Paumanhin sa Maya
ni Alvin Yapan

Kasabwat n'yo marahil ang hangin,
taksil na tagasiwalat
ng amoy ng aming palayan
na walang iniwan
sa mainit pang pandesal sa hurnuhan.
O marahil may gumagala
kayong mga tiktik
tulad ng mga pirata at tulisan.
Anuman, dumarating na kayo,
mga kayumangging balang,
hindi pa man lubusang naiyuyuko
ng mga patay ang kanilang tangkay
sa pagkakahitik sa mga gintong butil.

Isang kimpat ng tupa kayo sa langit
sa sama-samang paglipad.
Ngunit isang tupang hindi mapagtamnan
kaya nariyang hulihin kayo nang sanlaksa
upang gawing ulam
at nang matuklasang maliit pa
sa sisiw ng balot ang katawan,
sinubukang lasunin ang inyong lahi.
Nang hindi pa rin masugpo
ibinenta sa palengke sa loob ng hawla
at nang walang bumili
pininturahan ng sari-saring kulay
at inilako bilang mga loro
saka hinikayat ang mga bata
sa larong paninirador.

Isang panunuya ang paninirahan n’yo sa simbahan
Itinatago ng naglalakihang aranyas
Ang kanlungan ng inyong mga pugad.
Paano kami tututol gayong hindi iniinda
pati ng mga santo ang inyong pag-ipot
sa kanilang kabanalan?
Pinahihintulutan kayo
pati ng pari na mag-ingay,
maglaro at magligawan
kahit itinataas ang kalis at ostiya.

Ngunit sadyang may hatid na saya
ang paghabol sa inyo sa palayan
upang makita lamang kayong
sama-samang pumailanlang
sa pagtakas sa kalawakan.
Kahit kami'y natutuwa
kapag hindi na kayo natatakot
ng aming damit na binusog
ng dayami at uhay.
Dahil sa ganitong mga pagkakataon
ang inyong huni ay nagiging masayang ragasa
ng tubig-ulan na hindi paaangkin
sa aming mga pliapil.
Paano nga naman namin kayo palalayasin
gayong isang panunumbat
ang salot n'yong pagbisita sa amin?