Kape, Yosi at mga Kuwento ni Kuya Danding
ni Mikael Co

Malakas ang ulan noong unang gabi akong pumasok sa inuupahan naming kuwarto sa may Abada. Maginaw. Noon ko unang nakita si Kuya Danding, mag-isang giniginaw.

***

Hindi siguro ako magsisinungaling kung sabihin kong noong una'y hindi kami palagay sa isa't-isa. Papaano mangyayari iyon, gayong alam niyang estudyante ako sa paaralang katumbas ng limang buwan niyang suweldo ang matrikula sa isang semestre lamang? Hindi pa niya alam noon kung magkano ang ibinabayad ko, at kung magkano ang allowance na ibinibigay sa aking ng eskuwela. Matagal pa bago nadapo sa tuition ang kuwentuhan: "Pare, magkano ba'ng matrikula n'yo doon?" 'ika niya. "Dehins ko alam, tsong. Wala naman kasi akong binabayad d'un, e. Financial aid kami. Basta walang bagsak" sagot ko naman. "Ahhh iskalar ka pare, 'no? Mabuti yan. Alam mo, yung kapatid ko" bida niya. "Iskolar, pare. Hindi iskalar. Lagi ka naming may punto kung magsalita, e yosi pa nga." Sa tuwing magkakasalubong kami noon ay sapat na ang tango, o kung mayroon ay aabutan ko siya ng sigarilyo - pampagising sa tuwing madaling-araw, kalasag laban sa ginaw, krus laban sa tukso ng antok. Gala akong batal, sanay ako nang laging malayo sa bahay. Ngunit sa pagkakataong ito ay inabot ako ng pamamahay. Mag-iisang linggo na ako sa upahang kuwarto nang una akong magmatapang na labasin siya ng hatinggabi. Karga ang mga bote ng kape, gatas, asukal, dalawang baso ng mainit na tubig, isang kaha ng sigarilyo, at isang asul na layter na may litrato ng maalindog na babae sa harap, lumakad ako patungo sa lobby ng gusali. Doon nagsimula ang pagkakaibigan namin ni Kuya Danding.

Noong una'y walang saysay at walang pinatutunguhan ang mga kuwentuhan namin ni Kuya Danding. Para baga kaming mga manginginom na naghuhuntahan sa kawalaan ng alak; kape ang aming tinatagay, sigarilyo ang aming pulutan. At siyempre, mga kuwento. Nadapuan na yata namin ang lahat ng paksang puwedeng dapuan: pagkain, tatak ng sigarilyo, pag-ibig, presyo ng matrikula, pag-ibig. Makulay ang mga salitang lumalabas mula sa mga bibig namin, puno ng tawanan at murahan. Maganda ang naging paghahalo ng mga salita kong lingua franca ng Tondo at ng kanyang wikang tubong Leyte. Biglang nagkabuhay ang dating mala-bangkay na gabing naging kumpare na yata ni Kuya Danding. Natuklasan kong pareho pala kaming bagong salta sa lugar na ito. Dalawang buwan pa lang siya papasok sa kontrata niya bilang guwardiya noong una akong napadpad sa gusaling binabantayan niya. Marahil, pareho lang kaming naghahanap ng makakapitan noong una kaming magkakilala. Suwerte na lang sigurong matatawag iyon. Napunta sa pamilya ang kuwentuhan namin. Tuwing nagseseryoso ang usapan, napapansin kong napapatingin sa malayo si Kuya.

***

"Yung kapatid ko, iskalar sa UP. Siyam kami e, ermats ko modista. Siya 'ng nagpaaral sa amin. Ako nga lang ang hindi nakatapos e..." sabi niya, sabay tawa sa sarili. Maingay ang halakhakan namin, rinig sa mga kuwartong tulog na malamang ang mga nakatira. Pero wala kaming pakialam. Ito ang takbo ng mga usapan namin ni Kuya Danding. Halakhakan tungkol sa sarili, sa mga problema sa buhay. Tuwa sa kabila ng pagkayod. "Si erpats... dati may sasakyan kami. Binibiyahe niya pampasahero..." tuloy niya. "Kaya lang, alam mo na, medyo may bisyo, ayun..." Narinig ko na itong litanyang ito. Nabasa sa kung saan-saan. Pero iba pa rin ang epekto kung nasa harap mo ang nagkukuwento, at hindi lamang kung sino. Alam kong hindi kathang-isip ang nagsasalita, kundi isang nilalang na humihinga, nagugutom, at inaantok ding katulad ko. Tao rin.

