Sakay
ni Jose Leonardo Ancheta-Sabilano

FX na biyaheng Quiapo Ilalim

Hindi ko ugali noon ang pagsakay sa FX. Bukod sa mahal ang bayad ay masikip pa, lalo na kung sa gitna ako nakapwesto. Mukhang hindi ginawa ang Tamaraw FX para sa mga matatangkad.

Ngunit pagkatapos kong hikain noong isang linggo ay FX na ang sinasakyan ko papuntang Peyups. Mausok kasi ang daan; mabaho ang Manggahan at Litex. Apat na piso lang naman ang dagdag – maliit na presyong kapalit ng kaligtasan ko.

Doon ako sumakay sa tapat ng Greenwich, sa kanto ng Commonwealth (dating Don Mariano Marcos) at Regalado (Regalado pa rin hanggang ngayon). Maraming dumadaang FX doon. Madalas ay wala pang sakay, kaya nakakapili ako ng upuan ko. Paborito kong pwesto ang nasa  likod, maluwang kasi. Tig-dadalawang pasahero lamang ang bawat upuan, hindi katulad ng nasa gitnang na kung saan nagpupumilit magkasya ang apat sa upuang ginawa para sa tatlong katao lang. Sinuwerte ako ngayon. Sa likod ang upuan ko, malapit sa sticker ng San Beda sa salamin. Madaling bumaba.

Trapik sa Litex. May nanghuhuli kasi. Pati rin sa Riverside. Dapat talaga ay sumasabay na lang ako kay Erpats, mabilis na, libre pa. Doon kasi siya dumadaan sa Don Antonio, ang shortcut ng lahat. Kaya lang naman ako hindi nakasabay ngayon ay dahil napuyat ako. Ala-una na kasi ako nakatulog kanina. Natatakot kasi ako sa maaaring mangyari mamaya – kung meron man.

Nakakabwisit ang tugtog ngayon. April Boy. Eh pinagsawaan ko na kagabi yun eh. Kawawa naman ang taumbayan ng Kalookan. Korni ang konsehal nila. Trapik ang inabot ko paglagpas ng Ever Gotesco. Hanggang Montessori ito. Minsa’y inabot ako ng trenta minutos dito.

Bumaba ako sa Central. Sa tapat ng New Era ay maraming lalaking naka-barong at babaeng nakusuot ng unipormeng mistulang uniporme sa opisina. Malinis-medyo-hindi-malinis ang lugar: hindi tulad ng sa Philcoa, halos walang nakapaskil sa mga pader ng overpass. Pero pag-akyat ko'y nakita kong lumipat na doon ang pulubing palagi kong nakikita dati sa Philcoa. Nandoon na siya simula pa noong nasa unang taon pa ako, malamang ay matagal na siyang nandoon bago pa ako unang tumuntong doon.

"Anak, kaunting tulong lang…" pagmamakaawa ni Manong.

"Pasensya na, Manong. Wala akong barya ngayon.” Gusto ko sana siyang bigyan, pero hindi talaga pwede. Una, bawal iyon. May MMDA na nakabantay sa dulo ng hagdan. Pangalawa, wala talaga akong barya. Isandaan at tatlong piso lang ang pera ko paglabas ko sa bahay, tapos gumastos na naman ako ng sampung piso sa FX. 'Di bale nobenta na lang ang natira.

Ang sarap sanang manggago ng ministro ngayon, sabi ko sa sarili ko. Nakapanood na rin kasi ako ng mga palabas ni Ka Bularan sa Net 25, ‘yun bang mga wala nang nagawa sa buhay kundi ang manggago ng relihiyon ko. At siyempre, bilang isang estudyante ng mga Heswita, gusto kong ipaglaban ang sa tingin ko’y katotohanan. Ngunit hindi ngayon.

Hindi ko na rin naman kasi alam kung ano ang totoo at ano’ng hindi. Simula kagabi, noong inilabas niya ang lahat ng himutok niya sa akin, parang biglang nawalan ng saysay ang lahat ng pinag-aralan sa Science High, mga natutunan sa Teolohiya, at lahat ng metapisikang tinalakay sa klase.

