Ginaw
ni Animo Pulandatu

Maagang dumating ang mga hudyat ng kapaskuhan sa lupalop na ito.

Lumalamig ang hangin, umiikli ang araw, nagpapatugtog na ng Ray Coniff ang National Bookstore Record Bar. Hawig ng mga TF starlets sa pagtatalbugan ang mga gusali sa pagandahan ng mga ilaw at dekorasyon. Kung tutuusin nga'y parang hindi na nawala ang mga senyales ng pasko sa Katipunan sa dinami-dami ng pula at berdeng ilaw na makikita mo mula sa pedestrian overpass malapit sa Gate 2.

Bakit nga pala berde at hindi asul ang napiling kulay ng panahong ito? Hindi naman siguro Lasalista si Kristo, kasi pareho namang itinayo ng two great schools (ayon kay Padre Caluag) ng mga kapatirang nakapangalan sa Mesiyas: Christian Brothers sa Taft, Society of Jesus sa Katipunan.

Sa pula naman ay hindi ako tumututol, sapagkat ito ang kulay ng dugong itinigis Niya. Pula ang kulay ng dugo ng sangkatauhan (basahin: proletaryano) siyang dahlian ng kanyang pagbaba mula sa langit. Pula. Hindi bughaw.

Kaawa-awa nga lang at parang ang mga Bughaw lamang (at hindi lang mga Atenista ang tinutukoy ko) ang makadarama ng ligaya ng panahon.

May kumakatok sa bintana mo. Bata. Siguro'y kasing tanda ng kapatid mong Grade 3 na ngunit kasing-tangkad lamang ng utol mong Prep pa lang. Hindi mo bubuksan ang power windows mo, bagkus ay lalakasan mo pa ang radyo.

-Namamasko po, kuya.
-'Ba, ang aga naman. Sa susunod na lang. Wala akong barya.
-Baon ko po bukas.
-Sabing sa susunod na lang e.

At magkukulay-berde na ang ilaw sa Gate 3. Haharurot ka, iiwan ang paslit na nagiisang naglalakad sa kalye.

Iisipin mo, ako rin ang talo kapag nagbigay ako, e. Kapag nakita ako ng ibang bata, baka dumugin ako.

At ano pa nga ba ang asahan mo? Para sa kanlia, ang kita ng isa ay kita ng lahat - o habang hindi pa ito inaangkin ng namamahala sa kanila.

Kapag nangyari iyon, sasaya ang pasko ng namamahala.

***

Teka, teka. Personal naman.

Alam mo ba, pare, na piano ng isang kaibigan kong (itatago natin sa pangalang Lupin) pumunta sa Baguio ngayong pasko? Kung malamig sa Katipunan ay doble naman ang lamig doon kapag ganitong panahon. Masarap ang hangin doon, lalo na kung may kasama kang mahal sa buhay (itatago naman natin sa pangalang Fujiko, malaki rin naman ang hinharap niya) na kasalo sa lamig.

Hanggang piano na lang pala ang kahihinatnan n'un.

Marami kasing klase ng lamig. May lamig na nakabubuhay at nagpapatagal nito (katulad ng nasa pridyider) at may lamig na talagang nakapapatay, hindi lang ng nilalang, kundi ng pagkatao.

Iyong huli ang naranasan ni Lupin noong Agosto. May prinsipyo sa pisikang nagsasabing ang mga bagay na madaling uminit ay madali ring lumamig. Ganoon din yata ang nangyari sa kanyang nobya.

Tatlong buwan lang ang tinagal nila, pagkatapos ay bigla na lang lumamig.

-Kuripot ka kasi.
-Hindi, ah. Nakapag-ipon nga ako, e.
-E bakit hindi mo ginastos sa date natin?
-Humingi kasi ang utol ko ng pambili ng libro.
-A, ganun ba? May manliligaw kasi akong taga-La Salle. Nililibre niya ako palagi.

May kotse pa raw ang loko. At dalawang taon na silang magkakilala ni Fujiko. Talo pa si Lupin, mag-iisang taon pa lamang ang pagkakakilanlan nila sa isa’t isa. Hindi naman siguro kasalanan ni La Salle boy kung madali lang sa kanya ang pagwaldas ng pera para sa isang kaibigan.

Pero kasalanan din ni Fujiko kung hindi siya makapaghintay nang mas matagal.

Ang masaklap pa rito, kwento ng kaibigan ko habang umiinom kami sa bahay, ay nagkaroon ng bagong syota si Fujiko wala pang isang buwang paghihiwalay. Kaya naman ngayo’y giniginaw si Lupin, kahit balot na balot siya ng pinakamamahal niyang sweater na dala pa ng pinsan ng tita niyang nakatira sa Canada. Wala kasi ang init na dulot ng kaalamang merong nag-iisip tungkol at nag-aalala para sa kanya.

At bakit ba naman kasi trenta pesos lang kada araw ang dinagdag sa sweldo niya?

***

Mnsa'y nag-eensayo ako, kasama ng choir namin sa parokya, ng mga kantang pangpasko. Doon sa labas ng bahay nag-praktis ang mga lalake, babae naman sa loob.

Habang pinapasada namin ang Simbang Gabi, napansin ko ang mga bahay sa tapat ng pinagpapraktisan namin. Nakabukas ang isang bintana sa ikalawang palapag at nakakita ako ng taong nag-aayos ng Christmas Tree sa loob. Sa labas nama’y walang parol 'ni Christmas lights, kahit yung iisang kulay lang. Wala. Tapos, napansin ko ang mga bahay sa paligid. Wala rin. Maaaring maaga pa nga, ngunit sana nama'y hindi na nahiya ang may-ari ng bahay. Kaya naman siguro hindi pa naglalagay ng ilaw ao parol ang mga kapitbahay ay dahil sa naiilang sila, baka raw masabihang nagmamadali.

Hindi naman siguro masama ang magdiwang ng pasko, ngunit kung gagawin naman ito, huwag mo naman sanang ikulong lang sa loob ng bahay.

Tama nga naman siguro ang pagkakaroon ng outreach tuwing pasko. Sumasaya kahit pansamantala lamang, ang mga batang lansangan at meron pang inuuwi sa kanilang pamilya, kung meron pa silang inuuwian.

At ano ang nakukuha ng boluntaryo? Isa o dalawang bagong kilata. Isa o dalawang lalapit sa kanya sa tapat ng Shakey's sa isang taon at nagbebenta sa kanya ng sampaguita o nanghihingi ng McFlurry.

lsa o dalawang mukhang matutulog sa harap ng McDo sa mismong bisperas.

lkaw, boluntaryo, makikilala mo pa ba sila matapos ng bagong taon? Isang buwan? Makikita mo ba ang mukha ng sanggol na Hesus na ipinanganak sa sabsaban sapagkat walang nagpapapasok sa kanyang amang naghihikahos at inang naglilihi?

Sana nama'y hindi.

Ang Panginoon ay matutulog sa lansangan sa bisperas ng kanyang kaarawan..

***

Tunay ngang maagang dumating ang mga hudyat ng Kapaskuhan sa lupalop na ito.

At mas tunay namang hindi na dumarating ang pasko para sa kanila.