Pagkatapos ng Magna Carta
ni Genalyn Soledad at Francis Quimba

Noong school year 1995-1996, nakipagtulungan ang Sanggunian ng mga Mag-aaral ng Pamantasang Ateneo de Manila sa National Federation for Student Councils upang maipasa ang pambansang Magna Carta para sa mga mag-aaral. At makalipas lamang ang isang taon ay nagpasya na rin ang Sanggunian ng Ateneo na magpasa ng Magna Carta para sa mga mag-aaral ng pamantasan kahit na hindi pa naipapasa ang House Bill 9935 sa kongreso. Maraming mga pambansang kaganapan ang nagtulak sa Ateneo at sa Sanggunian upang magkaroon ng pansariling Magna Carta. Pangunahin na rito ang pag-usbong ng mga debate ukol sa mga probisyon ng HB 9935. Isa sa mga masidhing humihingi ng pagrepaso sa mga probisyon ng nasabing panukala ay ang Coordinating Council of Private Educational Association (COCOPEA). Hindi sumasang-ayon ang COCOPEA sa mga probisyon ng HB 9935 na nagbibigay karapatan sa mga mag-aaral na magkaroon ng veto power sa mga desisyong kinasasangkutan nila; pumili ng mga paksang nais nilang maipasama sa kurikulum; maging bahagi ng lupon na magpapasya ukol sa pagpili ng mga bagong gurong magtuturo sa pamantasan; mag-imbita ng kahit sinong tagapag-salitang kanilang ibigin, sa pamamagitan ng mga organisasyon ng mga mag-aaral, sa mga pag-uusap at pagtitipong gaganapin sa loob ng pamantasan; at iba pang mga probisyong ayon sa kanila ay hindi iginagagalang ang karapatan ng pamantasan. Bunga nito, nagkaroon noong ika-29 ng Setyembre, 1997 ng panawagan mula COCOPEA sa lahat ng mga pribadong pamantasan ng bansa na isuspindi ang klase bilang protesta sa ilang mga probisyon ng HB 9935.

Hindi kaagad tinugon ng Ateneo ang panawagang ito. Sa halip, nagkaroon muna ng konsultasyon sa pagitan ng Pangulo at Acting Dean ng pamantasan at mga mag-aaral ukol sa nasabing panawagan. Napagkaisahan ng magkabilang panig na ituloy ang suspensyon ng klase ngunit sa mismong araw na iyon ay magkakaroon din ng isang pangkalahatang pagpupulong sa pamantasan na kabibilangan ng mga administrador, mga guro at mga kinatawang mag-aaral tungkol sa mga probisyon ng HB 9935. Napagkasunduan ding maglalabas ng isang pormal na pahayag ang pamantasan ukol sa usaping ito. At mula nga rito ay umusbong ang isang pang komite, na binubuo ng mga mag-aaral, mga guro, administrador, at mga magulang, upang gumawa ng tugon ng pamantasan tungkol sa usapin ng Magna Carta. Inilathala sa iba't ibang pahayagan ang nasabing tugon. Ito ay naglalaman ng mga sumusunod: ang pagtataguyod ng Pamantasang Ateneo de Manila sa pagpapasa ng isang pambansang Magna Carta; ang hindi pagsang-ayon ng pamantasan sa ilang mga probisyon, kabilang na ang mga probisyong hindi sinang-ayunan ng COCOPEA; at ang paniniwala ng pamantasan na ang kabutihang maidudulot sa mga mag-aaral ng mga probisyong tinututulan nila ay pawang panandalian lamang.

Sa kabila nito, nanatili pa rin ang Sanggunian sa kanilang pakikipagtulungan sa Comission on Higher Education upang mapag-usapan at magkaroon ng pagkakasunduan sa pagitan ng mga nagproprotesta at mga nagtataguyod ng dokumento. Subalit sa kalaunan ay hindi na rin sumipot ang National Federation of Student Councils, na dapat sana'y nagtataguyod ng karapatan ng mga mag-aaral, sa mga nasabing pag-uusap. Sa kadahilanang ito, napagkasunduan ng pamantasan na sa halip na hintayin ang pagpasa ng isang pambansang Magna Carta ay gagawa na lamang ng sariling Magna Carta para sa mga mag-aaaral ang Pamantasang Ateneo de Manila.

