Makabayan o Makabayad
ni Lexter Sze

Noong taong 2000, lumahok ang tatlumpu’t walong bansa sa TIMSS-R (Third International Mathematics and Science Study-Repeat). Dito, random ang pagpili sa 3,500 mag-aaral mula sa 150 paaralan. Sa 150 paaralan ng Pilipinas, ito ang nakuhang resulta: 345.37 puntos sa Matematika, laban sa pangkalahatang international average na 487 puntos, at 345.37 puntos sa Agham laban sa 488 puntos.

Nanguna ang Singapore sa nasabing pagsusulit. Panglabingsiyam naman ang Estados Unidos. Ang Pilipinas? Pang-tatlumpu’t anim sa tatlumpu’t walong bansa.

Ang Basic Education Curriculum ng taong 2002

Dalawang taon ang nakalipas, inilunsad ang 2002 Basic Education Curriculum para sa mga pampublikong paaralan bilang tugon sa nakadidismayang resulta ng pagsusulit. Mula elementarya hanggang hayskul, papahabain nito ang mga basic tool subjects – Agham, Matematika, Ingles at Filipino. Ngunit lulusawin naman nito ang mga natitirang asignatura at ipagsama sa asignaturang well-integrated area: ang MAKABAYAN.

Ang mga asignaturang naisama rito ay: Araling Panlipunan (AP), Edukasyong Pantahanan at Pangkabuhayan sa elementarya (EPP), Teknolohiya at Edukasyong Pantahanan at Pangkabuhayan sa hayskul (TEPP) o Tech and H.E, Musika, Sining at Edukasyong Pangkatawan sa elementarya (MSEP), Musika, Sining at Edukasyong Pangkatawan at pangkalusugan sa hayskul (MSEPP) o Music and Arts at ang huli, Edukasyon sa Pagpapahalaga (EP) o Values Education. Malaki ang mababawasang oras para sa mga asignaturang ito kung maisasatupad ang Makabayan: 5,720 minuto bawat linggo mula sa 8,300 minuto bawat linggo. Samantalang itinaas naman ng 100 minuto ang matematika para sa lahat ng taon. 100 minuto rin ang madadagdag sa Agham mula Grade 5 hanggang hayskul. Gayundin sa Ingles at Filipino maliban sa ikaapat hanggang ikaanim na baitang.

Ang Litanya naman ng ADB at WB

Natatandaan niyo pa ba noong grade school kung saan ang daming pinapakopya sa pisara ngunit wala naman tayong maintindihan? Tapos pinapasaulo sa atin ito pagdating ng pagsusulit? Tuloy pa rin ang tradisyong ito pagdating sa hayskul o maaaring kahit sa kolehiyo: kopya tayo ng kopya, hirap naman tayong umintindi. May obserbasyon ang Asian Development Bank (ADB) at World Bank (WB) dito:

“The focus of instruction in these subjects today is on cognitive building blocks (such as technical terms, formulae, and rules) rather than on the cognitive structures built from these blocks. Instruction tends to be mechanical, stressing formulaic approaches rather than problem solving…” [1998 Philippine Education Study Sector]

Kung gayon, ang pagsasaulo ng sangkatutak na terminolohiya ang binibigyang diin, hindi ang paggamit nito. Dagdag pa ng ADB at WB:

“The elementary curriculum in the Philippines is overcrowded, Grades 1-3 in particular, with at least as many as seven subjects per day. Having to cover too many subjects limits the extent to which teachers and students can focus on those basic skills critically important for good performance and success in the later grades. Research on student learning suggests that greater emphasis should be given to reading and communication skills and to understanding basic mathematical concepts.”

Dahil sa mga pagkukulang ito, ipinatupad kaagad ang kurikulum sa pampublikong paaralan noong Hunyo (pinaplanong magkaroon muna ng eksperimento sa mga pilot schools at ipatupad ito sa taong 2005). Maaaring magpasya ang mga paaralang pribado kung ipatutupad nila ito o hindi.