Ginustong magpulis ni Kuya Danding, ngunit sa lagay ngang hindi nakapagtapos ay nabagsak sa pagka-sikyu. Buong loob niyang ipinagmalaki na noong high school daw ay miyembro siya ng choir. "Talaga? Sampol nga..." bigla kong singit. "Huwag na, baka may magising. May talent manager na nakatira dito, e. Baka ma-diskober ako." Tawanan na naman. Una daw siyang nagkanobya sa high school. Malamang, 'ka ko, nadala sa karisma ng boses niya. Minalas nga lang dahil hindi nadadala sa ganda ng boses ang mga magulang. Ayaw sa kanya. Napuwersa silang maghiwalay ng unang pag-ibig. Pero hindi bago nagbunga ang pasyon. Nagkaanak sila. Napatingin na naman sa malayo si Kuya Danding.

***

"E ikaw? Pa'no ka napadpad dito?" siya naman ang nagtanong. Para bang tumigil sa akin ang pag-ikot ng roleta. Paano nga ba ako napadpad dito? Hindi ko rin alam, marahil. Inabot lang ng kaunting suwerte sa mga entrance exam, at hinangad pang sagarin ang suwerte. Naglalakbay, at naghahanap ng ipaglalaban. Naliligaw. "Ewan ko rin, e. Ayaw akong pag-aralin ni ermats sa UP dahil daw magulo. War freak pa naman daw ako. Baka kung anong fraternity lang ang salihan ko doon," siyang sagot ko. "Uhummm... kaya mo ba, e ang payat-payat mo," tanto ni Kuya. "Payat lang. Paya-payat, sobra na 'yun," sagot ko na may bahid ng insulto. Hindi ako komportable nang ako ang pinag-uusapan. Naisipan kong ibaling na naman sa kanya ang mga tanong. "Ikaw? Ba't ka napunta sa Maynila?" "Gusto ko kasing subukang mabuhay mag-isa. Gusto kong subukang tumayo nang ako lang." Hinangad niyang sagarin ang suwerte. Naglalakbay din siya, naghahanap ng ipaglalaban. Naliligaw. Kagaya ko. "E 'yung anak mo? Nagkikita pa kayo?" pahabol kong tanong, na hindi nagkulang sa hiya. "Minsan. Nu'ng bertdey niya nagkita kami. Pero bihira na," sagot niya. Hindi na niya itinuloy, at hindi ko na rin sinubukang ungkatin. Hindi ko tungkulin, hindi ko lugar ungkatin ang bagay na iyon. Lalo na noong napansin kong napatingin siya sa malayo. Habang lumalalim ang gabi, dumadami ang naiinom naming kape, at dumadami rin ang mga upos ng sigarilyong naibalibag namin sa bangketa. Lumalalim ang kuwentuhan. Dumadalas ang pagtinging ni Kuya Danding sa malayo. Sa unang pagkakataon, namagitan ang katahimikan sa aming dalawa. Naubos na ang kape, ubos na rin ang sigarilyo. Natuyo na ang balong pinagkukunan namin ng mga kuwento. Pero may bahagyang ambon pa rin, at hindi pa tumitigil ang paghagod sa amin ng ginaw. Biglang napahirit si Kuya Danding, "Alam mo, pare, mabuti 'yang ginagawa mo e. 'Yun bang nakikihalubilo ka sa aming... alam mo na... mahihirap." Hindi ko napigilang ngumiti. Andaming tumatakbong sagot sa isipan ko. Hindi tayo nagkakaiba, Kuya. Madalas, sila ang nakikihalubilo sa akin. Muling dumalaw ang katahimikan. Masama itong natatahimik. Baka abutan kami ng nagbabadyang antok. Pero hindi ko na nagawang sumagot. Sa pagkakataong ito, sabay kaming napatingin sa malayo.