Dyip na biyaheng UP Katipunan


Lakad lang nang lakad. Mahabang distansya din itong nilalakad ko mula Central Overpass hanggang Film Center. Pero apat na piso rin yun. Kailangan ko kasi ng pang-traysikel mamaya.

Maraming taong dumadaan dito. Mga estudyante ng New Era, mga trabahador, mga kapatid ni Bularan, mga taga-Miriam, mga taga-UP, at isang Atenistang hindi alam kung ano ang susunod niyang patutunguhan.

Parang hindi na matatapos ang lakad na ito, naisip ko. Ngunit mainam na rin. Para hindi na umabot sa bahaging hindi ko talaga gustong mangyari.

Ngunit ang lahat ay may katapusan. Sa kanto’y may naghihintay nang dyip. Sumakay ako.

Pagkatapos ng lima pang pasahero, nakalarga na rin kami sa wakas. Holy Sacrifice. Sunken Garden. Della Strada. Lahat ng mga lugar na iyan, nadaanan ko. Puro banal ang mga iyon. Bumaba ako sa Gate 3. Naka-green light. Kaya naghintay na lang ako sa kanto, bumili ng Philippine Star, at hinintay muli ang pulang ilaw, katulad ng nakasanayan.

Free cut ako sa Statistics ngayon. Iyon lang ang nag-iisa kong klase tuwing Lunes, Miyerkules, at Biyernes. Ngayong libreng-libre ako, pwede ko nang gawin ang kahit anong gusto -- at hindi gusto -- ko, kahit magwala. Pero mamaya na iyon.

Dumiretso ako sa Gonzaga.

Nandoon si Kiko sa tambayan pagdating ko. Nagbabasa siya. Mukhang may orals na naman ang gago. May napansin akong CD sa tabi niya.

“Pare, gusto mong marinig ang mga MP3 ko?” anyaya niya.

“Sige.”

Pinasok niya ang CD sa kompyuter. Gitarang ginamitan ng harmonics. Maganda ang tunog. Pinipigilan mo ang kwerdas ngunit nagpupumiglas pa rin ang tunog. Kung minsan nga'y mas gumaganda ang lahat kapag nakakulong at nagpupumiglas.

Ngunit hindi ko inaasahan ang toot-toot na narinig ko.

“Kasama ba talaga ‘yan sa tinugtog mo? Galing naman ng effects mo,” tanong ko.

“Hindi, ah. Tingnan mo nga muna ang cellphone mo.” Tiningnan ko. Tama. May dumating na text nga  para sa akin.

“Sandali lang, pare. May kailangan pa akong tapusin.”

Traysikel na LH TODA

Siyam na piso na naman. Siyam na pisong galing kay Tatay na gagastusin ko lamang sa mga walang katorya-toryang bagay, katulad ng pambayad sa traysikel na magdadala sa akin sa wakas ng mundo.

Magkano na lang ba ang pera ko ngayon? Tumingin ako sa pitaka ko habang dumadaan sa tapat ng Burgundy. May nanghuhuli kani-kanina lang sa tapat ng Gate 3. Kaya nga ayaw ako pasakayin ng naunang traysikel sa terminal sa tapat ng Gonzaga. Pero ngayon, dire-diretso na ako sa Aurora. Otsenta na lang ang pera ko. Maglalaan pa ako ng pamasahe pauwi. Mga beinte pesos siguro. Saan yata ako kakain? Sisisenta na lang ang pera ko!

Bumaba na nga ako sa I-Mart. Napakaraming taong dumadaan. Merong naka-uniporme ng Miriam, merong naka-civilian, merong nakapambahay. At meron ding hindi mo alam kung may bahay.

Lahat sila’y tumatawid. Merong patungong Katipunan, at may patungong PSBA, katulad ko. Wala akong dala kundi ang aking sarili, ang bag ko, at ang tape niya.

Ano ba’ng laman ng tape? Wala naman masyado kundi mga kantang senti na pilit kong pakinggan dahil sa kanya. Binigay sa kanya ng naging ex niya, ‘yung naka-buena mano sa kanya. Hindi ko hiniram ang tape. Basta inilagay lang niya sa kamay ko noong unang araw namin bilang di-opisyal na magkabiyak at magkaramay. “Para naman ma-appreciate mo ang mga paborito ko,” paliwanag niya.

