Ang Digmaan ng Media
ni Alvin Yapan
(Kagawaran ng Filipino, Pamantasang Ateneo de Manila)

Noong nakaraang ika-12 ng Oktubre 2001, sa paglulunsad ng ikatlong isyu ng Matanglawin, nagbigay ako ng kaunting komentaryo sa nangyaring pambobomba sa World Trade Center. Binanggit kong ang mga pangyayaring naganap sa New York ay hindi lamang nagkaroon ng epekto sa politikal at pang-ekonomiyang kalakaran ng mundo kung hindi pati na rin sa larangan ng intelektuwal na pamumuhay ng tao. May mga umiikot na artikulo halimbawa sa e-mail na tumatalakay sa kaangkupan ng mga namamayaning pamamaraan ng pag-iisip, na maikakategorya sa ilalim ng mga teorya ng Postkolonyalismo at Postmodernismo, sa pagtasa at pagpapaliwanag sa mga nangyari sa New York.

Ayon halimbawa kay Edward Rothstein sa kanyang artikulong "Attacks on U.S. Challenge Postmodern True Believers:"

"Cataclysms not only cast shadows over human victims but also shake the foundations of intellectual life: wars can shift the direction of scholarship; genocide can upend the presumptions of sociology. The destruction of the World Trade Center and the attack on the Pentagon may have similar effects, challenging the intellectual and ethical perspectives of two sets of ideas: post-modernism and post-colonialism. These ideas, which have affected political debate and university scholarship, are now being subject to a shock that may lead in two directions: on one hand to a more intense commitment, and on the other I hope to a more intense rejection.”

Tinutuligsa ni Rothstein ang dalawang namamayaning kaisipan na ito sa kanilang paniniwala sa relatibismo ng katotohanan. Masasabi bang relatibo lamang ang pagkamatay ng libu-libong tao? Maiuuwi lamang ba ang mga pangyayari sa isang opinion? Nakabatay lamang ba ito sa posisyon ng tumatanaw sa mga pangyayari? Sinasabi niyang may panganib na ipaliwanag ang pagbobomba sa World Trade Center bilang dulot ng matagal nang alitan sa pagitan ng Kanluran at Silangan, bilang isang pamamaraan ng pagpapahayag ng Silangan ng kanilang saloobin na matagal nang hindi pinakikinggan ng Kanluran. Hindi ito kaiba sa paniniwalang ang dapat sisihin sa mga pangyayari ay ang foreign policy ng Estados Unidos. Ngunit hindi rin naman lubusang kumakampi si Rothstein sa mga namamalakad ng pamahalaan ng Estados Unidos. Kung sisipiin nga sa kanyang artikulo, sinabi niyang:

"...the rejections of universal values and ideals leave little room for unqualified condemnations of a terrorist attack, particularly one against the West. Such an attack, however inexcusable, can be seen as a horrifying airing of a legitimate cultural grievance. Military responses can seem no different. And so the conflict becomes a series of symmetrical confrontations, as is often asserted about battles in Israel. "

Sa mga pahayag ni Rothstein mahihinuhang hindi siya naniniwalang etikal ang pilosopiya ng postkolonyalismo at postmodernismo kung ihaharap sa mga pangyayari sa New York. Kung kaya, iminumungkahi niya ang sangkatauhan sa mga tinawag niyang universal truths kagaya ng paniniwala sa halaga ng buhay ng tao. Ngunit parang higit na nakakatakot ang ganitong mungkahi dahil uurong lamang muli ang sangkatauhan sa pinagdaanan na niyang kasaysayan. Parang iminumungkahing walang natutunan ang sangkatuhan sa nakalipas na dalawang digmaang pandaigdlg. Nakuwestiyon na ang paniniwala tungkol sa mga universal truths, na wala naman talagang universal truths. Pati ang paniniwala sa halaga ng buhay ng tao ay maituturing pa ring relatibo, dahil parating may magtatakda ng hangganan sa lahat ng paniniwala hangga’t may kapangyarihang kasangkot sa usapan. Ngunit hindi rin sinasabing nangangahulugan itong magwawalang bahala na lamang sa libu-libong namatay sa World Trade Center at mamamatay pa sa pambobomba ng Estados Unidos sa Afghanistan. Ngunit, ano kung gayon ang magagawa? Walang maibibigay na tuwirang sagot. Marahil dahil ang pananaw na ang kasalukuyang nararating na libel na pag-iisip ng tao, ang mga paniniwala ng Postmodernismo at Postkolonyalismo, ay hindi sasapat sa pagpapaliwanag sa nangyari sa New York ay isang desperadong paglutas nang agaran sa kabigatan ng mga implikasyon nito. Kung titingnan halimbawa ang naging pagtataya ni Edward Said, ang isa sa mga pangunahing panandang baton ng teorya ng Postkolonyalismo, sa mga pangyayari, matatagpuan ang ganitong paliwanag.

