Bisita
ni Mikael Co

“O, kanina ka pa ba?”

Medyo. “Hindi naman. Sakto lang” Parang mas lalo kang gumanda dito. Hiyang ka siguro sa hanging malamig. Bagay kaya sa’yo yang maigsing buhok? Puwede ko kayang makita? O bawal mo bang hubarin yan? “Kumusta na ba?”

“Eto. Ayos pa naman. Hindi pa naman ako nakakaramdam ng... ewan. Ano ba’ng ine-expect ninyong mga taga-labas na maramdaman namin dito?”

Pagkasawa, pagkadisilusyon. Sobrang pag-iisa, na puwedeng magtulak sa’yo na lumabas dito, na umayaw. Pero ang ganda pa rin ng ngiti mo. “Ewan din. Mukha ngang lumulusog ka pa lalo dito e. Pinapakumusta ka nga pala nila Tita; tumawag kasi ako sa inyo para magtanong kung pa’no pumunta dito. Sabi niya nami-miss ka na daw ni Jun-jun.” O, ba’t bigla ka yatang napangiwi? O baka guni-guni ko lang ‘yon? ‘Wag kang  tumingin sa malayo, Fe. Tingnan mo ako. Para mabasa ko naman kung anumang emosyon ang nararamdaman mo.

“A... si Mommy talaga, o. Kinulit ka na naman ba? Lagi na lang, kapag bumibisita dito ‘yun, kinukulit akong lumabas na. Nami-miss niya na daw ako ipagluto... masyado daw kasing mapintas si Jun sa mga timpla niya e. At least daw ako all praises sa luto niya.”

Ngayon, sa iba mo na inaalay ang praises mo. Lahat ng praises mo. Hindi ka man lang nagtira para sa akin. “Bakit nga ba?”

“Bakit? Masarap naman talagang magluto si...”

Iiwas ka pa sa usapan. “Hindi... bakit hindi ka pa umuwi? Bakit ka pa ba pumunta dito, in the first place?” O, napangiwi ka na naman yata. Napatingin ka yata ulit sa malayo.

Misteryo naman talaga iyon e. Ayaw kong mag-isip ng dahilan – baka kung ano pang kathang-isip ang pumasok sa utak ko. Ayaw kong isiping pumasok ka dito dahil iniwan kayo ng tatay mo, kasi maligaya naman kayo nina Tita at Jun-jun. And it’s hard to believe na that’s all for show. Ayaw kong isiping umalis ka dito dahil kay Jeff. Yung buwakananginang Jeff na ‘yon. Dahil para sa akin, sa isip ko, mas matibay ka pa kaysa ganoon – kaysa ganyan, kung si Jeff nga ang dahilan ng pagpasok mo dito. Ayaw kong isiping ibang tao ang dahilan ng pagpasok mo dito, kaya pakiusap, pakiusap, Fe, sabihin mong sarili mo ang desisyon mong pumasok dito, na talagang mas maligaya ka dito, at hindi ka tinulak ng kahit sinuman o ng kahit anumang pangyayari.

“Leo, maligaya ako dito. Alam ko’ng tumatakbo sa isip mo ngayon. Iniisip mo si Daddy, iniisip mo si Jeff. Iniisip mo kaya ako pumasok dito dahil galit ako sa mga lalaki, at hindi ko na masisikmurang... basta.”

Masisikmurang ano? Masaktan pa ulit? Maiwan pa ulit? Paano naman ‘yung mga iniwan mo?

“Pero hindi, Leo. Okey ako dito. Sarili kong desisyon ang pagpasok ko dito. Mas matibay naman siguro ako kaysa iniisip mo, kung ‘yun nga ang iniisip mo.”

Bakit hindi mo ako matingnan ng diretso? “Hindi ko iniisip ‘yon, Fe. Naisip ko lang na... na baka sana mas maganda kung pag-isipan mo pa lalo. Kasi, mayroon kang mga naiwan. Si Tita, patanda na. Kailangan ng mag-aalaga noon. Si Jun-jun, lalaking mag-isa halos.

“Ako.” Hindi naman kita sasaktan, e. Hindi ko gagawin sa’yo yung ginawa ng Daddy mo, o ni Jeff. Sabay nating aalagaan si Tita pagtanda niya, magiging kuya ako ni Jun-jun. Halika na dito, Fe.

“Hindi ganoon kadali ‘yon, Leo. Ito ang calling ko, e. Nararamdaman ko.”

Fe, wag mo naman akong tingnan ng ganyan. Mapapansin mong namamasa na’ng mga mata ko. “I don’t know... siguro nagiging selfish ako. Para sa amin nina Tita at ni Jun-jun. Pero ang hirap nang maiwan. You know that.” Ang lamig ng kamay mo. Ang kinis, ang lambot, ang sarap hawakan. Ganito pala’ng pakiramdam nito.

I know that. Pero para namang hindi na kami magkikita nina Mommy. And as for you, I’m sorry. I don’t think you deserve someone who can’t...”

Love me completely? Fe, ba’t hindi mo maituloy? Huwag mo munang alisin ang kamay mo. Bawal ba dito? Okey lang ‘yan. ‘Wag muna, please, ngayon lang. At kaya kitang paibigin, Fe, bigyan mo lang ako ng panahon. Umalis ka na dito, bigyan mo ako ng pagkakataon. Pahiram ulit ng kamay mo. Pakiusap.

Sorry. I don’t want to hurt you anymore than you want to get hurt.

Hindi ko talagang gustong masaktan. Sino ba’ng gustong masaktan? Huwag mo namang itago sa ilalim ng mesa ‘yang napakakinis, napakalambot, napakasarap hawakan na mga kamay mo, Fe. Hindi ko abot sa ilalim ng mesa. Hindi ko mahahawakan ‘yan diyan.

“Tinatawag na nila ako, Leo. I have to go. Pakikumusta mo na lang ulit ako kina Mommy. Sabihin mo kay Jun mag-aral siya ng mabuti. Mag-ingat ka pauwi.”

Huwag ka munang tumayo, Fe. Dito muna tayo. Mag-usap muna tayo. At saka patingin naman ng bago mong buhok, Fe. Siguro mas bagay sa iyo yan. ‘Yung medyo boyish. Sabihin mo sa kanila, huwag ka munang tawagin, may kausap ka pa. Huwag naman silang bastos. Minsan ka na nga lang magkaroon ng bisita e. Fe, dito ka muna. PleasePlease?