Problematiko para sa mga Paaralan at Guro

Mabuti man ang hangarin ng 2002 Curriculum, may pagsubok pang haharapin ito. Una, kinukuwestiyon ang sahod ng mga gurong magtuturo ng mga asignaturang naisama sa MAKABAYAN. Dahil nabawasan ang oras ng kanilang pagtuturo, hindi naman tamang pantay din ang sahod nila sa mga titser na nagtuturo ng basic tool subjects. Hindi rin makatuwiran kung mas mataas ang magiging suweldo ng mga gurong nagtuturo ng mga basic tools subjects. Sa madaling salita, hindi magiging patas ang workload ng mga guro na makakaapekto sa kanilang pagsasahod. Ito ang naisipang solusyon ni Raul Roco, kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon:

“The school principals shall have the discretion to make their class schedules and, to ensure, that no teacher will be underloaded or overloaded, to make the appropriate organization of classes. Principals shall assign teaching loads that include teaching time, ancillary time, and classroom-based research through observation and sharing of resources among teachers.” [2002 Basic Education Curriculum Package, 2nd draft, 3 January 2002, p. 21]

Pawang madali lamang solusyunan ang problema. Tila problematiko sa mga paaralan kung wala silang pondo para sa sahod ng mga gurong magtuturo ng karagdagang 100 minuto para sa mga basic tools subjects. Dagdag nito, kinakailangang magturo ng ibang asignatura ang mga gurong saklaw rito upang makadagdag sa kanilang sahod. Mapipilitan din ang mga punong-guro, kung gayon, na magtakda ng mga guro sa asignaturang hindi nila major. Matututo kaya ang mga mag-aaral ng mga konseptong theorem o polynomials kung ang magtuturo nito ay guro sa P.E.? Mainam kayang maituturo ng mga gurong nag-masters sa Home Economics ang double helix ng DNA? Kung ang Estados Unidos ay nagdadalamhati sa kanilang ranggo sa TIMMS dahil sa ilang paaralan nila, mga guro sa History ang nagtuturo ng Geometry, papaano pa kaya ang mga guro natin?

Makabayan nga ba ang MAKABAYAN?

Ayon sa “Briefing Materials 2002 Budget Hearing” ng DepEd, [p. 16], ang core subjects ay ang sumusunod: English, Filipino, Math, Science at Social Studies samantalang non-core naman ang H.E., Values Education, GMRC, Music at Arts. Binibigyan ng karagdagang pagpapahalaga ang mga core subjects. Ngunit sa loob ng bagong kurikulum, itinanggal ang Sibika sa core subjects “…to ensure continuing evaluation and reform by responding or changing educational theories and market conditions…” At ano ang mga market conditions na ito?

Sa Pilipinas, kinakailangan ng skilled workers ang mga korporasyong multinasyunal. Upang higit na umasenso ang market nila, kinakailangan ng mga korporasyong multinasyunal ng mga empleyadong may kakayahan sa technical skills tulad ng Engineering at nakakapagsalita ng Ingles. Hindi nila kailangan ng empleyadong makapag-iisip ng mga konseptong mapagpalaya at makabayan. Bilang tugon sa pangangailangang ito, isinama ang Sibika sa MAKABAYAN. Ano nga naman ang kabuluhan kung masanay ang mag-aaral na maging makabayan o makapag-isip ng mga konseptong mapagpalaya kung hindi naman sila makakahanap ng trabaho?

Kung iilang ideyang Sibika lamang ang maituturo sa mga bata, maiintindihan kaya nila ang pangangailangang maglingkod sa Inang Bayan? Walang alternatibong pagkakamulatan ang mga mag-aaral. Kung gayon, hindi nila kailanman makikita ang mga maaaring pagkukulang ng korporasyong multinasyunal (pati na rin ng mga kompanyang transnasyunal) sa pagtugon ng pangangailangang pang-lipunan. Magiging bulag na tagasunod na lamang sila, parang mga manyikang empleyado.

