Txt u l8r o Nvr?
ni Christian dela Cruz at Rafael Zuniga

Texters of the World Unite, You have nothing to lose but your credit!, P.I. na mga kapitalista iyan!, Mga mapagsamantala!, Iboycott ang Globe at Smart!, Mag-Nextel na lang kayo! -- iilan lamang iyan sa mga maiinit na reaksyon ng mga atenista ukol sa pagbabawas ng mga libreng text messages ng Smart at Globe. Pero huwag ka, mayroon din namang mga taong sobrang yaman o walang paki-alam; "My God, is this the greatest issue that affects our lives today?"

Wats dis?

Mula nang unang mauso ang 'texting', unti-unting binawasan ng Globe ang mga free text, kumpara noong mga 1998 kung saan libre pa ang text. Maraming tao ang nakinabang sa text dahil sa ito'y mura, mabilis at para sa iba, naging isang libangan na rin. Nang marami- marami na ang nagte-text, nagsimula na ang "over trafficking" ng mga text messages dahil sa sobrang dami. Upang masolusyunan ito, magbabayad na ang mga nag-te-text ng piso bawat mensahe. Nabawasan ang traffic ngunit dahil din sa matinding pangangailangan, natanggap na rin ng mga subscribers ang pagbabayad ng piso bawat text. Bilang pakunswelo, nagbigay pa din ng libreng text ang Globe, 150 text bawat buwan sa prepaid subscribers at nagsisimula sa 400 text bawat buwan sa mga may 'plan'.

Subalit kamakailan lamang, muling nag-anunsyo ang Globe Telecoms at Smart Communications na magbabawas na naman sila ng free text sa lahat ng uri ng cellular phone subscribers, mapa-prepaid man o linya. Sabi ng Globe ay ang ibabawas nila sa mga 'free text' bawat buwan ng mga subscribers ay ikatlong bahagi ng kasalakuyan at sa Enero ay magbabawas muli ng ikatlong bahagi. Ang 150 text bawat buwan ng mga prepaid ay magiging 100 na lang tapos ang may Advantage Plan ay mula 400 pababa sa 240. Babawasan naman ng Smart ang dati-rati nilang 100, 250 at 750 tungo sa 33, 83, 250 libreng mga mensahe. Dalawa rin sa maaaring gawin ng mga kompanya ay ang pagdaragdag ng presyo ng text messages mula sa piso sa dalawang piso kaya naman ay taasan ang mga tawag sa halagang P12 kada minuto.

Bkt?

Ngunit ano nga ba ang rason ng Globe at Smart kung kaya't ang lakas ng loob nila na magbawas ng free text ng mga subscribers nila ngayon na mas madami na silang taga-tangkilik? Para sa Globe, kailangan daw nilang mabawi ang ginasta nilang bilyones sa pagpapaganda ng kanilang network kung kaya't mabilis na at walang palya ang pagtetext ngayon. Dahil na rin daw sa pagbaba ng piso, babawasan na lamang nila ang free text para maiwasan nila ang pagtaas ng halaga ng mga tawag. Meron namang nagsasabi na kaya't ganoon ay dahil sa ibang bansa, P4.00 ang bawat text kumpara dito na piso lamang kaya imbis na taasan nila ang presyo ng text, binawasan na lang nila ang libre. Ayon kay Ramon Isberto ng Smart, sa bawat pisong nakukuha nila, limang piso ang inilalagay nila sa pagpapalaki ng kanilang network. Noong nakaraang taon nagbuhos sila ng P15 bilyon at binabalak nilang magbuhos ng P21 bilyon ngayong taong ito.

2-2-o b?

Ngunit tama at makatotohanan ang ginagawang ito ng Globe at Smart? Kahit ano pa mang dahilan ang iahin ng Globe sa kanilang subscribers, di pa rin sumasang-ayon ang mga ito. Mahirap itong paniwalaan dahil sa kitang-kita na lumolobo ang kita ng Globe at Smart ng labis-labis. Dahil sa sobrang dami na ng tao ngayon na naging kabahagi na ng buhay ang pagtetext, milyon-milyon na ang nakukuha ng Globe at Smart sa pagtetext pa lamang.

