Balikatan ng mga Pu**
ni Alvin Yapan
Guro, Kagawaran ng Filipino
Pamantasang Ateneo de Manila

Nang pumunta ako sa inilunsad na Protest Concert ng ENTABLADO para sa Vagina Monologues, tinanong ako ng dati kong dalawang estudyante sa Filipino 14 (Kasaysayang Pampanitikan ng Pilipinas) kung ano raw ang reaksyon ko tungkol dito. May ginagawa raw kasi silang papel. Sabi ko sa kanila, naniniwala ako sa halaga ng lahat ng isyung nakakabit sa dulang ito ni Eve Ensler. Para nga sa akin ang isa sa mga henyo ng dulang ito ay ang kakayahan nitong talakayin ang napakaraming diskurso sa loob ng iisang anyo. Ngunit sabi ko rin may higit pang malaking dapat pag-usapan ang mga Atenista. Pangunahin na dito ang isyu tungkol sa Balikatan Exercises. Sabi ko nga nakakatawa ang mga Atenista dahil sa ibang lugar, ang Balikatan ang kanilang pinagraralihan o kaya ay mga usapin tungkol sa kahirapan. Ngunit dito sa loob ng Ateneo ang pinagraralihan ay ang pu**.

Hanggang ngayon sa pagsusulat ng papel na ito, ganito pa rin ang aking paninindigan. Nagbago nga lamang ito nang kaunti nang mabasa ko sa email ang isang sulat mula sa isa pang naging estudyante ko. Sa sulat, naglista siya ng ilang mga kadahilanan kung bakit kaya ang Vagina Monologues ang naging isyu dito sa Ateneo gayong sa labas ang pinag-uusapan ay ang Balikatan. Sabi pa niya, kung titingnan daw kasi higit na malalim ang pinag-uugatan ng isyu ng Balikatan. Higit itong komplikado kaysa sa Vagina Monologues. Kung kaya, parang isang espesyalisadong pananaw ang dapat gamitin sa pagtasa nito. Sabi ko sa sagot ko sa aking estudyante, hindi naman siguro. Hindi natin masasabing higit na mahalaga ang isyu ng Balikatan kaysa sa karahasang nararanasan ng mga kababaihan. Hindi ko nga lang nasabi sa aking sulat (dahil natatakot akong maging teoretikal at baka lumabas na parang lektyur ang aking email) na sa panahon nating ito hindi na yata natin kayang magtakda ng mga priorities. Lahat ay dapat kabakahin na nang sabay-sabay dahil lahat ay magkakaugnay. Isa na yata ito sa naging kontribusyon sa kamalayan ng tao ng panahon natin ngayong tinaguriang post-. Kaya nga daw sa panahon nating ito, nauuso na ang paggamit ng gitling (hyphen): Neo-Marxist-Feminist, Italian-American-Filipino, at iba pa.

