Sa Mundo ng Dapat
ni Rey Asis
(National President, College Editor's Guild of the Philippines)

Ayokong magsalita ng tapos pero hindi na yata ako magkakaanak.

Hindi sa ayaw kong magkaanak dahil ang totoo ay gusto ko. Masarap magkaanak. Mayroon kang aalagaan at tuturuan. Mayroon kang aarugain at mamahalin. At sa kasalukuyang mundong may konsepto pa rin ng pribadong pag-aari, mayroon kang tatawaging iyo.

Sa mundo ng mga dapat at sana, makakapag-aral siya, makakain ng wasto at masustansiyang pagkain at lalaki bilang isang ganap at makabutuhang bahagi ng lipunan-nag-iisip, kritikal, nagsasalita, may pakialam at nakikialam.

Sa kasalukuyan naman, makakapag-aral pa rin siya, makakakain at lalaki. Ngunit singlabo ng iginuguhit ng naghihingalong printer ang makatapos at magkaroon ng magandang buhay. Maraming paaralan sa ating bayan ang kinupasan na ng panahon, napabayaan at nananatiling atrasado.

Dulot ng kakarampot na badyet na inilalaan ng pamahalaan sa edukasyon, maraming mga elementary at high school ang nagmistulang barung-barong na salat sa pasilidad at mga kagamitang dapat sana'y nagagamit ng mga estudyante sa pag-aaral. Tila yumuyukod sa mga mag-aaral ang naglulumaang mga dinding at humahalik sa lupa ang mga kisame.Tila naputulan ng daliri ang mga keyboard ng computer. Maging ang pisara'y uhaw sa kalinga ng chalk.

Marami ring paaralan ang nagsilbing evacuation centers sa mga biktima ng karahasan, katulad yaong nasa Mindanao. Marami ang naging himpilan mismo ng mga militar at pulisya. Hindi na mabilang sa daliri ang dami ng kasong pang-aabuso, pananakot at pandarahas ng mga militar sa mga estudyante. Sa Quezon, hindi na pumapasok ang mga estudyante. Hindi dahil isang kilometro ang tayo ng kanilang paaralan kundi dahil sa maraming kaso ng pambabastos at panggagahasa ng mga marinong sundalo sa mga kababaihang mag-aaral.

Sa Bisayas, tugon sa mga pagtatanong at pananakot ang inuusal ng mga estudyante tuwing flag ceremony. Sa Mindanao, bata ang sinasahod ng mga guro at estudyante sa tuwing may opensibang militar.

Sa araw-araw, unti-unting nagbabago ang mga pangarap ng mga kabataan mula sa pangarap maging isang mahusay na doktor hanggang sa mahusay sanang maka-sagot kay Kapteyn, mula sa isang maayos at mapayapang buhay hanggang sa mapayapa sanang makauwi sa mga tirahan.

Apektado ang kabataan sa mga kontra-opensiba ng pamahalaan sa mga tinatawag nilang terorista. Malaki ang pinsala at nasasaalang-alang mismo ang seguridad ng mga ito sa patuloy na pagmimilitarisa sa kanayunan, kung saan matatagpuan ang kanilang pinakamalaking bilang.

Kasabay ng pagsabog ng mga bomba sa kuta ng mga 'kaaway' ang pagsabog ng mga pangarap ng kabataan. Kasabay sa hamletting ang pagpinid sa kanilang mga bibig at pandama. Tinatatakan at tinatakdaan ng National ID System ang bawat salitang bibigkasin. Nilulunod ng takot at pangamba ang kasiguruhan sa isang magandang bukas.

Unti-unting sinisira ng pamahalaan ang buhay at kinabukasan ng tinatawag nitong pag-asa ng bayan. Nawawalan ng saysay ang pag-aaral sa bawat pagbisita ng mga militar sa paaralan. Ang karapatan sa malayang pamamahayag at pagkilos sa loob ng kanilang mga ikalawang tirahan ay tila inuupod. lbang pag-aaral ang makukuha ng mga bata. lbang leksyon ang matututunan nila. lbang grado ang matatanggap. lbang pangarap ang mabubuo—karapatang kumilos nang malaya, makapag-aral a mabuhay nang payapa.

Hindi masasagkaan ng panunupit ang pagkilos ng kabataan. Marami na ang tumutol sa pagtaas ng matrikula, mga di-makatarungang patakaran sa loob ng eskwelahan at mismong panunungkulan ng mga nagdaang pinuno. Marami ang nabigo ngunit marami rin ang nagtagumpay. Kung gayon, sa gitna ng kalakaran sa edukasyon ng pamahalaan, patuloy na nagmamatyag at kumikilos ang mga kabataan. Patuloy silang nagiging kritikal, nagsasalita at nakikialam.

Sa isang pamantasan sa Mindanao, naitala ang dagsang bilang ng mga estudyanteng nag-drop out sa kanilang klase. Hindi dahil walang perang ipantustos ang kanilang mga magulang. Kung hindi dahil sa pagsapi sa rebelyong nabubuo sa rehiyon. Marami ang sumapi sa MILF. Hindi na lamang karapatan sa edukasyon ang kanilang ipinaglalaban kung hindi ang karapatang mamuhay at magkaroon ng sariling pagpapasya.

Marami ang katulad nila ang ngayo'y lumalaban - sa iba't ibang larangan. Mula sa paglahok sa mga dayalogo hanggang sa mga piket protesta hanggang sa mga malawakang boykoteo at mobilisasyon hanggang sa paghawak ng armas. Binibigyan ng pagkakataon ng panahon ang mga kabataang makapamili - ang manahimik at panatilihin ang mapanupit na sistema o manindigan, kumilos at baguhin ito - hindi lamang para sa kanyang kinabukasan kundi para sa lahat, at marahil sa mga susunod pa.

Kung magkakanak man ako, hindi ko nanaising maranasan nila ang kasalukuyang mundo. Hindi sila nararapat at ganap para rito. Sa mundo ng mga dapat at sana, sila ay masaya, malayang nakakapag-aral at kumakain ng wasto at masustansyang pagkain. Kung hindi man, ayokong magsalita ng tapos ngunit alam kong dito rin tutungo ang maaaring magiging anak ko.

Ikaw, kung manganganak ka, sa mundo ng mga dapat at sana, nanaisin mo rin ba?