Maraming mga isyu ang pinagtalunan at pinag-ukulan ng masusing pansin bago naipasa sa pangulo ng Pamantasan ang Magna Carta. Kasama sa mga isyung pinagtalunan ay ang kontrobersyal na dress code (Artikulo IV, seksyon 6); and seksyon tungkol sa admisyon (Artikulo II, seksiyon 1a); ang seksyon tungkol sa representasyon sa mga pagtitipon ng Board of Trustees (Artikulo V, seksiyon 1); at pati na rin ang seksyon tungkol sa mga involuntary contributions (Artikulo V, seksyon 3d).

Kinailangan maaprubahan ng School Forum, School Council at ng Board of Trustees ang Magna Carta. Sa bawat paghahain ng Magna Carta sa mga grupong ito, maraming pagbabago at pagpupulong ang naganap. Noong ika-3 ng Agosto, 2001 ay pormal na itinanghal at nilagdaan ang Magna Carta of Undergraduate Student Rights ng Pamantasang Ateneo de Manila. At ang nasabing dokumento ay pormal na inilunsad at ipinamahagi simula noong ika-10 ng Agosto, 2001.

Mahigit apat na taon rin ang kinailangan upang pormal na mapagtibay at mailunsad sa ating paaralaan ang kontrobersyal na Magna Carta of Undergraduate Student Rights. Gayunpaman, sa kabila ng napakahabang panahon na ito, kung saan halos walang tigil ang pag-ikot ng mga usapin ukol sa nasabing kasulatan ay nanatili pa ring walang pakialam ang karamihan sa mga mag-aaral na pumapasok sa ating kolehiyo ukol sa kung ano nga ba talaga ang tunay na nilalaman ng kasulatang ito.

Sa kadahilanang ito, minabuti naming tingnan ang ilang mga pili at kontrobersyal na bahagi ng Magna Carta, nang sa gayon ay mamulatan ang mga mag-aaral sa taglay nilang mga karapatan at pribilehiyo bilang mga mag-aaral ng pamantasan. At kaugnay nito, magbibigay kami ng ilang mga sitwasyon sa nakaraan na maaaaring magsilbing paglabag sa karapatan ng mga mag-aaral sa kasalukuyan at sa hinaharap ngayong pormal nang naaprubahan at nailabas ang nasabing dokumento.

"The provisions of the Magna Carta of Undergraduate Student Rights shall be interpreted in the light of the University's Mission Statement." Ito ang kauna-unahang paglalahad sa Artikulo 1 ng Magna Carta. Kapanin-pansing sa unang pangungusap pa lamang ay ikinakahon na ang lahat ng mga karapatang itinatakda ng dokumentong sa isang pagpapakahulugan na naaayon sa Mission Statement ng ating pamantasan kung kaya't hindi ito kailanman maaaring gamitin bilang isang nagsasariling papel sa pagtataguyod ng karapatan ng mga mag-aaral nang hindi muna sumasangguni sa pangkalahatang layunin ng Pamantasan.

Kaugnay nito, napag-alaman namin sa pamamagitan ng isang panayam kay G. Leland dela Cruz (Puno ng Kagawaran ng Developmental Studies) na hindi talaga ito ang orihinal na paglalahad na itinakda na Magna Carta Committee para sa Artikulo.1. Subalit nang makita ito ng ilang mga administrador ng paaralan ay ipinabago nila ito upang umayon sa mga adhikain ng Pamantasan.

