Op Mouse, Bikes en Rosebud
ni Tinalupang Lupa

May bagong uso sa ating mahal na Kongreso! Dahil sa frustration na sumali sa Tour of Luzon, minsang ninais ni Compostela Valley Congressional Representative Manuel Zamora na magbisikleta papuntang Batasan. Akalain naman ninyong nahuli niya ang atensyon ni Speaker of the House (aka Master Yoda). Na-inspire ang dakilang speaker at nagnais ring maging Biker Mouse from Mars, este... Biking Congressman. Hinimok pa niya ang kanyang kapwa mambabatas na magbisikleta na lamang sa tuwing pupuntang Batasan. Siyempre, nagpakitang gilas pa si Master Yoda sa telebisyon nang sinubukan niyang magbisikleta sa parking lot ng Batasan. Hindi pa nga magkanda-ugaga ang kanyang mga bodyguards dahil sa takot na mahulog na lang siya bigla. Kahit nagpagewang-gewang, hindi naman napa'no si (Loud)Speaker of the House (sayang). "Anti-pollution at pro-environment!" pahayag ni Master Yoda. Isusulong daw niya ang pagbibisikleta ng mga Kongresista sapagkat maliban pa sa magsisilbing ehersisyo ito para sa mga mambabatas (makababawas ito ng taba), makatutulong pa ito sa kalikasan. Oo nga naman, makakatipid ito sa gasolina. Hmmm kaya abangan na lang ninyo ang mga nagbibisikletang naka-amerikana sa may Katipunan. Ingat nga lang kayo't baka masagasaan kayo ng mga Expedition sa likod nila, 'dun nakasakay 'yung mga bodyguards ng mga damuho. Teka, ilang litro ba ng gasolina ang nagagasta ng Expedition per kilometro?

***

Ano naman ang problema kung gusto ni Rosebud na gumanap si Ate Vi o si Osang sa pelikulang ihahango sa kanyang buhay? Ano naman ang problema kung si Ate Vi? Natatandaan niyo pa ba si Baby Tsina - parang Mary Ong naman ang itsura 'di ba? Well, at least kahit hawig lang. Ano naman ang problema kung si Osang? Magpakuha ba naman siya ng video habang kasama si John Campos sa kama, hindi ba't TF na TF ang dating? (Well, umayaw na nga lang si Osang sa paggawa ng TF films eh. Si KK kaya?) Walang problema kung mangarap si Mary Ong. Walang problema kung sa ngayon pa lang, may napipinto na siyang gumanap sa pelikulang hango sa buhay niya. Walang problema basta 'wag lang si Rudy Fernandez ang gaganap sa papel na Ping Lacson (At mas lalo namang 'wag si Jinggoy kay Campos)!

***

This just in: Mukhang payag si Senador Ralph Recto sa panukalang siya ang gaganap bilang Supt. John Campos sa pelikulang halaw sa buhay ni Rosebud kung sakaling si Ate Vi ang magiging bida. 'Yun nga lang, mas gusto ni Mary Ong ang Original Mr. Machete - si Cesar Montano. Malaswa ang dating, ano? Ngunit mas X-rated naman ang mga Senate hearings. Baka kapag napanood ng bata, bigla na lang makapatay ng pulis.

***

Balik sa Batasan. Napaulat kamakailan lang na dahil sa pagbabawas (talaga?) ng mga pondong nakalaan para sa Kongreso, kape at biskwit na lang ang ihahaing meryenda ng mga kataas-taasang, kapita-pitagang mambabatas ng bayan. Idinagdag ng narinig kong kongresista na hindi sila pumupuntang Batasan para lang magpiyesta. Pero pwede na rin. Marami namang patabaing baboy sa Kamara, eh. Litsunin niyo na lang. O kaya'y ibenta ng por kilo. Ayan, may pondo na sila para pambili ng mas maraming Fita.