Pagsakay sa Biyaheng Katips
ni Siopao

Siguro, lahat tayo’y nakakita na o nakasakay ng dyip, kahit minsan sa buhay natin.

Noong bata pa ako’y ang pagsakay sa dyip ang simbolo ng kalayaan at pagsasarili, at nang nakasakay na nga ako sa kauna-unahang pagkakataon nang nag-iisa’y nakapagmalaki ako.

Tulad rin ng pagmamalaki nating mga Pinoy na ang dyip ay tunay na yaring atin, na ang pagkamakulay nito ay simbolo ng ating kulturang tunay na ... makulay, na ito ay produkto ng ‘filipino ingenuity’. Hiniram natin ang Jeep ng mga Kano, binago, at tinawag na Jeepney - at dinala natin ito hanggang sa ating kasarinlan.

Ito lang ang dyip sa aking maliit na mundo ... hanggang sa tumanda ako’t namulat na ang ating ‘pride opda pilipins’ ay nakabalandra sa daan na minsan pa nga’y mang-aagaw ng linya’t hihintuan ka sa harapan habang nagbababa o nagsasakay ng tao - araw-araw. Napapansin ko na ngayon ang kaniyang tambutsong kayang gawing Whitney Tyson si Snow White, o ang ga-daliring pagitan ng mukha mo sa ‘side-mirror’ nito kapag rumaratsada sa tabi mo. Sa ganitong sitwasyon ay mapapamura ka na lang sa loob ng sasakyan mo, at aasang madidinig ng tsuper ang mga sinasabi mo sa pamamagitan ng ‘mental telepathy’.

Ano na ba ang nangyari sa ating national heritage?

Mapunta tayo sa byahe dito sa katipunan - ‘byaheng  katips’ kung tawagin ng ilang magagaling na manunulat. Diretso ang daan at hindi ganoong ka-grabe ang trapiko kung ikukumpara sa edsa, pero hindi maiiwasang paminsan-minsan ay may maka-enkwentro kang dyip na ididribol na parang basketbol ang iyong pasensya.

Ngunit, kumpara sa ibang mga istasyon, talagang organisado ang asosasyon ng dyip sa Katipunan – BKJODA (Balara-Katipunan Jeepney Operators and Drivers Association). Bukod sa maaayos na pila, nagpapatupad sila ng ‘bayad muna bago sakay’ na patakaran sa dulong Balara/UP. Dahil dito, hindi na pipilitin ng tsuper o kunduktor na punuin ang dyip hanggang magkapalit na ang mukha ng mga pasahero sa sikip. Mayroon nang nakatakdang kapasidad ang dyip, at madali pa ang bayaran (malas na lang sa mga sasakay sa dulong Marcos Hi-way, walang ganito doon).

Hindi naman masasabing monopolyo nila ang daanang Katipunan dahil nariyan ang mahigpit nilang kumpetensiya – ang asosasyon ng dyip sa UP. Ang mga dyip sa asosasyong ito na kung tawagin ay KODA ay dumadaan rin sa Katipunan ngunit sila lamang ang nakakapasok sa paligid ng UP campus, at na-echa puera ang ibang mga drayber, na siyang bumubuo ng BKJODA. Ayon kay G. Martinez, presidente ng BKJODA, malaki ang kinalaman ng pulitika sa nangyaring ito ilang taon na ang nakararaan, gayunpama’y naniniwala sila sa sistemang bigayan kaya’t hindi hindi naman nagkakagulo.

Kung titingnan, hindi lamang mga pribadong sasakyan ang kaharap ng mga dyipni drayber sa daan, kung hindi mga kapwa drayber rin. Bawat isa ay kumikita at inaabot ang kanilang ‘boundary’. Ngunit kaiba sa mga nagmamaneho sa pribadong sasakyan, kabuhayan ang naksalalay sa bawat biyaheng itatakbo ng mga tsuper. Kailangan nilang maging agresibo sa daan dahil kung hindi, mababawasan sila ng oras, nababawasan pa ang pagkakataong makakuha ng pasahero. Sa kulturang dyipni ay may linya naman sa pagitan ng pagtatrabaho at pagiging sugapa, kaya nga naitayo ang mga asosasyon upang ipatupad ang tamang patakaran...marahil ay kinukulang lang sa representasyon ang mga drayber pagdating sa lehislasyon kaya may mga patakarang hindi ‘tama’.

Mahahalatang hindi masyadong mapalamuti ang mga dyip sa Katipunan, ngunit malinis ang mga ito. Ayon kay ‘Tata Pedring’, na may ilang dekada na ring nagmamaneho, mas pinahahalagahan niya ang pagiging malinis ng isang dyip kaysa sa palamuti, at hindi na kailangan ng palamuti sa dyip dahil organisado naman ang ruta sa Katipunan. Masasabi rin kaya ito sa pilipinas?

Ipinaliwanag rin ni Tata Pedring na ang dyip ay hindi 100% yaring Pinoy. Bagaman produkto ito ng pagkamalikhain ng pinoy, may mga bahagi ang dyip na inaangkat mula sa ibang bansa at hindi matatagpuan rito, tulad ng makina. Hindi rin siya naniniwala na dapat ipagmalaki ang dyip nang ganun-ganon na lamang.

Nawala na ba nang tuluyan ang dyip bilang ‘pride of the Filipino’? Nasira na ba ang simbolo ng ating kultura?

Kahit saang kultura ay may pagbabagong nagaganap. Nangyari na patuloy na nagbabago ang sa atin, pati na ang mga nakaugaliang simbolo ay nag-iiba ng anyo. 

Wala naman talaga sa dyip ang dapat ipagmalaki. Ang dapat nating ipagmalaki ay ang mga gumagawa at nagmamaneho ng dyip, na patuloy ang pagpupursigi sa hanapbuhay kahit na, katulad ng ibang sektor ng lipunan, ay dumaraan sa krisis. Lalu pang dapat hangaan na bagaman may kumpetensiya sa daan, pinaiiral pa rin ng ating mga tsuper ang pagbibigayan.

Sari-saring sasakyan ang dumadaan sa Katipunan, kasing-rami ng lahing bumubuo sa lahing Pilipino. Tulad ng Katipunan, pare-pareho sa atin ang daan, ngunit walang isang taong makapag-aangkin nito. Pare-parehong umuusad ang sasakyan, ang iba nga lang ay mabagal at ang iba ay mabilis. Ang mahalaga, higit pa sa patakarang trapiko, ay pairalin ang sistemang ‘bigayan’ – at ito ang pamana ng ating lahi na dapat ipagmalaki. Kung lahat tayo’y matututong maging mapagbigay, luluwang marahil ang daan nating lahat tungong Kalayaan.