Kanser
ni Mikael Co
1 At nandito nga ako,
naghihintay sa pagpanaw mo,
hindi pa rin nagsasawang sumabay
sa malungkot na awit mo.
5 Matagal-tagal na rin akong nakabantay
sa tabi ng kama,
pilit inilalayo ang pansin
sa kung paano naging mistulang
isang napakahabang araw
10 ang pagpapalit-kulay ng balat mo:
una’y maputlang dilaw,
pagkatapos namumutlig-mutlig na pula,
pagkatapos nangangasul at nangingitim.
Kung nakikinig nga ang dilim
15 sa aking panalangin,
at hindi ka na paaabutin
sa kulay ng mga panaginip ko –
isang malamig na malamig na abuhin –
pareho na sanang napapaaga
20 ang pagkakahimbing natin.
Ngunit hindi.
Marahas mabingi ang kadiliman.
Mabagal umikot ang orasan.
Kaya nga’t heto pa rin ako,
25 nag-aabang sa pagpanaw mo,
alam na ang bawat patak ng luha ko’y
isa na namang karagdagang nota
sa napakalungkot na awit mo.