Panlilinlang 101
ni Diane Joy Zaragoza at Aaron Rom Moralina

Magpapahayag ang mahal nating pangulo ng kanyang pakikiramay sa nakaraang pag-atake sa Estados Unidos. Magpapahiwatig siya ng dalamhati, sasabihing nagdurugo ang kanyang puso para sa mga kaibigan at pamilya ng mga nasawi sa trahedya. Gagawin niya ito nang mahinahon, ngunit titayakin niyang mababakas ng lahat ng kanyang tagapakinig ang hinagpis sa kanyang boses na may puntong kapampangan.

Sa isang iglap, magbabago ang tono ng kanyang pananalita. Bigla niyang sasambiting handang magbigay ng tulong ang kanyang administrasyon upang masugpo ang mga salarin sa trahedya. Idadagdag pa niyang handa siyang magpadala ng pwersang militar bilang tulong sa Estados Unidos kung nanaisin nitong makipagdigma sa mga Taliban ng bansang Afghanistan. Hindi lamang iyon, dahil na rin sa kanyang dalamhati, nais rin niyang ipaabot sa administrasyong Bush na buong pusong susuportahan ng kanyang bansa ang kampanyang anti-terorismo ng Estados Unidos.

Matatapos ang kanyang talumpati, at tutuloy siya sa kanyang tanggapan. Doon ay ipaplano niya ang kanyang mga polisiya para sa natitirang taon ng kanyang panunungkulan. Ilalagay niya sa papel ang kanyang naiisip na panghihintulot ng iba't ibang deregulation, liberalization, privatization at iba pang salitang de-"tion". Lahat nito ay kasama ng patakarang ilalakad ng kanyang administrasyon, bahagi ng suportang binibigay niya sa EU.

Mahimbing siyang matutulog sa gabi nang hindi man lamang binabagabag ng kanyang konsyensiya.

Wala nang bago pa sa eksenang ito. Nagbabago lamang ang pangunahing tauhan, nagpapalit ng anyo't pangalan, ngunit pareho pa rin ang dayalogo't istorya ng eksena. Mula pa noong ipinagdiwang ng bansa ang "kalayaan" mula sa mga Amerikano noong ika-4 ng Hulyo, taong 1946, wala 'ni isang pinuno natin ang nakapag-ehersisyo ng paghuhulma ng mga polisiya't patakarang pangadministrasyon na may tunay na otonomiya mula sa mga impluwensiyang banyaga. Kahit ang pagpapahayag ng suporta sa Estados Unidos ay nagpapahiwatig ng matinding pagsalalay ng ating mga pinuno dito. Nakiramay at nagbigay ng suporta ang pamahalaan upang magpabango't magpa-“lakas" sa administrasyong Bush. Para sa karamihang mga Pilipino, tipikal na ang mapanood ang eksenang ito.

Maaaring sabihing nakakulong na sa isang kulturang hindi na matatakasan ang ating mga pinuno kung kaya't ganoon na lamang ang kanilang pamamalakad sa pamahalaan. lsang siklo na lamang ang natutunghayan natin sa paulit-ulit na pagpapalit ng mga tauhan sa mga "ginintuang" upuan ng gobyerno mula sa pangulo hanggang sa mga kongresista. Estados Unidos sa polisyang pambansa ng ating mga pinuno, bahagi ng kulturang hindi na matibagtibag.

Ngunit bakit nga ba nahulma ang ganitong ethos ng ating mga pinuno? Nararapat lamang ungkatin at pag-aralan kung saan naka-angkla ang ganitong uri ng kultura.

Huwad na edukasyon

Nang dumaong ang barkong USS Thomas sa bansa, nagbago ang pagkilata ng mga indio sa sarili. Dala ang sangkatutak na libro't kagamitang pangturo, nakilala ng mga Pilipino ang sundalong guro ng Estados Unidos bilang tagapagsalba sa kanilang "kawalang-kaalaman.”

Para sa karamihan, ang mga inihandog na edukasyon ng mga Amerikano sa bansa ay biyaya. Natuto tayong magsulat, magbasa at magbilang. Pinakilala tayo sa mga bagong kaisipan, at napalawak ang ating abot-tanaw. Nakilala natin ang ideya ng "kalayaan" at "demokrasya."