Kabahagi ng Philippine Long Distance telephone Co., o PLDT, ang pinakamalaking kompanya ng telekomyunikasyon sa bansa, ang Smart at mula naman sa pinagsamang lakas ng Ayala Corporation at Singapore Telecoms ang Globe. Kumpara sa ibang kumpanya na nagakakautang-utang, nangunguna pa rin ang Globe at Smart sa kanilang larangan. Lalo pa ring dumarami ang tumatangkilik dito.

Lumaki ang unang kalahating bahagi ng netong kita ng PLDT mula sa P122.5 milyon tungo sa P1.37 bilyon. Ang kita ng Smart sa naturang panahon ay P10.5 bilyon mula sa kabuuang rebenyu ng PLDT na P36.72 bilyon. Kumamal naman ang Globe ng P2.55 bilyon mula sa P620.76 milyon at halos madoble naman ang rebenyu nito sa P15.45 bilyon mula sa P8.37 bilyon.

Humahawak ang Smart ng halos 30 hanggang 40 milyong mensahe bawat araw. Ayon kay Rogelio Quevedo, punong legal ng Smart, 45% nito ay libreng text. Para naman sa Globe, ayon sa isang opisyal nito, humahawak ito ng 36 milyong mensahe bawat araw at mga 30-40% nito ay libreng mensahe.

 Ayon naman kay Pantaleon Alvarez, ang kalihim ng Department of Transportation and Communications o DOTC, isasaalang-alang daw nila ang pagbabawas na ito sa paghingi ng mga kompanya ng bagong frequency. Dahil mayroon daw mga nakabinbin na mga aplikasyon para sa mga bagong frequency, nangangahulugan ito na sila ay lumalalaki. Kapag sila ay lumalaki, nangangahulugan na mayroon silang perang maaaring gastusin.

Sinasabi ng mga analista na maaaring lumaki ang kita ng mga kumpanya, pinakamaliit na, nang halos P 500 milyon o $ 10 milyon sa karagdagang kita kada taon kapag binawasan nila ang libreng text messages.

TRO

Dahil sa namumuong galit, isinulong ang pambansang no-text day noong ika-1 ng Setyembre. Humiling naman ang Philippine League for Democratic Telecommunications, Inc. ng temporary restraining order (TRO) at injunction ng pagbabawas ng libtreng text messages. Kabilang sa mga naghain ng reklamo laban sa Globe Telecom, Smart Communications, Inc., Isla Communications Inc., Pilipino Telephone Corporation at National Telecommunications Commission (NTC) ay sina Gerardo Kaimo, Vicente Gambito, Adrian Sison at Mylene de la Cruz. Ayon sa reklamo, pakikipagsabwatan daw at monopoliya (dahil sila lang naman ang nagbibigay ng gabitong serbisyo) kung susuriin ang pagbabawas na ito. Hindi lamang para sa mga kompanya kundi gayon na rin para narin sa NTC, sa pangunguna ni Eliseo Rio at katulong na komisyoner na sina Armi Jane Borje at Katheleen Hezeta na hindi gumaganap ng kanilang tungkulin at trabaho na pangalagaan ang mga interes ng mga tagapagtangkilik.

Pinaboran ng Quezon City Regional Trial Court ang temporary restraining order sa sala ni Judge Modesto Juanson noong ika-31 ng Agosto. Sa isang pahinang kautusan, pinipigilan ang dalawang kompanya na anumang pagbabawas sa loob ng 20 araw.

Kamakailan lamang ay napawalang bisa na ang TRO na ito. Nagturuan ang NTC at ang korte sa kung sino ang dapat magdesisyon dito, ipinatupad na ang pagbabawas at naiwan ang mga kawawang mamamayan.

