Bumalik sa Barangay habang Nagbubukas sa Mundo
ni Agustin Martin G. Rodriguez
Kagawaran ng Pilosopiya
Pamantasang Ateneo de Manila

Tiyak na nagbabago ang mga sistemang panggobyerno ngayong nagiging iisang malaking sistema ng pangangalakal ang mundo. Higit sa anumang panahon, nagiging higit na panlabas ang tutok ng gawain ng mga gobyerno. Binubuo ngayon ang mga panrehiyong samahang siyang tumitiyak sa madulas na pakikiugnay sa pagitan ng mga bansa. Dulot na rin ng teknolohiyang tumatawid ng mga puwang sa pagitan ng mga estado, nagiging mahalaga ang pagtitiyak sa maayos na pakikipag-ugnay ng mga bansa sa isa’t isa. Lalo na ngayong tumitindi ang pagnanais ng mga kanluraning bansang ipataw ang kanilang mga patakaran at kultura ng pangangalakal sa mundo, nagiging imposible ang pagsara ng mga maliliit na bansa sa mga kaugnayang pandaigdig na lumilitaw sa ating panahon.

Kung kaya naman maaaring maging sanhi ng pagtataka ang maraming mga organisasyong panggobyerno at di-panggobyerno, ang mga tinatawag na NGO, na ngayon ay abala sa pagpapatibay ng lokal na pamamahala. Mula sa pamamahalang panlalawigan hanggang sa pamamahalang pambarangay, milyun-milyong dolyar at higit na panahon at talino ng napakaraming tao ang nakatuon sa pagtitiyak ng tagumpay ng mga pamahalaang lokal. Makatwiran lamang na habang nagbubukas ang Pilipinas sa mundo, dapat ring pagkaabalahan ang mundong lokal. Kung tutuusin, ngayon kailanman higit na mahalagang bigyang-pansin ang lokal.

Sa globalisasyon, tila nagiging isa ang mundo. Tila nagkakaunawaan ang lahat sa diskursong pandaigdig na nagbibigay ng depenisyon sa mundo. Mula Metro Manila hanggang Guyana, ang mga tao ay nagbabahaginan ng mga kalakal at kuwentong- buhay, kultura at pamumuhay. Malaya ang kalakalang ito ng impormasyon at materyal na pangangailangan, at nagbabago ang hugis ng buhay ng mga tao. Sa bagong mundo, may lumilitaw na kulturang pandaigdig na may mga patakaran ng pakikibahagi para sa lahat ng nais makiisa sa dominanteng kulturang namamahala sa daloy ng kayamanan ng mundo.

Subalit kung iisipin, ang diskursong pandaigdig ay nagaganap sa pagitan ng mga siyudad na tahanan ng mga uring madalas may hawak sa kapital at kayamanan ng mga bansa. Kung tutuusin, sa mundong global, iilan lang ang mga taong nagkakatagpo sa balangkas ng globalisasyon. Maliliit na populasyon ito ng isang bansa—lalung-lalo na sa isang bayan tulad ng Pilipinas kung saan hawak ang kapangyarihang pampulitika, pang-ekonomiya at pangkultura ng isang napakaliit na grupo ng mamamayan. Isang napakalaking bahagi ng populasyon ng mundo ang hindi kasama sa diskursong global. Napakalaking bahagi ng mundo ang hindi nakakasali sa kalakalan ng dominanteng kultura. Napakaraming tao ang hindi kabilang sa diskursong nagbibigay-depenisyon ng kanilang buhay. Ang mga magsasaka, manggagawa at maralitang bumubuo ng higit sa 70% ng ating populasyon ay walang kaugnayan sa internet o cable TV.