Magpahanggang ngayon, ang mga idinidikta ng mga kanluraning midya ay itinuturing na isang unibersal na katotohanan: maganda ang maidudulot ng free trade, giginhawa ang buhay sa mass production, at magiging paraiso ang bansa kung sasailalim sa free enterprise. Mula sa mga librong ito natutunan nating lumikha ng isang kaisipang nasyonalismo ang magsisilbing bigkis sa lahat ng Pilipino sa buong kapuluan. Kinilala natin ang ating pambansang sayaw, bulaktak, hayop, ibon, puno at watawat, pati na rin ang pambansang bayani. Nakilala rin natin kung sino ang Pilipino – masipag, matiyaga at hospitable. Nakilala natin ang isang pambansang wika kasabay ng pagkatuto natin ng wikang ingles. Marami tayong natutunan, at kinasangkapan natin ang pagkatutong ito hanggang sa kasalukuyan.

Kasama ng pagkatutong ito ang ating pagkamangmang sa mga masasamang dulot ng edukasyong binigay sa atin ng kolonisador. Sa kabila ng kagandahan sa pandinig ng mga salitang free trade, free enterprise at mass production, hindi naman natin lubos na naunawaan ang ibig nitong sabihin. Lingid sa ating kaalaman, sumasali tayo sa isang laro kung saan tayo ang naiisahan. Iilan lamang ang nakikinabang sa larong ito at kadalasa'y dayuhan pa ang nakalalamang. Dinikta sa atin ang ating identidad - ang tipikal na Juan dela Cruz, naka-kamisa de chino at salakot, nakasakay sa kalabaw sa gitna ng matawak na patlayan. Hindi natin alam na mananatili tayo sa pagiging agrikultural at hindi kailanman magiging industriyal. At bahagi nito'y ginagawang perpetwal na tagapaglingkod ang Pilipinas para sa dayuhan - taga-sustento ng mga hilaw na materyales sa mga industriya ng mga bansang first world. Naging limitado ang ating ideya ng nasyonaiismo sa pagmamayabang sa iba't ibang nagpapakilala sa atin bilang bansa, ngunit hindi tayo namulat sa tunay na esensya ng nasyonalismo: ang pagsulong sa interes ng mga naaapi nating kababayan. Nanatiling marhinalisadong wika ang wikang Pilipino at patuloy nating ginagamit ang wikang lngles sa pakikipagtalastasan. Natutunan natin ang kahulugan ng salitang "kalayaan" at "demokrasya", ngunit ito'y huwad na kahulugang sadyang hinulma ng mga kolonisador. Natuto tayong magsulat, magbasa at magbilang, ngunit para lamang maging alipin ng mga konseptong banyaga na patagong kumakain sa ating pagkatao.

lpinamukha sa ating kasalanan ang pagdudahan ang unibersal na katotohanang nailantad. At tayo nama'y manghang-mangha sa edukasyong sinasabi nilang magsasalba sa atin sa ating nakabababang estado, pinalakpakan pa natin ang kolonisador habang patuloy nitong pinapakain ang lason ng huwad na edukasyon sa ating lahat.

Ano pa nga ba ang pinaka-epektibong pamamaraan upang mapasailalim ang isang bansa? Ang natatanging paraang makakukuha sa mga isip at diwa ng mamamayan ay ang makapagbibigay kasiguraduhan sa mga Amerikano na mananatiling kolonya ang Pilipinas. Inilapat ng Estados Unidos ang kanyang plano sa pamamagitan ng paraang nakalilinlang—ang edukasyon. Kung ang edukasyong inihahandog ng mga kolonisador ay maglilinlang sa mga Pilipino upang tingalain ang Estados Unidos bilang nakatataas ayon sa kosmos, tiyak na magtatagumpay sila.

At Matapos ang Edukasyon...

Sa pamamagitan ng programang pangedukasyon inilaan sa Pilipinas, pinatibayan ng Estadas Unidos ang kanilang planong maglaan ng pamahalaang elitista upang palitan ang modelo ng pamahalaan sa ilalim ng pamamalakad ng Espanya. Sa panahong ito, nasaksihan ang pamamalakad ng mga papet na liderato—pinapayagan ng Estados Unidos ang mga Pilipinong mamalakad sa gobyerno ngunit bilang mga alipin din ng kanyang binabalak na polisiyang kolonyal. Napasakamay ang kapangyarihan sa gobyemo sa mga taong bahagi ng nakatataas ang strata - mga haciendero, mga dating ilustrado't peninsulares.