"Students shall exercise their rights responsibly and with due regard for the rights of others" (Sec. 2). Ang mga mag-aaral ay hindi lamang nagkakaroon ng isang pangkalahatang pagpapatibay sa kanilang mga karapatan. Mayroon ding pangkalahatang pagtatakda ng limitasyon sa mga karapatang ito ayon sa responsibilidad na kaakibat ng bawat karapatan. Samakatuwid, ang mga salitang ito ay sadyang inilagay sa Magna Carta upang tandaan nating mga mag-aaral na bagamat ipinahahayag ng Magna Carta ang ating mga karapatan, kasabay nito ay ipinaaalala rin na mayroon pa rin tayong mga tungkulin at pananagutan sa ating sarili lalo't higit sa ating kapwa na hindi maihihiwalay sa mga karapatang ito.

Nais naming talakayin ang ilan sa mga seksyon ng ikalawang artikulo. Isa na rito ang bahaging tumatalakay sa karapatan ng bawat mag-aaral na mabigyan ng isang "written course syllabus" (Sec. 2,d). May kalabuan ang ginawang pagtatakda ng panahon kung kailan dapat ibigay ng mga guro ang nasabing silabus sa kanilang mga mag-aaral. Sa bahaging ito, ang tanging binabanggit lamang ay kinakailangang ibigay ang nasabing silabus sa mga mag-aaral "sa simula pa lamang ng semestre" subalit hindi nililinaw kung kailan ang tiyak na araw ng pagbibigay nito; sa unang araw ba ng pagkikita o di kaya basta't hindi lalagpas sa unang linggo ng hatintaon? Ito ay nabanggit namin sapagkat sa nakaraan, may ilang mga gurong bagamat nagbibigay nga ng course syllabus (sapagkat mayroon din namang ilan na hindi talaga nagbibigay) ay masyado namang huli na kaysa kinakailangan. May isang guro ng Natural science na nagbigay ng kanyang silabus sa kalagitnaan na ng semestre, kung saan napakarami nang nagawa at natalakay tungkol sa kurso. Nagmistulang mga 'nawawalang tupa' ang kanyang mga mag-aaral sa unang bahagi ng semestre dahilan sa kawalan ng isang konkretong gabay para sa partikular na kursong iyon.

Sa kabilang banda, mahalaga rin naman ang pagiging mapagmasid ng mga mag-aaral pagdating sa bagay na ito. Kung napapansing matagal nang hindi pa naibibigay ang kanilang course syllabus at dahilan dito ay naliligaw na sila sa kanilang mga gawain sa kurso, magsimula na silang magtanong sa kanilang mga guro. Walang masama sa pagtatanong basta't ito'y gagawin natin sa tamang paraan. Kinakailangang tiyakin rin nila na ang silabus na ito ay kompleto sa nilalaman. Ibig sabihin, mayroong isang konkretong paglalarawan ukol sa kurso, kabilang na ang pangkalahatang balangkas nito, ang mga alituntunin at lahat ng kakailanganin para sa pagsasagawa ng kurso, ang sistema ng pagmamarka na gagamitin ng guro at higit sa lahat, ang libreng panahon ng mga guro kung saan maaaring kumunsulta ang mga mag-aaaral ukol sa kurso. Sapagkat ang anumang kakulangan nito ay maaaring maka-apekto sa pag-aaral sa kursong iyon.

Isa pa sa mga kontrobersyal na usaping kabilang sa ikalawang artikulo ay ang bahaging nagsasaad na ang bawat pagliban ng isang mag-aaral ay hindi maaaring gamitin laban sa kanya at gawing basehan upang ibaba ang kanyang mga marka, maliban na lamang kung siya ay lumagpas na sa nakatakdang bilang ng pagliban na maaari niyang gamitin (sec. 2,e,iii). Napakaraming guro ang nagagalit at tinatabangan ang kanilang pakikitungo sa mga mag-aaral sa tuwing ang mga ito ay liliban o di kaya'y mahuhuli sa kanilang klase. Hindi man lamang nila inaalam ang dahilan ng mag-aaral sa kanyang pagkakahuli o pagkakaliban. Agad-agad na lamang nila itong hinuhusgahan bilang isang delingkwenteng mag-aaral na hindi karapat-dapat mabigyan ng mataas na marka kahit na sa katotohanan ay maayos naman ang naging pangkalahatang pagganap nito sa klase. Totoo, ang mga ganitong uri ng mag-aaral ay hindi talaga mawawala sa paligid subalit hindi naman lahat ng mga lumiliban at nahuhuli sa klase ay kabilang sa uring ito. Kung kaya't mahalaga rin na kung saka-sakaling kapuna-puna at sunod-sunod na ang mga paglibang ginagawa ng mag-aaral ay tanungin na siya ng guro ukol sa tunay na dahilan ng kanyang madalas na pagliban upang magkaroon ng tunay na pagkakaunawaan sa pagitan ng dalawa.