Subalit tiyak na may epekto sa buhay ng lahat ang globalisasyon. Nagbabago ang kultura, ekonomiya, at pamumuhay ng lahat. Ito ay hinuhubog ng mga taong nakaugnay sa telepono, telebisyon at internet. Ito ay binibigyang-hugis ng mga taong nagsasalita ng Ingles at nakauunawa sa mga protokol ng negosasyon at pangangalakal ng bagong kulturang pandaigdig. Samakatuwid, iilan lamang ang nagbibigay-depenisyon ng mundong ito. Ang mga magsasakang nagugutom dahil sa nagbabagsakang presyo ng mais at ang mga manggagawang nawawalan ng trabaho dahil sa pagsara ng pinapasukang pagawaan ay hindi kasali sa usapang global. Subalit sila ay damay sa diskursong ito. Kung makatarungan ang mundo, dapat silang kasama sa usapang ito. At sa pamamagitan ng pagpapatibay ng gobyernong panlokal, nagkakaroon sila ng pagkakataong makibahagi sa paghubog ng bagong mundo.

Sa lipunang binubuo ng iba’t ibang uri ng tao, na may iba’t ibang uri ng kultura, pamumuhay, hangarin at pag-uunawa sa mabuting lipunan, ang gobyerno ay institusyong nagbibigay-kaayusan sa istruktura ng pakikipagsapalaran ng mga kasapi sa bayang pinamumunuan nito. Ito ang dahilan kung bakit ang gobyerno ang may kapangyarihang gumawa ng batas, mag-ipon ng kayamanan, sumingil ng buwis, at magpulis ng mga mamamayan. Sa pamamagitan ng gobyerno, nagkakaroon ng kaayusan ang pakikipagsapalaran ng mga iba’t ibang tao sa isang lipunan. Tungkulin nitong tiyaking ang lahat ng nakikibahagi sa isang bansa ay kasapi sa pagbibigay hugis dito. Kung kaya nararapat na ang gobyerno ay isang sistema ng pamamahalang kumikilos ayon sa bukas na pakikibahagi lalo na sa mga walang kapangyarihan.

Gayundin sa pakikisangkot ng bansa sa lipunang pangmundo. Dapat na ang gobyerno ang tumitiyak sa makabuluhan at makatarungang pakikibahagi ng mga mamamayan nito sa pangmundong sistema. Pananagutan ng gobyernong tiyakin ang lumilitaw na sistemang pangmundo ay magiging makatarungan sa kanyang mga mamamayan sapagkat ang sistemang ito ay hinubog nang may pagkilala sa mga hangarin at pag-uunawa sa mabuting lipunan ng mga mamamayan nito.

Upang maisatupad ang mga tungkuling ito ng pamahalaan, kailangan ng pakikibahagi ng lahat ng mga mamamayan sa sistema ng pag-gogobyerno. Sa ganitong paraan lamang magiging tunay na kinatawan ang gobyernong pambansa ng mga karaniwang tao. Maisasatupad lamang ito kung pinalalapit ang gobyerno sa mga mamamayan. Ito ang dahilan kung bakit mahalaga sa ilang mga NGO, mga grupong nagpopondo sa gawaing pagpapaunlad, at mga ahensiyang pang-gobyerno, ang pagpapalaganap ng lokal na kasarinlan o ang kinikilala bilang local autonomy.

Itinatakda ng Local Government Code ng 1991 na ang mga barangay, siyudad, munisipyo, at lalawigan ay may kasarinlan sa pagtakda ng pag-unlad at pamamalakad ng sariling komunidad. Sa halip na sumailalim ang mga patakaran ng pag-gogobyerno sa itinatakda ng pambansang pamahalaan, nasa kamay ng gobyernong lokal ang pagplano at pagpapatupad ng pag-unlad ng kanilang pamayanan. Nasa kamay ng opisyal ng mga lokalidad na ito ang pagpapatakbo ng bayan batay sa kanilang pag-uunawa sa mga pangangailangan at potensiyal ng komunidad. Pananagutan rin nilang dalhin ang lokalidad sa hangarin ng kanilang mga mamamayan. Subalit, kasabay ng pagbibigay sa mga opisyal ng ganitong pananagutan at kapangyarihan, binibigyan rin ng Code ang mga mamamayan ng pananagutan at karapatang makibahagi sa paggogobyerno. Hindi lamang inilalapit ng Code ang gobyerno sa mamamayan; bininigyan din ang mamamyan ng mga sistema ng pakikibahagi sa gobyernong ito.

