Ang Personal Bilang Pulitikal
ni Gary Devilles
Kagawaran ng Filipino
Pamatasang Ateneo de Manila

Bato - bato sa langit, ang tamaan huwag magagalit!
                                                                -- Matandang kasabihan

Kamakailan lamang, nasaksihan natin sa akademya ang walang puknat na batuhan ng mga argumento at pasaring sa magkabilang panig nang tuluyang nahati ang mag-aaral at guro ng pamantasan hinggil sa usapin ng Vagina Monologues. Nagpaskil ng mga paninindigan ang ilang kapwa guro, nagpamudmod ng mga polyeto, at naging masikip ang trapiko sa internet highway hinggil dito. Naging kimi ang ilan habang nagpalipad-hangin ang karamihan. Sa kabila ng kabaliwang ito, isang tanong ang hindi maiiwasang sagutin – anong saysay ang madudukal dito?

May ilang mungkahi ako upang isakonteksto ang lahat na ito. Maaaring manggaling sa iba’t ibang diskurso gaya ng peminismo, sikoanalitiko at etika, subalit kailangang ihugpong ang mga ito sa usapin ng kapangyarihan. Hindi ko sinasabing magkakahiwalay o may ganap na awtonomiya ang bawat diskurso gaanoman katingkad ang katangian ng isa’t isa. Sa ganang akin, makahulugan lamang ang pagkatangi ng bawat diskurso kung sa dakong huli, itataya natin na nanggagaling ang peminismo sa pananaw ng piniping tinig ng kababaihan, ang sikoanalitiko sa karahasan ng panunupil at ang etika sa usapin ng tunay na dialogo. Kapangyarihan, samakatuwid, ang ibig tumbukin ng lahat ng diskurso at anumang polyeto na pinamudmod laban sa pagbabawal ng Vagina Monologues ay mailulunsad sa ganitong usapin. Dagdag dito, kailangang makita na ang personal ay pulitikal at ideolohiya ang ibig batuhin. Totoong may taong tinatamaan sa pambabatong ito subalit kailangang makita na ang taong tinamaan ay ekstensyon din ng ideolohiyang ibig pukulin. Nangyayari ito dahil umiiral ang ideolohiya sa mga kilos at pananalita ng mga indibidwal maging sa mga pinakapersonal na gawain niya.

Nang banggitin ko na ang isang kapwa guro ay hindi peminista, nanggagaling ako sa konteksto na ang kanyang mga akda ay hindi kailanman maihahanay sa anumang uri ng peminismo, walang pangkat-peminismo ang nag-angkin sa kanyang akda, at hindi kailanman inamin niya na peminista siya. Totoong masalimuot pa rin hanggang ngayon ang usapin hinggil sa kung anu-ano ang itinatakdang akdang peminista, subalit ang hindi maikakailang konteksto ng lahat ng kinikilalang muhon sa peminismo ay ang problematisasyon sa posisyong peminismo sa teksto. Sa ginawang pagbasa ng nasabing guro tunggkol sa Vagina Monologues, walang artikulasyon ng posisyong peminismo. Kaya inuulit ko, makatarungan lang na ipangalandakan na hindi siya peminista.

Sa unang pagtingin, marahas ang ganitong pananalita subalit ang karahasan na ito ay isang anyo ng pagiging tapat sa umiiral na mga diskurso. Layunin ng mga peminista na lansagin ang sentralidad ng posisyong patriarkal mula sa pinakaabstraksyong manipestasyon nito at maging sa pinakahimaymay ng ating katawan dahil mapanupil ang ganitong anyo ng kapangyarihan hindi lamang sa kababaihan kundi sa lahat. Kaya kung sinuman ang nagsasabi na peminista siya, malaki ang hinihingi na pagpapaliwanag tungkol sa kalagayang panunupil at pagsasantabi na ginawa sa kanyang pagkababae at sa buong sangkatauhan. Ang peminismo ay nanggagaling kaagad sa posisyon ng marhinalidad, sa kawalan ng kapangyarihan, sa libis at sa gilid. Kailanman hindi naging dikdaturyal at legalistiko ang posisyon ng peminismo dahil sa simula’t sapul binura na ang peminismo rito. Hindi posible na maging direktiba ang lapit ng peminismo. Palaging pag-aantabay at pagpupunyagi na maiwaksi ang patriyarka ang dulog ng halos lahat ng peminista. Sa ginawang pagbawal ng pagpapalabas, hindi ito maikakawing sa posisyon ng marhinalidad. May kapangyarihan ang nanupil at ang masama nito kinasangkapan ng ilang tao ang teolohiya upang isulong ang kanilang pananaw na inaakala nilang higit na malapit sa ideolohiyang Katoliko at Heswita. Hindi makatarungan ang paggamit sa ideolohiya ng Katoliko at Heswita. Gaya ng ipinaliwanag ni Dr. Manuel Tejido sa kanyang email, na hindi na kailangan pang ulitin dito, hindi nangangahulugan na tiwalag sa paniniwalang Katoliko ang pagpapalabas ng Vagina Monologues. Kung laban ito sa ideolohiyang Heswita, ang guro na pinagsanggunian ay hindi isang Heswita at hindi rin siya ang tanging tagapagtaguyod at representasyon ng ideolohiyang ito.

Batay dito lumalabas na ang pagbabawal ay isang panunupil na walang basbas ng tunay na konsultasyon, taliwas sa diwang Katoliko at alangangin na paninindigang Heswita. May mga iilan lamang sa akademya ang nagpapalagay na sila lamang ang may tamang pananaw na Katoliko at Heswita at layunin nilang ipataw ito sa lahat. Ang kanilang di-pagtanggap sa palabas ay sintomas ng di-pagtanggap sa sinumang hindi nila kaanib. Pasista ang ganitong pananaw at taliwas ang pasismo sa tunay na hangaring etikal tungo sa isang dialogo.

Higit na katawa-tawa ang naging huling kalatas ng Kagawaran ng Teolohiya. Ipinangangalandakan nila na hindi sila nagpapabawal ng palabas. Minabuti nilang ipalabas ito sa labas ng Ateneo. Ito para sa akin ang irasyonal sa kanilang hangarin itaguyod ang usaping moral. Nagtatakda sila ng espasyo ng moralidad at para sa kanila nasa Ateneo matatagpuan lamang ito habang walang moralidad sa labas ng Ateneo. Ito ang tunay na paglalahad ng elitismo at pasismo. Kung tunay ang kanilang hangaring itaguyod ang usaping moral, hanggang sa labas ng Ateneo ipagbabawal nila ito. Subalit hindi nila magawa ito dahil batid nilang marupok ang kanilang argumento. Nakasalalay lamang sa kanilang sentralidad ang kanilang posisyon. Makahulugan lamang ito sa kanila at wala silang tunay na pagmamalasakit sa iba. Tila isang doughnut ang kanilang argumento. Nasa butas ang kanilang lohika.

Hanggang sa isinusulat ko ito wala pa ring malinaw na posisyon ang administrasyon. Nanahimik sila. Hindi nila pinaunlakan ang kahilingan na tumugon sa isang open forum na isinaayos ng mga mag-aaral at ang panayam ng Probe Team. Lumabas na kahiya-hiya ang Ateneo hindi dahil naiiba ang kanilang posisyon kundi dahil may mga iilan na nagmamatigas subalit walang “bayag” na harapin ang sinumang tumutugis sa kanila. Hindi mabuting repleksyon ang kanilang pananahimik at pagsasantabi ng usapin. Dito sila kailangang batuhin. Kung ayaw nilang umilag huwag silang iiling-iling.