Kilatista o Elitista?
ni Phillip Cezar Arriola

"Oh my God, si Russel!" Napabulalas ako nang makita ko sa personal ang guwapung-guwapong modelo ng Close-up habang nakatayo siya sa gilid ng overpass sa harap ng National Bookstore sa tapat ng Ateneo. Sa kabila ng mga rumaratsadang sasakayan sa kanyang likuran at mga taong abalang-abala sa pagkokonekta ng mga kableng kailangan sa shooting, lumutang ang kanyang kakisigan lalung-lalo na sa kanyang asul na long sleeves at itim na pantalong lapat na lapat sa kanyang katawan. Sa isang saglit, bahagya akong nahumaling habang bumalik sa isipan ko ang larawan ng kanyang ngiti sa patalastas ng toothpaste na kanyang inindorso. Nakurot ko sa braso ang kaibigan ko sa kilig at bahagya siyang nairita sa akin. Ang akala ko'y nasaktan siya sa pagpisil ko sa kanyang braso. Ngunit nalaman kong nainis siya sa lantaran kong paghanga sa isang hindi naman sikat na modelo nang pigilan niya ako sa "nakiiskandalo" kong pag-aasal. Pinaalalahanan niya akong Atenista ako at ang pag-idolo sa mga Pinoy na artistang katulad ni Russel ay isang ugali ng mga jologs.

Hindi na ako nagulat sa reaksyong ito ng kaibigan ko. Isa lamang siya sa maraming Atenistang may mababang pagtingin sa mga artistang Pinoy. Maraming natsitsipan sa mga pelikula, kanta, at mga palabas na gawang-Pilipino. Sa isyung ito, maraming tanong ang dumapo sa aking isipan. Bakit ganito na lamang ang pananaw ng karamihang Atenista sa mga artistang Pinoy? Ano ang nakikita ng mga karaniwang tao sa mga sikat na artistang iniidolo nila na hindi nakikita ng mga Atenista? Mababa ba talaga ang kanilang pagtingin sa mga artsitang lokal o lubha lamang mataas ang pagtingin ng mga Atenista sa kanilang sarili? Sadya bang kilatista ang mga Atenista o lubhang elistista lamang?

Nakipanayam ako't humingi ng surbey sa ilang Atenista upang malaman ang tunay nilang saloobin hinggil sa mga artistang Pinoy. Isang interesanteng bahagi ng mga panayam at surbey ay ang paglista ng tatlo sa pinakaayaw nilang mga artista at lumalabas na sina Judy Ann Santos, April Boy Regino, at Jolina Magdangal ang itinuturing nilang tatlong pinakabaduy sa mga artistang lokal. Mahalagang bigyang-pansin na ang tatlong ito ay kumakatawan sa tatlong uri ng sining sa industriya ng pag-aartista: si Judy Ann para sa larangan ng pag-arte, si April Boy para sa larangan ng pag-awit, at si Jolina sa larangan ng pananamit o fashion. Kaya naman ang isang mabusising pagkilatis sa paningin ng mga Atenista sa tatlong artistang ito ay nagpapakita ng isang malawakang pagtanaw sa kung anong nakikitang mali ng mga Atenista sa mga artistang lokal. Ngunit bago ang lahat, mahalaga sigurong kilalanin muna natin sina Juday, Jolens at Idol ng masa.

