Pagninilay sa Isang Post-Modernismong Panahon:
O, pa'no magsulat ng totoo?

ni Virgilio A. Rivas
Graduate Student
Kagawaran ng Pilosopiya
Pamantasang Ateneo de Manila

May kwento ang artikulong ito. Hindi sa natural na dapat magbahagi ng istorya kundi isang nakalipas na pangitain ang nagbigay-hugis, una, sa paghitik ng mga bunga ng pagmamasid sa paligid; pangalawa, sa selektibong mga titik na piniga ng utak upang may masabi kahit papaano; at pangatlo, sa isang damdaming nag-uumalmang makatakas sa magulong ‘loob’ – (ko).

Hindi ko inaasahang minsan sa aking paglalagalag sa karimlan ng isip, matatagpuan ko ngayon ang suheto ng sanaysay na ito. Pero ang lubhang kabalintunaan ay ito: hindi ko maramdamang sanaysay ang mga susunod kong isusulat mula rito. Ganito rin minsan kung paano ko natatagpuan ang sarili na nakikipagtagisan ng komentaryo sa mga isyu.

Haayy… ‘dami na kasing isyu. Walang mundo kung walang isyu. Sa dami, hindi mo na magawang mag-isip, magsulat o makapagsalita. Malulunod ka sa nag-uumapaw na konteksto, laman, metodo. Basang-basa na ang paligid pero walang ulan.

Eh ano’ng meron? Siguradong magagalit sa akin si Padre Ferriols – self-contradictory kasi ang tanong. Itanong na lang natin – ano’ng bago? Naalalako si Hannah Arendt, aksidenteng nabasa ko ang ilan sa mga winika niya nang basahin ko ang nakakaaliw na artikulo ng isang Noel Valencia (Pamagat: On Subjectivities) sa libro ni Bobby Garcia – Of Maps and Leapfrogs, na ginamit niyang materyales sa pagtalakay sa popular education:

“It is the very natuer of the human condition that each new generation grows into an old world, that to prepare a new generation for the new world can only mean that one wishes to strike from newcomer’s hand their own chance at the new.” (p. 96)

Sa ganitong pagkakataon, natagpuan ko ang Balikatan isyu. Wala na akong maalala kung paano sa eksto pumasok sa isip ko na magsulat ako tungkol sa mga tropang ‘Merkano. Pasalamat na lang ako – “I survived its complex familiarity!” Ang tanging naaalala ko ay ang sinabi ng mga Russian Formalists: ang teknik ng “defamiliarization”.

Lagpas sa pamilya, tagos mula sa ordinaryo hanggang sa estetiko ng pagtingin sa realidad. Natagpuan ko ang sarili na ang-iipin ng kaseryosohan sa pagitan ng dumadapong antok at pagniningas ng lapis at papel – sa ganitong tagpo, isang gabi. Bukas, trabaho na naman; mahaba-habang oras ng kawalang-malay kahit libro ang sinusunog. Kahit ang pagbasa’y hindi na eksklusibo. Para sa isang titser, mekanikal na ang pagsusunog ng kilay; o sa isang radikal na intelekwal (meron pa ba n’un?), pagtugis sa hayag at tagong kaaway ng kalayaan, pagpuna (minsan, pagmumura), etsetera.

Ano’ng bago sa Balikatan? Paulit-ulit lang ng hulagwa ang lipunan, realidad at mundo. Dati nang may ‘Merkano, ano’ng bago sa Star-Spangled Banner na inaawit ngayon sa Basilan? Noon pa laganap ang diskriminasyon sa mga Muslim sa Mindanao. Nakapagtataka bang maging impyerno ang mga lugar doon? Dati na silang naghihirap; salat sa pagkain, edukasyon, matinong gobyerno at mahusay na komersyong pang-komunidad. Gusto mo pa rin bang magtaka kung bakit lumiliyab ang lupa sa Mindanao -- sa gutom o bunga ng digmaan? Tama pa rin sigurong itanong – ano’ng meron? Merong kapayapaan sa Mindanao, kasaganaan, katahimikan. Sapat ang kaban ng pamahalaan upang magbigay ng panlipunang serbisyo sa maliliit. Mapayapang namumuhay ang mga Kristiyano, Muslim at Lumad. Malawak ang pagkakasundo at malalim ang pagbibigkis ng tao kahit pa magkahiwalay sa prinsipyo at relihiyon. Ito ang meron sa Mindanao. Samakatuwid, ang tanong na “Ano’ng meron?” ay radikal na komplementaryo ng “Ano’ng bago?” Tanong: Ano’ng meron? Sagot: Walang bago. Meron na dati at lagi na.

