At muli, sa kuko ng Agila
ni Aaron Rom Moralina

Sa unang isyung regular ng Matanglawin ngayong taon (Mukha ng Trahedya, Setyembre, 2001) inihandog ang isang maikling artikulo patungkol sa naganap na teroristang pag-atake sa Estados Unidos. Nagtapon ang artikulong ito ng ilang tanong: Kung magiging aktibo ang bansa sa pagpapadala ng tulong militar sa Estados Unidos matapos ang pangyayari noong ika-11 ng Setyembre, magiging makatarungan na nga ba ang pagpapatupad ng VFA? Tatalikdan na ba ng pamahalaan ang panloobang problema - Abu Sayyaf, panawagan ng manggagawa at karalitaan? Isang malaking palaisipan sa atin ang mga tanong na ito - magulo at komplikado - inakala nating maliliwanagan na lamang tayo matapos ang ilang buwang paghihintay. Nagkamali tayo. Ngayon, higit na naging magulo at komplikado.

Ang Papel ng Tropang Amerikano sa Polisyang Militar ng Bansa Nang nagdeklara ang administrasyong Bush na maglulunsad ito ng malawakang kampanyang militar upang matugis si Osama bin Laden, ang pinaghihinalaang suspek sa pag-atake noong ika-11 ng Setyembre, ipinalawak nito ang saklaw ng kanilang operasyong militar. Nakapaglatag na ng plano ang EU na magpapasaibayo sa kanilang operasyon mula sa mga bansa sa Gitnang-Silangan hanggang sa mga piling bansa sa Asya. Dahil itinuring bahagi ang bandidong Abu Sayyaf sa Al-Qaeda Network, kasama ang Mindanao sa mga tinatarget na lugar ng EU bahagi ng kanilang kampanyang kontra terorismo. Dagdag pa nito, sa pagratipika ng Mutual Defense Treaty (MDT) at Visiting Forces Agreement (VFA), may natatanging responsibilidad ang EU na pagpaibayuhin ang papel nito sa mga polisiyang militar sa bansa. Marahil, dito naglalaro ang dahilan kung bakit pinahintulutan ng pamahalaang Arroyo ang biglaang pagpasok ng tropang Amerikano sa bansa. Liban dito, ang mga natitirang bihag ng bandidong grupo na mag-asawang Burnham ay pawang mga Amerikano, dahilan upang lalong pagtibayin ang papel ng EU sa problemang pambansang Abu-Sayyaf.

Mutual Defense Pact, VFA, Mutual Logistics Support Arrangement: Mga Kasunduang Bunga ng Hindi-Pagkakasundo Sa kabuuan, malaki ang naging epekto ng pagpasa ng Mutual Defense Pact at VFA sa kasalukuyang eksena. Kahit sa kasalukuyang problema sa Abu Sayyaf, mahihirapan sana ang pamahalaan sa pagpapapasok ng tropang Amerikano sa bansa kung wala itong pagpapatibay na polisiya. At dahil nga sa pagratipika ng dalawang ito, naging madali para sa pamahalaang Arroyo ang pag-iimbita sa dayuhang pwersang militar sa kasalukuyang pambansang problema. Kung babalikan, naka-ugat ang malaking dahilan ng pagpasa ng VFA sa isyu ng Spratley Islands. Dahil sa naging banta ang pananatili ng mga Tsino sa bahaging ito ng bansa, nakita ng karamihang mambabatas noon ang matinding pangangailangan ng tulong militar mula sa mga Estados Unidos. Higit na napadali ang pagratipika ng isang polisiyang makapagdadagdag pwersa sa pambansang hukbo laban sa isang panlabas na bantang pangsoberentiya. Nagpatuloy ang usapin hanggang sa pamahalaang Estrada at nang maglaon ay nakapagbigay laan para sa pagpasa ng Mutual Defense Pact at VFA. Ngunit nasaan na ngayon ang banta ng mga Tsino? Hindi na naging patok ang usaping Spratlys matapos maipasa ang Mutual Defense Pact at VFA. Nagpatuloy ang ehersiyong militar sa pagitan ng hukbong pambansa at tropang Amerikano ngunit hindi na nakatuon ang pangangailangan nito sa banta ng mga Tsino sa estado. Sa kasalukuyang eksena na kung saan ang problema ay panloob, higit na nagiging malabo ang tunay na dahilan ng liderato kung bakit naipasa ang Mutual Defense Pact at Visiting Forces Agreement. Hindi malinaw ang dahilan ng pamahalaan kung bakit kailangan ng bansa ng tulong militar mula sa dayuhang Amerikano. Maliban dito, isang lantarang paglabag sa Konstitusyon ang Balikatan. Nakasaad sa Artikulo 18, Seksyon 25 ng nasabing Konstitusyon na “… hindi pahihintulutan ang mga dayuhang base militar, tropa at pasilidad sa Pilipinas pwera lamang kung: pinayagan ng Senado ang isang tratado ukol dito; kapag nagpahayag ang Kongreso na kailangan ito at sinuportahan ito ng mga mamamayan sa isang referendum na ginanap para lamang dito; at kung ang kasunduang ito ay tinuring na tratado ng kabilang bansa” (pagsasalin namin). Ang VFA, ayon nga sa mismong pangalan nito, ay hindi tratado kundi isang simpleng kasunduan o executive agreement lamang sapagkat hindi naman ito kinilala bilang tratado ng Senado ng Estados Unidos. Ito’y ulitin natin: ang VFA at MDT ay ginawa lamang para sa mga bantang banyaga. Ngayong Abu Sayyaf lamang ang kalaban, hindi natin masasabing galing nga sa labas ang banta. Wala pa namang ginagawang pagsalakay sa Pilipinas kundi ang pagsasalakay ng mga Amerikano sa Basilan. Isa pang kasunduang “sumusuporta” sa Balikatan ay ang tinatawag na Mutual Logistics Support Arrangement (MLSA). Ayon dito, mabibigyan ang mga pwersang militar ng Pilipinas ng teknolohiya, suporta at serbisyong dala ng Estados Unidos. Ngunit hindi rin ito tratado ayon sa Konstitusyon at wala ritong probisyon para sa pagpasok ng mga tropa ng EU.