Sabi ko pa sa aking sulat, sintomas lamang ng iisang kalagayang panlipunan ang dalawang isyung ito kaya walang nakalalamang sa kanila sa usapin ng kahalagahan. Dito ipapasok kong muli ang aking estudyante sa pagbanggit ng kanyang puna na sa Ateneo daw kasi ang Sining (Art) ang bukambibig ng mga Atenista. Hindi naman ang mga politikal na kalagayan ng bansa. Ang pinag-uusapan daw ng mga Atenista ay ang mga napanood nilang sine at ang pinaggimikan nila ng nakaraang gabi. Ang unang naging reaksyon ko ay ang pagkabigla. Nandito ang isang pahayag na Sining daw ang pinag-uusapan ng mga Atenista, at ang naging halimbawa ay sine, gimik at iba pa. Hindi ko na tinawag ang pansin ng aking estudyante tungkol dito kasi baka sumama lamang ang loob niya. At saka naintindihan ko naman ang kanyang ibig sabihin. Ayaw kong huminto na siyang makipagdiyalogo sa akin dahil lamang dito. Ayaw kong huminto siya sa kanyang tapat at malayang pag-iisip. Ngunit ngayong nandito akong gumagawa ng papel, kinailangan kong balikan ito dahil may mahalaga itong sinasabi tungkol sa ating mga paniniwala, o higit sigurong angkop tawaging haka-haka. Ganito nga ba ang pananaw natin tungkol sa Sining sa bayang ito? Na ito ay isang bagay na pampalipas oras lamang? Na bilang pampalipas oras hiwalay ito sa buhay natin? Na katulad ng sine o gimik maaari itong palampasin sakali mang may higit na mahalagang bagay na dapat pagbuhusan ng panahon, katulad halimbawa ng isang eksamen sa Matematika? Kunsabagay sabi ko, kasalanan na rin kasi ito o higit na angkop sabihing bunga na rin kasi ito ng pagpupunyagi ng Panitikan na kilalanin ang lahat ng anyo bilang Panitikan. Pinag-uusapan nga naman paminsan-minsan sa loob ng klase ang mga pelikula sa takilya at iba pang anyo ng Kulturang Popular, huwag nang banggitin ang mga tinaguriang “art films.” Ngunit hindi ba’t ang punto nga ng pag-aaral ng Kulturang Popular ay ang pag-aaral sa usapin ng kultura, politika, kapangyarihan, at iba pa na siya ring naging paksain ng klasikal na mga anyong pampantikan katulad ng tula, maikling kuwento, dula at nobela? Kung gayon nga’y ano ang nangyari sa kamalayan natin tungkol sa Panitikan? Hindi ko tatangkaing sagutin ito sa artikulong ito. Sa ngayon ay kailangan na munang sumapat ang pagtatala ng mga wastong tanong. Wika nga, kapag naitanong na ang wastong tanong, hindi na mahirap hanapin ang wastong sagot.

Ang ganitong haka-haka tungkol sa sining ay mapatutunayan mismo sa naging reaksyon ng mga Atenista sa Vagina Monologues. Ayaw ko namang isipin na sumasakay lamang sila sa isyu kaya maraming dumalo sa “Vagina Dialogues,” ang forum na ginawa pagkatapos ng Protest Concert ng ENTABLADO. Gusto kong maniwala na pumunta ang mga Atenista dito hindi sa pakikisakay o pakikisama sa isyu kung hindi sa tunay nilang pagkilala sa halaga ng usapin. Ngunit kung ganito nga ang interes ng mga Atenista sa pagtatanggol ng isang dula (huwag na nating pag-usapan ang usapin ng pagiging dayuhang dula nito) at sabi nga ng estudyante ko, bukambibig daw ng mga Atenista ang Sining, ngayon bakit, bakit kaya ang populasyon ng mag-aaral na Atenista ay wala sa Paaralan ng Humanidades kung hindi nasa Paaralan ng Management o kaya sa iba pang paaralan ng Loyola? Kung ganito kalakas ang kanilang damdamin para sa Sining, bakit kaya ganito ang pangkalahatang ipinahihiwatig ng populasyon ng Atenista? Baka nakikisakay lamang talaga sila sa isyu? Huwag naman sana, dasal ko na lamang. Baka ang paniniwala nila tungkol sa Sining ay katumbas nga lamang ng sine o gimik? Sa buong pag-aakala ko pa naman, nanalo na ang Panitikan sa pakikipagbuno nito para sa lehitimasyon sa loob ng lipunan.

