Tugon--Laro sa Buhay:
Ilang kuro-kuro sa "Noon-time Game Shows."
ni Genalyn S. Soledad at Rey Francis M. Hernandez

"...kahit mayroong mga matagumpay na nagkaroon ng sumasa-ibayong pag-uunawa at nakita ang yaman ng buhay na hindi maiuuwi sa isang laro, mayroon ding mga nanatili sa paninindigang buhay-laro kung saan ang tugon-sa-tawag-ng-buhay ay isang tugon-sa-laro."

Lampas alas-dose na ng tanghali. Oras na naman para sa mga paboritong "noon-time TV shows" ng mga Pinoy. Syempre, nangunguna na sa listahan ang Eat Butaga -- ang programang hindi pa yata kami ipinanganganak ay naririyan na sa telebisyon. Kung baga sa basketbol, beteranong-beterano na tataga 'to sa paglalaro. Balita nga namin, halos lahat daw ng local TV stations ay natirahan na nito. At ngayon nga, sapagkat nasa syete na ang Eat Bulaga, kinailangang tapatan ito ng dos, ang pinakamahigpit na karibal ng syete sa atensyon ng mga manonood. Kaya naman naririyan ngayon ang MTB o Magandang Tanghali Bayan, na bagamat matagat-tagal na rin sa telebisyon ay maituturing na 'baguhan' pa rin kung ikukumpara sa Eat Bulaga.

Pero hindi ito isang pahambing na pagsusuri sa dalawang nangungunang estasyon. Hindi rin namin balak na tuwirang ilatag ang mga urian ng pangangasiwa na naglagay sa Eat Bulaga at MTB sa isang makabuluhang posisyon sa larangan ng pagpapatubo ng kulturang Pinoy (at negosyong Pinoy), Ang nilalaman ng sulating ito ay isang kuwento ng "kung ano ang in" at "kung ano ang hindi in," ng mga nabubuong paninindigan at pananaw-sa-buhay, at ng mga natatabunan at unti-unting nakalilimutang pagpapahalaga. Isa itong pagtingin sa mga lumalaganap na usong laro sa telebisyon, sa oras na halos lahat ay nasa kani-kanilang mga bahay upang kumain, magpahinga, at umiwas sa init ng araw sa tanghaling tapat.

Lampas alas dose na ng tanghati. Talamak na naman ang samu't saring paligsahan sa mga nangungunang "local TV stations". Punung-puno na naman ang telebisyon ng mga “nakatutuwang" game-shows at contests na tunay namang patok na patok sa masa. At kung isa ka sa mga Atenistang iba ang kinahihiligan lalung-lato na sa tanghali; kung mas trip mo ang mga "intelektuwal" na palabas sa keybol. Marahil itatanong mo, "Paano mo alam 'yan? Ang jologs mo pare! At sa lahat ba naman ng mapupuna mo ‘yun pa?" Siguro nga ay tama ka. Sa iiang daang beses ba naman na binubuksan ng isang Atenista ang television set; sa ilang daang programa at estasyong mapagpipilian: HBO, MTV, FTV, Channel V, Cinemax, Viva Cinema, CNN, at marami pang iba; at sa napakarami pang bagay na pagtutuonan ng pansin: globalisasyon, panitikan, balita, Hollywood, pulitika, at iba pa; bakit ito pa ang pag-aaksayahan niya ng panahon?

Subalit sumusutat kami sapagkat mayroon kaming nakita, na hindi madalas na napapansin sa pang-araw-araw na pakikipagtagpo sa telebisyon, lalung-lalo na sa mga estasyong madalas na tinatangkilik ng karamihan. Marahil ay wala ka sa bahay at nasa pamantasan tuwing tanghalian, o kaya naman, sapagkat may kotse ka, ay kumakain ka sa labas sa iyong "lunch break." Sa isang banda at sa isang mahalagang paraan ay hindi ka nga apektado at tinatablan ng ganitong kultura, ng ganitong tahimik na panawagan, at ng ganitong problema. At sa unang tingin, ay hindi mo ito matatawag na tatagang "kabilang" sa at "kauri" ng iyong mga pinoproblema sa araw-araw, mapaintelektuwal man o eksistensiyal.

