Pambungad

Sa isyung ito, kinumusta ng Matanglawin ang lagay ng mismong mga manggagawa natin dito sa pamantasan. Isang masusing pagtalakay at pagtingin sa isyu ng kontraktuwatisasyon s-a mga manggagawa sa Ateneo.

Meron din tayong pahabol sa nakaraang isyu ng ukol sa 125 across-the-board wage hike ng mga manggagawa. Ano na nga ba ang nangyari dito? Sapat na ba ang 30 pesos na dagdag sahod at ano kaya ang lagay nito sa ating mga mambabatas?

Sa Mata sa Mata makakadaupang-palad natin si Fr. Robert Reyes. Kilalanin natin siya at tuklasin kung ano ang dahilan ng pagtakbo ng ating running priest.

Initathala rin sa isyung ito ang mga nagwagi sa Bertigo 2001, isang patimpalak tula at sanaysay sa hayskul na may temang "Sawa ka na bang maging Pinoy/Pinay?"

Ito at marami pang iba, hatid at hamon sa inyo ng Matanglawin.

MALIGAYANG PASKO AT PINAGPALANG BAGONG TAON!


Editoryal:
Paskong Krisis

Tunay ngang kay bilis ng panahon at pasko na naman. Subalit kagaya rin ng mga nakaraang pasko, panahon na naman ng krisis.

Hindi na matapos-tapos ang krisis. Dala ng nakaraang pagbomba sa Estados Unidos, nakararanas ng pagbagsak ang ekonomiya nito. Kasabay nito hinahatak rin ang eknonomiya ng Pilipinas at ng ilan pang bansa na nakasalalay sa merkado ng Amerika. At hanggang ngayon patuloy pa rin ang Estados Unidos sa pagatake sa Afghanistan. Nariyan din ang halos magpasawalang-hanggang paghuli sa bandidong grupo ng Abu Sayyaf, dinagdagan pa ng pag-aalsa ng rebeldeng grupo na pinamunuan ni Nur Misuari.

Hindi mawawala sa entabtado ang politikal na eksena. Walang ginawa ang administrasyon at oposisyon kundi hilahin pababa ang isa't-isa. Wala pa ring kasagutan ang kaso laban kay Panfilo Lacson. Umaatikabo pa rin ang pag-uugnay sa Malacaņang sa iskandalo sa Telekomunikasyon.

Hindi rin naman matatawaran ang hindi pa rin natutugunang hinaing ng mga manggagawa. Taon-taon na lamang ay panahon ng krisis. Ito ngang panahon ng krisis na ito ang idinadahilan ng mga negosyante at pamahalaan sa hinihiling na 125 dagdag na sahod. Isang insulto ang pampalubag-loob na 30 pisong dagdag na sahod na hinati pa sa dalawang bigayan. Maigi na nga siguro sapagkat mayroong dagdag na sardinas o kending panghimagas para sa noche buena.

Sa kabilang banda, tila nararamdaman na rin ang lumalalang krisis maging dito sa Ateneo sa kabila ng pagtataas nito ng singil mula sa mga mag-aaral. Kontraktwal na rin ang pagkuha nito ng mga manggagawa sa kabila ng pagmamalaki nito bilang isang Heswita at Katolikong Pamantasan.

Kailangan nga bang maghigpit ng sinturon dahil panahon ng krisis? O sadya yatang kasakiman, ganid at pagkamakasariti ang siyang umiiral. Isa yata itong paligsahan ng matira ang matibay. Kung sinong mas sakim at tuso, siyang panalo.

Lahat ng ito at marami pang iba sa pagdiriwang natin ngayong pasko.

Kailan pa kaya masasabi ng mga kinauukulan sa iba't-ibang sektor ng ating lipunan sa karaniwang Pilipino na walang krisis para mapagbigyan ang kanilang mga karaingan. O darating nga kaya ang pagkakataong iyon? Kawawang mga Pilipino, patutoy na lamang umaasa na gaganda ang kanilang buhay at magdiriwang na lamang sa susunod na kapaskuhan.

Sana kahit sa panahon ng krisis, hindi natin malimutan ang tunay na kahulugan ng pasko. Pagmamahalan, pagbibigayan, kapayapaan at pagdiriwang ng buhay.

Para sa mga nakakalimot, huwag niyo nang hintayin pa ang susunod na pasko at baka hindi na natin maabutan ito (huwag naman sana). Sana.