Sa panig naman ng estudyante, tungkulin nilang ipaalam sa ating mga guro ang anumang hindi maiiwasang pangyayaring maaring maging sanhi ng ating matagal na pagliban. Sapagkat nakasaad din sa Magna Carta na karapatan nila bilang mga mag-aaral na mabigyan ng pagkakataong gumawa ng mga make-up work kung nagkataong hindi tayo nakapagpasa ng anumang major requirement sa kurso dahilan sa isang mabigat na pangyayari, gaya halimbawa ng malubhang pagkakasakit o pagkamatay ng isang malapit na kamag-anak, basta't makapagpapakita tayo ng legal na dokumento na makapagpapatunay sa nasabing pangyayari (section 2,g,iii). Gayundin naman, isang mahalagang responsibilidad rin ng bawat mag-aaral na alamin kung gaano na karami ang nagawa niyang pagliban sa bawat klaseng kanyang kinukuha. Ito ay upang maiwasan niyang lumampas sa allowable number of cuts para sa mga mag-aaral, nang hindi niya namamalayan. Sa ganitong paraan, maiiwasan rin ang pagkakamit ng markang W o withdrawn.

Kaugnay ng isyung ito sa pagbibigay ng marka ay ang karapatan ng mga mag-aaral na makita at malaman ang kanilang mga marka sa lahat ng mga proyekto at pagsusulit, maikli man o mahaba, na kanilang isinagawa bago man lamang ganapin ang huling pagsusulit sa kurso (sec. 2,f,i). Ang mga gurong hindi nagbabalik ng mga pagsusulit o proyekto ay tahasang lumalabag sa nakasaad sa ating Magna Carta. Kasabay nito, karapatan rin ng mga mag-aaral na humingi ng paliwanag ukol sa batayan ng mga marka mula sa ating mga guro (section 2,f,ii) lalo na kung sa palagay natin ay hindi nagtutugma ang markang ating nakuha sa markang ating inaasahan. Huwag tayong mag-atubiling lumapit sa ating mga guro upang linawin kung papaano natin nakuha ang markang iyon sapagkat kung hindi natin ito gagawin ay tayo rin naman ang matatalo.

Noong nakaraang semestre ay mayroon kaming kakilalang nakaranas ng ganitong suliranin ukol sa kanyang marka sa asignaturang Ingles. Sa halos lahat ng mga papel at proyektong ipinagagawa sa kanila ng gurong ito ay nakakakuha siya ng marka na kung hindi B+ ay B o kung minsan pa nga ay A. Subalit ang sa pinal na marka ay C lamang ang kanyang nakuha. Kahit na labis na nagtataka, wala naman siyang ginawa upang malutas ang problema niya sapagkat bukod sa ayaw niyang makilala at mabansagan bilang grade-conscious, natatakot rin siya na baka lalo pang ibaba ng gurong ito ang kanyang marka kung mag-uuisa pa siya tungkol dito. Pinabayaan na lamang niya ang pangyayaring ito kahit na alam niya sa kanyang sarili na "she deserves a higher grade". Sapagkat pinili niyang manahimik, hindi na niya malalaman kung ano ang dahilan ng kanyang pagkakaroon ng di inaasahang marka. Sa hinaharap, hinahamon namin kayo na gamitin ninyo ang inyong mga karapatan ayon sa nasasaad sa ating Magna Carta.