Gayunpaman, samahan mo kami sa isang mapangilatis na pagtingin sa isang patuloy na tumutubong kalagayan sa labas ng pamantasan. Gawin mong baon ang iyong mga kursong kasalukuyang kinukuha sa larangang ito. At kahimanawari'y umusbong sa iyo ang isang bagong pag-uunawa.

Laro at Buhay

Maraming naninindigan, malay man sila o hindi, na ang buhay ay, sa maraming

paraan, maihahambing sa laro. May mga patakaran, may mga kalaro -- mga kakampi at kalaban, may mga istilo sa paglalaro ang bawat manlalaro, at may kapalit sa katapusan. Sa kalinangang Pinoy ay hindi rin maihihiwalay ang laro at tuwa: kung mas nakatutuwa ang laro, kung mas nakaiindak sa isang paraang malilimutan mong sandali ang mga pangkasalukuyang personal na problema, mas maigi.

Sa bawat antas ng buhay at paglaki ay nagbabago ang atitud natin sa laro. May mga pananaw at paniniwalang nawawasak, nababakbak, nabubuo at nadaragdagan. May mga larong pinagsasawaan, may mga larong patuloy na nagiging interesante. May mga dating larong nababaon na sa limot, mayroon namang mga bagong nakikilala. Mula sa mga laruang-kotse at robot tungo sa tumbangpreso at taguan; mula sa tumbang-preso at taguan tungo sa "Counterstrike" at "Unreal Tournament." Nagbabago ang laro ayon sa uso, kagustuhan at pangangailangan, subalit nananatili ang laro at ang tumutubong paninindigan at atitud sa laro kasabay ng at habang naririyan ang manlalaro.

Kaya't hindi yata nalalayo ang laro sa buhay. Lahat tayo ay lumaki sa laro. At kahit mayroong mga matagumpay na nagkaroon ng sumasa-ibayong pag-uunawa at nakita ang yaman ng buhay na hindi maiuuwi sa isang laro, mayroon ding mga nanatili sa paninindigang buhay-laro kung saan ang tugon-sa-tawag-ng-buhay ay isang tugon-sa-laro.

Kumakalat ang mga samu't saring laro kagaya ng pagkalat ng samu't saring atitud-sa-buhay. Subalit ang tutuonan natin ng pansin ay ang "taro" o "paligsahan," kung gusto mo, na napapanood sa "noon-time shows. " Ang mga ito ay maituturing na laro pa rin. Mayroong mga patakaran, may mga kalahok, may premyo, at kung titingnang maigi, may nananaluktok na pamamaraang mababakas sa manlalaro kung paano lalaruin ito, may nauuso at may hindi "IN".

Kung Ano ang Hindi "IN"

Kailan lamang ay may lumitaw ulit na panibagong "noon-time show" sa telebisyon. lsang programang tinatawag na Lunch Break na sa maniwala ka o hindi, ay ipinalalabas pala sa channel 13. At nang tiningnan nga namin ang naturang show ay nakita namin na medyo malayo ito kung ikukumpara sa dalawang programang nabanggit kanina. Bukod sa hindi gaanong sikat ang mga hosts sa programang ito ay kapansin-pansin rin na hindi nito taglay ang kakaibang "aliw" na hinahanap-hanap ng karamihan sa mga Pinoy. Masyado pang matino at kapaki-pakinabang ang mga paligsahang itinatampok nila rito; hindi sapat para kahumalingan sila ng karaniwang manonood. Baka nga sa halip na masiyahan ay mabato pa siya sa tuwing panonoorin niya ang palabas na ito, lalong-lalo na pagdating sa mga game-shows at contests nila. Ano nga naman ba ang binatbat ni lolang uugod-ugod na sa pagkanta sa isang seksing-seksing teevee-babe na bagamat may pagka-sintunado ang boses ay tunay namang kaakit-akit ang litaw na katawan para sa karamihan, sa mga kalalakihan? Walang-wala. At dahil dito, pati ang 'ratings' nila sa 'audience' ay walang-wala rin. Kung meron mang nanonood nito sa tanghali ay siguradong kakaunti lamang -- yaong mga matatanda at mga nanay na nakokontento sa ganitong uring "wholesome entertainment,” yaong mga kabataang walang mapanood sa tuwing magkakasabay ang komersyal sa channel 7 at 2, o kaya naman, yaong mga taong kagaya namin na nagkataong magsusulat ng isang artikulong nagsisikap magbigay ng kuro-kuro ukol sa mga talamak na game-shows at paligsahang umiiral at napapanood sa telebisyon tuwing alas dose ng tanghali.

