Ayaw ko ng "Usapang Puki."
ni Christian P. dela Cruz

Naging matunog ang usapan ukol sa puki nitong mga nakaraang araw. Sumabog ang usap-usapan hindi lamang sa mga mag-aaral, bagkus ay gayundin sa mga guro at mga administrador ng pamantasan. Nakakatuwa at kahit papaano’y napukaw ang namamayaning katahimikan sa loob ng kampus. Nais kong ilalahad ang aking personal na posisyon, kuro-kuro, pagninilay-nilay at pagtingin ukol sa Usapang Puki [1] Iginagalang ko ang lahat ng posisyon at kinikilala ko na lahat ng ito ay bunga ng wastong pag-iisip at pagninilay-nilay.

Una sa lahat, nais kong punahin ang nangyaring monologue mula sa iba’t-ibang panig. Noong simula pa lamang, mistulang pagbabatuhan na lamang ng posisyon ang nangyari. Paningin dito, opinyon doon. Paskil dito, dikit doon. May namumudmod pa ng mga posisyon sa klase. Meron pang pagkakampihan. Mas may puwersa nga naman ang pinagsanib na kapangyarihan. Let’s bolt in! [2] Magkakakampo kung baga. Mayroon pang nag-resign. Kakatwa na nangyari ito dito mismo sa loob ng Ateneo na isang pamantasang Katoliko at Heswita, kung saan palaging iginigiit ang dayalogo at pag-uusap. Nakakalungkot na sa huli na lamang napagkasunduan o naisipan ang isang pag-uusap o diskurso matapos magkaroon ng pagpapasahan ng pagngangalit hindi lamang ng mga departamento at mga guro kundi gayun na rin ng mga mag-aaral.

Pangalawa, hindi naman masama para sa akin ang pagbigkas o ang pagbasa ng puki. Puki, puki, puki, meron naman talagang puki. Kepyas, puday, kiki, pekpek, o kung anuman ang nais mong itawag rito. Merong [3] puki at hindi wala. Isang pagsisinungaling at hindi pagkakaugat sa tunay meron kung sasabihin mong wala o ikakahiya mo ito, sapagkat tunay naman ngang umiiral ang puki. Merong puki ang mga babae at katotohanan iyon. Hindi naman masama ang magsalita ukol sa katotohanan ng puki. Kailangan nating lumabas pagkakakulong natin sa pag-iisip na taboo ang pagsasalita man lamang ng ukol sa ating mga ari. Kailangan ng pagwasak sa ganitong uri ng pag-iisip at ipagdiwang natin ang biyaya ng ating mga seksuwalidad. Biyaya ang ating katawan, biyaya ang ating ari!

Ikatlo, bagaman kailangan nating kilalanin at ipagdiwang ang pag-iral ng puki, nararapat lamang na ilagay natin ito sa nararapat na konteksto. Taliwas ang nangyari sa Vagina Monologue, kahit na sabihin pa nating maganda ang hangarin nito. Hindi binibigyang katarungan ng layunin ang pamamaraan. Sa pagnanais nitong maiangat ang dignidad ng babae, kinailangang dukutin at kalikutin ang kaluob-looban ng puki  at higit pa rito ay iuwi ang esensya ng pagkababae sa kabuoan lamang ng puki. Sabihin mang metonymy pa ang pagsasalarawang ito. Ang babae ay hindi lamang puki, bagama’t totoo na bahagi ng pagkababae ang pagkakaroon ng puki.

Oo, mayroong puki, subalit hindi na natin kailangan pang bulatlatin ang bawat himaymay, hanggang sa kadulu-dulohan ng tinggil nito na para mong inooperahan o kaya nama’y gaya ng nababasa sa Xerex. Hindi na kailangan pang usisain kung ang puki ng isang babae ay may bulbol o wala at iuwi ang konteksto ng pagka-api ng babae dito. Hindi na kailangang samantalahin ang pagkakataon ng pagiging taboo ng usapan ng ukol sa mga ari upang magwala at ilantad ang kaibuturan nito hanggang sa kabahuang o baha na tumatagas mula rito. Hindi na kailangan pang pairalin ang shock effect o epekto ng pagkagitla.  Oo, totoo naman ang lahat ng ito ukol sa puki subalit ang puki ay hindi ordinaryong bahagi ng ating katawan. Ang puki ay hindi gaya ng kamay, ng daliri, ng bibig, ng dila, ng mata, binti, hita at iba pa.

Makapangyarihan ang puki. Hawak nito ang pinagmumulan ng buhay. Dito nabubuhay at nabubuo ang punla ng pag-ibig at ng buhay. Ang puki ang tarangkahan o puerta na pinagdaraanan ng bawat sanggol na sumisilang sa mundo. Kaya’t lalaki man o babae, pinag-uugnay tayong lahat ng puki. Lahat tayo ay nabuo sa loob ng puki at nagmula sa puki. Kaya’t buokod sa pagiging makapangyarihan, sagrado ang puki.

Sagrado ang puki na kaiba sa pagkasagrado ng ating mga binti o paa o kuko. Hindi lamang bagay na pinagpapasarapan ang puki. Kahalo ng pagbigkas natin sa puki, pumapaloob ang konteksto ng buhay, pamilya, sangkatauhan. Kaakibat nito, higit sa lahat, ang nagmamay-ari ng puki na ating pinagmulan — ang ating sariling ina.  Kaya’t ang bawat pagbigkas sa puki ay nanganagailangan ng kaakibat na paggalang. Isang uri ng paggalang kung saan palaging binubuhay ang karanasan ng buhay, ng pag-ibig, ng ating mga ina na namamagitan sa puki. Nararapat lamang na sa pagkasagrado nito ay bigyan ito ng karampatang paggalang sa bawat paglabas nito sa ating mga bibig o maging sa panulat.

Ikaapat, ukol naman sa pagpapalabas nito sa pamantasan, naniniwala ako sa kakayahan at kalayaan ng mga Atenistang mag-isip at mangilatis ng tama o mali. Hindi kailangang ipagbawal at kontrolin ang pagpapalabas nito. Ang kailangang gawin ng mga administrador ng pamantasan ay paigtingin ang maka-Kristiyano at makataong pagpapahalaga at paghuhubog ng mga Atenista, upang “kung” may mali man o may hindi kaaya-ayang ipinapakita ang isang kagaya ng Vagina Monologues, ay magkaroon sila ng mga sariling kakayahan upang mangilatis. Mangilatis ng mga kaganapang hindi lamang sa loob kundi pati na rin sa labas ng pamantasan.

Iginagalang ko ang kapukihan at kalayaan. Ikaw?


[1] Batay sa salin sa Pilipino “Usapang Puki”
[2] Binibigkas ng miyembro ng mga Voltes V kapag nagsasama-sama na sa pagbuo ng kanilang robot.
[3] Ang karanasan ng Meron na ibinabahagi ni Padre Roque Ferriols, S.J.