Ang Mapanlinlang na “Kalayaan Agila” Nakapagtataka ring isiping lubos ang pangangailangan natin ng tulong militar mula sa Estados Unidos sa kabila ng ginawang alokasyon ng pambansang badyet sa ating militar. Lubos na ring militarisado ang mga conflict zones - napakarami nang naka-destinong na pulis at militar, mga grupong para-military at grupong vigilante (na pawang sa pamahalaan din galing ang kanilang armas). Ang pagdagsa ng pagkarami-raming sundalong Amerikano bilang tulong pwersa sa hukbong pambansa ay hindi magandang pangitain sa kabila ng malaking halagang nakuha ng sektor ng militar na dapat sana’y tinatanggap ng sektor ng edukasyon. Lubos din namang kabulaanan ang ginagawang dahilan ng pamahalaang Arroyo na kabahagi lamang ang mga tropang Amerikano sa ehersisyong militar na isinasagawa upang paghusayin ang hukbong pambansa sa pakikidigma laban sa Abu Sayyaf. Nangangatwiran ang pangulo na hindi magiging bahagi ang tropang Amerikano sa mismong pakikidigma, narito lamang sila upang magturo ng makabagong kagamitan at taktikang militar sa ating mga sundalo. Kung gayon, bakit patuloy ang pagdagsa ng sundalong Amerikano matapos ang unang bugkos ng tropang nakibahagi sa Kalayaan Agila? At ang malaking katanungan pa nga’y bakit Basilan pa, ang lugar na kung saan nakatirik ang diumano’y pangunahing kuta ng mga bandido, ang mismong pagdadausan nito? Nagpapatunay lamang ito, kung gayon, na direktang kabahagi ang tropang Amerikano sa pagpuksa sa Abu Sayyaf. Harap-harapan nang niloloko ng pamahalaang Arroyo ang mamamayang Pilipino. Ano ba talaga ang pakay ng mga tropang Amerikano sa kanilang pagdating dito?

Kontra NPA, MILF at hindi lang Abu Sayyaf? Ayon naman sa ilang progresibong grupo, tunay na nakapagtataka ang ginagawang aksyon ng pamahalaang Arroyo sa Abu Sayyaf. May mga ulat na pinapantayan ng militar ang pwersang kanilang itinatapat ngayon laban sa New People’s Army (NPA), sa mga rehiyon tulad ng Southern Luzon, Bikol at Negros, sa pwersang tinatapat sa Basilan. Hindi malayong mangyari, kung gayon, na gagamiting palakas pwersa ang tropang Amerikano laban sa NPA, kasama rin ang Moro Islamic Liberation Front (MILF). Malaki ang pagkakaiba ng mga grupong ito sa Abu Sayyaf, lalo na ang MILF. Nakasalalay ang kanilang pakikidigma sa ideyolohiya, dahilan para sa maraming hindi sila maituring na bandido o terorista. Higit pang magpapalala ang ganitong eksena sa negosasyong pangkapayapaan sa pagitan ng rebeldeng grupo at ng pamahalaang Arroyo. Nangngahulugan, kung gayon, na hindi sinsero ang pangulo sa kanyang kampanyang all-out peace nang nailuklok siya sa pwesto noong People Power 2. Lubhang magiging problematiko ang sitwasyon lalong-lalo na sa Mindanao, kung saan dapat tugunan ng pamahalaan ang pangangailangan nitong pag-unlad at otonomiya matapos ang paglulunsad ng all-out war sa MILF ng dating pangulong Estrada.

At sa Huli’y... Hindi malayong mangyari rin ang muling pagtatatag ng base militar ng mga Amerikano sa katimugan. Sa pamamagitan nito, direktang sasailalim muli ang bansa sa mga Amerikano. Maibabalik na naman ang mga pangyayari noong panahon ng base militar sa Gitnang Luzon - prostitusyon, pang-aabuso sa mga karapatang pantao ng mga katutubo, at marami pang iba. Isa pang masaklap na posibleng mangyari ay higit pang magiging mapanganib ito sa relasyong Kristiyano-Muslim na dati nang nabahiran ng poot sa isa’t isa dahil na rin sa mga sugat na iniwan ng digmaan. Sa mga dumaraming ulat ng kalupitan ng militar sa mga lalawigan (at kalapit lalawigan) ng conflict zones, hindi malayong lalala pa ito dahil sa kasalukuyang pagdagsa ng tropang Amerikano sa bansa. Dadami, kung gayon, ang biglaang military raids sa mga pook, interogasyon sa mga inosenteng Muslim at mga kasong salvages. (Dumarami ang ulat ng paglabag sa karapatang-pantao - kaso ng mga pagkakadakip sa mga Muslim na napagkamalang Abu Sayyaf.) Lalong iigting ang galit ng mga Pilipinong Muslim dahil sa malubhang militarisasyon sa kanilang lugar. Sa halip na pagbutihin ng pamahalaang Arroyo ang estado ng bansa, lalo pang magdudulot ito ng malalang digmaang sibil. Huwag naman sana. Sa huli, higit na maghihikahos ang bayan dahil sa militarisasyong sanhi ng kasalukuyang pagdagsa ng mga tropang Amerikano sa bansa.