lsang Pagtingin sa Kung Ano ang "IN"

At kaya naman kinikilatis ng sulating ito hindi lamang ang pangkaraniwang karanasan ng katatawanan na matatagpuan sa mga "noon-time TV shows": hindi lamang mga simpieng "Ang gago naman ng contestant na ‘yan" at "Yuck! Kadiri naman at sinasakyan pa niya ang maruruming birong 'yan! (Game Shows)" Ang mga kadalasang naririnig na: "Shit! Hindi ko ma-take kung bakit hindi man lang sila pinagsusuot ng matitinong damit pagta-talent portion!, (Calendar Girl)" o "Pati ba naman matataba pinagtitripan pa. (Feeling Sexy)" ay simulain lamang upang humantong sa isang mas malalim na pagmumuni-muni ukol sa mga katotohanang nakapaloob sa mga paligsahang ito na kadalasa'y hindi nahahalata sa proseso ng pagkakalulon sa mababaw na katatawanan at inaakalang matinong aliw.

Marahil sa lsang punto'y nanood ka ng "Calendar Girl" o kaya nama'y "Winner Take All." At marahil ay may isang beses sa ganitong mga pagkakataon na tinablan ka ng mas malalim na pagtingin: "Ang bastos naman! " "At bakit naman nila hinahayaang bastusin sila?" "Hindi ito tunay na katatawanan. Toilet comedy ito! " Toilet comedy: ano kung mambastos at manira ng dignidad...basta't makapagpatawa lamang basta't kumita lamang.

Medyo ganito yata ang pangkasalukuyang paninindigan ng tatlong panig na sangkot sa dinamismo ng mga nasabing paligsahan.

NANGANGASIWA 1: Ano kung nababastos sila? Nagpapabastos din naman sila di ba? Uso eh…Click naman sa manonood... Kailangan naming maghanap-buhay...Buti nga nakakatulong kami sa kanila... <Hindi ba short term lamang ang tulong ninyo, at mas peligroso pa in the long run?> Basta tulong pa rin yun! Bakit, ano bang long-term solution ang isina-suggest mo? Dun ka sa kongreso pumunta... at tingnan natin kung may mangyari.

NANGANGASIWA 2: Huwag ka nang makialam. "Marketing strategies" namin 'to. Tsaka baka matalo kami ng kabilang TV station.

KALAHOK 1: Sige! Pagtawanan ninyo ako! Habang tumatawa kayo kumikita naman ako ... (kahit consolation prize lang, pera pa rin yun! Pagkain pa rin yun!) <Pero hindi mo man lang ba nakikita na isinasantabi mo ang dignidad mo para lamang sa ganyang halaga?> Bakit? Makakain ko ba ang dignidad? Maipagagamot ba ang anak kong maysakit sa PGH ng dignidad na sinasabi mo? O baka naman putak ka nang putak diyan kasi Atenista ka at hindi mo pa talagang naranasan ang maging maralita. Kaya naman may gana ka pang mag-aksaya ng panahon sa sinasabi mong "dignidad"...

KALAHOK 2: Tama! Tsaka ano naman ang pagtawanan ka ng ilang minuto. Ilang minuto lang naman eh... tapos solb ka na kapag nanalo ka! Hindi ka naman maaalala ng manonood kasi may mas importante pang bagay sa kanila kaysa ang kilalanin ka. Tsaka hindi ka naman papansinin eh! Yung habol lang naman nila katatawanan. Kaya ok lang <Pero tao ka!!! Hindi ka isang gumagalaw na katatawanan lamang!> Natabunan na ng alikabok sa pagmamaneho ko ng dyip ang dati kong ideyalismo. Kaya't huwag mo nang pakialaman ang gawi-gawi kong ito. Kung gusto mo, bigyan mo na lang ako ng pera. Mas kailangan ko yun kesa sa pangongontra mo! <Ang babawa mo tsong…> Hindi, boy. Ikaw tong ang walang alam kung ano ang talagang totoo. Kung nasa sitwasyon ko ikaw, makikita mo na totoo ang sinasabi ko. Para sa akin na dyipni driver lamang, na kulang pa ang kinikita para sa pagkain ng pamilya ko, wala akong ibang pagpipilian kundi ang isantabi ang anumang natitirang ideyalismo sa pagkatao ko… Kulang pa ang bawat hininga ko upang mabuhay lamang, kaya't huwag mo kong hikayating dagdagan pa ang problema ko!

