Enduring Freedom..daw?
ni Paolo Arceo

Pinabagsak na ang WTC (world trade center) towers noong Set. 11. Binomba na ang Afghanistan bilang ganti at kasalukuyang pinaghahanap si Bin Laden (na nagpunta na raw sa Iraq sabi ng kaniyang kusinero). Ngayon, nagsasagawa ng mga kilos militar ang Amerika sa buong mundo upang tugisin ang kanilang ‘target’: ang Al-Qaeda. Kahit sa Pilipinas ay nararamdaman natin ang tensiong dulot ng military presence ng mga Amerikano, na nagdudulot ng magkahalong saya at takot – saya dahil may malaking pag-asang mahuli ang mga bandidong Abu-Sayyaf, at takot dahil hindi natin alam, ni kontrolado ang mga hakbang na gagawin ng Amerika sa Pilipinas sa hinaharap. Ang ugat ng mga hakbang na ito ng Amerika ay ang Al-Qaeda, ngunit may posibilidad na muli itong lumago tungo sa isang pulitikal na agendang buong mundo ang sakop.

Al-Qaeda International

Ang Al-Qaeda, na kasalukuyang pinamumunuan ni Osama Bin Laden, ay itinatag noong 1979, nang ang mga muslim ng Afghanistan ay nakisama sa mga mujahedin sa pagtulak sa militar ng Soviet. Ang sinaunang target ng Al-Qaeda ay ang mga gobyernong Saudi Arabia at Egypt. Nagsimulang punteryahin ni Bin Laden ang mga embahada ng US pagkatapos ng Gulf War, kung kailan nalipat ang kanilang operasyon sa Sudan (kasalukyang nagbalik sa Afghanistan). Noong nakaraang dekada ay sinasabing may koneksyon ang kanilang grupo sa pagbobomba ng mga embahada ng Amerika sa Tanzania, at Kenya, at pagpatay ng mga US Servicemen sa Saudi Arabia, Yemen at Somalia. May ilang teroristang planong nawaglit naman ng mga awtoridad sa Ethiopia, Jordan, Bosnia at Strasbourg, France. Ayon kay Edmund Hull, isang embahador ng US sa Yemen, “We have previously seen the benefits of this interdependence. Now we are seeing its risks.” Dahil sa globalisasyon lumaganap ang impluwensiya ng Al-Qaeda, at ibang pang mga ideolohiyang anti-american. Pinangalanan ng Time ang London, Britain bilang isa sa mga pinakamaluwag na bansa kung saan malayang nakakakuha ng mga bagong salta ang mga grupong terorista. Ayon dito, mabagal ang sistemang seguridad ng Britanya pagdating sa ganitong mga bagay. Nakipag-ugnayan ang US sa mga bansa tulad ng Russia, Germany, Pakistan, Israel, at Saudi Arabia upang makakalap ng mga impormasyon ukol sa mga kilos ng teroristang grupo. Sa kasalukuyan, ayon sa The Herald Tribune, may mga ulat na naghahanda ang Al-Qaeda ng mga armas nukleyar na maaaring ipansabotahe sa gaganapin na olympics, kaya’t naghahanda ang mga Amerikano upang mabantayan ang kilos ng teroristang grupo.

