Z
ni Leon Kilat

Kung madalas kang tumatambay sa Katips, marahil nakita mo na siya.

Sa tuwing babagtasin niya ang kalye ng Katipunan, iwinawatawat niya ang kanyang kapa - ang natatanging sulyapan sa kanyang katauhan.

Bagama't nakakubli ang kanyang mukha sa likod ng maskarang itim, nananahan pa rin ang pagmamalaki sa kanyang pagkanilalang. Lumalakad siyang taas-noo. Hindi niya alintana ang pagkasuklam sa kanya ng mga estudyante sa Kostka. Hindi niya pansin ang panglalait ng mga tsuper ng traysikel o ng sikyu sa McDo. Hindi niya susubukan pang isipin kung ano ang bulung-bulungan ng mga kababaihang nadaanan niya sa Shakey's. Hindi niya ramdam ang unti-unting pagtunaw habang iniiiwasan siya ng mga kalalakihang nagyoyosi sa may labas ng Starbucks. Hindi niya iyon pupunahin. Wala siyang paki.

Hindi na niya kailangan pang sabihin kung sino siya. Hindi na niya kailangang sabihin kung ano ang pakay niya. Hindi na niya kailangang sabihing kung sugo siya ng kung sinong diyos sa langit. Hindi na niya kailangan pang ipagsigawang kung saang planeta siya galing.

Kung siya nga ang bagong tagapagligatas ng sansinukob, hindi natin iyon malalaman. Wala tayong alam at hindi niya iyon pupunahin. Wala siyang paki.

Isa lang ang sigurado: kung madalas kang tatambay sa Katips, marahil makikita mo siya. Patuloy niyang babagtasin ang kalye ng Katipunan, patuloy niyang iwawatawat ang kanyang kapa - ang natatanging sulyapan sa kanyang katauhan.

- Leon Kilat