Ang Pagbabalik ng Malayang Diskarte
ni Tinalupang Lupa

Nakita niyo na ba ang bagong pakulo ng pangulo nating kamukha ni Super Star, ang GMA (Greater Market Access) Rolling Store? Kung tutuusin, hindi naman bago ang Rolling Store dahil nagaya lang naman iyon sa mga ERAP (Enhanced Retail Access for the Poor) na nakikita noon sa mga kalye ng kalakhang Maynila. Alam niyo bang kung dati'y may nakadrowing na mukha ni Asiong Salonga sa mga Rolling Stores niya, ngayon naman ay may nakadrowing na mukha ng pangulo bandana't may dala-datang batya (siyempre, kasama ang super-imposed na nunal) at may ngiting abot sa kanyang tenga.

Siyempre, karagdagang gimik iyon ng pangulo, ang kanyang screen name na Gloria Labandera.

Kung sa bagay, pinagmamalaki naman niyang siya’y apo sa tuhod ng isang labandera sa Lubao, Pampanga - which gives her the big K to flaunt the new monicker.

***

Kung matatandaan, iyon ang tawag sa kanya ng nag-aalsang masa sa EDSA noong huling bahagi ig Abril. Kinanta nila iyong may pangungutya, dala na rin ng kanilang galit sa pangulo noon. Nang magwakas ang pag-aalsa, pinagamit na lang ng mga image consultants (read: spin doctors) ang naturang bansag sa pangulo. May "masa look" nga naman ang "Labandera. "

Hindi nga naman tataga nagkakalayo ang showbiz sa pulitika ano? Kung ano ang uso, siguradong sinasakyan.

***

Alien! Kung buhay na kayo noong 1998, siguradong naabutan niyo ang sigaw na ito. Iyon ang madalas sambitin ng mga pastor na nagsisisamba kina Snow White, Winnie the Pooh at Voltes Five - Ang Dating Doon. Ngunit, napanood niyo na ba ang palabas na pinagbasehan nito? Oo, Ang Dating Daan ni Kapatid na Eli "Yen!” Soriano. Mukhang eksperto siya sa Bibliya at sa katunayan nga'y may sarili nang Iglesia. Kasama sa mga binabatikos niya ang Simbahang Katoliko, mga Protestante at ang Iglesia ni Kristo. Sa sobrang pagkapikong inabot ng mga taga-Central ay naisipan nilang magtayo ng isa pang palabas – Ang Tamang Daan (yeah, right). Ngayon ay may bago na silang kalaban at masasabing hindi na sila ang David na lumalaban kay Goliath sapagkat di-hamak na malaki ang kanilang kasapian kaysa sa Dating Daan.

***

Mapapansin mo tuwing hapon o gabing-gabi ay nagtitirahan sila sa magkabilang estasyon ng telebisyon – sina Kapatid na Bularan (‘yung kamukha ni Subas Herrero), Panoncillo, at Barbe sa NET 25 (free your mind) at sina Brother Eli, Willy at Jocel (hindi ang tatlong ugok ng Bubble Gang) sa RJTV 29. Kung anu-ano ang pinag-aawayan nila – kung tao lamang ba si Kristo o Diyos din, ang pagkatay ng barkada ni Buluran sa lohika, at ang pagsabi ni Soriano ng salitang “panty” habang nangangaral.

Hindi sa mababawa ang mga argumento nila (nag-aaral din naman tayo ng Teolohiya, ‘di ba?) pero nakakatawa ang mga ginagawa nila para lang maisahan ang kabila. Sa pangalan pa lang nga mga palabas ay makikita mo na ang pagtatalbugan ng dalawa. Tapos ay nagpapakita pa sila ng video clip ng karibal na palabas at sasagutin nila. Kung minsan pa nga’y kung saan na umaabot ang gaguhan – for rent daw ang utak ni Soriano, ‘ani Panoncillo, at slightly used pa ito, sabay disclaimer na hindi raw sila naninira ng kahit sino; maya-maya’y gaganti si “Alien!”: Hoy, gago! Mabuti pa nga ako ginamit ko pa ang utak ko! E kayo nga wala e!

Nakakaaliw, ngunit kung ganoon nga ang patutunguhan ng mga tinatawag na alagad ng Diyos, salamat na lang; siguro’y mainam na sumali na lamang sa atheists’ circle ng Diliman.

Ano yata ang masasabi ng mga Heswita tungkol dito?