Masyado na kaming nasanay sa mga asterisk na natatanggap namin sa tuwing ipinamimigay ang mga pinal na marka sa mag-aaral subalit kung paglilimian talaga nating mabuti, kadalasan, bunga ito ng pagkukulang ng mga guro na ipasa ang marka ng kanilang mga mag-aaral sa tamang oras. Isa itong paglabag sa karapatan ng mag-aaral na makita ang kanilang mga marka "sa mismong araw na itinakda ng ating registrar" (section 2,i). Isang mag-aaral si Suzette (hindi totoong pangalan) na nagreklamo sa amin noong mismong araw nang bigayan ng mga summer marks para sa taong ito. Tatlo ang asterisk sa klas kard niya; wala ni isang marka mula sa tatlong asignaturang kanyang kinuha noong summer. Nakadama ako ng awa para kay Suzette. Nagpakahirap siya nang husto upang tuparin ang lahat ng mga kinakailangan niya sa tatlong kursong iyon, sa tamang oras, para lamang makatanggap ng mga asterisks pagkatapos. Isa rin itong pahirap sa mga iskolar sapagkat kailangan na ng OAA ang kanilang grado kung ito'y magpaparehistro na sa naturang araw. Mapipilitan na lamang ang mga iskolar na bumalik sa ibang araw at mapabilang sa late registration kung hindi nila makukuha nang maaga ang mga grado. Sana ang ganitong pangyayari ay hindi na muling maulit sapagkat malinaw nang nakasaad sa dokumento ng mga karapatan na sa mismong araw na itinakda ng registrar ay malalaman na ng mga mag-aaral ang pinakakaabangan nilang mga marka sa lahat ng kanilang mga asignatura; walang mga markang "to follow through mail".

Isang suliranin na karaniwang inirereklamo ng mga mag-aaral ang kakulangan ng pamantasan sa sapat na pasilidad at kagamitang pang-akademiko. Ayon sa Artikulo 2, seksyon 7 ng Magna Carta, tungkulin ng mga tagapamahala ng pamantasan ang maglaan ng sapat na mga pasilidad para sa mga mag-aaral, gaya ng mga silid, silid-aklatan, laboratoryo at marami pang ibang mga kagamitan na kakailanganin sa kanilang pag-aaral. Gayunpaman, sa kabila ng probisyong ito ay nananatili pa rin ang mga kakulangang ito sa ating pamantasan. Halimbawa na lamang, mayroong isang klase sa History noong nakaraang taon na parating kinukulangan ng mga upuan. At dahil dito, kinakailangan pa nilang manghiram ng upuan sa kabilang klase upang maka-upo lamang ang mga mag-aaral. Subalit ang kasong iyan ay mababaw pa. Karaniwan na ang mga klase partikular na sa Management at Philosophy, na ginaganap sa Highschool at hindi sa College buildings bunga ng kakulangan ng ating Pamantasan sa mga silid. Dahil dito, madalas na naaabala ang ilang mga mag-aaral dahil kinakailangan pa nilang lakarin ang napakalayong gusali ng Highschool. Hindi maiiwasang isipin ng mag-aaral kung bakit sa laki ng matrikula sa ating pamantasan ay hindi makapaglaan ang ating Pamantasan ng mga karagdagang silid na magtatakip o maglulutas sa mga kakulangang ito.

Kaugnay ng usaping ito ang ikatlong artikulo ng Magna Carta. Ito ang bahaging tumatalakay sa karapatan ng mga mag-aaral. Dito matatagpuan ang seksyong nagbibigay-kalayaan sa mga mag-aaral na malaman ang lahat ukol sa kanilang matrikula gaya ng breakdown pati na rin ang deadline ng pagbabayad nito. Bukod pa rito, dito rin isinasaad ang karapatan nating mga mag-aaral na malaman kung mayroon mang mga special fees na kinakailangan bayaran at kung para saan gagamitin ang mga ito (Sec. 3,a). Gayundin, binabanggit sa Magna Carta na hindi maaaring magtakda ang pamantasan ng anumang involuntary contributions sa mga estudyante (Art. 5, Sec. 3,d). Kung kaya't may karapatan tayong humingi ng paliwanag at kwestyunin ang anumang involuntary contribution na hihingin sa atin ng Pamantasan sapagkat ito ay labag sa karapatan natin bilang mga mag-aaral.