Si Juday

Umalingawngaw ang pangalang Judy Ann Santos nang magsimula ang telenobelang Mara Clara. Sa teleseryeng ito, ginampanan ni Juday ang papel na Mara, ang kawawang anak ng isang mayamang mag-asawa na lumaki sa hirap sa piling ng isang martir na ina-inahan at abusadong ama-amahan matapos pagpalitin ng naturang ama-amahan ang tunay nitong anak na si Clara kay Mara (noong sila ay kapapanganak pa lamang) sa pag-asang makikinabang ang abusadong ama sa yamang mamanahin ni Clara. Ang mga sampalang nangyari sa pagitan nina Mara at Clara ang nagpainit sa telebisyon at nagpatutok sa maraming Pilipinong manonood dahil sa tindi ng depiksyon nito sa paborito nilang paksa ng isang panoorin: ang walang kamatayang alitan sa pagitan ng mga mayayaman at mahihirap. Ganito rin ang naging tema ng Esperanza, ang sumunod na telenobelang ginawa ni Juday matapos ang Mara Clara. Nang lumaon, sumikat si Juday at nabigyan ng maraming proyektong pelikula. Ito ang simula ng kanyang tumitinding karera sa pinilakang-tabing. Maraming mga pelikula siyang nagawa na tumalakay sa paboritong paksa ng mga Pinoy at hindi nalalayo sa tema ng Mara Clara. Mayroon din namang mga pelikula siyang nagawa kung saan itinambal siya sa iba't-ibang kalalakihan na nagpakilig sa maraming hits tulad ng

Esperanza at Mara Clara the Movie.

Dahil dito, itinanghal si Judy Ann bilang bagong Superstar ng kasalukuyang henerasyon kahit na pilit siyang ibinababa ng kanyang mga kritiko at pinagtatawanan ng marami ang kanyang mala-monay na mukha at mala-aparador na katawan.

Si Jolens

Nagsimulang makilala si Jolina bilang isang miyembro ng Ang TV, isang programang pang-tinedyer na kinatatampukan ng mga bagong discoveries na may talento sa pagsayaw, pagkanta, at pag-arte. Sa pag-awit at pagpapatawa unang napansin si Jolina ngunit nang lumaon, nahanay na rin siya sa linya ng mga trendsetters na kinatutuwaan at tinutularan ng maraming kabataang Pilipino dahil sa kanyang kakaibang istilo sa pananamit. Pinauso ni Jolina ang iba't-iba at mala-sarimanok na kulay ng buhok na pinalalamutian ng paru-parong pang-ipit, paglalagay ng glitters at kung anu-anong burloloy sa katawan, at hindi ordinaryong pagteterno ng iba't-ibang kulay at istilo ng damit. Marami ang sumunod sa istilo ni Jolina. Ngunit, marami rin naman, katulad ng mga Atenista ang natawa at nasuka sa kanyang pagmiste.

Si Idol

Matapos siyang kumalas sa grupong April Boys kasama ang kanyang dalawang kapatid dahilan sa kanilang hindi pagkakaintindihan, tinahak ni April Boy Regino ang landas ng pag-awit nang mag-isa. Taliwas sa pag-aakala ng iba, higit na gumanda ang karera ni April Boy kahit siya ay mag-isa na lamang. Ang kanyang mga awitin katulad ng Sana'y Mahalin mo rin Ako, Ikaw Pa Rin, at 'Di ko Kayang Tanggapin ay tanggap na tanggap ng masang Pilipinong sanay na sanay at wiling-wili sa mga awiting tumatalakay sa saklap ng pag-ibig at kabiguang dala nito. Kuhang-kuha ni April Boy ang panlasa ng masa kung kaya't bumebenta nang libu-libo ang kanyang mga plaka. Sa paglaon, tinagurian si April Boy bilang Idol ng Masa sa kabila ng mga pambabatikos sa ipit na boses nito kapag kumankanta.

Say ng mga Atenista

Hindi maikakailang maraming tagahanga ang mga artistang Pinoy katulad nina Juday, Jolens at April Boy. Subalit hindi rin maitatanggi na marami ang nasusuklam, walang alam, at walang pakialam ukol sa mga artistang Pilipino at ang kanilang mga naturang "sining". May ibang kinikilig sa mga pelikula ni Judy Ann, natutuwa sa mga awitin ni April Boy at namamangha sa istilo sa pananamit ni Jolina. Ngunit may iba rin, katulad ng marami sa ating mga Atenista ang kinikilabutan sa kanila.