Ang Papel ng Dayuhang Pagpapautang

Isa ring market condition ang pagpapautang ng ADB at WB. Noong dekada sisenta, hinikayat ang mga bansang Third World na magpautang sa mga mayayamang bansa. Ngunit biglang itinaas ang interes ng utang kaya halos hindi na nakayanang bayaran ito ng mga bansang Third World. Sapilitan namang ipinataw ng World Bank ang Economic Structural Adjustment Programmes (ESAP) upang bawasan ang budget para sa serbisyong pampubliko tulad ng pagkain at kalusugan. Kabilang rito ang edukasyon, nang sa gayon, higit na makatipid ang mga mahihirap na bansa para bayaran ang kanilang utang. Ang bunga nito - halos napabayaan ang mga pangangailangan ng mga paaralang pampubliko tulad ng silid-aralan, libro at mahuhusay na guro.

At ngayon, sa pamamagitan ng 2002 Curriculum, inaasahang mababawasan ang gastusin ng DepEd. Lumaki man ang oras ng pangkalahatang taon sa elementarya at hayskul, mababawasan naman ang mga gastusin tulad ng textbooks at maaaring makatipid rin sila sa guro. Ginagawa lamang ng pamahalaan ang lahat ng posibleng pagtitipid upang makabayad ng utang, kaya hindi rin maiwawaksi ang posibilidad na ang Basic Education Curriculum ay isang paraan upang makapagtipid. Idinadahilan lamang ang Basic Education Curriculum bilang tugon sa mga pahayag ng ADB at WB ukol sa makalulumong ranggo ng Pilipinas sa TIMSS-R.

Gayunpaman, makikita ang panghihimasok ng dayuhang pagpapautang sa larawan ng edukasyon sa Pilipinas. Tinulak lamang ng mga pahayag ng ADB-WB ang pamahalaan na makapaglapat ng makabagong programang pang-edukasyon. Ngunit dahil sa kanyang katangian, makapagpababa lamang ito sa tatas ng edukasyon ng bansa. Samakatuwid, pagpapatuloy lamang ito ng ESAP ng ADB-WB!

The Thing Is…

Nakagawa nga ng aksyon ang pamahalaan upang tugunan ang nakakadismayang kalagayan ng matematika at agham ng bansa, nilagay naman sa peligro ang kakayahang ng mga kabataan magkaroon ng ideya ng pagkamakabayan at pagmamahal sa inang bayan. Hanggang laborers na lamang ang maabot ng mga Pilipino sa sinasabing “global” na mundo. Ang Lahat ng ito sa ngalan ng pagtitipid - para mabayaran ang utang na pinatawan naman ng malalaking interes ng mismong nagpiga sa pamahalaan, ang ADB-WB.

The Basic Education Curriculum makes mere laborers out of Filipinos, not thinkers. Sa pangyayaring ito, mahihinto ang pag-unlad ng indibidwal at hindi niya masasaibayo ang pagiging manggagawa lamang. Hindi lumalawak ang saklaw na kanyang ginagalawan at hindi niya mapagtatagpo ang iba’t ibang aspeto ng kanyang pagkatao. Higit pa rito, hindi niya maiuugnay ang pagiging bihasa sa gawain at ang ultimitong patutunguhan nito ang maiangat ang kalagayan ng kapwang Pilipino mula sa pagdarahop.

Makabayan para makabayad sa utang. Makabayan para lalong yumaman ang mga dayuhan. Makabayan para isuko ang ideya’t konseptong mapagpalaya ng kabataang Pilipino.

Sanggunian:

DECS ORDER: THE 2002 CURRICULUM, September 6, 2001
2002 Basic Education Curriculum: Edukasyon sa Ilalim ng Imperyalistang Globalisasyon, Alliance of Concerned Teachers Intersect, Volume 16, no. 5
http://www.enough.org.uk/enough04.htm
http://timss.bc.edu/timss1999i/sampling.html