Animatronics Dinosaur Show, o Pahimakas sa Aking Kabataan
ni Wincy Gerard Aquino Ong

Kamakailan, nagkulong ako sa kuwarto ko at tinitigan ang balat ng kopya ko ng Nevermind ng Nirvana. Naroon sa balat, sumisisid ang hubo’t hubad na sanggol sa swimming pool, inaabot ang isang dolyar na nakakagat sa kalawit ng mangingisda. Sa ilalim noon, naka-imprenta ang pangalan ng banda at ang kulubot na mga titik na bumubuo ng katagang Nevermind.

Pare, nasabi ko sa aking sarili, ako iyang batang ‘yan sa balat:

Bagamat hindi marunong lumangoy, tatahakin ang pinakamalalim na swimming pool ng BS Management sa ngalan ng atik at coňong pamumuhay…

Parang tumingin na rin ako sa mga naninilaw na litrato ko noong uhuging bata pa ako, noong mga panahong uso pa ang “Smells Like Teen Spirit”.

At dahil sa pagtitig doon, nabalik ako sa Grade 4, sa loob ng bus. Buga ng air-con sa aking mukha. Amoy ng Humpy-Dumpy at Magnolia Chocolait. Linya ng bahista ng kantang “Come As You Are” dumadagundong sa Walkman na gawa sa Indonesia. Alaska ng mga katabing kaklase.    

May field trip kami noon sa PHILCITE, sa isang animatronics dinosaur show,  DINOSAURS ALIVE!

Kung bata ka ang pinakamahalagang bagay sa buhay mo ay dinosaurs, kaya’t kahit nasa bus pa ako noon, ngiti ko’y umabot na hanggang tainga.

Narito lahat sa alaala kong inaagiw na—sa pagkababa ng bus: ang mga naglalakihang pontanya sa CCP, ang mga limousine sa Westin Philippine Plaza, ang mga naglalako ng Twin Popsies na ang laki ng tubo, ang mga bisikletang pina-uupa na ang laki rin ng tubo, ang Star City noong may gatas pa ito sa labi (bago pa ito kainin nang buhay ng Enchanted Kingdom)….  

Ngunit sa lahat ng mga detalyeng ‘yon, ang hindi ko maalis ay ang mismong pagpasok ko sa animatronics dinosaur show.

Nasa takilya ka pa lang ay maririnig mo na ang mga atungal ng mga dinosaurs. Akala mo’y sila talaga’y nakakulong. Pagkapasok mo ay sobrang lamig at ang mabangong amoy ng mga museo ang babati sa ilong mo. Tapos paglakad nang kaunti— WOW! nakangiti sa ‘yo ang mga higanteng butiki na nakikita mo lang sa libro o sa mga ginuhit ng mga kaklase mo.

Kitang-kita mo ang mga kristal nilang mata at ang mga ugat na sumisilip mula sa kanilang luntiang kaliskis. Kating-kati kang hawakan sila kundi lamang sa mihigpit mong tister at sa kurdon na pumapalibot sa kanila.  

Bumagsak ka na sa Araling Panlipunan, noon ay ang mahalaga ay maalala mo lahat ng pangalan nila.

Triceratops.

Stegosaurus.

Velociraptor.

Parasaurolophus.

Tyrannosaurus Rex.

(At si Denver pa nga pala, ang hirit ng kaklase ko.)

Ang saya. Sobrang saya. Maglakad-lakad ka lang at tingnan ang mga gomang modelong gumagalaw at basahin ang manwal na may mga ulat ukol sa gaano talaga kalaki ang Brontosaurus. Sa sobrang saya, ako’y naiiyak. Maiwanan na ng titser o ng bus man, basta ang mahalaga noon para sa ‘kin ay magtagal kasama ang mga higanteng butiki doon.

Pero tulad ng lahat ako’y tumanda. Nakabisa na ang multiplication table. Nakipagsuntukan na. Nakumpil na. Natuto nang mamasahe— taxi,dyip,tricyle. Nakabili na ng porno. Pumasa na ng Ateneo. Nakapunta na sa isang rock concert. Natuto nang uminom. Natuto nang mag-yosi. Nanligaw na.

Nalunod na kamakailan sa estero ng alaala ko ang mga karanasan noong bata ako. Sa edad mo ay limot na ang masasayang araw. Sa matindi mong pag-aaral ay wala ka nang panahon para magmuni-muni.

Oo, nakaiiyak isipin ang kabataan mong naglahong parang bula. Mga modang nalaos na parang shawarma.

Ipikit mo ang iyong mga mata at hanapin ang sarili sa harap ng TV nanonood ng Centurions, M.A.S.K., Sky Commanders, Shaider, Takeshi’s Castle, Knight Rider, Pole Position, Voltron, at TVJ habang hinihigop ang sopas ng Royco Alphabet Soup.

Ipikit mo ang iyong mata at hanapin ang sarili sa Virramall noong may tren, carousel at ibang rides pa ito at kasama mo ang yaya mong sinusubuan ka ng Regular Yum.

Ipikit mo ang iyong mata at hanapin ang sariling nakasalpak sa sahig nakikinig ng Ultraelectromagneticpop! ng Eraserheads, sinasabayan si Ely Buendia magmura sa “Pare Ko”.     

Pagkatapos nito ay ngumiti ka. Tapos na lahat ‘yan.

Nakalulungkot at isa lang ang masasabi ko: Ang bilis-bilis talaga ng buhay…

At ngayong nasa kolehiyo na ako, ang aking kabataan ay marahil maalintulad sa mga dinosaurs na kinagigiliwan ko dati.

Pare, ang kabataan ko’y extinct na.