Dugo at Putik
ni John Benedict Victorino
Ikalawang Gantimpala, Patimpalak sa Pagsulat ng Sanaysay
(High School) - Bertigo 2001

Ano nga ba ang lasa ng dugo? Matamis ba? O baka naman maalat? Hindi pa naman ako nakakatikim ng dugo. Ano ko, aswang? Matatalas ang pangil at panay buhok ang mga braso? Hinahanap-hanap ang dumadaloy sa iyong mga ugat? Hindi ako gutom para sa pulang tubig ng iyong katawan. Sige, aaminin ko na: kumakain ako ng dugo - sa batchoy nga lang. Lumulutang ang mga bloke ng itim na dugo sa mainit na sabaw! May kasama pang atay! Masarap 'yonl Masarap din ang dugong inihaw. Marami nyan sa kanto, kasama ng isaw na niluluto sa ulingan. Ngunit hindi dugo ng manok ang pinag-uusapan natin. Dugo mo. Dugo ko. Dugo natin. Hindi mo ba alam ang lasa?

Itanong sa may Mindanao. Baka alam nila. Matagal nang bumabaha ng dugo sa dulong parte ito ng ating bansa. Bumabaha, katulad ng Maynila kapag malakas ang ulan. Sigawan at putukan ang oyayi ng mga sanggol sa Mindanao. Nagkalat ang mga sanggano sa kabundukan. At patayan. Patayan ay karaniwan na lamang. Natural na ito sa kanila. Tulad na lamang ito ng pagsikat ng araw, paulit-ulit at hindi nagbabago. Hindi na nakakagitla, tinatanggap na lamang. Militar o terorista, pareho ring pumapatay. Dugong Pilipino ang bumubusog sa lupa ng Mindanao. Parang fertilizer para sa mga pinya ng Del Monte. Mataba ang lupa sa Mindanao. Panay dugo. Hindi ba't nakasusuklam isipin na Pilipino rin ang pumapatay sa kanila. Sariling kapatid ang kumakatay sa iyo! Walang-hiya ka Kain, pinatay mo si Abel! Ano ba ang ginawa niya sa iyo? Ganyan ang mga Pilipino, may kapatiran...

May dugo rin sa mga tahanan. Huwag na tayong lumayo. Tingnan mo ang mga pahayagan. Subukan mong buksan ang iyong radyo. Dose anyos na iha, ginahasa ng mahal na ama. Kwarenta anyos na ina, pinagsasaksak ng anak na adik. Wala na ang kabanalan ng pamilya. Puro kalapastangan ang mga nasa balita. Wala nang pagtataguan! Mismong tahanan ay pinasok ng diyablo! Hindi na maipagmamalaki ang maganak na Pinoy. Dati-rati'y kayamanan ng Pilipinas ang pagkakaroon ng magkakalapit na pamilya. Hindi na uso ito ngayon. Lumang tugtugin na ito. Magulang na laban sa anak; anak laban sa magulang. Ang daga pala kapag nagipit at nagutom ay kakainin ang sariling bubwit (napanood ko ito isang beses sa Discovery Channel). Walang kaibahan sa mga Pilipino. Daga't bubwit tayong lahat.

Dugo ang pawis ni Hesus noong siya'y nagdarasal sa Hardin. Unang Misteryo ng Hapis. Ang misteryo ng ating bayan. Ang hapis at kahirapan ay iisa. Dugo rin ang pawis ng dukhang Pinoy. Ang pawis na ito'y galing sa pagtatrabahong mala-kalabaw kapalit ng ilang barya. Ang kalabaw ay pambansang hayop ng Pilipinas, ngunit hindi ito dahilan upang gawin itong idolo ng bansa. Kawawa naman si Robin, pinalitan ng hayop pang-araro... Pero hindi ba't tama lang silang magpawis ng dugo? Kaparis na ng kay Hesm ang natanggap nilang pang-aapi araw-araw. Bawat dalawampu't apat na oras ng kanilang buhay ay isang napakatagal na Kalbaryo. Mahirap maging mahirap. Dama ng bawat dukha ang kawalan ng pag-asa sa mundo. Biyaya na ng Diyos ang makaraos sa isa pang araw. Pobre ang mga Pilipino. Mga pobreng pulubi ng Asya. Bakit pa nga ba maghahanap sa kung saan? Napapaligiran na naman talaga tayo ng dugo. Bakit hindi na lamang natin dilaan ang mga kalye? Siguradong kumapit na ang lasa sa aspalto.

