Tanghod sa Sahod:
P125 across-the-board nationwide wage increase
ni Mark John Abeleda at Rhudilyn April Raymundo

Nananatiling isa sa mga marhinalisadong grupo ang sektor ng paggawa sa bayang ito. Hanggang ngayon, namamayagpag pa rin ang mga progresibong pangkat upang maipaabot sa kinauukulan ang matagal nang hinaing ng manggagawa. Isa sa kanilang patuloy na ipinaglalaban ay ang P125 across-the-board nationwide wage increase.

Sa kasalukuyan, umakyat na sa mas mataas na nibel ang pakikibaka para sa karagdagang P125 sa sahod. Ngayong nanalo ang grupong Bayan Muna sa Party List, sa pangunguna ni Crispin "Ka Bel" Beltran ng Kilusang Mayo Uno, maipapaabot na ang hinaing ng manggagawa sa mababang kapulungan. Ngayon, higit na magkakaroon ng tinig ang manggagawa sapagkat ito ang pangunahing minumungkahi ng partidong Bayan Muna sa Kamara mula pa noong sila'y nanumpa bilang mga mambabatas.

Ngunit sa kabila ng pag-angat ng pakikibakang ito mula sa parlyamento ng lansangan, marami pa rin ang salungat sa mungkahing P125 wage increase. Kabilang sa mga salungat dito ang ilang ekonomista, mambabatas at may-ari ng mga malalaking kumpanya. Imposibleng mangyari raw ang iminumungkahi ng mga progresibong pangkat sapagkat isang malaking dagok daw ito sa ekonomiya ng bansa. Isa sa mga idinadahilan ng grupo ay ang siguradong pagtaas ng bilang ng mga mangagawang mawawalan ng trabaho. Mas malaki raw ang trade-off kung itataas ang sweldo ng mga manggagawa.

Ngunit, tunay nga ba talagang malaking dagok ito sa ekonomiya ng Pilipinas? Sapat na nga ba talaga ang kasalukuyang P250 na minimum wage para mamuhay nang matiwasay? Sa katagalan na ng paghihinaing ng mga mangagawa, may nagawa na nga ba talaga ang pamahalaan upang iangat ang kanilang antas ng pamumuhay?

Maraming katanungan. Ngunit habang patuloy tayong nagtatanong sa kung ano ang mabuting idudulot ng P125 wage increase, patuloy pa rin lugmok sa pait ng karukhaan ang ating mga manggagawa.

Bakit nga ba kailangan ng P125 across-the-board nationwide wage increase?

1. Sa nakalipas na sampung taon, mas malaki ang itinaas ng DCOL (Daily cost of living) laban sa Minimum Wage.

Ang Minimum wage noong 1991 ay P118 kumpara sa P250 ngayon ngunit tumaas din ang DCOL mula P230.15 hanggang P510.84 (IBON, Hulyo 2001). Kung tutuusin, ang DCOL ay mas mataas nang halos 100% kumpara sa minimum wage sa loob ng sampung taon.

Sa ngayon, may P260 na agwat ang DCOL at minimum wage kumpara sa P112 na agwat noong 1991.

Ang minimum wage ay tumaas lamang ng P132 habang ang DCOL ay tumaas nang P281 sa loob ng sampung taon.

2. Nananatiling mababa ang minimum wage habang patuloy na tumataas ang kalidad ng trabaho ng mga manggagawa.

Ayon sa isang pag-aaral ng IBON, sa loob ng walong taon ay tumaas nang 90% ang productivity ng mga manggagawa. (Ang productivity ay binabase sa bilang ng produktong mabubuo sa loob ng nakatakdang oras). Ayon din sa IBON, ang isang karaniwang manggagawa ay tumatanggap lamang ng P218 habang nakakagawa ng produktong nagkakahalagang P1,214 sa loob ng isang araw.

Kung tutuusin, mahigit 80% ang kinikita ng mga kumpanya sa trabahong ginugugol ng mga manggagawa.

Sa nakalipas na limang taon, ang ratio ng labor cost at total production cost ay bumaba mula 11.1% hanggang 10.6%. Ngunit sa loob ng nasabing panahon ay minimal lamang ang itinaas sa sahod ng mga empleyado.