Hindi na dito kailangan ang estadistika. Halatang-halata naman ito pagdating sa commencement exercises. Di-hamak na higit na mahaba ang listahan ng mga estudyante pagdating sa mga management courses. Halata din ito pagdating sa reputasyon ng mga mag-aaral na kumukuha ng mga kursong nasa iba pang paaralan. Dumaan din ako sa pagiging undergraduate sa pamantasang ito, kaya medyo napasok ko din ang kultura nito. Legal Management ang undergraduate course ko. Noon nga lang hindi ko binabanggit ang “usapin ng reputasyon” nang hayagan. Kaya mahalaga sigurong banggitin na ito ngayon at pag-usapan. At isa nga ito sa mga payo ng Vagina Monologues: Huwag itatwa, bagkus ay pag-usapan. Huwag panatilihing lihim. Dahil ang pagpapanatili nitong lihim at hindi napag-uusapan ay katumbas ng pakikisang-ayon sa kasalukuyang kalakaran ng mga bagay-bagay. Kaya siguro nang lumabas sa isang pambansang pahayagan ang sulat ng isang kabataan na sino nga raw ba ang gustong maging Pinoy, nasindak ang lahat. Dahil kahit alam na ito ng lahat, kahit sumagi na ito sa isip ng halos lahat ng mga Pilipino, hindi nila ito binabanggit dahil sa mga propagandang pambansang nagkalat sa Pilipinas. Kaya nga sinasabi ko sa aking mga estudyante na huwag na huwag nilang pupurihin ang Pilipinas sa harap ko, nang kahit papaano naman ay mailayo ko sila sa tukso ng pakikisakay sa mga propagandang pambansang ito na para sa akin ay humahadlang sa ating kritikal na tuligsain ang ating kultura. Ang nakikinabang lamang dito ay ang mga negosyanteng pinagkakakitaan ang ganitong diskursong pambansa. Kung babalikan ang kulturang Atenista, kapag nasa Humanities ka, dalawa lamang ang maaari mong maging reputasyon. Maaaring higit na matalino ka kaysa sa ordinaryong Atenista, o kaya’y bobo. Dalawang extremes. Walang gray areas ang mga estudyante sa Humanities. Kailangan kong linawin na ito ang nakuha kong impresyon nang nag-aaral pa ako. Matalino kang estudyante sa Humanities dahil sa tingin mo may hinaharap ka sa linyang ito, na taliwas sa magiging karaniwang karera ng higit na nakararaming karaniwang mag-aaral. Sa kabilang banda, maaari ring nasa Humanities ka dahil naghahabol ka ng Q.P.I. nang huwag mapatalsik sa Ateneo. Kahit anong kurso na lamang basta makatapos sa Ateneo. Kahit na anong kurso nga naman ang matapos mo, dala mo pa rin ang pangalan at reputasyon ng Ateneo sa diploma mo. Muli, maaari ngang nagkamali lamang ako at impresyon ko lamang ito. Anuman para sa akin hindi naman makasasama ang paghahayag na ito para sa mga mag-aaral ng Humanities. Lalo lamang silang magpupursigi na patunayang wala sila sa “pangit” na extreme ng mga mag-aaral sa Humanities, at mababawasan siguro ang mga shiftees papunta sa Humanities dahil lamang bumagsak sila sa kanilang mga orihinal na kurso.

At iyon nga ang mahalaga. Na pagkatapos mo ng pag-aaral sa Ateneo makakakuha ang estudyante ng trabaho, at hindi lamang ng kung anong trabaho, kung hindi ng isang trabaho na may pera. Kung kaya, sintomas lamang ang populasyon ng mga Atenista ng higit na pagpapahalaga ng lipunang Pilipino. Sintomas lamang ang mga trabahong makukuha sa Placement Office ng pagpapahalaga ng mga Pilipino. Kaya hindi rin masisisi ang Ateneo kung nagkaroon ng pagbabago sa kanilang pagpapahalaga sa mga kursong bubuksan seme-semestre. Dati, ang pokus ng edukasyon sa Ateneo ay nasa Humanities. Ngunit nagbago rin kinalaunan. Hindi ko sinasabing wala nang interes ngayon ang Ateneo sa Humanities, kung hindi nagkaroon lamang talaga ng pagbabago. Ngunit kung bakit nagbago ay kailangang pag-aralan at sipatin.

