Sa Mata ng mga Mahihirap:
Isang Sulyap sa Immersion Experience
ni Waisman

Anong Meron sa Barangay Tatalon?

Sumakay kami ng rumaragasang dyip patunong Baranggay Tatalon.  Sa may Araneta Ave. lang naman siya, lagpas lang ng Pegasus kung galing kang QC Cicle.  Pero di ko naman talaga alam kung san yung mismong lugar.  Basta ang sabi sa ‘kin, makikituloy kami sa mga pamilya ng “homes along the river.”

Napakaaga pa sana para bumangon pero heto ako’t pilit na idinidilat ang mata sa liwanag ng umaga.  Inisip ko na lang kung anong makikita ko sa pupuntahan namin.  Tutal, ‘di ko rin lang naman mabuksan ang mata ko sa kapal ng usok.  Nakikinita kong napakarumi ng lugar.  Bunton ng basura dito, gabundok naman doon sa kabilang kanto.  Di mo rin malaman kung alin nga ba ang nangangamoy, ‘yun bang bunton dito, yung gabundok doon o kaya’y sarili mo.  Sigurado din akong ang mga tahanan nila’y gawa sa pinagtagpi-tagping patapong kahoy.  “Mga squatters nga e, what do you expect?” ang sasabihin ng iba.

Dumating din kami sa wakas.  Akala ko’y walang katapusan na ang biyahe.  Naglakad na lang kami papasok ng barangay.  ‘Di naman pala gaanong marumi.  May nagkalat na basura pero di naman bunton o gabundok.  Puro kasi tindahan ang gilid ng kalye.  Nakakaiinis lamang dahil ang hirap iwasang pasayarin ang pantalon ko sa basang kalye.  Hindi naman umulan pero wala lang talagang mapuntahan ang tubig na pinanglinis ng gulay, isda at karne dahil sa nagbara na ang mga kanal.

Nakarating din naman kami sa aming paroroonan.  Nakaupo rin nang mabuti sa wakas pagkatapos ng nakakahilong biyahe.  Pinakilala kami sa aming mga bagong nanay.  Diverse din pala sila.  May buntis, may matanda, may bata, lahat na.  Nagbigay lang ng ilang palala at saka ako nagtungo sa bago kong bahay..

Sa Buhay ng Isang Iskwater

Dinala ako ni Nanay Lina sa kaniyang tahanan.  Kung saan-saan kami sumikot.  Yun pala, nandiyan na sa tapat ko yung bahay.  Iikot ka lang pala para makaakyat ng hagdan.  Sa second floor kasi siya, sa baba naman yung pamangkin niyang may sariling pamilya.  Totoo nga ang hinala ko, pinagtagpi-tagping mga kahoy.  May calendar/poster pa ni Ina Raymundo.  Dumungaw ako sa bintana.  Talagang nasa “homes along the river” na ako dahil nandiyan na sa tapat ng nguso ko ang ilog..  Maamo ang ilog pero ‘di na maganda ang kulay at hindi lang lumot ng lumulutang.  Umihip na naman ang hangin.  Masarap.  Malamig.  Pero maya’t maya’y nakakaramdam na ako ng hilo dahil sa dala nitong malangsang amoy galing sa basura sa ilog.

Umupo ako sa sahig.  ‘Di ko nagawang umupo sa silya kasi gumugulong sa sahig ang mga apo niya.  Nagpakilala ako sa mga bata.  Tumingin ako sa paligid.  Maliit na TV, maliit na refrigerator, maingay na washing machine at makinang pantahi.  Ok naman siguro sila, sabi ko.

Nasa kalagitnaan pala si nanay ng pagluluto.  Tinanong ko kung ano ang maitutulong ko.  Wala naman, sagot niya.  Siguro dahil inunahan ko ng sabing ‘di ako marunong magluto - may katulong kasi kami sa bahay.

Bigla na lang nagkuwento si nanay.  Mahigit dalawampung taon na pala sila doon.  Galing sila sa Quezon at pumunta rito sa pag-asang magkakaroon ng magandang buhay.  Tatlo ang kanyang anak.  Isa ang nakapagtapos at nagtuturo na sa isang paaralan sa Valenzuela.  Ang isa nama’y naging domestic helper.  ‘Di naman nabanggit ang isa.  Naiwan na nga lang sa kaniya ang apo niya mula sa ikalawang anak kaya’t hinila niya ang isa pa niyang pamangkin mula sa probinsya para mag-alaga ng mga bata.

Inaasahan kong ang pamilya nila’y isang kahig isang tuka.  Hindi naman pala.  Tsuper ang kanyang mister pero kailangan pa rin ni nanay tumanggap ng ipapatahi, pandagdag kita lang.  Natuto naman silang magtipid.  Simpleng pamumuhay lang daw naman, ok na ang budget.

Isang beses pa lang naman daw sila inabot ng tubig mula sa ilog.  Kaya pala elavated ang mga appliances.  Maliban dun, ‘di na gaanong umapaw ang tubig pag dumaraan ang bagyo.