So wat? (Pananamantala: Isang mas malalim na pagtingin)

Madami ang nagproprotesta laban sa muling pagbabawas (at pagtatanggal sa kahuli-hulihan) na ito, at madami na rin ang nag-iisip kung legal o may karapatan nga ba ang Globe at Smart sa ganitong pagbabawas. Sapat na nga bang dahilan ang pagbaba ng piso laban sa dolyar o ang pagapapalaki ng kanilang mga network upang mapilitan silang magtaas?

Bukod pa rito, bakit kailangang palaging isalang sa balikat ng mga konsyumer ang mga gastusin sa pagpapaganda ng mga serbisyo at networks ng mga kompanyang ito? Naririyan ang mga bangko na maaari nilang pagkuhanan ng panibagong kapital na sa pagpapaganda ng kanilang serbisyo. Nararapat lamang na ang mga kumpanyang ito mismo ang siyang umako sa responsibilidad ng pagapapaganda ng kanilang ibinibigay sa publiko. Sapat-sapat na nga at sobra pa ang kinikita nito mula sa mga konsyumer. Kung magbebenta ako ng halo-halo, hindi ako hihingi sa mga suki ko ng pambili ng asukal, gatas, saging at ube. Sa ilang sandali lamang, bawing-bawi na ng mga kumpanyang ito ang anumang ipinuhunan nila sa pagpapaganda ng networks nila, siksik, liglig at umaapaw pa. Bakit humihingi pa sila ng karagdagang bayad? Tahasang pananamantala at ganid ang nasa likod nito. Nais lamang magkamal ng malaking salapi ng mga kumpanyang ito. Nais samantalahin kuhanin ang pagkakataon upang mapiga nila hanggang matuyo ang katiting mula sa naghihirap nang bayan.

Mga ahas silang na tumutuklaw sa mga mismong mga nagpapakain sa kanila. Tinutuklaw nila ang mga taong mismong tumangkilik at tumatangkilik sa kanila. Isang lehitimasyon lamang ang mga dahilang ibinigay nila upang mas lalo nilang mapakinabangan ang mga serbisyo ng pagtetext.

Kung ating susuriin, isang pananamantala at panlilinlang ang ginagawang ito ng dalawang kumpanya. Pinabayaran na nila ang text messaging, mula sa dating libreng serbisyo, nang matuklasan nila na mapagkakakitaan ito ng malaki at nagbigay na lamang ng karumpot na libreng mensahe. Marahil naaalala ninyo ang palatastas ng Smart kung saan sumasayaw-sayaw si G. Toengi na "FREE TEXT FOREVER!" Subalit nasan na ito? Forever daw. Sinanay nila ang mga Pilipino sa libre at unti-unti nila itong binabawasan hanggang sa kahuli-hulihan ay pababayaran na nila ito ng lubusan. Hindi rin dapat isisi ng mga kompanya ang iresponsableng pagtetext ng mga Pilipino, dahil kaya nga ginagamit ang text ay upang makipag-ugnayan. At wala silang paki-alam anumang porma ang kanilang pamamaraan, wala mang-saysay ang mga mensaheng ipinapadala nito.

Sabi nga ni Anthony Ian Cruz ng grupong TXTpower "Texters everywhere should oppose this theft by installment. It's like thieves telling us that they will steal less today, only to steal the rest sometime later."

Talagang makaka-apekto ang pagbabawas na ito ng text sa bawat subscriber. Kung patuloy pa rin ang pagte-text, lalaki ang gastusin ng mga ito. Baka nga mas mabuting ilagay na lang sa hapag kainan ang mga binabayad ng mga nag-te-text sa bawat joke o "good morning messages" na pinapadala nila sa kanilang mga kaibigan.

Cge, txt u l8r or nvr : P

*Salamat sa Philippine Daily Inquirer at Today.