Subalit na ang tanong sa meron na ito. Meron ka bang nakikitang hindi makatarungan sa Balikatan, unetikal, imoral, ilegal? Dati ng meron, kung gayon walang seryosong meron ngayon sa usaping polemiko. “It is the very nature of the human condition that each new generation grows into an old world.” Saklaw din ng winikang ito ni Arendt ang meron ng Balikatan isyu. Nakakapagod na itong usapin ng pakikialam ng mga ‘Merkano. Huwag na lang sila kayang pakialaman at manatiling walang kameronang polemiko – sa ngayon? Baka kasi may matutunan pa ang mga batang henerasyon. Mainam nang wala silang alam sa kalupitan ng kolonyalismong ‘Merkano noong ika-19 na siglo. Napapansin ko kasi lahat ng alaala ng lumipas bumabalik na krusa sa utak ng mga nabubuhay sa kasalukuyan. Wika ni Marx: “The traditions of all dead generations weigh like a nightmare on the brain of the living.”

Marahil ito na ang tinatawag na post-modernismo. Nakakalito pero malilibang ka, malalim pero kahit aso makakalangoy. Mga tropang ‘Merkano-mukhang mababait, maginoo. Ililigaw ka ng ‘porma’, ‘combat get-up’, modernong sandata (na ‘sarap marahil maging totoong laruan), maputing kutis, may kulay na mga mata, matipunong katawan, at nakakaaliw na lengwahe. Kapag nakita mo ang Delta Force, wala kang maaaninag na conventional killing unit; bagkus, Hollywood screen material. Kaakibat ng pag-unlad ng teknolohiyang kanluranin ang sophistication ng industriya ng pang-aliw. Sa sobrang lalim ng visual prism ng modernong tao, wala ka nang makikita pang totoo, gumagalaw, umaakto, lalo’t higit ang substantia ni Aristotle. Maaaring nababaliw si Zeno ng Elea noon, pero malaking raket ang natuklasan ng Pranses na pala-isip (thinker) na si Jean Baudrillard nang sabihin niyang walang digmaang nangyayari sa Gulpo. Hanggang sumabog ang World Trade Center.

Sa Basilan, may magaganap na matinding putukan. O baka may nagaganap na pero masisipat mo lamang sa ‘visual prism’ ng media. Lalabas nga, walang nangyari. Tahimik ang Basilan! Salamat sa Media, utang na loob natin sa mga dambuhalang tv, print at broadcast media networks ang pagpapalawak ng impormasyong ‘cerebral’ o iyong mga datos na dumaan sa ‘transmission belts’ ng ‘information society’. Ehersisyong militar-tandaan na kalisthenik na konteksto ng patayan. Sa hayag: larong totoo. Patago: totoong laro. Pansinin ang mga sumusunod: May Abu Sayyaf, pero walang usaping diskriminasyon; totoong pangamba ang terorismo, pero hindi ang mga armas nukleyar.

Hindi ko maramdaman ang isyu – kung totoong may Balikatan. Wala akong nakikita, naaamoy, nalalasahan. Post-emotional na marahil ang tao ngayon. O totoo bang may tao?

Ano’ng meron? Walang bago. Hindi ako nananaginip habang sinusulat ko ito. Gising pa naman ako hanggang ngayon. Sa katunayan, parang ayaw ko nang matulog. Mali ‘ata si Nietzsche. Hindi kailangang matulog kung sa takot lang na Makita ang walang habas na pag-inog ng mundo na walang sasantuhing saksi.

Anupaman, tutal gising pa ako, makinig na kaya sa kanya…bago ako mapilitang matulog:

“One who cannot leave himself behind on the threshold of the moment and forget the past…without fear or giddiness, will never know what happiness is, and worse, still, will never do anything to make others happy. The extreme case would be the man without any power to forget who is condemned to see ‘becoming everywhere’. Such a man no longer believes in himself or his own existence; he sees everything fly past in an eternal succession and loses himself in the stream of becoming.’” (The Use and Abuse of History)

Ano kaya kung totohanin nating maging tao? Ah! Ganito-matulog muna, bukas magpasya.

Mga Sanggunian:
1. Garcia Robert Francis (1999). Of Maps and Leapfrogs. Popular Education and Other Disruptions. PEPE, inc.
2. Nietzsche, F. (1967). The Use and Abuse of History. Bobbs Merill Co., Inc.