Natigil ako.  Di ko na kayang tiisin ang tawag na kalikasan.  Iihi lang naman ako pero pinakaiiwasan kong mangyari na maghasik pa ako ng lagim sa ilog.  Buti na lang may banyo sila.  What a relief!  Nang buhusan ko ng tubig ang toilet, parang may naririnig akong tubig na dumadaloy sa labas.  Sinilip ko.  Sus-maryo-sep!  Ilog din pala ang kakatuluyan ng ihi ko.  Forever ako na-guilty.

Nakisalo ako sa panananghalian.  Pasado naman ang luto ni nanay.  May kaalatan nga lang at parang puro buto ang laman ng sinigang na baka.  Ilang pulgada naman ang kapal ng taba ng piniritong baboy.

Umambon.  “Naku, dale!” sigaw ko sa isip,  Hindi dahil aapaw ang tubig kundi dahil mababasa ang sinampay.  Hakot ng sinampay.  Buti na lang, hindi naman gaanong nabasa.  Nadale nga lang ang apo niyang hikain.  Nandoon pala sa labas nagtatatakbo.  Bumalik siya sa bahay na malala ang hika.

Walang nagawa si nanay. Dali-dali siyang bumili ng gamot.  Sayang daw at napakamahal ng gamot. Dalawang daan lang daw, ilang beses na inom lang.  Sadali kaming iniwan ni nanay.

Nakakuwentuhan ko din ang kaniyang pamangkin.  Tinawag ko pa namang ate pero mas matanda pala ako sa kanya.  Umabot daw siya sa kolehiyo pero natigil din.  Gustuhin man niya talagang mag-aral pero talagang ‘di kaya ng pamilya.  Ang mga magulang pa niya ang nakiusap sa kanya.  Sayang, sabi ko sa sarili ko.  Kung nakapagtapos sana siya, mas napagaan pa sana ang buhay nila.  Nanghihinayang tuloy ako sa ibang taong pumapasok sa paaralan pero di naman nag-aaral.  Sana ibinigay na lang sa kanya yung pagkakataon.

Bumalik si nanay at humilom na ang hika ng apo matapos uminom.  Bumili pa si nanay ng Pepsi at tinapay. Wala pang dalawang oras matapos ang pananghalian, meryenda naman.  Napaisip tuloy ako.  Ganito ba talaga sila o ‘di talaga maalis ang kulturang pinoy ng pagpapakita o pagiging “hospitable”.

Nagsimula nang magtahi si nanay.  Antique na ang makina niya, de-padyak pa rin.  Gusto ko sanang magpaturo pero di ko na lang siya inistorbo, ang dami pa niyang tatahiin sa araw na iyon.  ‘Yun na rin ang naging libangan niya maliban sa panonood ng mga foreign soap operas.  Minsan naman, nagtatahi siya ng mga basahang bilog.  Kaunting pandagdag lang ba, mapasarap lang ang ulam kahit minsan.

Ang tagal din naming nagkuwentuhan.  Palubog na ang araw noon kaya kinailangan na naming umalis.  Uuwi kasi kami, ‘di “kuno” pinayagan ng mga magulang na manirahan doon ng isang gabi.

Pero bago kami umuwi, dumaan muna kami sa isang compound.  Ok pala at may mga nagtatayo na ng mga bahay, sabi ko.  ‘Di ko lang naisip na naging demolition site pala ito.  Ilang pamilya rin pala ang nawalan ng tahanan.

Padilim na.  Umuwi na kami.  “Back to reality” na, pabiro ko.  Hindi, “back from reality,” sigaw naman ng kaklase ko.  Sabi ko, “...to reality” pa rin pero sa mata natin.  “...from reality,” kung sa mata nila.

Nasaan na ang mga Atenista?

At kami nga’y nag-“back to reality” o “..from reality,”  sa kung ibang mata ang gagamitin.

Tuwang-tuwa naman ako’t sa pagbalik ko sa Ateneo ay nagmistulang malinis and CR ng SocSci.  Kinuha ko ang tsikots ko at nagmamadaling akong umuwi para makapaligo’t makapagsuot ng malinis na damit.  Bumili pa nga pala ako sa vendo.  I was so hungry na kasi e.

Naalala ko, may mga party nga pala diyan sa Katipunan.  Uuwi na lang ako.  Pagod na ako’t masangsang na ang amoy ko.  ‘Di pa bagay ang pormang tsinelas, faded jeans at naninilaw na white shirt.  Wala pa naman akong one thousand five hundred peso shirt and three thousand peso pants.  Umuwi na talaga ako.

Matapos kong maligo’t, magbihis at maglagay ng burlolo’t pabango, hindi pa rin nawaglit sa isip ko ang larawan nina nanay. Naisip kong bigyan sila ng kaunting regalo, samples ng gamot na nasa estante ng kusina para sa asthma ng kanyang apo. Ipinadala ko kinabukasan. Gayunpaman, nagtuloy pa rin ako sa party, at tinapos ang aking araw na dala ang amoy ng yosi at alkohol, pati na pawis mula sa kakaindak sa dance floor.

Nang matutulog na ako, naalala ko na naman sina nanay. Dasal ko lang na sana higit pa sa samples ng gamot sa asthma ang maitulong ko sa kanila.

Ako, nasaan ako noong panahon ng pangangailangan nila?  May mga samples ng gamot na ipinamimigay ng mga kumpanya na nakakalat dito sa bahay.  Wala naman akong asthma kaya pinadala ko doon kinabukasan.