Hindi naman kataka-taka ang napakalaking tubo ng mga kumpanya mula sa mga manggagawa nito. Halimbawa na lamang nito ang sistemang ginagamit ng ibang kumpanya na pagtanggap ng mga kontraktwal na empleyado. Sa mga foodchain at department store, ang mga trabahador ay nakakapagtrabaho ng anim na buwan lamang. O kaya nama'y gagawin munang kontraktwal ang isang empleyado at sa panahong dapat na itong maging regular ay magkakaroon ng "lay-off". Isa itong taktika ng mga kapitalista upang iwasan ang pagbibigay ng nararapat na benepisyo sa mga trabahador at manggagawa. Nakakatipid nga naman sila.

Isa pang sistemang ginagamit ng mga kumpanya ang Shift System. Sa ilang kumpanya sa Cavite at Laguna, nagtatrabaho ang mga manggawa sa shifts na umaabot sa 12 oras. May dalawang shift sa isang araw. Praktikal nga naman, napipiga ang 24 oras sa isang araw at tuloy-tuloy ang produksiyon. Ang masaklap dito ay walang pagkakataong magkaroon ng overtime pay ang mga trabahador bagaman labis na sa walong oras ang kanilang pagtatrabaho.

3. Kakayanin ng mga kumpanya ang P125 na dagdag sa sahod nang hindi nakakapagdulot ng pagtataas ng presyo.

Tulad nga ng nabanggit, ang kabuuang gastos ng mga kumpanya sa pasahod ay wala pa sa 10% ng kanilang kabuuang kita. Kung gayon, walang gaanong mawawala kung magkakaroon ng P125 na dagdag sa sweldo ng mga manggagawa. Ayon sa IBON, ang pagdadagdag sa sweldo ay maaari lamang makapagdulot ng inflation kung piliing ipasa ng mga kumpanya ang pagbabago sa sweldo sa mga mamimili kaysa bawasan ang kanilang kita.

4. Kompromiso na ang P125.

Ayon sa huling pagtataya ng IBON (Hulyo 2001), ang DCOL sa buong bansa ay P420.22, ang sa NCR ay P510.84, habang sa mga lugar sa labas ng NCR ay P390 para sa mga agricultural areas at P405 sa non-agricultural areas. Ang minimum wage sa NCR ay P250 habang mas mababa pa ang sa ibang lugar.

Hindi pare-pareho ang pasweldo sa NCR at sa ibang lugar at siguradong hindi pa rin nasusunod ang mga nakatakdang pasweldo. Sabihin na nating mapapatupad ang P125 (ACROSS THE BOARD) na dagdag sa sweldo. Hindi pa rin ito aabot sa DCOL sa NCR at maging sa mga lugar sa labas ng NCR. Para sa karaniwang manggagawa, madali namang makita na malaki pa rin ang agwat ng P510 sa P375.

5. Pamahal nang pamahal ang bilihin habang pababa nang pababa naman ang halaga ng piso.

Dala na rin ng digmaan sa Mindanao, patuloy na pagtaas ng presyo ng langis, at pati na rin sa mga suliranin sa ekonomiyang sumasalanta sa mga bansa sa Asya ngayon, tumataas ang presyo ng dolyar. Sa ngayon, nasa P51++ ang halaga ng dolyar laban sa piso.

Ayon muli sa stats na inilabas ng IBON noong Mayo 2001, ang puchasing power ng piso ay 0.63 na lamang mula Enero hanggang Mayo ngayong taon. Sa NCR, ang piso ay may real value na lamang na 0.62 noong Abril at Mayo.

6. Kahit anong mangyari, babawi pa rin ang mga kumpanya sa pagtataas ng sweldo ng mga manggagawa.

Simple lang naman, mas mataas na sweldo, mas malakas na purchasing power. Mas malakas na purchasing power, mas matutugunan ng mga manggagawa ang kanilang mga pangangailangan. Kung ganoon, mas masaya sila, at magiging mas produktibo. 'Ika nga, "A happy worker is a good worker."

Isa pa, saan pa ba naman gugugulin ng mga manggagawa ang madadagdag sa sweldo nila? 'Di ba't sa mga kumpanya pa rin ito mapupunta, sila pa rin ang kikita.

Iyon na lamang ay kung hindi ipapasa ng mga kumpanya ang wage adjustments sa mga mamimili. Kung magkaganoon, lahat tayo ang magigipit. Hindi na nga nabawasan ang kita nila, mas lumaki pa ito dahil sa pagtaas ng presyo ng bilihin.