Mayroong probisyon sa panukalang pambansang Magna Carta na ang mga mag-aaral na nasa ikatlong nibel ng pag-aaral ay magkaroon ng aktibong partisipasyon sa pamamalakad ng pamantasan. Napapasailalim nito ang karapatan ng mga mag-aaral na magkaroon ng representatibo na makikibahagi sa mga pagpupulong ng board of trustees.

Ayon sa Artikulo V, binibigyan ng karapatan ang mga mag-aaral sa pamamagitan ng kanilang mga inihalal na mga lider na magkaroon ng pagkakataong manood aktibong partisipasyon. Kung gayon, passive ang partisipasyon ng kumakataawan sa mga mag-aaral sa mga pagpupulong. Kung ang mga guro sa silid-aralan ay walang sawang nanghihikayat sa mga mag-aaral na magtanaong, magsalita at makibahagi sa mga pagkakataong kinakailangan ng kanilang mga opinyon, hindi ba dapat gayun din ang administrasyon lalo't higit na kailangan ang mga opinyon ng mga mag-aaral sa pagpapatakbo ng pamantasan?

Nais ng mga mag-aaral makuha ang kagalingan at kabutihan ng pamantasan sapagkat sila rin ang kauna-unahang nakikinabang dito. Hindi naman tatanggihan ng mga mag-aaral ang lahat ng mga maisip ng Board of Trustees, ang hinihingi lamang namin ay ang magkaroon ng aktibong partisipasyon sa mga pagtitipon ng lupon ang aming representatibo at ang maniwala kayo sa amin na pareho tayo ng layunin.

Kaugnay ng nabanggit na probisyon ay ang seksyon 4 na nagsasaad na maaring magsimula ang mga mag-aaral ng kaukulang pagbabago sa mga batas sa pamamagitan ng paghaharap ng kanilang petisyon sa kaukulang kinatawan; at seksyon 5 na nagsasaad na kailangan ikonsulta muna sa mga mag-aaral ang kahit anong batas bago ito ipatupad. Katulad ito ng veto power para sa mag-aaral na isa sa mga probisyong nakapaloob sa iminumungkahing pambansang Magna Carta. Sapagkat ang probisyong ito ay isa sa mga hindi sinasang-ayunan ng pamantasan sa nasabing Magna Carta, sa ating pampamantasang bersyon, ginawang masmahinahon ang karapatang ibinibigay sa mag-aaral.

at magmasid sa mga pagpupulong ng Board of trustees (Sec. 1). Kung susuriin ang pormal na depinisyon ng pagmamasid at panonood, hindi napapasailalim dito ang pagkakaroon ng aktibong partisipasyon. Kung gayon, passive ang partisipasyon ng kumakataawan sa mga mag-aaral sa mga pagpupulong. Kung ang mga guro sa silid-aralan ay walang sawang nanghihikayat sa mga mag-aaral na magtanaong, magsalita at makibahagi sa mga pagkakataong kinakailangan ng kanilang mga opinyon, hindi ba dapat gayun din ang administrasyon lalo't higit na kailangan ang mga opinyon ng mga mag-aaral sa pagpapatakbo ng pamantasan?

Nais ng mga mag-aaral makuha ang kagalingan at kabutihan ng pamantasan sapagkat sila rin ang kauna-unahang nakikinabang dito. Hindi naman tatanggihan ng mga mag-aaral ang lahat ng mga maisip ng Board of Trustees, ang hinihingi lamang namin ay ang magkaroon ng aktibong partisipasyon sa mga pagtitipon ng lupon ang aming representatibo at ang maniwala kayo sa amin na pareho tayo ng layunin.