Nagpatuloy ito. At dahil nakaranas ang mga Pilipino ng mga mailan-ilang pag-unlad sa ekonomiya, hindi na natin nagawang pagdudahan ang sistemang pulitikang iniwan ng Estados Unidos sa bansa. Dahil na rin naka-angkla ang kapangyarihan sa elitismo, nagbunga ito ng iba't ibang kaugaliang baluktot. Nasaksihan natin ang korupsyong dala ng kaugaliang Political Dynasty (Halimbawa ay ang mga Joson ng Nueva Ecija, mga Cojuangco't Aquino ng Tarlac, mga Ynares ng RizaL, mga Remulla ng Cavite, mga Osmeńa ng Cebu at marami pang iba.). Naka-angkla ito sa hacienda mentality - nangangahulugang mas makapangyarihan ang mga mas malawak ang lupa. Dahil na rin ang mga panginoong may lupa lamang ang nakatatamasa ng kapangyarihan noon, naipasa nila sa susunod na henerasyon ng kanilang pamilya ang kapangyarihang ito - naging isang magandang outlet ito ng korupsyon sapagkat iisa lamang ang katawang nanunugkulan. Bukod pa rito, naging basehan na lamang ng pulitiko ang personalidad upang maihalal sa kapangyarihan. Nagbunga ito ng ugaling klientismo sa pulitikang pambansa - walang matibay na pananagutan ang mga naihahalal sa puwesto dahil nakasalalay ang kanilang pamamalakad sa pag-"bebenta" ng serbisyo kapalit ng "pambiling" boto. Maliban pa rito, naging kasapi na lamang ng iisang strata ang mga nanunungkulan, hindi nakadirehe arig polisiya ng liderato sa nakararami, bagkus, nakadirehe na lamang ito sa mga naghaharing uri - ang mga kasapi rin ng strata ng liderato.

Polisyang Pulpol ng mga Pulitiko

Samakatuwid, walang magiging pagbabago sa mga polisiya ng mga pambansang pinuno ng bansa sapagkat nakaugat ang problema sa mismong ubod ng kanilang kakayahang mamuno - ang kanilang edukasyon at ang kulturang dulot nito.

Patuloy nilang kikilalanin ang mga dayuhan, lalung-lalo na ang Estados Unidos, bilang pigurang may pinakamahalagang papel na ginagampanan sa pambansang programang pulitikal at pang-ekonomiya. Nakasalalay an gating mga pinuno sa kung ano ang idikta sa kanila sapagkat sa simula’t simula pa lang, nanghimasok na ang mga dayuhan sa pambansang gawain. Nagpapautang bilang tulong sa ating bansa ngunit didiktahan naman kung saan ididirehe ang mga ito - bagay na nagtitiyak, lalung-lalo na ang Estados Unidos, ng kapangyarihan sapagkat nakasalalay pa rin sa kanila ang daloy ng ekonomiya. Hihikayatin nila ang administrasyon ng bansa upang ratipikahan ang mga polisiyang magpapahintulot sa mga dayuhang korporasyon at kompanya na panghawakan ang yamang bansa kapalit ng pagpapautang sa hinaharap. Pipigilan ng dayuhan ang mga lokal na polisiyang magbubunga ng pagbabawas ng kanyang kapangyarihan sa bansa. Ang lahat ng ito ay kanyang magagawa dahil na rin sa pagkilala ng ating mga pinuno sa mala-diyos na imahen ng dayuhan, lalo na ang Estados Unidos—manggagaling ito mula sa ubod ng kanilang sentido dahil na rin sa kanilang pagiging "edukado. "

Sa kasalukuyan, isa lamang manipestasyon ng ganitong atitud ang ginawang pagsuporta ng kasalukuyang rehimen sa Estados Unidos sa kanyang pagbobomba sa bansang Afghanistan. Kinakailangang makuha ng rehimen ang simpatiya ng administrayong Bush upang sa gayo'y maglaan pa ng tulong pang-ekonomiya ang Estados Unidos para sa bansa. Ito ay nagpapatibay tamang ng kapangyarihan ng EU sa ating estado.