MANONOOD 1: Pati ba naman 'to pagiisipan mo pa! Relax ka lang! Ganun eh... Tsaka ayaw mo nun, may Laugh trip! <Pero hindi mo ba nakikitang may pananaw-sa-buhay na nabubuo ang pinanonood mo, hindi lamang sa mga kalahok nito pero pati sa'yo no rin?> Eh kaya nga 'ko nanonood kasi pagod na ko sa apat na oras sa umagang pag-aaral, tapos papaisipin mo pa ko! Diyan ka na nga! Ang baduy mo pare! Wala kang thrill sa buhay!

MANONOOD 2: O baka pati ako bubulabugin mo pa... <Ganon na lamang ba ang magiging bagong kahulugan ng "laro" sa buhay ko? Na merong apat na pagpipiliang sagot at dadako ako sa kung saan may pinakamaraming kalahok kasi hindi ko naman talaga alam ang sagot at lumalahok ako hindi upang pagyamanin ang pagkatao ko kundi upang magkapera lamang? Na bahala nang pagtawanan at bastusin ako basta't magkaroon lamong ng pera? Bakit ang mga tinaguriang tunay at higit na mahahalagang bagay sa buhay ay nababalewala ng karalitaan ng isip at buhay?>

Hindi ba't tinutukoy ng mga palabas at paligsahang ito ang isang malaking tapyas ng umiiral na pananaw-sa-buhay at paniniwalang Pilipino?

"Hindi natin napapansin na ang 'malaking tapyas' ng ating pagkatao a pagka-Pilipino ay unti-unti nang nginangatngat ng maliliit ngunit matatalim na ngipin ng materyalismong nagkukubli sa likod ng katatawanan."

Malaking Tapyas ng Paninindigang Pinoy

Aminin man natin o hindi, tila ganyan ang tipikal na buhay-Pinoy -- parang isang "game show", parang isang "noon-timeTV-contest" -- isang uring paligsahan kung saan ang bigat ng laro ay nakabitin hindi sa kung papaano ako "maglalaro" para manalo kundi, sa kung ano at magkano ang mapapala ko kung sakaling "lalaruin" ko ang larong iyan. Sa madaling salita, kung alam kong malaki ang mapapala ko, kesehodang pagsayawin nila ako ng halos hubad na ang aking katawan at untiunting talupan ang aking dignidad sa kanilang mga birong nakababastos ay wala na akong pakialam. Gagawin ko pa rin iyon sapagkat ang mahalaga para sa akin ay yaong P10,000 na mapapanalunan ko. Saan ka nga naman ba makakakuha ng ganoong kalaking halaga, sa ganoon kabilis na panahon, kung ikaw ay isang pangkaraniwang tao lamang kundi sa mga contests lamang na gaya nito. Magkano nalang ba ang minimum wage na kinikita ng isang pangkaraniwang manggagawa -- P250!

Swerte ka pa nga kung iyon talaga ang natatanggap mo. At kaya naman para kitain mo ang P10,000 sa isang araw ay napakalaking bagay na talaga. Hindi ka na gaanong napagod, laLo na kung ikukumpara sa isang buong araw nang pagpapagal sa isang factory, halimbawa, kumita ka pa ng napakalaking perang sapat para ipanustos sa anumang agarang pangangailangan. "Agaran," sapagkat mas madalas kaysa hindi (bagamat hindi naman palaging ganito ang kaso) na ang mga perang napapanalunan sa ganitong pamamaraan, gaano man ito kalaki, ay madaling maubos at mawala. Hindi ito gaya ng mga perang sadyang inipon nang unti-unti at pinaghirapang ipundar para sa mga hinaharap na pangangailangan na maaaring pang dumating sa buhay, ika nga sa ingles, "in the long run..."

