Mga Pagbubulay-bulay Habang
Naglalakbay sa Labas ng Maynila
ni San Pedro Townshend

May muta pa ang mga ulap nang bumulusok ang sinasakyan naming Sarao mula sa Gate 3 tungong Katipunan. Alternative Class Program namin noong Biyernes na iyon—mamamasyal kaming mga laking-Maynila sa Seven Volcanic Lakes of San Pablo, Laguna. Kasabay ng matalbog na sakay, paandap-andap ang aking kamalayan; hindi kinaya ng dalawang tasa ng Nescafe 3-in-1 ang pagkapuyat ko noong nakaraang gabi sa kaka-empake.

Nakakatawa: isang dilat ng mata at nasa flyover ka na. Tapos sa White Plains. Tapos sa C-5.

Tapos nakangiti na sa iyo si Carlos Agassi mula sa isang higanteng karatula na halos lambungan na ang buong himpapawid.

Kahit sa iyong pagtulog, binibentahan ka pa rin ng mga produkto.

Tumigil ang Sarao sa istasyon ng Shell upang magpakarga ng gasolina. Hinanap ko ang daan ko mula sa dagat ng mga alporhas na Jansport at Blazing Products na nagkalat sa sahig tungo sa pintuan ng dyip. Halos sumabog na ang aking mga bato sapagkat dalawang bote ng Absolute na ang nainom ko (at lasang sabaw ng buko pa ito), kaya't kumaripas ako ng takbo tungong banyo.

Isang malaking relebo.

Naghilamos ako, nagbabad sa harap ng salamin at pinaandar ang suklay sa aking gupit-Beatles na buhok kasabay ang mga kapwa kong lalaking nag-aayos din ng sarili.

Pagkalabas ay nakipagkita ako sa grupo ko sa isang mesita sa Joilibee. Nagsibilihan sila ng kapeng inihanda sa Styrofoam.

Biglang nagdaan ang hanging-probinsiya at hinipan ang aming mga buhok.

"Parang ang feeling mo ang guwapo mo ‘no, kung linilipad ng hangin yung buhok mo?” ang hirit ko.

Ilang takal ng Chippy at mga sampung kuwento tungkol sa multo at kami'y pinababa na ng aming taga-pamahala. Ang bumati sa amin: isang lawang napakalinis-isang tanghal na nakikita mo lamang sa credits ng Tabing Ilog tuwing Linggo nang hapon. Halos lahat kami'y naakit sa ganda nito.

Naglabas ng megaphone ang aming taga-pamahala at nagduwal ng isang litanya ukot sa environmentalism. Walang bago sa mga sinabi niya: "Sino ba sa inyo ang nakaiinom pa ng tubig mula sa gripo? Wala, na 'di ba? Isipin niyo lang ang mga anak ng anak ng anak niyo ......”

Nakatitig ako sa tubig habang sinasabi niya ang mga ito. May isang alupihang- lawa na umalipod patabas ng balat ng Cheese Curls na nasa buhanginan.

Magaling kaming mga laking-Maynila sa paggamit ng figures of speech at pagsutat ng mga reflective essays, habang magaling ang mga laking-probinsiya sa pagpapatakbo ng kuryente, panghuhuli ng isda at paglilinis ng basurang dulot ng ating mga pabrika.

Dinala kami ng aming taga-pamahala sa isang trek sa may sulok ng bundok. Binudburan ito ng mga naglalakihang puno at pinalamig.

“Uy pare, parang survivor!”

“O nasa Jurassic Park ata tayo, mukhang raptor pa tong kasama natin o.”
“Chong, gayahin kaya natin yung eksena sa Crouching Tiger?”

Napangiti aka sa mga hirit na ito. Halatang-halata na kaming mga laking-Maynila ay mga pinadede ng telebisyon.

Nang bumaba kami sa pangatlong lawa, bigla na lang akong tinutukan ng gomangtirador ng isang bata doon. Ang hirit niya sa akin, "Titirahin ko 'yang mukha mo, " sabay halakhak ng mga kasama niya.

Jologs, Jologs, Jologs!

Ito ang mga salitang pumasok sa isip ko.

Nakalimutan ko pala ... wala ako sa Ateneo noon.

Pagkatapos ng isang matulaing akyat sa mga burol, at isang panibagong karanasan sa paglangoy (ang sahig ng lawa ay puno ng seaweeds at putik) ay nag-empake na kaming lahat at naglakad tungong mga dyip. Pagod na pagod na ako noon at ang tigas pa ng buhok ko dahil sa mga metallic ions na bahagi ng tubig-lawa.

Kumapit ako sa estribo at sinalpak ang aking ulo sa nakausling braso. Na-miss ko bigla ang Maynila noon. Na-miss ko bigla ang mga mamahaling baso ng Mocha Frapuccino sa Starbucks na lasang kumunoy naman. Na-miss ko bigla ang pagpapaandar ng mga kamay sa keyboard at pagtitig sa monitor ng kompyuter. Katawa-tawa at na-miss ko bigla pati ang polusyon ng Katipunan na bumabati sa akin tuwing umaga.

Napaisip ako: Kahit nasaang sutok ka man ng mundo, mapasa-Maynila o Laguna, siyudad o probinsiya, langit o impiyerno-nasasasaiyo na ang paghahanap ng kaligayahan.