At hindi rin lamang ito sa Ateneo nangyari. Kitang-kita ito kung babalikan ang kasaysayan ng edukasyon sa Pilipinas, ang edukasyong pinaniwala sa ating mahalagang pamana daw ng kolonyal na Amerikano, ayon sa itinuro sa atin ng pang-hayskul na kasaysayan. Nang binuksan halimbawa ang Unibersidad ng Pilipinas (UP) ng taong 1908, mayroon pa noong vocational at agricultural courses. Sa kalagayan ngayon ng edukasyon sa Pilipinas na hindi na binibigyang halaga ang vocational courses, maaring sabihin na isa itong pagsulong. Ngunit sa mga pagpapahayag halimbawa ni Glenn May sa Social Engineering, sinasalamin lang naman daw nito ang “racist” at “ethnocentric” na pananaw ng mga Amerikano. Mahalaga kasing tingnan kung bakit kailangan noon ng Estados Unidos ng ganitong polisiya sa edukasyon ng mga Pilipino. Kailangang pag-aralan kung paano nito tinugunan ang pangangailangan ng Estados Unidos para sa mga raw materials para sa kanilang lumalaki pa lamang na ekonomiya. Nagkaroon noon ng pokus sa vocational courses at agrikultura kasi may pangangailangan ang bansang Amerika sa mga produkto at pag-aaral na iluluwal ng mga kursong ito. Para sa akin, kung gayon, nagbago man ang polisiya ng edukasyon sa Pilipinas, wala pa ring masasabing pagbabago sa panahon natin ngayon. Ang pagsulputan ng mga Information Technology schools ay nagpapakita pa rin ng ganitong kalagayan. Kaya kung tutuusin, ngayon natin kailangan ang mga vocational at agricultural courses.

Naintindihan ko halimbawa sa isa sa mga press confernces ni GMA na ngayon daw kailangan natin ng IT courses. Kasi nga nandito ang pangangailangan ng Amerika. Nandito ang trabaho. Ngunit higit sigurong dapat isipin, ito ba talaga ang kailangan ng bansa? Kaya sinasabi rin ni GMA na kailangan din daw ang agrikultural na pag-unlad sa bansa. Ito rin ang parating idinidiin ng mga maka-kaliwa na ang bansang Pilipinas daw ay hindi pa rin industriyalisado. Kung may matatawag mang industriya sa ating bansa, nandoon lamang ito sa nibel ng buy and sell. Sa ganitong pagtataya, hindi nakapagtataka kung bakit pati ukay-ukay sa Baguio at usapin ng piracy ay pinakikialaman. Kung susuriin maaaring ituring ang ukay-ukay at piracy bilang sagot ng Pilipinong negosyante sa malalaking “buy and sell establishments” sa Pilipinas. Tawagin mang “department store,” buy and sell pa rin iyon, at naiintindihan iyan ng karaniwang Pilipino. Ngunit hindi ko sinasabing kampi ako sa maka-kaliwa o kampi ako kay GMA. Sa katunayan parati kong pinagsasabihan ang Matanglawin na huwag padadala sa mga politikal na pakikibaka ng oposisyon at sumusuporta sa kasalukuyang nakaluklok na pamahalaan. Dahil nakalalamon o nakalulunod ang diskurso ng kapangyarihang pinapasok ng dalawang panig na ito. Ang hindi pagkampi sa dalawang nagtutunggaliang puwersang ito ay hindi naman nangangahulugang pagiging “apathetic” o walang pakialam, dahil ang usapin naman ng kapangyarihan ng mga naglalakihang institusyong ito ay simula’t sapul para sa mga indibidwal. Oo, naging institustyon na rin sa bansa natin ang kaliwa, at dahil dito’y dapat na rin itong suriin o kaya’y tuligsain.

Kung babalikan ang Ateneo, mahalaga nga naman ang pag-aaral ng mga kakabit na disiplina ng Management dahil lilikha ito ng trabaho para sa mga Pilipino. Kung tutuusin nga naman, ang mga estudyante sa Ateneo ay ang mga may-puhunan upang makapagsimula ng negosyo. Ngunit hindi ito sapat. Kung bakit nasabi kong hindi sapat ay dahil kung gagawa sana ng pag-aaral kung saan napupunta ang mga estudyante bilang mga management trainee matatagpuan sigurong halos karamihan sa kanila ay nagiging empleyado ng mga multinational coporations. (Hindi na ako magbabanggit ng pangalan dahil nais kong gumawa ng punto at ayaw kong pumasok sa isang walang katapusang pagtatalo at pangangatwiran.)

