Lakad
ni Sinag Tala

Hindi ko alam kung ano ang akit ng paglalakad sa akin. Ang alam ko lang, kapag tumawag ang pangangailangang maglakad, tutugon agad ako. Parang may magnet na humihila sa aking paa. Wala namang partikular na lugar na kailangang puntahan. Basta't lumakad lamang. Kung saan-saan na ako nakarating sa aking mga lakad-lakad.

Biyernes ako karaniwang inaakit ng paggala. Noong high school, kapag kailangang-kailangan ko nang lumakad, hindi ako magpapasundo sa magulang ko sa Folk Arts Theater (kung saan kami binababa ng school service namin mula sa Laguna). Tapos lalakad na ako, kahit may bitbit na malaking mountaineering backpack na puno ng labada. Sasakay ako ng kulay-orange na service palabas ng CCP bababa sa Vito Cruz, at doon, dadalhin lamang ng paa sa kahit saan.

Excited ako kapag nakakatakas ako. Sa lahat ng ayaw kasi ng mga magulang ko, ayaw nilang lalakad ako ng mag-isa. Lalung-lalo na sa Robinson's Place sa Ermita, marami kasing mga D.O.M. na pumi-pick-up ng mga babaeng mukhang high school student. Gayunpaman, inikot ang lahat ng mga palapag ng Robinson's Place sa Ermita, mula sa unang palapag hanggang sa ika-apat.

Kung tinatamad akong pumunta ng Ermita, sasakay ako ng jeep sa Pedro Gil pauwi. Pero hindi ako didiretsong uwi. Pagkatawid ng tulay ng Sta. Ana, lalakarin ko hanggang sa palengke sa Kalentong. Mayrong mall sa ibabaw ng palengke ng Kalentong. Iikot ako sa palengke, sa mga maliliit na talipapa, at sa loob ng mall. Titingin-tingin sa mga binebenta, panonoorin ang mga tao. Kapag nagutom, bibili ng French fries at Coke sa Joilibee.

Ngayon, ibang lugar na ang aking pinupuntahan. Iikot sa Cubao 'pag Biyernes ng hapon. Mang-uusisa sa UP Shopping Center. Iikutin ang basement ng Megamall. Susubukang mawala sa SM North. Kung saansaan lang. Minsan, nilakad ko ang kalahati ng Oval ng UP. Trip lang.

Minsan sa tatlong buwan lamang ako naglalakad. Hindi ko alam kung bakit. Hindi

ko maipaliwanag ang aking nais na mag-iikot. Hindi naman ako mag-sha-shopping.

Noong nakaraang reg, nakasabay ko ang isang kabarkada papalabas ng Ateneo. Mga 9:30 ng umaga pa lang noon. Maaga akong natapos sa reg ko. Siya naman, hindi makapagreg dahil mayroon siyang hindi nasauling libro sa library. Namomroblema siya noon. Below 1.9 kasi yung QPI niya nung nakaraang sem. Nagulat ako sa QPI niya, ang laki ng binaba sa dati niyang QPI.

Tumawid kami ng Katipunan. Bago ako naglakad papapuntang Abada, tinanong ko siya.

“Saan ka papunta ngayon? Susunduin ka ba?"

“Ah , hindi maglalakad ako ngayon."

"Talaga? Saan?"

“Siguro hanggang sa bahay. O baka sa Megamall. Manonood ako ng sine kung may pera ako. "

"Sasakay ka na dito ng jeep?"

"Hindi. Lalakarin ko."

"Ha? Lalakarin mo?"

"Oo, nilakad ko naman mula sa Ateneo hanggang sa Megamall dati, nung high school pa ako."

"Bakit?"

"Wala, gusto ko lang magisip. Lumilinaw ang aking pag-iisip kapag naglalakad ako. Pagkarating ko sa bahay, tapos na akong mag-isip. Dalawang oras lang siguro ako aabutin.”

"Ingat ka."

"Bye."

Habang naglalakad siyang papalayo, paulit-ulit kong naririnig ang kanyang sinabi.

" ... lumilinaw ang aking pag-lisip kapag naglalakad ako...."

Doon ko naintindihan ang tawag ng paglalakad.