Palabas sa Pangako:
Isang Sulyap sa SONA ni Gloria
ni Agustin Martin G. Rodriguez

Ang State of the Nation Address (SONA) ay pahayag ng isang Pangulo ukol sa kalagayan ng bayan. Sa pahayag na ito, ipinapaliwanag ng Pangulo ang mga suliranin ng bayan, ang mga posibilidad ng pag-unlad at ang landas na dapat tahakin upang marating ng bayan ang nais ng Presidente sa loob ng isang taon -- isang taong pumapaloob sa anim na taong niyang pamumuno. Para sa Presidente, ito ang kanyang pagkakataon para ipahayag sa bayan ang mga patakarang magbibigay hugis sa kanyang pamamahala. Kung ano ang sinasabi ng Pangulo sa mga SONA ay nagbibigay direksyon sa mga polisiya ng gobyerno at sa mga batas na ipapasa ng Kongreso. Kaya naman tuwing dumarating ito sa bawat taon, nagbabrasuhan ang mga pulitiko, mga miyembro ng mga kilusang karaniwang mamamayan at mga kapangyarihang pangekonomiya para masama ang kanilang mga pakay sa SONA.

Sa nakaraang SONA, may mahalagang pakay ang Presidente maliban o higit pa sa pagbibigay ng direksyon sa kanyang pamamahala. Ang unang SONA ng bagong pangulo ay pagsuyo sa mga milyon-milyong mahihirap na tagapagsuporta ng pangulong kanyang pinalitan. Malinaw kay Presidente Arroyo na ang kanyang SONA ay talumpati sa harap ng mga taga-suporta ni Erap Estrada-silang nagdadala ng panganib sa kasalukuyang administrasyon. Sa wari ni Pangulong Arroyo, ang pangunahin niyang tagapakinig ay ang mga milyun-milyong mahihirap na nagdusa ng ilang dekada sa pang-aapi ng mga may hawak ng kapangyarihan. Sa pakiwari ng presidente, kinailangan silang kausapin dahil naging mapanganib na ang kanilang hinanakit na naipahayag noong nakaraang Mayo uno. Sa unang pagkakataon, malapit nang mapasok ng pangkat ng mga maralitang panglungsod ang Malacaņang. Sa ganitong pagkakataon, nagulat ang bagong administrasyon dahil naranasan nila ang matinding galit ng mga matagal nang binabastos ng lipunang ito.

Kabalintunaan nga na ang naging sanhi ng galit na ito ay ang akala nilang pang-aapi ng bagong administrasyon sa isang pangulong nakilala nila bilang isa sa kanila. Kabalintunaan ito dahil si Ginoong Estrada mismo, sa pamamagitan ng kanyang mga polisiya at patakaran ng pamamahala, ay naging sanhi ng higit na kahirapan ng mararalitang Pilipino. Nakinabang sa kanyang pamamahala ang iilang taong may interes na kontra sa kapakanan ng mga maralita. Sa kanyang pamamahala, hindi bumuti ang buhay ng mga manggagawa, hindi umusad ang repormang pang-agraryo at muling lumiyab ang mga digmaan sa Mindanao. Sa kanyang pamamahala, naging biktima ang mga maralita dahil hindi umunlad ang bayan sa pinalaganap niyang garapal na kroniyismo. Subalit, hindi ito naging mahalaga sa maralita. Mahal nila si Erap dahil may pakialam siya sa kanila, kahit hindi niya alam kung papaano maisasalin ang kanyang pakikiramay sa mabubuting patakaran at pamamalakad ng bayan. Pero hindi ito mahalaga sa mahihirap. Mahalaga lamang na marunong siyang makiramay at marunong siyang mangako. Ito ang bunga ng kanyang pagiging artista, ng kanyang pagiging si Asyong Salonga - kampyon ng mga api. Naunawaan ito ni Pangulong Arroyo, kaya sa kanyang unang SONA sinubukan niyang maging kampyon na rin ng mga nagdurusa.

