Pagtakas at Propaganda
ni Aaron Rom Olimba Morlina

Matapos ang September 11 attacks, biglang sumikat ang mga pelikulang pantasya. Naging patok sa takilya ang mga pelikulang Harry Potter, mula sa sikat na series ng libro ni J.K. Rowling at ang pelikulang Lord Of The Rings, mula sa klasikong libro ni J.R.R. Tolkien. Libu-Iibong tao ang pumila sa takilya upang mapanood lamang ang pakikipagsapalaran nina Harry Potter at Frodo Baggins.

Matapos naman ang pagbulusok ng mga pelikulang pantasya sa kasikatan, nasaksihan ng lahat ang pag-usbong ng mga pelikulang giyera. Ang ilan dito ay ang Black Hawk Down, na sinasabing nakatalo sa Lord Of The Rings sa bilang ng mga nanood nito, ang Band Of Brothers, ang serye sa telebisyong diumano'y nakatanggap na ng maraming parangal, at ang ipapalabas pa lamang na We Were Soldiers, na tinatampukan ng Hollywood actor Mel Gibson.

Maging sadya man o hindi, masasabi nating kaugnay ang mga pelikula sa pangyayari noong ika-11 ng Setyembre. Naging instrumento ang mga pelikulang pantasta bilang "paglikas" ng mga tao sa kasaklapan ng teroristang pag- atake. Inilayo ng mga nasabing pelikula ang atensyon ng tagatangkilik sa takot at pangamba ng digmaan. Sa halip na mga Amerikano't Taliban ang magkatunggali, nailagay sa entablado ang away sa pagitan ni Harry Potter at Voldemort, at ang bangayang Saruman at Gandalf. Sa halip na baril at granada, naglaro sa sentido ng mga tao ang bagsik ng espada nina Frodo at Aragorn laban sa mga ulos ng Orcs at Goblins. Ang mga pelikulang ito, maging sadya man o hindi, ay naging tulong sa mga taong sumaibayo mula sa katotohanang libu-libo ang nasawi at milyun- milyong ari-arian ang nasalanta noong ika-11 ng Setyembre. Sa pamamagitan ng mga ito, sumaibayo ang mga tao at tumungo sa isang imahinasyong kung saan ang mga nasasawi ay pulos mga kapon ng kadiliman- mga alipores ni Voldemort at ang Uruk-hai ni Saruman.

Ang gawang pagtakas ng mga tao dala ng pelikulang pantasya ay kaagad sinundan ng biglang pagsisid sa "reyalidad" na dala ng pelikulang giyera. Pinagmalaki ng pelikulang Black Hawk Down na natalo nito ang Lord Of The Rings sa bilang ng mga nanood. Ang pagkapanalo naman sa Emmy's ang pambungad naman ng bawat patalastas ng Band Of Brothers, na ipinalabas sa Channel 23 sa lokal na telebisyon at HBO sa cable. Naging maugong naman ang kontrobersya sa likod ng pelikulang We Were Soldiers dahil sa sinasabing kakaibang pagtalakay nito sa Vietnam War. Lahat ay pawang mga pelikulang gawa sa Estados Unidos, at lahat ay pawang ibinibida ang kagitingan ng tropang Amerikano sa mga giyerang nilahukan nito. Mainam ang pagkakagawa ng tatlong halimbawa, mula sa sinematograpiya hanggang sa screenplay. Siyempre, namukod-tangi ang kabigha-bighaning effects at props dahil na rin sa pagkakahanay nito sa primera-klaseng mga pelukula, mula sa pyrotechnics hanggang sa mga sasakyang pang-giyera.

Ang ganitong pagsunod sa pelikulang pantasya ay nagdulot ng biglang pagbago ng paradigma sa pag-iisip ng mga tagatangkilik. Mula sa pagkaka-ahon, muling isinisid ang mga tao sa saklap ng giyera. Nagbago ang ideya ng tagatangkilik sa kung ano ang konsepto ng "digmaan" -nawala ang ulos at espada, napalitan ng mga baril at granada. Muling nagbalik ang pigura ng kalaban at bida. Mula sa mga onse anyos na mga mag-aaral ng Hogwarts, naging US Navy Seals ang pinalakpakan.

Ngunit, bahagi man ito ng pagkakataon, hindi pa rin matanggal sa diskurso ang lantarang intrusyon ng Estados Unidos gamit ang instrumentong pelikula sa pagpapalit ng paradigma. Dahil na rin hawak ng mga Amerikano ang mundo ng pelikula (ituring na lang ang kapangyarihan ng Hollywood na makapagdikta ng kung ano ang primera- klase o hindi), hindi maiwawaksing ginamit ng Estados Unidos ang daloy ng pagsikat ng mga pelikula sa takilya upang maisalba o maiahon ang naghihingalong imahen nito sa buong daigdig. Matapos ang pagkalikas ng mga tao mula sa pait ng terorismo sa pamamagitan ng mga pelikulang pantasya, muling itinulak ang mga ito sa paradigma ng giyera, hindi sa pamamagitan ng makabuluhang paglalahad ng makasaysayang pangyayari ngunit bilang propagandang magpapabango sa imaheng Uncle Sam.

Ang pagsasapelikula ng mga karanasan ng tropang Amerikano ay hindi kailanman magiging pantay na paglalahad ng tunay na mga pangyayari sa Somalia o sa Vietnam mga ilang dekada na ang nakakaraan. Higit namang kaduda-duda ang malabayaning pakikipaglaban ng tropang Amerikano noong ikalawang digmaang pandaigdig sapagkat marami pang panig ang sangkot sa gera. Kaya naman ang pagpapalabas ng mga pelikulang gera na gawang Estados Unidos ay isang pagtatangkang ibalik ang military hegemony ng bansa sa buong daigdig na sinira ng pangalang Osama bin Laden at AI-Qaeda Network. Malinaw na ang propagandang ito ay nanghihimok sa mga tagapagtangkilik ng pelikulang Hollywood na paniwalaang makatarungan ang anti-terorismong kampanya ng Estados Unidos. Dahil inilalako ito sa pu bliko, nangangahulugang pinupurga nito ang popular na pagsang-ayon ng karamihan sa kampanyang anti- terorismo, kahit hindi ito dumaan sa kritikal na pagtingin at pagpapasya.

Gayunpaman, hindi pa rin tuluyang maiwawaksi ng mga pelikulang gera ang siyentipikong pagsusuri ng mga akademiko sa kasalukuyang eksena. Higit pa sa mga pelikulang Black Hawk Down, We Were Soldiers at Band Of Brothers ang makapipigil sa kritikal na paghihiwalay ng dalisay na kasaysayan at propagandang kabalintunaan.