Tatlong Liham:
Mga Taghoy Tuwing Sembreak
ni Tonyo Atendido

29 Oktubre 1999

kay C.

SEMBREAK NA.

Sembreak na. At ngayon, ngayong sembreak ko lang naramdaman kung gaano kalungkot mag-isa.

Apat na gabi na nga akong nagpupusoy mag-isa para magpaantok. Apat na magdamag kung kailan kita kinakausap sa mga pantasya ko. Pero wala... wala, kasi alam kong sa pantasya lang kita makakausap tungkol sa ganoong mga bagay.

Sembreak na. At ngayon, ngayong nakapagisip-isip na 'ko ng malalim-lalim tungkol sa saysay ko sa mundong ibabaw, naramdaman ko na rin kung ga'no kahirap maging... ganito.

Okey lang naman ako, at wala akong sinisisi tungkol sa kalagayan ko sa buhay. Hindi kailanman ako inabot ng gutom; maayos naman akong manamit, may paunti-unting luho pa nga, eh maginhawa mo nang tatawagin ang buhay ko. Kung tutuusin, minsan proud pa nga ako, dahil may mga sandaling naipagmamalaki kong iskolar ako.

Pero nu'ng palakad tayo papalabas ng covered courts nu'ng isang araw, nu'ng humiwalay ka papunta sa nag-aantay mong puting BMW, do'n; yun yung sandaling nalungkot ako, at nahiya, dahil ako maglalakad papuntang gate.

At ngayong lalo na akong napagisip-isip, napapabulong ako sa sarili kong, sana hindi na lang ako iskolar. Sana nagbabayad na lang ako ng tuition, at hindi nakatira sa Tondo. Sana may puti rin akong BMW, at maisasakay kita ro'n, papunta sa gig ng kabarkada kong tumutugtog sa Libis, at maihahatid kita sa bahay niyo sa Green Meadows. Sana, hindi napuputol ang pagpupusoy ko dahil sa pantasyang kasama ka. Pantasya lang, ha.

Nu'ng araw ng finals natin, nu'ng nakapag-usap tayo ng matagal-tagal, lalong lumalim ang pagtingin ko sa iyo. 'Yun yung ilang oras na hindi man lang bumahid sa isipan kong may puti kang BMW, na hindi pala kita maaabot. Para bang iniisip kong lahat asa'yo na... iniisip ko, "Diyos ko, sana siya na'ng babaeng makapiling ko habambuhay." Kasi, para bang parehong napakalawak ng mga interes natin, pero halos lahat nagtugma. Para bang may isang pirasong papel na pinunit sa gitna, tapos tayo yung magkatugmang 'yon. Kaya nga lang, ikaw mamahaling stationery, ako recycled paper, yung nabibili ng beinte pesos isang dangkat. Putcha, naaasar lalo ako 'pag naaalala ko.

Nito ngang mga huling gabi, napagpasyahan ko nang magpusoy na lang mag-isa, kaysa malungkot sa kaiisip sa'yo. Kaya lang, istorbo ang imahen mo. Lalo na yung sumisipsip ka sa istro habang nakalapag yung bote ng coke sa mesa; at yung tawa mo nung nakita mong pinagmamasdan kita.

Ako naman, kunwaring nawiwirdohan pa. Putcha. Putcha talaga.

Alam kong maiipit lang 'tong liham na 'to sa kung saan. Sobra namang lakas na dagok sa dangal ko kung ibibigay ko pa 'to. Medyo bitin pa nga, eh, kaya lang sobra na 'kong naiinis dahil pinangako kong hindi na kita iisipin. Hindi na kita aasamin. Alaala ka na lang.

Napagpasyahan ko na ring patayin ang ilaw, at tigilan ang pagpupusoy. Hindi dahil nagsasawa ako, pero dahil pati yung baraha, nabahiran na rin ng alaala mo.

Napagpasyahan ko na ring pumikit, at kung hindi man abutin ng antok, ay hayaan na lang na lunurin ng lungkot ang kamalayan ko. Putcha.

23 Oktubre 2000

kay S.

SEMBREAK NA NAMAN.

Panahon ng walang abala, ng walang pakialam. Puwedeng magpuyat hanggang bukanliwayway, puwedeng matulog hanggang sa pagbangon ng buwan na mismo. Puwedeng magbasa ng sangkatutak na libro - mga cheesy romance novels pa nga. Puwedeng mag-isip nang mag-isip nang mag-isip.

Puwedeng magsulat nang magsulat nang magsulat.

Sembreak na naman.

Isang taon, mahigit kumulang, mula nang huling sembreak, at heto na naman ako. Nag-iisa, nagmumukmok, nalulungkot.

Nakatabi na ang lumang baraha kung ano'ng natitira dito. Nagkakulang-kulang na 'yon, napaglaruan ng mga pamangking walang kamuwang-muwang sa mga alaalang hawak nito. Alaala ng isang sembreak.