Sawa na ba ako maging Pinoy? Sawa na ba ako sa Pilipinas? Sawa na ba ako sa dugong dumadaloy sa aking mga ugat? Sawa na ba ako sa lupaing nagbigay buhay sa akin at siya pa ring nagpapanatili ng buhay ko? Gusto ko na bang lumimot? Nais ko bang magpumiglas pakawala mula sa mga kadenang ginagapos sa akin sa bayan?

Wala namang patutunguhan ang mga tanong na ito. Ano ngayon kung sawa ako o hindi. Sawa sa Bayang Magiliw. Sawa sa pulboron ng Goldilocks. Sawa sa kayumangging kutis at itim naa buhok. Wala naman akong magagawa. Ginugulo ko lang ang aking isipan sa harap ng monitor ng computer na ito. Sinisira ang aking paningin upang hindi na maging 20/20. Ginugulo ko lang ang aking sarili. Inuubos ang aking katuturan kasabay ng pag-ubos ko sa walang-kamalayang Coca Cola. Mabuti pa kaya'y matulog na lamang ako… Huwag na lang.

Ang Pilipinas ay maganda. Oo nga't maraming problema at pagkukulang, ngunit hindi makakailang wala itong kaparis saan man. Ang mga bituing makislap na pumupukaw sa gabi. Ang hampas ng mga alon sa malalawak niyang dalampasigan. Ang tilaok ng bulik sa kinaumagahan. Ang pagsikat ng araw mula sa kawalan. Ang nakatagong lakas ng lahing Pilipino. Wala itong katulad. Hindi ito maaaring isangtabi lamang. Panlabas lamang ang kapangitan ng ating bansa. May matatagpuang ginintuang puso at kaluluwa na nakakubli sa kanyang lupa. May kagandahan ang ating lahi.

Sawa na nga ba ako? Hindi. Hindi pa ngayon. Hangga't ang puso ko'y hindi pa nagsasawang tumibok. Hangga't ang dugo'y hindi nagsasawang umagos sa ugat. Hangga't ang baga'y marunong pang huminga. Hangga't ang isipan at kaluluwa ay hindi pa kumukupas. Hangga't ang katawan ay nagpupumilit tumayo at lumaban. Hangga't ang mithiing makaahon ay kaya pang abutin.

Sa lupa galing ang buhay. Ang punla na tumutubo mula sa lupa't nagiging puno ang siyang pinag-aanihan ng bunga. Ang buhay ko'y punla mula sa lupa. Ang Pilipinas ay dumadaloy sa buo kong katawan. Ang bayan kong ito ang inang nagpanganak sa akin. Nakahalo ang lupa nito sa aking dugo. Ano ang kanyang lasa? Mapait. Mapait dahil sa lupa ng aking bayang mahal. Lupa at dugo'y gumagawa ng putik. Putik ang dumadaloy sa aking mga ugal. Putik ng isang bayang mapaghimagsik at magiling. Putik ng bayang hindi magpapatalo. Putik na nagsimula ng lsang dakilang lahi. Si Adan ay gakling sa putik - sa putik rin siya magbabalik.

Ang putik ng Pilipinas ang aking dugo. Mapula, malagkit, malapot. Ako ay kabit na sa lupain ng ginto’t bulaklak. Wala na akong mahihingi pa. Narito na ako sa aking bayan. Ang kaluluwa ng bayang ito ay naghahari sa aking puso na tulad sa agilang naghahari sa alapaap. Walang makapaghihiwalay sa aming yakapan.

Ano nga ba ang lasa ng ating dugo? Ano ang lasa ng putik ng ating bayan? Ano ang lasa ng pagiging Pinoy? Mapait pa ba? Sa ngayon ay mapait pa. Mapait ang bunga habang hindi pa hinog. Ngunit may naghihintay na katamisan. Naghihintay lang lumabas at magpakilala. Ang katamisan ng pag-asa. Katamisan ng mga pangarap at panaginip nating nakamit. Katamisan ng muling pagbangon. Katamisan ng bagong pagkabuhay ng ating lahi. Huwag ka munang magsawa, wala pa tayo sa simula. Huwag ka munang magsawa, malayo pa ang lalakbayin.