“This is a war against terrorism, everyone says, but where, on what fronts, for what concrete ends? No answers are provided, except the vague suggestion that the Middle East and Islam are what “we” are up against, and that terrorism must be destroyed. What is most depressing, however, is how little time is spent trying to understand America’s role in the world, and its direct involvement in the complex reality beyond the two coasts that hve for so long kept the rest of the world extremely distant and virtually out of the average American’s mind. You’d think that “America” was a sleeping giant rather than a superpower almost constantly at war, or in some sort of conflict, all over the Islamic domains. Osama Bin Laden’s name and face have become so numbingly familiar to Americans as in effect to obliterate any history he and his shadowy followers might have had before they became stock symbols of everything loathsome and hateful to the collective imaganition.”

Sa mga pahayag na ito ni Said, makikita ang isang pananaw na nagsasabing hindi nga dapat ibasura ang mga paniniwala ng Postkolonyalismo. Dapat pa nga itong ilapat nang masinsinan dahil lumalabas sa mga pangyayari na hindi pa talaga gaanong nagkakaroon ng impluwensya ang pilosopiya nito sa mga nanununugkulan sa pamahalaan o sa mga may-hawak ng kapangyarihan. Ang mismong pahayag ng pamahalaan ni Bush na ang kanilang kinakalaban ay ang mga terorista ay maituturing ngang isang pag-unlad dala ng impluwensiya ng Postkolonyalismo. Hindi nilahat ang mga Arabo bilang mga terorista. Nakakita na ng kahingian ang pamahalaan ng Estados Unidos na ihiwalay ang puwersa ni Bin Laden sa pangkalahatang komunidad ng mga Arabo o Muslim. Kung hindi nila ito paghihiwalayin, hindi na sila makakatakas sa kondemnasyon ng iba pang bansa. Hindi katumbas ni Bin Laden ang mga Arabo, at pati mismo sa mga Arabo ay may mga sentimiyentong kampi sa Amerikano. Ngunit lumalabas na dito lamang nagtatapos ang impluwensiyang ito dahil pagdating sa implementasyon ay hindi ito nasusunod sa lahat ng pagkakataon. Tinitingnan pa rin ang lahat ng Arabo nang may pagsususpetsa. Binomba pa rin ang Afghanistan nang may kaakibat na banta na hangga't hindi isinusuko sa Estados Unidos si Bin Laden ay hindi ititigil ang pambobomba. At ayon na rin kay Said, wala gaanong naganap na pag-aaral o pagsusumikap na intindihin ang posisyong pinanggagalingan ng Estados Unidos sa mga pangyayari.

Sa lahat ng ito, naging mahalaga para kay Said ang papel ng media, dahil sila ang tuwirang pinagkukunan ng impormasyon ng mga karaniwang mamamayan: "Never have the media been so influential in determining the course of war as during the Al-Aqsa lntifada, which, as far as the Western media are concerned, has essentially become a battle over images and ideas." Kung kaya, nabanggit ko nga sa Matanglawin na sa mga panahong ito lalong mabigat ang kanilang responsibilidad dahil sila rin ang magsisilbing tagapaghubog ng opinyon ng kanilang mga kapwa Atenista o ng kanilang kapwa magaaral. Hihingin sa kanila ang isang kritikal na pag-iisip na hindi lamang humihinto sa mga pinagtutunggaling mga kategorya: Bush laban kay Bin Laden, Kanluran laban sa Gitnang Silangan, Arabo laban sa mga hindi Arabo, terorista laban sa hindi terorista, atbp. Ayon sa itinuturo ng Postmodernismo, mahalaga ring pag-aralan at saliksikin ang mga guwang at pagitan sa mga tunggaliang ito.