Sila-sila, tayu-tayo Kamakailan lamang ay binitiwan ni Presidente George Bush ang mga maaanghang na salitang: ‘...either you’re with us, or you’re with the terrorists!’ na naghudyat ng pandaigdigang pagwaksi ng terorismo, na siya namang ikinatakot, ikinagalit, o ikinatuwa ng ating mga mamamayan. Daglian naman ang suporta ng administrasyong Arroyo sa ganitong adhikain ni Bush dahil pareho ang ating problema sa Amerika, at makakatulong, Aniya, ang pakikipag-ugnayan natin sa Amerika hindi lamang para sa militar, kundi sa ekonomiya at pulitikal. Dagdag pa rito ang pagbihag ng Abu Sayyaf sa mag-asawang Amerikano at mga ulat na tinutulungan ng Al-Qaeda ang Abu Sayyaf. Ayon sa The Monitor, si Bush ay may siguradong konsepto ng mabuti at masama. Wika niya sa isang panayam sa Atlanta, “I dont see any shades of grey in the war against terror…”. Pinipilit hatiin ni Bush ang mundo sa dalawa - sa pro at anti, sang-ayon o tutol, ngunit masyadong komplikado ang sitwasyon sa ganitong klaseng pag-iisip. Tuluyang dumarami ang mga tagasuporta ng mga ideyang anti-US na maaaring mabasa ng Amerika bilang terorismo. Sa isang banda, isa itong magandang hakbang pulitikal upang lalong mapaigting ang kapangyarihan ng Amerika. Nagpapadala sila ng mga tropa at nagtayo ng mga base sa iba’t ibang bahagi ng mundo tulad ng Afghanistan, Pakistan, France, Saudi Arabia, atbp. Kasalukuyang nagpadala si Bush ng 100 sundalo sa Yemen upang mag ‘train’ ng mga sundalong Yemeni at humigit-kumulang na 600 US Special Operation Forces ang ipinadala sa Pilipinas para sa kontrobersyal na Balikatan (basahin ang kaugnay na artikulo). Inamin sa isang pahayagan sa Kansas na isang paraan ng pagpapakita/pananatili ng kapangyarihan ang hakbang na ito ng Estados Unidos. Tinataya ng nasabing pahayagan na mananatili ang mga Amerikanong nakadestino sa iba’t ibang bansa kahit tapos na ang ‘war on terrorism’.

Enduring Power

Maaaring makita ang ganitong kilos bilang pagpapatupad ng hustisya, o pangangalaga ng pambansang seguridad. Napapaigting nito ang pagtutulungan ng mga bansa, nang sa gayon ay lalong magkaroon ng magagandang relasyong ekonomikal at pulitikal. Marahil itinataguyod ng US ang kaniyang bahagi bilang ‘tagapagligtas’, o ‘tagapagbantay ng kalayaan’. Marahil, sa pangkalahatan, maganda ang layunin ng Estados Unidos. Ngunit, hindi non sequetur kung ating iisipin na marahil ay mayroon ding mga alternatibong agenda ang Amerika para sa kaniyang kapakanan. Maaaring muling nagtataguyod ang Amerika ng isang imahen ng kapangyarihan sa mundo. Magandang istratehiya ito upang muling magkaroon ng mahigpit at siguradong hawak sa globalisadong mundo. Ayon nga kay Hull, “Globalization is interdependence” at maaaring ginagamit ng Amerika ang ideyang ito upang maitaguyod hindi lamang interdependence kundi sa huli ay dependence ng ibang bansa. Hindi malinaw kung ano ang tunay motibo ng Estados Unidos sa kaniyang mga aksyon. Ngunit, malaki ang posibiladad na pipiliin nito ang sarili bago ang mundo. Ang Kyoto protocol, na isang international na kasunduang ekolohikal, ay nakabinbin sa Whitehouse at hinihintay ang pirma ni Bush. (Ayon sa nasabing protocol, ang mga kumpanya sa mga bansang makakasali sa protocol ay magbabayad para sa bawat CO2 emissions na kanyang ibubuga upang maipasok ang ecological factor sa ekonomiya at pag-unlad ng bansa. Ang Estados Unidos ang may pinakamalaking kontribusyon ng CO2 emissions sa mundo kaya’t malaki ang epekto nito sa kanyang ekonomiya kung maipatupad ang protocol). Maliban sa mga toxic/nuclear waste mula pa noong panahon ni Carter at sa pakikiapid sa away ng ibang mga bansa, isa na marahil ang Kyoto protocol sa mga dahilan kung bakit parami na nang parami ang nagdududa sa US. Ang pangunahing alalahanin na nasa utak ng Estados Unidos ngayon ay ang mga terorista ng mundo, ang kaniyang seguridad at ang kanyang mismong kapangyarihan. Kinailangan niyang protektahan ang kaniyang ‘demokrasya’, ang kaniyang ‘kalayaan’, at higit sa lahat, ang ‘American way of life’.

Hanggang dito na lang ba ang Estados Unidos? Hindi na ba niya hahanapin ng tunay na puno’t dulo ng problema, at maghihintay na lang sa WTC bombing part 3? Malamang na matugis nila ang Al-Qaeda at Abu Sayyaf ngunit kung hindi matutugunan ang mga hinarte laban sa Amerika ay magsusulputan pa ring tila mga kabute ang mga tinik sa lalamunan ni Uncle Sam.