Lay's o Pritos Rings
ni Hukbalahap

Ayan, nalibre sina Jason, Joey at buong barkada sa rimarim ng pag-aaral. Sabado pa ng gabi noon, kailangang magpalamig, kaya't nagkayayaan na naman sa gimik. Katulad ng dati, inuman na naman ang pinunterya, kaso ngayon, iba-iba naman ang naiisip na lugar. Gusto ni Jason na pumuntang Hard Rock Café, dahil sa kabila ng magagandang tugtugin, marami pang tsiks doon. Gusto naman ni Joey na doon na lang sa bahay nila. Tutal wala naman ang kanyang ermat at erpat. Kung sa Hard Rock sila pupunta, may entrance fee na ubod ng mahal, ganun din naman ang pagkain at inumin. Kung sa bahay na lang sila, walang entrance fee, makakabili sila ng isang kahang serbesang dose kada bote at makakabili pa sila ng tsibog na tigpi-piso sa malapit na sari-sari store. Hindi pa nila kailangang magkumahog para sa bakanteng upuan. Bukod pa roon, makakausap pa nila ang buong barkada nang hindi na kailangan pang sumigaw dahil sa ingay.

Napaisip naman si Jason.

Natapos ang pagtatalo noong gabing iyon at nauwi ang gimik sa bahay ni Joey. At nang natapos na ang gabi, umuwi silang lahat na solb. Hindi namang maiwasang magmuni-muni si Jason: kung ganito kasaya ang simpleng gimik, ano ang meron sa kabilang dako ng pamumuhay na pilit inaabot ng marami sa atin?

Tingnan mo ang mga tao sa paligid mo. Maraming Joey at Jason sa kanila, pati na rin sa ating sarili. May bahagi ng ating pagkatao na nagnanais na gumasta at mamuhay nang marangya. Para saan nga ba ito? Karangalan? Pampadagdag pogi-points sa nililigawan? O para nga ba mas masaya? Nariyan pa rin sa atin ang mentalidad na kung mas mahal, mas magarbo, mas magastos, ay mas masaya ang gimik; basta The Fort o sa Alabang ang lakad ay siguradong bongga, o 'pag nag-shopping sa Rockwell ay may class ka. Ngunit bakit nga ba pilit na isinusuksok sa mga kukote natin ang marangyang pamumuhay gayung sa kapiterya lamang ay mauubos na ang mga inipon? At kung makamura ka man sa iyong pananghalian ay di naman ito sapat para sa buong-maghapong pakikinig ng pilosopiya sabay sabit sa dyip pauwi. Maaaring dito nanggaling ang mentalidad ni Jason - ayaw naman yata niyang mabitin ang gimik nila.

Maaari ring gusto lang niyang lumabas at gumala nang kaunti. Kung batung-bato ka ba naman sa bahay, talagang nanaisin mong gumimik sa labas. Kung minsan, uubusin mo talaga ang laman ng pitaka mo para magawa ito. Siyempre, gusto mo ring matikman ang pagiging "in". Kahit na kailangang wasakin ang alkansya at simutin ang laman nito, sasagot ka ng "oo" sa mga tanong na "nakapunta ka na ba sa..." para makapantay mo ang mga kaibigan mong napapadalas sa mga lugar na ito. Ngunit kailangan ba talagang ganito kalaki ang gagastusin para gumanda ang mga lakad ng pamilya, barkada o sarili man lang? Ang iba sa atin ay nadadala na sa mga patalastas, pelikula, magasin at iba pang mga nagpapakita ng marangyang pamumuhay bilang "in".

Sampalin naman natin ang ating mga sentido! Mayroon namang ibang paraan ng pagimik na 'di marangya.

Gusto mong umikot sa mall at humanap ng mabibili? Hindi lang sa Glorietta o Rockwell makakakita ng magagandang damit. Nariyan ang SM, Ali Mall, Farmer's Plaza, Tutuban Center at mga ukay-ukay sa tabi-tabi. Saan ka pa nga ba makakahanap ng maong na isang-daang piso para sa dalawang pares (mahal pa nga iyon sa ukay-ukay eh)? O regalong singkwenta lang ang gagastusin, kasama na ang balot? Hindi ka na rin mahihiyang pumasok-pasok sa mga tindahan o magtanong kung magkano ang mga paninda nila - karaniwan na naman sa mga taong dumadaan dito ay nagtatanong lamang at hindi na bumibili. At saan ka pa nga ba maaaring matalisod at hindi pagtawanan?

Baka gusto mong manood ng sine? Hindi pinapalabas si Tom Cruise o Zhang Ziyi sa Rockwell lamang. Sa perang pambayad mo sa isang ticket sa Rockwell, makakanood ka na ng dalawang pelikula sa SM na may dala-dala pang tsitsirya at inumin. O, alin ang mas solb?

Hindi na kailangan ang chedeng 'pag gusto mo namang mag-road-tripping. Sa baon mong pambili ng gasolina, makakapunta ka na ng Tagaytay na naka-bus, sumakay ng dyip papuntang Picnic Grove o People's Park, makakakain sa Jollibee at makakasakay ka ng bus pauwi. Yan ang road-trip.

Sa mga gustong mag-inuman, ba't di na lang sa bahay kayo uminom? Kahit magpakalasing kayo nang magdamagan ay siguradong ligtas naman kayo sa anumang aksidenteng maaaring mangyari mula sa drunk driving. Tulad ng halimbawa nina Joey at Jason, makakabili kayo sa tabing tindahan ng dose-pisong beer at mga tig-pi-pisong Pritos Rings para sa pulutan.

Totoo nga ang kasabihang pera ang nagpapaikot sa mundo, ngunit kailangan din nating pag-isipang nabibili ng pera ang tuwa, pero hindi nangangahulugang nabibili nito ang saya.

Si Hukbalahap, II-AB Communications, ay half-makapili at half-guerilla noong ikalawang digmaang pandaigdig. Kasalukuyan niyang kinukumpleto ang kanyang record bilang the man who ate the most Pritos Rings in one day.