Hindi ko masasabing nalimot ko na si C. Sa totoo lang, hindi ko man lamang tatangkaing limutin siya. Sapat na sigurong ituring ko siyang alaala - alaala ng isang pantasya, isang mumunting panaginip na ako lamang ang tulog nang nangyari. Isang kathang isip. Alaalang nakasilid na sa isang lumang kahon.

Sembreak na naman, at putangina, babae na naman ang bumubulabog sa mga gabi ko.

Hindi na pusoy ang libangan ko, pero ganu'n pa rin ang emosyong sinusubukang tabunan nang kung-anumang inaatupag ko. Gitara, kumakapa ng mga lumang kanta. 'Yung malulungkot siyempre. Libro, pinipilit isaulo ang Twenty Love Poems and A Song of Despair ni Neruda. Kompyuter; keyboard at mouse, hindi na bolpen na napulot kung saan. Damdaming itinatago ko na ngayon sa mga bytes, hindi na sa luma at lukot na yellow pad.

Hindi na pantasya, panaginip, kathang lsip. (Kaya?)

Lungkot pa rin.

Matagal-tagal ko na ring hinihintay 'to. Ever since I learned how to sort out my emotions. Problema ngayon, nakatagpo ako nang nahihirapang mag-sort out ng sarili niyang emotions - daw. "There and then did I realize that I had not yet come to terms with the remaining stubborn demons in myself," eksaktong salita mo. Putangina, hanep, tsong.

Putragis, nakakabanas. Nakakabanas, hindi ikaw, hindi dahil maaaring matagal ang abutin ng paghihintay ko. Nakakabanas dahil sa akin. Dahil alam kong hindi ko masisikmurang hindi maghintay.

Kahapon, alas-siyete ng umaga na ako nakatulog. Dahil inabangan ko 'yung oras na paalis ka na papuntang Pampanga. Para matawagan kita, at masabing 'ingat.' Wala na akong pakialam sa pagod ng buong araw, sa nanay kong halos himatayin nang nakita ako sa telepono mga bandang alas-sais. Wala na akong pakialam sa maraming bagay 'pag tinabi sa iyo.

Nabulabog lang naman tataga 'yung takbo ng mga bagay nu'ng bumanat ako ng malupit na I love you, eh.

Ngayon, kung babalikan ko, ang totoy nga ng dating ko. Hindi na ako magdedeny: ang totoy ko. Ba't ko ba sinabi 'yon. Siguro gusto ko lang magpapogi. Humirit ng sa tingin ko astig. Siguro dahil the things we regret tend to appear to be so much uncalled for when we finally think about regretting them.

I do regret saying those words. Hindi dahil na-olats ka nu'ng sinabi ko 'yon, but because I've finally come to realize that they weren't true back then. There's attraction. There's the longing for companionship, the yearning for that companion to be you. But not love, at least not back then.

And I'm man enough to admit that. Umasa ka, the next time I say it, I'll mean it.

Ang laki ng pagbabagong puwedeng mangyari sa loob ng isang taon. Kitang-kita 'yon sa mga sinulat at sinusulat ko. Mga panananaw sa buhay. Mga paraan ng pananalita. From Lingua Franca ng Tondo, nahaluan na rin ng konting Lingua Franca ng Ateneo.

Pero may mga bagay na hindi nagbabago. 'Yung mga mura. Putcha, putangina, putragis. Tatak na ng pagkatao ko 'yon.

Parang `yung lungkot.

Alam mo ba kung ba't ako nalulungkot? Malamang hindi. Ako nga mismo nalalabuan, eh. Probably dahil hindi ko alam ang gagawin kong susunod. Dahil hindi ko alam kung paano maghihintay habang nagso-sort out ka ng emotions. Dahil hindi ako marunong manligaw. Marunong akong magsulat, mag-isip, humirit ng nakakatawa o nakakatuwa. Pero manligaw? Hahaha.

'Di bale, parang pag-gigitara lang naman 'yan eh. Kapa-kapa lang 'yan.

'Pag inisip ko nang mabuti, hindi naman nakakalungkot 'yon eh. Nakakakaba, nakakaiirita, pero 'di nakakalungkot. Ay, ewan. Whatever, sabi nga nila.

Pasensiya ka na siguro kung rnasyado kong binibigyang kahulugan 'yung mga simpleng bagay. Tatak ng chess player. Pilitin ko mang hindi, hirap akong hindi ilagay ang lahat ng bagay sa konteksto ng animnapu't apat na kuwadrado ng chessboard. Emosyon, higit sa lahat ng bagay.

Alam ko na kung bakit ako nalulungkot: dahil sembreak. Dahil hindi kita kausap ngayon, sa sandaling ito. Dahil hindi kita puwedeng makita bukas, o sa susunod na araw. Dahil alam kong kunsaang malayo ka man naroroon, hindi mo ako naiisip gaya ng naiisip kita.