Kaugnay ng nabanggit na probisyon ay ang seksyon 4 na nagsasaad na maaring magsimula ang mga mag-aaral ng kaukulang pagbabago sa mga batas sa pamamagitan ng paghaharap ng kanilang petisyon sa kaukulang kinatawan; at seksyon 5 na nagsasaad na kailangan ikonsulta muna sa mga mag-aaral ang kahit anong batas bago ito ipatupad. Katulad ito ng veto power para sa mag-aaral na isa sa mga probisyong nakapaloob sa iminumungkahing pambansang Magna Carta. Sapagkat ang probisyong ito ay isa sa mga hindi sinasang-ayunan ng pamantasan sa nasabing Magna Carta, sa ating pampamantasang bersyon, ginawang masmahinahon ang karapatang ibinibigay sa mag-aaral.

Sa pamamagitan ng pagkakaroon ng pagkakataong magpahayag ng mga hinanaing at magsimula ng mga kaukulang pagbabago at sa pagkakaroon ng konsultasyon sa lahat ng mag-aaral, maaring magkaroon muli ng pag-uusap upang maisaalang-alang ang mga opinyon ng mga hindi sumasang-ayon. Sa ganitong paraan, nagkikita sa gitna ang dalawang panig, ang mag-aaral at ang administrasyon at kasabay nito, nadadaan sa maayos at demokratikong paraan ang mga di-pagkakaunawaan.

Ang lahat ng nabanggit sa itaas ay ilan lamang sa mga kontrobersyal na probisyon sa dokumentong nagpapatibay sa karapatan ng mga mag-aaral. Nais naming linawin sa inyo na hindi ito ang kabuuan ng nasabing kasulatan kundi mga piling bahagi lamang. Kung nais talaga ninyong malaman at mamulatan sa lahat ng inyong karapatan bilang mag-aaral ng Pamantasang Ateneo de Manila ipinapayo naming basahin ninyo ang dokumento. Ang artikulong ito ay ginawa upang magsilbing tulong lamang sa pangkalahatang pagmumulat ng mga mag-aaral ukol sa mga isyung kanyang kinasasangkutan at ng kanyang mga karapatan.

Sa kabila ng aming paglalahad ng mga maaring maging paglabag sa karapatan ng mga mag-aaral ayon sa Magna Carta, nangangamba kami na hindi pa rin tayo lubusang makatitiyak kung mapangangalagaan nga ba ng dokumentong ito ang ating mga karapatan bilang mga mag-aaral. Ito ay sapagkat wala namang probisyon o hiwalay na dokumento na nagtatakda ng mga kaparusahan kung mayroong paglabag na maganap sa mga nasabing karapatan. Sa madaling salita, pagdating sa paglabag sa lahat ng mga karapatang itinatakda rito, "the Magna Carta is Silent."

"Ipagdiwang ang [inyong] mga karapatan sa pagtupad ng [inyong] mga tungkulin bilang mag-aaral at ipakita sa ibang mga pamantasan na maari ngang maipatupad ang mga layunin ng Magna Carta," ayon kay Dr. Rainier Ibana ng Kagawaran ng Pilosopiya. Isinulat ang Magna Carta hindi lamang para sa mga mag-aaral ng Pamantasang Ateneo de Manila. Isinulat din ito bilang tugon sa panawagan ng ating lipunang igalang at bigyang tinig ang lahat ng sektor. Mapalad tayong mga mag-aaral ng Ateneo de Manila dahil sa pagtataguyod ng pamantasan sa ating kalayaan at mga karapatan. Oo, masasabing mayroong limitasyon at kakulangan ang mga karapatang ihinahain sa atin ngunit ang mga ito ay nagsisilbing hamon na lamang sa mga mag-aaral. Hinahamon ng mga kakulangang ito ang bawat isa na magmasid at makialam. Hinahamon din ng mga ito ang bawat isa na 'di lamang ang kanilang mga karapatan ang isapuso bagkus pati ang kanilang mga tungkuling napapaloob sa bawat isang karapatang ito. Napapabilang dito ang tungkuling igalang at pangalagaan ang sariling karapatan pati ang karapatan ng iba.