Kung entrepreneur ka naman, matutuklasan mong hindi magandang pasukin ang manufacturing business. Higit na malaki pa rin ang kita ng mga buy and sell, kaya doon ka rin mauuwi. Mula papel hanggang bigas ay inaangkat ng bansa natin. Kaya hindi rin nakapagtataka na parami pa rin nang parami ang mga estudyanteng nag-aaral ng abogasiya at pagdodoktor. Kung susuriin, ito ang mga trabahong makapagbibigay sa iyo ng indibidwal na laya at magandang kita. Kung ayaw mong magtrabaho sa mga kompanya, makapagpipili kang pumasok ng private practice, at hindi ito masama kung doktor ka at abogado. Sa lahat nga naman ng trahedyang bumagsak na at bumabagsak pa sa ating bansa, marami na ang nagkakasakit at nagkakakaso sa korte.

Anuman, hindi pinahahalagahan ang mga “business” na nakapagpapabago ng kamalayan ng tao. Ang mga guro na lamang halimbawa. Kamakailan lamang ay kumalat ang balita na nagkakaroon daw ng brain drain sa Pilipinas dahil sa mass migration ng mga guro papunta sa ibang bansang umaakit sa kanila ng malaking pasahod. At para sa akin, hindi ito biro. At binabanggit ko ito hindi lamang para sa aking pansariling kapakanan. Madalas mabanggit ko sa mga estudyante na huwag nilang mamasamain kung sisigawan sila ng mga guro nila dito sa kolehiyo kung gaano sila ka-bobo. Dahil sa panahon ngayon, nahahalata ko (at nasa ikatlong taon pa lamang ako sa pagtuturo) na napakalawak nang kailangang taluning agwat ng mga guro dito sa kolehiyo sa Ateneo upang maintindihan lamang sila ng kanilang mga estudyanteng galing hayskul. At ang pinag-uusapan dito ay ang mga estudyanteng nag-aral sa magaganda nang paaralan sa bansa.

Hindi mo naman masisi ang mga gurong nangibang bayan. Isa na rin sila sa mga tatawaging “bagong bayani” ng bansa pagbalik nila sa kanilang pami-pamilya. Kung ang iba’y natutuwa sa bansag na ito, ako ay hindi. Isa lamang itong uri ng euphism, isang pagtanggi sa katotohanan sa likod ng mga pangyayari nang huwag mapag-usapan. (Kagaya nang tinatawag nating bulaklak ang pu**.) Lumalabas na ang patakarang pang-ekonomiya ng bansa natin ay gumagawa ng mga Pilipinong trabahador o laborers at hindi ng mga Pilipinong makatatayo sa sarili nilang paa. Maganda bang kalagayan na maging “labor market” ang Pilipinas. Kunsabagay nga naman, may mababalikang kasaysayan ng “slave raids” ang Pilipinas. Iyon nga lang, higit na maganda ang estado noon ng mga alipin, o higit na maganda siguro “slave,” gayong masakit sa tainga ang “alipin” dahil nagasgas na ng polemika ng maka-kaliwa.

Kung kaya, mahalaga ang pagpapaunlad ng kamalayang Pilipino upang mamulat tayo sa kasalimuotan ng lahat ng mga puwersang itong mag-uuwi (at huwag naman sanang “nag-uwi”) sa atin sa ganitong kalagayan. Sa pagbabago ng kamalayan ng tao, ang pagkiling ko pa rin ay nasa Panitikan. Maaaring sabihin ng iba na dahil siguro nasa larangan ako ng Panitikan. Sabihin nang may personal akong kadahilanan, kaya maaaring sagutin at tuligsain, ngunit sasabihin ko pa rin. Ang Panitikan kasi ang nagbigay ng laya sa kamalayan ng mga Pilipino higit pa sa ibang larangan sa Humanidades. Higit pa sa Pilosopiya. Higit pa sa Teolohiya. Ang dalawang disiplinang ito ay dala ng ng Kanluraning Pananakop kung kaya may bagaheng dala-dala ng Kanluraning Kultura. Ngunit hindi sinasabing mapaniil sila. Sinasabi ko lamang na magiging mapaniil sila kung hindi nila pag-aaralan ang kulturang Pilipino kung saan nila ito isinasapraktika. Sa bahagi halimbawa ng Teolohiya, magandang pag-aralan kung bakit sa panahon ng Kastila (at sa palagay ko’y hanggang ngayon) ang beateryo ang parating pinanggagalingan ng opresyon ng mga babae. Si Maria Clara napunta sa beateryo. Si Huli ay napunta sa kumbento. Hindi gaanong pamilyar sa ilan, pati sa metriko romanseng “Bernardo Carpio,” si Infanta Jimena ay nasiil sa isang beateryo. Pati sa proto-nobelang Urbana at Feliza, nagkakaroon ng mapaniil na identidad ang beateryo. Sa bahagi naman ng Pilosopiya, magiging magandang pag-aralan ang pag-andar ng kamalayan ng Pilipino, ang mga konsepto ng loob at mga kategoryang inungkat na ni Padre Ferriols. Hindi ko sinasabing umayon o umangkop ang Departamento ng Pilosopiya natin sa Pilipinolohiya ng U.P., ang paaralang itinatag ng mga pag-aaral nina Covar, Enriquez at Salazar. Sariling pagpupunyagi nila iyon.