Tinitiyak ng Local Government Code na may kinatawan ang mga grupo ng NGO at people’s organizations (PO) sa mahahalagang sanga ng lokal na pamahalaan. Halimbawa dito ang Local Development Council na nagpaplano ng mga gawaing pangkaunlaran ng pamahalaang panlokal, at sa Sanggunian na sangang lehislatibo ng lokal na pamahalaan. Tinitiyak rin ng Code ang konsultasyon ng pamahalaang lokal at sentral sa mga mahahalagang proyekto na makakaapekto ng kapakanan ng mga mamamayan. Higit sa lahat, minamando ng Code ang pakikibahagi ng mga NGO at PO sa paghahandog ng serbisyong panlipunan at sa mga gawaing pang-ekonomiko. Samakatuwid, maraming pagkakataon upang makilahok ang mga mamamayan sa gobyerno upang bumuo ng lipunang naaayon sa kanilang hangarin. Sa ganitong paraan, nagiging bahagi sila sa paghubog ng kanilang pamayanan. At ang matibay na lokalidad ang siyang maaaring makibahagi sa makahulugang paraan sa paghubog ng makatarungan at maunlad na bansa. Magiging matibay lamang ang pakikibahagi ng bansa sa mundo kung matatag itong nakaugat sa mabuting pamamahala ng lokalidad at pakikibahagi ng mga mamamayan.

Sampung taon makalipas ang pagpapasa ng Code, masasabing hindi pa ganap na naisasatupad ang mga mahahalagang probisyon nitong nauukol sa pakikibahagi ng mamamayan sa pamamahala ng kanilang lokalidad. Halimbawa, bagamat isinasaad sa batas na kinakailangang magkaroon ng sektoral na representasyon sa mga Sanggunian, hanggang ngayon ay hindi pa rin nagkakaroon ng eleksyon para sa mga kinatawan ng mga sektor. Dala ito ng di-pagpasa ng Kongreso sa isang batas na magtatakda ng pamamaraan ng pagboto sa mga kinatawan ng sektor. Ganoon rin, marami sa mga probisyon ng pakikilahok ng mga mamamayan sa pamamahala ay hindi ganap na naisasatupad bunga ng di-pagkahanda ng mga organisasyon sa lokalidad na makilahok sa gawaing pang-gobyerno, ang kawalan ng interes ng mga opisyales na buksan ang mga proseso ng pamamahala sa mga tao, at dahil sa kakulangan ng kaalaman ng mga opisyal at mamamayan sa halaga ng pakikibahagi ng tao sa paggogobyerno.

Subalit walang duda na mahalagang ipatupad ang lokal na demokrasiya habang nagbubukas tayo sa mundo. Bagamat itong pagbubukas sa mundo ay maraming oportunidad sa pag-unlad ng ekonomiya at pagpapayaman ng kultura, higit na maraming pagkakataong muling malamon ang karaniwang tao ng mga sistemang hindi nila nauunawaan na magiging sanhi ng eksploitasyon sa kanila. Kung nais nating ipatupad ang isang pagpapaunlad pandaigdig na magiging makatarungan at tunay na mapagbuo sa mga mamamayan ng mundo, mahalaga na mapatibay natin ang mga sistema ng pakikibahagi ng karaniwang mamamayan sa pamamahala ng kanilang mundo. Kung hindi, ang globalisasyon ay magiging isang sistema ng higit na pagsasailalim ng karaniwang tao sa isang mundong magiging sanhi ng higit na kahirapan dulot ng isang sistemang hindi nila nilikha ni nauunawaan o ninanais.