Gayunparnan, ang problema sa ating mga Pinoy, hindi tayo "long-term" kung mag-isip. At kaya naman pati sa paghahanap ng mapagkakakitaan ng salapi ay nais natin ng madalian, yun bang "easy money" na tinatawag. At marahil, hindi lahat ay mulat na ang ganitong uring mentalidad ay umiiral sa ating bansa, sa ating lipunan, sa ating mga tahanan...at sa mismong ating sarili. Hindi natin napapansin na ang "malaking tapyas" ng ating pagkatao o pagka-Pilipino ay unti-unti nang nginangatngat ng maliliit ngunit matatalim na ngipin ng materyalismong nagkukubli sa likod ng katatawanan. Ni hindi nga natin aakalain na sa pamamagitan ng pagsasagawa, pagsali at panunood natin sa mga "game-shows" at "contests" na tunay namang naka-aaliw rin paminsan ay hinahayaan nating malason ng kamandag ng salapi ang ating mga pag-iisip nang hindi natin namamalayan. Lingid sa ating kaalaman ay doble-kara ang mukha ng kinikilala nating "entertainment". At dito, isang bahagi ang ating natatanaw -- yaong nakapagdudulot ng makasakit-tiyang halakhak o ang makatindig-aliw sa ating mga manunood. Habang ang kabilang bahagi ng mukha na unti-unting nagtatanim ng masamang mentalidad sa ating mga kaisipan at baluktot na paninindigan sa ating mga kalooban ay hindi natin nakikita. At sapagkat hindi nga natin nakikita, mas higit na mapanganib, mas higit na mapanira.

lsang komplikadong pagtatagni-tagni ng mga problema ang nakita natin sa itaas. May mga hibla sa pagkakahabi ng suliranin na "perenyal," at mayroon namang hindi. Pinapasan natin ang bigat ng kultura, kasaysayan, ekonomiya, negosyo at pulitika sa ating pakikipagtagpo sa nasabing kalagayan. Subalit ang mga ito, bagaman mabigat at komplikado, bagaman hindi malulutas ng isang tao sa isang gabi lamang, ay buhay pa rin. At sapagkat buhay ay maaaring baguhin, ayusin, at tuwirin.

Ngayon, ikaw na Atenista, sa pagbasa mo sa sulating ito, may dalawang posibilidad yata na maaari mong tunguhan. Una, ang basta na lamang magkibit-balikat sa kabila ng nakalulungkot at nakatatakot na katotohanang ito na sa anumang sandali ay maaaring lumulon sa iyo nang buong-buo. Sapagkat marahil, iisipin mo na imposible namang mangyari ito sa iyo dahil matatag ang iyong paninindigan at malinis ang iyong mentalidad. (Ano pa nga ba ang siibi ng 12 units nang Teolohiya at 12 units ng Pilosopiya kung madali rin lang tayong madadala sa mga ganitong uring bagay?) At kaya naman binabati kita kung magkagayon nga. Subalit may tanong kami sa iyo: Nanaisin mo ba na sa hindi na nalalayong hinaharap ay lumaki ang iyong anak sa isang lipuang nakababad sa ganitong uring mentalidad, nakalublob sa ganitong uring pamumuhay? Ikaw na ang bahalang sumagot.

Ang ikalawang posibilidad naman ay ito – ang makita mo sa iyong pagbabasa ang peligro ng isang namumuong paninindigan na angkukubli sa mga pangkaraniwang karanasan ng katatawanan sa buhay, gaya ng mga simpleng “game-shows” sa telebisyon. At mula rito ay matauhan ka sa katotohanan na ang ganitong kasamaan ay kinakailangang wakasan kung ibig ng taong ibalik ang respeto sa kanyang sarili at isalba ang dignidad ng kanyang pagkatao, gayundin ang dangal ng kanyang kapwa.

Ngunit para sa iyo, ang tanong naman ay ito: Papaano mo ito gagawin?

Magsimula tayo sa simula. Lampas alas dose na ng tanghali… Itutuloy mo pa ba?

Tama na! Husto na! PALITAN NA!