Pero ang pagbigay ko ng pagkiling sa Panitikan ay hindi lamang personal kung hindi rin nasa nibel ng diskurso. Sabi nga ni Jacques Derrida, ang Panitikan ngayon ang maituturing na “non-site” kung saan maaring tingnan ng Pilosopiya, Teolohiya o ng iba pang disiplinang may kinalaman sa pag-aaral sa “katotohanan” o “truth,” ang kanyang sarili mula sa labas. Hindi ko na sana dapat inungkat pa ang usaping ito. Maaari namang sabihin na lahat ng disiplinang ito ay maaaring makatulong sa pagpapaunlad ng kamalayang Pilipino. Ngunit dahil sa nabanggit na usapin tungkol sa Vagina Monolgues, dahil sa nabanggit na “pagpapahalaga” natin sa Panitikan, dahil sa kalagayang panlipunan ng Pilipinas, kailangan muling pasukin.

Kung kaya magkaugnay ang usapin ng Vagina Monologues at Isyu ng Balikatan. Kapwa sila nagpapakita ng karanasan ng neokolonyalismo sa bansa. Ngunit paano mo ito maiisip kung hindi ka aral? Paano mo ito matitiyak kung hindi ka marunong mag-isip? Hindi kung gayon nakapagtataka na ang mga Pilipino ay sang-ayon sa Balikatan. Nang matapos na daw ang gulo sa Mindanao. Pati ako ay sang-ayon dito. Ngunit ang ipinangangamba ko ay panandaliang solusyon lamang ang iniisip ng mga Pilipino. Isang uri ito ng pag-iisip na kung ano ang madaling makita o madaling magawa, iyon lamang ang sosolusyunan. Wala tayong kapasidad upang higit na pag-isipan kung ano kaya ang isyu at kung ano kaya ang magiging implikasyon pa nito sa hinaharap. Hindi sa hindi ako sang-ayon sa madaliang pagbuwag ng Abu Sayyaf. Sa ganang akin nga dapat matapos na agad ito, pero hindi yata ang Balikatan ang nararapat na solusyon. Pangangatwiran lamang ito ng administrasyon. Kung ano ang dapat na solusyon wala akong maibibigay na tiyak na sagot kasi walang tiyak na sagot. Patung-patong na ang problema upang makahanap lamang ng iisang solusyon. Walang pera ang bansa kaya kailangang makiayon sa mga may-pera. Sana ganito ang iniisip ni GMA kung kaya kumakampi siya sa Estados Unidos. Ngunit kung ganito nga ang polisiya ng bansa hindi malayong malusaw ang ating kultura. Sabi ko naman, ano ba kasi ang problema sa pagpreserba ng kultura? Sabi pa nga maganda raw ang globalisasyon dahil mawawala na ang mga hangganang makabansa. Na magdudulot daw ito ng isang kulturang pang-mundo. Ngunit kailangang tandaan na hindi naman nangangako ng isang pantay na lipunan ang globalisasyon. Kung mawawala mo ang identidad at kultura mo, nakakatakot na malamang isang araw maging kultura na tayo ng mga trabahador o “laborers.” Sila na ang mag-iisip para sa atin. At tayo naman ay tatango na lamang.