Dahil nga sembreak ngayon, mas matindi ang pagnanasa ko sa mga bagay na hindi ko tangan, na wala ako ngayon.

Papatayin ko na ulit ang ilaw, gaya ng ginawa ko nu'ng isang taon. Pipikit ako.

Pero ngayon, kukunin ko 'yung gitara ko, tutugtog ako ng blues habang tinutula ko 'yung Here I Love You ni Neruda. Pagkatapos, tutunganga muna ako nang sandali. Hihinga nang malalim.

Ngayon, hindi na ako kayang lunurin ng lungkot.

5 Nobyembre 2001

SEMBREAK NA ULIT.

Dalawang taon ang nakalipas, humawak ako ng papel at bolpen, umupo, at nagsulat. Nagsulat tungkol sa lungkot ng pag-iisa, lungkot sa pagkatuliro, sa

pagkadisilusyon. Lungkot sa mga nararamdaman ko noong mga panahong

iyon. At ngayon, sa ikatlong sembreak ko ngayong kolehiyo, uupo na naman ako at magsusulat.

Sembreak. Haay. Hindi ko alam kung anong salamangka mayroon ang panahong ito. Tatlong linggo ng pahinga, pagtunganga, pag-iisa. Pag-iisip. Panahon ng paghinga ng malalim - para bang pasasalamat sa pagkakaraos sa lumipas na semestre, at pagbuwelo na rin at pananalangin para sa kung-anumang lubak na maaaring daanan sa susunod.

Para bang isa-isa kong nilalabas ang mga emosyong naipon sa kaban ng alaala, at tinatalaksan ng maayos para mapagkasiya ang mga parating pang alaala. At para bang sa paghawak ng lumang laruan, iniikot ko ang alaalang iyon sa mga kamay ng pag-iisip ko, ini-eksamin ang bawat anggulo, sinasalat ang bawat gaspang at kinis, ang bawat butas, ang bawat umbok. Minsan napapatawa, minsan napapangiti. Minsan natatahimik, at napapatingin sa malayo.

Huling araw na ng sembreak ngayon - mamaya, pagtunog ng bell para sa klase kong alas nuwebe'y medya, tapos na ang sembreak. Sabak na naman ako. At lilipas na naman ang isang taon bago ako umupo at magsulat tungkol sa lungkot ng pag-iisa, tungkol sa pagkatuliro, sa pagkadisilusyon.

Di gaya ng mga nahuling sembreak, di na ako nag-iisa ngayon. Di ko sinusulat 'to para sa isa na namang babaeng kinababaliwan. Pagkatapos ng mahaba-haba na ring panahon, susulat ako hindi para ipakita sa mga editor o ipasa para mailathala. Ngayon, susulat ako para sa sarili ko, at sa sarili ko lamang .

At napansin ko, kahit nagsusulat na lang ako para sa sarili, kahit isarado ko na ang isipan ko sa lahat ng bagay, kahit padilimin ko na ang buong paligid at patahimikin ang lahat ng mga diyablong bumubulung-bulong mula sa mga singit at paligid ng kaluluwa ko, nalulungkot pa rin ako.

Nakapagtataka. Ewan ko; wala na naman siguro akong dahilan para malungkot. Naabot ko na ang ilan sa mga pinangarap ko, kahit man lang para sa buhay kolehiyo. Nagkaroon na ako ng iibiging iibig din sa akin. Hindi ko alam. Dapat siguro, natutuwa na ako.

Pero hindi. Siguro, dahil iniisip ko yung mga bagay na hindi ko nagawa noong nakalipas na semestre. Mga utang na hindi pa nababayaran, mga kagaguhan, mga seryosohang tinawanan ko pa rin. Mga pagkakataong pinakawalan. Siguro din, dahil naiisip ko yung mga bagay na hindi ko magagawa sa susunod na sem. At siguradong magkakaroon noon. Marami.

Siguro, nalulungkot ako dahil anuman ang mayroon ako ngayon, sino'ng makapagsasabi kung nandito pa rin 'yon pagdating ng susunod na sembreak? Baka malimot ko na pati sarili ko.

Nakakahibang: ang matakot sa mga malignong di ko naman alam kung tunay ngang naririyan sa tabi-tabi, ang mag-alala tungkol sa mga bagay na puwede namang di-totoo. Pero nagpapakahibang pa rin ako.

Kasi, lahat nga tao, may kanyakanyang lungkot na lumulutang lang tuwing dumadapo ang panahon ng kanya-kanya ring sembreak. At malamang, mamaya, pagtunog ng unang bell para sa ikalawang semestre, malulunod na naman ang lungkot ko. Dahil tapos na ang sembreak ko. S

Ang mga sumusunod na liham ay kinatha ng isang junior ng Pamantasan. Hindi ginamit ang tunay na pangalan ng may-akda.