Sa halip na isang payak na talumpati ang SONA, ito'y isang palabas rin. Ninais ipakita ni Pangulong Arroyo sa mga api ng lipunang ito na siya rin ay kampyon ng mga api. Malinaw sa kanyang talumpati, na di tulad ni Erap, nauunawaan ni Gloria ang mga suliranin ng mga mahihirap. Nauunawaan ng mga tauhan niya kung ano nga ang dapat gawin para masimulan ang proseso ng pag-ahon ng mga nagdurusa mula sa kahirapan. Mula sa mga matagal nang pinag-aaralan ng mga akademiko, aktibista at iba pang taong kabilang sa kilusan ng pagpapalaya ng mga maralita sa kanilang kahirapan, marami nang polisiyang panukala ukol sa maayos na sistema ng pagpapabahay, mga maayos na patakaran para sa paglikha ng sariling yaman para sa mga mahihirap, pagrereporma ng sistema ng edukasyon at iba pang patakarang nagbibigay ng kapangyarihan sa mahihirap para mapaahon ang kanilang buhay. Matagal nang sinubukan ng mga taong ito na iparating sa gobyerno ang kanilang mga panukala, subalit hindi ito naririnig. Ngayon, marami sa mga panukalang ito ang napag-usapan at pinangako ng Pangulo. Malinaw na nakikinig siya sa payo ng mga nakasangkot sa suliranin ng kahirapan at napag-aralan din niya ang mga suliranin ng mga mahihirap. Kaya naman masasabing mahusay ang kanyang talumpati.

Subalit, hindi mahalaga sa maralita ang tamang polisiya. Ang polisiya ay salita't konseptong walang kahulugan sa kanilang buhay. Kaya kailangang isama ng Pangulo sa SONA ang palabas at pangako. Bahagi ng palabas ang tatlong batang nagpalaot ng bangkang papel na may sulat para sa Presidente. Madrama ang kuwento ng tatlong bata at sila'y ginawang larawan upang magkaroon ng mukha ang mga pangako ng Pangulo. Ganoon rin, sa halip na mga polisiya, naglista ng mga proyekto ang presidente. Umaasa siya na sa paglistang ito, mauunawaan ng mga maralita na katulad rin siya ni Erap, o higit pa. Ito ang kakaiba sa SONA ni Gloria: isa itong pagsuyo sa maralita sa halip na talumpati ng mga polisiya. At tulad ng lahat ng SONA kahit ng mga nakaraang pangulo, may halo itong showbiz. Pangako at palabas ang kailangan sa pagsuyo sa mga mahihirap. Tradisyon ito sa politika, tradisyon ito ng Sona. Sa ganitong paraan lamang naiisip ng mga nasa kapangyarihan kausapin ang mga walang-kapangyarihan dahil, sa kanilang wari, walang pinag-aralan ang mahihirap at hindi sila nakakaunawa. Hinahayaan na rin ng mga api na ganito silang kausapin dahil ang wika ng kapangyarihan ay binibigyang depenisyon ng taong may katwiran at sistemang banyaga sa kanila.

Paano pa nga ba mauunawaan ng mga maralita? Mula nang inagawan sila ng bayan, ang wika ng kapangyarihan at ang sistema ng pamamahala nito'y binigyang depenisyon ng mga may kapangyarihan. Ang nauunawaan na lamang nila ay inaapi sila ng sistemang hindi nila nauunawaan. At ano man ang kanilang gawin, lagi silang nasa labas ng sistema. Noong Mayo uno, nayanig nila ang tahanan ng kapangyarihan at pinilit nila itong kausapin sila. At dahil dito, kinailangan silang kausapin sa SONA sa kinasanayang wika - palabas at pangako. Subalit, tila may nauunawaan ang gobyernong ito sa mga hakbang na magbibigay sa kanila ng kapangyarihan at kakayahang mapabangon ang kanilang buhay. Sana nga totoo.

Sa kabilang banda, maaaring palabas nga lang ang lahat. Bagamat may nauunawaan ang gobyernong ito sa makabubuti sa maralita't api, nauunawaan rin ng gobyernong ito na malaki ang utang nito sa mga may hawak ng kapangyarihan sa ating bayan. Kahit kinikilala ng Pangulo na ang kilusan ng karaniwang tao ang naglagay sa kanya sa kapangyarihan, nauunawaan rin niya na ang pakikipaglaro sa mga may hawak ng kapangyarihan ang magpapanatili sa kanyang kinauupuan. Mahirap ang larong ito dahil madalas ang mga interes ng mga makapangyarihan ay kontra sa interes ng mga mahihirap na pinagtatalumpatian niya. Mahirap ang laro ng pagbabalanseng ito. Sana nga hindi maiwan sa palabas at pangako ang SONA ni Gloria. Bagamat naroon ang tatlong bata sa tabi niya habang nagtatalumpati, nasa likod niya naman nakaupo si de Venecia.