At oo nga naman, napakalaki kung iisipin ng papel ng media sa mga pangyayari sa kasalukuyan. Ayon na rin na kay Said iniangat na ngayon si Bin Laden bilang simbolo ng lahat ng kasamaan sa kasalukuyang panahon. Naging mahalaga ring halimbawa na magpamudmod ang Estados Unidos ng pagkain sa Afghanistan, maliban pa sa mga bomba, upang kahit papaano mapatunayan nila sa publiko na makatao naman ang kanilang tunguhin. Napilitan lamang sila sa pambobomba sa Afghanistan. At muli, lumalabas na naman ang larawan ng Estados Unidos bilang tagapagligtas ng mga taga-Afghanistan, ang parehong larawan na ginamit nila sa pagsakop sa Pilipinas. Naiintindihan ito pati ng kampo ng Taliban kung kaya't naging mahalaga rin para sa kanila ang pagpapalabas ng mga patalastas na maraming bata at inosenteng sibilyan ang namatay sa pambobomba ng Estados Unidos sa Afghanistan, na may napabagsak silang helikopter ng mga Amerikano, o may nahuli silang mga sundalong Amerikano, na agad-agad namang tinanggi ng White House dahil ang ganoong balita ay magpapatunay ng kanilang kahinaan.

Lahat nga ito ay isang labanan ng propaganda kung saan napagtitibay ang mga konklusyon ng Postkolonyalismo tungkol sa isyu ng representasyon, isang labanan ng propaganda kung saan nasasangkot ang Pilipinas. Sa ganitong konteksto hindi maiiwasang pagdudahan ang mga kasalukuyang pangyayari sa bansa at kung paano napakadaling umayon ang opinyon ng pubiiko sa pasya ng pamahalaang Macapagal-Arroyo na makisanib sa Estados Unidos sa pakikidigma nito laban sa terorismo. Malapit sa karanasan ng mga mag-aaral halimbawa ang kinatakutang banta ng paglaganap ng influenza virus na nagparatisa sa ilang paaralan sa Pasig, Mandaluyong at San Juan. Hindi kaya pinalaki lamang ito ng media upang magsilbing isang lehitimong dahilan upang makisali ang bansa sa Estados Unidos? Maaalala halimbawa ang reaksyon ni Korina Sanchez nang pabulaanan ng kinapanayam niyang epidimiologist ng Department of Health sa telebisyon na wala namang katotohanan ang nababalitang epidemya. Pilit pinutol ni Sanchez, nang ikinakatuwiran ang kakulangan sa oras, ang pahayag ng epidimiologist kahit hindi pa ito tapos sa pagbibigay ng babala sa manonood na huwag mataranta sa mga balita. Napakarami pang ibang pagkakataon: ang pagpapalipat nang agaran sa oil depots na matatagpuan sa Metro Manita, ang paglabas ng mga ebidenslyang minsang pumunta sa Pilipinas ang mga teroristang tinutugis ng mga Amerikano, ang pagkakaroon ng blackout, ang mga pangyayari sa Mindanao, ang napakaraming bombang natagpuan sa iba-ibang bahagi ng kalunsuran, atbp. Anuman, ang naging punto ng aking maikling talumpati sa paglulunsad ng isyu ng Matanglawin noong nakaraang Oktubre, ay ang pagpapasyang dapat gawin ng patnugutan ukol sa digmaang nagaganap ngayon sa larangan ng media kung saan sila kasangkot, ang digmaan ng propaganda. Hindi maiiwasang masangkot sa digmaang ito, ngunit kung paano at kung ano ang gagawing pakikisangkot dito ay maaaring pagpasyahan.