwid, sabihin man ng CBCP na boluntaryo ang kanilang bersyon ng sistemang ikapu, obligasyon pa rin ito sa pananaw ng mga Katoliko kahit anong mangyari.

Kailangan ba Talaga?

At heto ang pinakamabigat na tanong ukol sa isyu: kailangan ba talagang mag-ikapu?

Sinasabi ng CBCP na may dalawang dahilan upang ipatupad ang ikapu - kailangang matulungan ang mga mahihirap, at kailangang mapanatili ang simbahan. Unahin na natin ang huling dahilan. Gaya ng nabanggit kanina, nahihirapan na ang Simbahan sa pananatili. Nahihirapan nga ba talaga ang Simbahan? Bakit sa tuwing magbabasa ng gastusin pagkatapos ng komunyon, madalas ang "Church Beautification" o "Church Renovation" ang malaking bahagi nito? Kung minsan, may mga ispesyal pa ngang koleksyon para lamang dito. Hindi natin maikakailang nakakabuti ang pagsasaayos sa simbahan at pagkumpuni sa mga nasira dito. Ngunit minsan, napapadalas ang pagpapaayos ng simbahan. Ah, hindi na 'yata tama iyon. Hindi naman natin ikinakaila na kailangan nga ng Simabahan ng pera upang mapanatili ito.

Ang Bagong Pananaw

Kung tutuusin, maganda naman talaga ang pagtulong sa ating mga parokya. At lalong mas maganda ang pamamahagi ng ating mga pag-aari sa mga kapatid nating naghihirap. Ni hindi na nga natin dapat pang hintaying mapatupad ang ikapu para lamang magawa natin ito. Tandaan lang natin: sa ating bagong paradigma, hindi lamang ang apat na kongkretong dingding ang ating Simbahan, kundi tayo, ang lipunan, ang mga kapwa natin. Kung talagang nais nating panatilihing nasa mabuting kalagayan ang ating Simbahan, nariyan ang kapwa mong naghihintay ng tulong mo, naghihintay ng pansin mo.

At narito ako muli sa harap ng simbahan, sa paanan ng mataas nitong hagdang marmol. Hawak-hawak ang sampumpiso, iniabot ko ito sa nagtitinda ng sampaguita upang bumili ng isang kuwintas. Mas maigi na iyon, kaysa tumaas pa ang marmol na hagdan sa alay kong iyon.