Hindi naman kinamumuhian ng mga Atenista ang lahat ng mga artistang Pinoy. Marami rin namang artistang lokal ang kanilang hinahangaan. Sa gayon, maaari nating sabihing ang kanilang pagkamuhi sa ilang mga artistang Pinoy gaya nina Juday, April Boy at Jolina ay produkto lamang ng kanilang mapangkilatis na panlasa sa kung ano ang masining at maganda. Sa katunayan, sa surbey at panayam na aking ginawa, lumalabas na ang isyu ng kakayahan ng mga artistang Pinoy ang pangunahing puntong kinukuwestiyon ng mga Atenista sa kanilang pagtuturing kung ang isang artista ay may karapatan o walang karapatang mapabilang sa sarili niyang larangan. Marami ang nakakapasok sa mundo ng pag-aartista dahil lamang sa kanilang panlabas na anyo. Basta matangos ang iyong ilong, makinis at maputi ang iyong balat, at may hitsurang papasa sa panlasang Pilipino, isasabak ka na bilang artista kahit na wala kang alam sa pagkanta, pag-arte, o sa kahit na ano pa mang larangan. (Kaya naman, ang industriyang pelikulang Pilipino ay naging paraiso ng mga call boys at call girls na inabuso ng mga direktor sa kanilang walang kasaysay-saysay na mga TF na pelikula.) O kung hindi ka naman papasa sa mga kuwalipikasyon sa kagandahan, maari ka nang maging komedyanteng puwedeng batuk-batukan at pagtawanan sa mga slapstick sitcoms sa Pilipinas. Nasisilaw sa salapi ang karamihan kung kaya't sila ay napapasabak sa pag-aartista. Kaya naman ang sining ngayon ay may katumbas ng halaga na mas lalong nagpapababa sa kanyang kahalagahan

Kung may kakayahan man ang isang artista sa kanyang larangan, karaniwan ay sumusunod lamang siya sa yapak ng tradisyonal at kung ano ang mabenta. Walang bagong naiaambag ang mga artista natin ngayon sa larangan ng sining. Kung ating papansinin, hindi hasa ang maraming artistang Pilipino sa kanilang pagganap. Ang kakayahan ng isang kumbensyonal na panoorin. Ganoon din sa kaso ni April Boy Regino. Ang tema at paksa ng kanyang mga awitin at maging ang tono nito ay isang pag-uulit lamang at kaunting pagbabago sa mga dati nang sumikat at bumentang mga awitin. Si Jolina naman ay may pagbabagong ginawa sa larangan ng pananamit ngunit ang pagbabagong ito ay hindi humantong sa pagkahubog ng kanyang sining, bagkus sa pagkasira nito.

Hindi malinaw sa atin kung sino ang dapat sisihin. Dapat bang sisihin ang mga artista sa kanilang hindi kaaya-ayang performance sa kanilang larangan gayong alam nating dumedepende lamang sila sa kung ano ang naihain para sa kanila.

Dapat bang sisihin ang mga tagagawa ng istorya o ng kanta gayong sumusunod lamang sila sa kagustuhan ng karamihan dahil sa kanilang karanasan, ang pagtaliwas sa nakasanayan ay hindi tinatanggap ng masa? Dapat bang sisihin ang mga tagahanga sa kanilang pagsuporta sa kumbensyonal at hindi kaaya-aya gayong karamihan sa kanila ay walang kakayahang kumilatis kung ano ang maganda at kung ano ang hindi? Dapat bang sisihin ang mga artistang sa kagustuhang mag-eksperimento at gumawa ng kaunting pagbabago sa sining ay lalo pang nasira ito? Marahil upang magkaroon ng pagbabago, isa sa kanila - ang artista, ang mga director at manunulat, o ang masa-ang kailangang magsimula ng isang pagbabagong lumalayon sa pagpapaunlad ng sining. At dahil manhid ang industriya sa kabulukang nangyayari sa kanila at sa kanilang sining, tungkulin ng mga nakakaalam at nakakabatid ng kamaliang nagyayari ang gumising sa kanila.