Ano ang sinasabi ng kanlurang midya Ano ang katotohanan
Pagiging makabayan - pagkilala sa pambansang watawat, pambansang bulaklak, pambansang puno, pambansang damit, monumentong makasaysayan. rice terraces, pambansang sayaw, kanta at literatura. Mga katangian ng mga Pilipino - masipag, matiyaga, tipid, relihiyoso, hospitalbe. Kailangan maging mulat sa mga masasamang epekto ng kolonyalisasyon. Kailangan ding maging mulat na ang pagiging makabayan ay hindi lamang pagkakaroon ng pambansang bulaklak kundi ang pagsulong ng mga interes ng mga nakararami at naapi.
Aksidente ang pagsakop sa atin ng mga Espanyol at Amerikano. Dapat nating pasalamatan sila dahil kung hindi, wala tayong kristiyanismo mula sa mga Espanyol at wala tayong demokrasya mula sa mga Amerikano. May mga interes ang mga Espanyol at Amerikano kaya sila napadpad dito. Mas sinisilbi nila ang kanilang mga sarili kaysa sa atin sa kanilang kunwaring pagtulong sa atin.
Mayaman ang Pilipinas. Maraming likas na yaman. Hindi pinakilala kung sino ang nagmamay-ari ng kayamanan. Hindi iminumulat ang pagkawasak sa kalikasan ngunit ang mga benepisyo'y napupunta sa mga dayuhan.
Ok ang turismo. Halimbawa: APEC, Ms. Universe Maraming nagastos ang mga gobyerno ngunit nauuwi sa wala.
Maunlad ang Pilipinas kung malaki ang GNP, maraming dolyares at mas malaking produksyon. Kung ganito, hindi naman patas ang distribusyon ng mga nakukuhang tubo, kung meron man.
Mga papel na dapat gampanan ng mga lalaki at babae. Hindi naipapakita ang kabalintunaan ng sobrang umaaasa sa Diyos. Hindi kailangan maging tapat sa mga isteryotipiko.
Mabuti ang teknolohiya at ito ay nakakatulong. Kailangang maging dalubhasa sa teknolohiya upang umunlad ang bayan at makasabay sa sinasabing "Globalisasyon." Maganda ang teknolohiyang galing sa kanluran. Hindi sinsabing ang teknolohiyang ginagamit ay galing sa kanluran. Tinuturo na dapat ay maging magaling sa paggamit ng teknolohiya at hindi sa paggawa't pagbabago nito. Nais ng kanlurang makakuha ng cheap labor rito para sa kanilang industriya.
Makabubuti sa bansa ang malayang pangangalakal sa mga bansa sa kanluran. Hindi sinasabing ang malayang pangkalakal ang siyang ikalulugi ng bansa sapagkat sa huli ay produktong Pilipino ang mawawalan ng halaga.

Sa Kasalukuyan

Nakabinbin sa di-kasiguraduhan ang lipunang Pilipino.

Paano pa tayo makabubuo ng isang ideya ng nasyonalismo kung ang edukasyon pa lamang ng bansa, ang ubod ng pagkatuto ng sambayanan, ay may katangian nang kolonyal? Paano makabubuo ang pamahalaan ng mga polisiyang hindi nakasalalay sa mga dikta ng mga dayuhang bansa? Paano magkakaroon ang bansa ng isang lideratong tumutuon sa mga pangangailangan ng nakararami at hindi lamang ng mga iilang naghaharing uri?

Kailangan nating baguhin ang pangkalahatang istruktura ng edukasyong dinala ng imperyalistang Estados Unidos upang makapaglahad ng isang konkretong sistema ng edukasyong malaya sa mga panghihimasok ng dayuhan. Kailangan ng sambayanan ng edukasyong para sa sambayanan - edukasyong Pilipino. Hindi lamang dapat makapaghubog ang sambayanan ng mga taong marunong sa retorika't matematika, kailangang makapaghubog ang sambayanan ng mga taong tunay na marunong at mulat sa mga suliraning pambansa. Kailangan ng sambayanan ang lideratong magtataguyod sa mga adhikain ng nakararami – ang pagtataguyod ng isang lipunang siyentipiko, mapaglaya at higit sa lahat makabayan.

Kung hindi tayo makikiisa sa pagtataguyod na ito, mananatili tayong isang sambayanang tila walang simulain at walang patutunguhan.