Sining ng Pagtataas ng Wiper
ni Mestizong Kape

Mayroong hindi kukulang sa tatlong sasakyan na nakataas ang wiper. Tag-ulan man o hindi, pihadong may nakataas ang wiper. Kung minsan, may nakapatong pang ilang piraso ng graba sa hood ng sasakyan. Kung minsan, alikabok naman. Magara man ang sasakyan o lumang modelo, bagong bili man o kalampagin na, maaari pa ring madatnan ang mga itong nakaangat ang wiper. Basta't nakaparada sa isa sa mga di-sementadong paradahan sa kampus - sa SocSci, sa SEC, sa "Japanese" at siyempre sa "Chinese" - hindi sasantuhin ang sasakyang iyon.

At bakit nga ba may mga nakataas na wiper? Imposi-bleng nagpapa-tuyo lamang ng wiper ang may-ari, dahil may mga itinataas pa ring wiper, umulan man o umaraw. At pihadong hindi ang may-ari ang nag-angat. Ano siya, pakiramdam niya kulang sa pansin ang kotse niya?

Napag-tripan. Iyan ang madalas na ispekulasyon kapag nakataas ang wiper ng isang sasakyan. Wala lang, niloloko lang siya ng mga kabarkada niya. Birong kaibigan lang. Minsan, kagalit naman ang gumawa. Hinanting ang sasakyan, at ang sasakyan ang ginantihan, kung ano man ang kasalanan ng may-ari sa gumawa. Ito ang madalas na paliwanag sa mga hood na pinatungan ng graba. Mas maraming graba, mas malaki ang atraso. Mas maraming graba, mas madaling magasgasan ang kotse, mas malaki ang pagkakataong makaganti.

Ngunit hindi lang basta-basta tripping ang pagtataas ng wiper. Maaari siyang tingnan bilang isang paraan ng pagprotesta.

Una sa lahat, marami talagang mga sasakyang hindi nakaparada nang maayos, at ang mga ito ang madalas pinupunterya ng mga nagtataas ng wiper. May mga tabingi ang sasakyan. May mga masyadong malayo sa katabing kotse, na tila mauubusan ng paradahan. Mayroon ding sobrang kitid ang mga pagitan ng mga kotse. May mga sasakyang nandidiri sa putik, kaya alanganin ang parada. May mga gumagawa ng sariling paradahan sa gitna dahil sa kawalan ng mga gabay ng paparadahan. Mayroong nakaparadang nahaharangan na ang lakaran (sa may SEC at sa may SocSci). Mayroong halos nakaharang na sa mga daanan.

Maraming maaaring dahilan kung bakit hindi maayos ang pagkakaparada ng maraming sasakyan. Maaaring nagmamadali ang may-ari dahil huli na siya sa klase. Maaaring mahina siya sa pagtantsa, o baka naman hindi sanay pumarada. Maaaring walang basehan ng papa-radahan, gaya ng katabing kotse o mga gabay na guhit. Marami ring walang pakialam.

Sa mga alanganin kung pumarada, pakiusap lang. Isipin naman natin ang mga nauubusan ng paradahan. May kung ilang libong sasakyan ang pumapasok at pumaparada sa Ateneo araw-araw. Kaya wala namang garapalan ng paradahan, kung ayos lang sa inyo. Oo't mahirap talagang pumarada sa mga paradahan natin, dahil sinadya ang mga ito para sa mga 4x4 na SUV. Bukod doon, wala talagang pera ang Ateneo para ipaayos ang mga paradahan natin at lagyan ng mga gabay na guhit. Wala talagang pera. Wala talaga. Talaga. Kaya hindi naman siguro mababawasan ang taba o lalabo ang mga mata natin kapag inayos natin ang pagparada natin. Mag-ingat na lang, dahil malaki ang pagkakataong makasagi ng ibang sasakyan dahil sa sikip ng mga paradahan natin.

Muli, kaunting konsiderasyon sa mga kapwa motoristang Atenista. Kaunting pagtitiis lang para makaparada ang iba, kung hindi man ang lahat. Ngunit imposible talagang makaparada ang lahat, dahil gusto ng lahat halos ng mga mag-aaral ng Ateneo na magkaroon ng tig-isang sasakyan. Imposible rin talagang mapaayos ang mga paradahan natin, dahil WALA TALAGANG PERA ANG PAMANTASAN. Wala talaga. Talaga.

At imposibleng mahinto ang mga nagtataas ng wiper. Kaya kaunting pasensya para sa mga "napagtripan." Baka sobrang masagwa lang talaga ang pagparada ninyo. - ang mestizong kape