Kritiko sa Kilatisto

Karaniwan sa atin, kapag makakakita tayo ng isang artista sa isang lugar, may tendesiya tayong pagtawanan ito habang inaalala natin ang mga kanyang kabaduyan sa isang pelikula, kanta, o istilo. Nahubog sa ating mga pag-iisip na ang likhang Pilipino ay walang-wala kumpara sa mga likhang banyaga. May natural tayong pagkiling sa gawa ng dayuhan at pagkasuklam sa sariling atin. Oo nga, may mangilan-ngilang mga artista ang kinakikitaan ng mga Atenista ng potensiyal at kagalingan. Ngunit dahil mas marami ang nakikita nilang kamuhi-muhi at walang karapatan, nabubuo sa kanilang isipan ang isang pangkalahatang pananaw sa kabulukan ng mga artistang Pinoy. Kung kaya, habang patuloy tayong nanonood ng mga pelikulang Hollywood, nakikinig sa musika nina Mariah, o nakikiayon sa pinauusong istilo ng isang artista o internasyonal na fashion designer, nawawala ang ating pagtingin at pangungumusta sa mga artista at sining sa ating bansa. Hindi natin nakikita ang mga pagbabago sa sarili nating industriya. Naiiwan sa ating isipan ang mga masasamang larawan at imahe ng mga artista at ito na lamang ang ating dinadala habang patuloy tayong sumusuporta sa gawa ng ibang bansa. Sa paglaon, ang kawalan ng tiwala sa sarili nating gawa ay humahantong sa kawalan ng pagmamahal natin sa ating bansa.

Sa isang banda, hindi natin masisisi ang sarili natin kung mababa ang pagtanaw natin sa artistang Pinoy. Sa halos lahat ng mga pelikula o kanta nila, hindi masalamin ng pangakaraniwang Atenista ang sarili niyang kultura. Hindi katulad nina Inday at Manang na sa kanilang panonood ng Sa Dulo ng Walang Hanggan o pakikinig sa kabiguan sa pag-ibig ni April Boy sa kanyang kantang Kasalanan Ba?, sumusulpot ang isang inspirasyon dahil nakikita nila ang sarili nila sa kulturang ipinalalabas ng mga yaon. Hindi natin makita ang sarili natin kay Mara, kay Esperanza, sa taong bigo sa kanta ni April Boy na Kasalanan Ba?, at maging sa fashion sense ni Jolina kung kaya't hindi natin makita ang potensiyal ng mga ito gaya ng mga nakikita ng masang tumatangkilik dito. Pinili nating manatili sa labas ng isang kabulukan habang pinagtatawanan natin ang mga nasa loob nito. At kadalasan, dahilan sa pagkokondisyon sa isipan nating hindi magagaling ang mga artistang Pinoy dahil sa kabulukan ng ilan sa industriya ng pag-aartista, umiiwas tayong pumasok sa loob ng "kabulukang" ito at suriing muli kung ano na ang nagiging progreso. Patuloy tayo sa pagmamamaliit sa mga artistang lokal habang hinahayaan nating anurin tayo ng "sining" ng mga artistang Hollywood na pilit nating inaangkin at inaangkop sa pag-aakalang yaon ang higit na maganda at mas mabuting kultura para sa atin. Hindi natin alam na ang kulturang pinagtatawanan natin ay may mahalagang implikasyon sa sarili nating pagkatao bilang Pilipino kahit karamihan sa atin ay mga elitista. Sa pananatili natin sa labas ng kabulukan bilang mga kritiko, nawawalan ng saysay ang ating pagiging Atenista bilang mga tao para sa iba. Hindi natin nababatid na ang aktong pagmamaliit sa kabansutan ng sining nina Jolina, Juday, at April Boy ay isang gawaing kabulukan at kabansutan habang patuloy nating nilalait ang gawa nila nang hindi natin ginagawa ang tungkulin natin sa pagbabago. Malungkot isiping nakikita na natin ang mali, pinagtatawanan na lang natin ito. Kaya naman, hindi imposibleng mananatili na lamang tayong elitista kahit sabihin pa nating kilatista lamang tayo ng kabansutan ng mga artistang Pinoy habang wala tayong ginagawa upang paunlarin ang ating sining at patuloy na sumuporta na lamang sa kanluraning artista.