Ni minsan ko pinakinggan ang mga laman ng tape. Naaalala ko kasi ang nagbigay sa kanya. Nakipaghiwalay si Angel (putang inang pangalan ‘yan, oo) doon sa pinakamamahal niyang si Ronnie noong natuklasan niyang tinututaym siya. Pero hanggang ngayon ay si Ronnie pa rin ang bukambibig ng gaga. Minsan nga'y naghihintay kami ng sasakyan sa Aurora. Umuulan noon at pinasuot ko muna ang varsity jacket ko. Maya-maya'y kumanta siya. Siyempre, nakisabay ako. Parang napakabanal ng oras na iyon.

Sabay hirit niya: "Alam mo, Joel, theme song namin ni Ronnie iyon."

Aray.

At kung tutuusi’y hindi naman talaga ako mahilig sa senti. Oras na makarinig ako ng isa, nasusuka ako, pwera nga lang kung egoy ang kumanta niyon, dahil sa naaalala ko ang JS Prom ko noong nasa 3rd year pa ako sa Science High. Siyam na beses akong nagyaya, siyam na beses ako ni-reject. Masaya. Kahit noong 4th year ako. Binasted pa rin ako ng kaisa-isang babaeng maaaring pumayag sa akin. Doble ang saya. Tapos, noong grad ball namin, binasted ako. Ni wala isa akong nakasayaw sa tatlong okasyon na iyon.

Putang inang David Pomeranz iyan, o.

Umakyat ako sa access road ng mga sasakyan papuntang PSBA. May nakadikit na sticker na berde sa mga T-shirt ng mga tao doon. Eleksyon nga pala rito, pagtataka ko. Anong klaseng plataporma naman ang meron sila? Malamang pagpapagwapo sa admi. Ganoon naman palagi, e. Kahit saan.

Kilala na rin ako ng mga sekyu doon sa PSBA. Noong bakasyon kasi'y inaraw-araw ko ang pagdalaw kay Angel doon. Kaya siguro nagsawa sa pagmumukha ko ang gaga. Mabuti pa ang mga sekyu, hindi pa sawa sa akin. Pinapasok nila ako, kahit wala akong dalang ID.

Umakyat ako sa building. Ikaapat na palapag, tambayan ng JPIA. Doon niya ako hinihintay.

"O, Joel," salubong sa akin ni Angel. "Dito ka muna sa classroom." Naghintay ako sa kwarto na walang kasama kundi si Ego, si Superego, at si Id.

Pagkatapos ng limang minuto, pumasok siya:

"Joel, we have to talk."

Traysikel na biyaheng LP TODA

Hindi ko na pahahabain pa ang kwento. Nakipag-hiwalay si Angel sa akin.

Noong una'y parang inaasahan ko iyon. Sa tono pa lang ni Angel kaninang alas-dose y media, halata na. Kaya nga kanina'y gusto kong huwag siyang siputin. Ipapasabi ko na lang kay Tanya, ‘yung best friend niya, na hindi ako makakapunta ngayon dahil bigla akong nahimatay sa gitna ng EDSA Walk, o di kaya'y tinirahan ng headshot ng isang sniper sa tuktok ng Gonzaga.

Pero kailangang harapin ang lahat. At kaya ko naman ito, e. May reserba na kasi ako (ulol). 'Yung bagong-salta sa org namin, okey siya. Pero balita ko'y may syota na siya. Kabadtripan ng mga kabadtripan pero kailangang tiisin. Hindi naman kailangang manalo sa lahat.

Katulad ng larong ito. Parang karera ng kabayo. Takbo ka nang takbo, pero sa huli, hindi ikaw ang aani, kundi ang sumakay sa iyo. Isa ka lamang pangalan sa diyaryo, isang pagpupustahan. Pagkatapos ng iyong labinlimang minuto ay babalik ka na sa lungga mo, darak pa rin ang kakainin, at matutulog, kung matitiis mo, sa dayami.

Pero gusto ko pa rin. Mahilig akong tumakbo. Sa una, aarangkada ako at kung sino man ang sasakay sa akin, pero maya-maya'y hindi na kakayanin ng nakasakay. Baliktad. Ako dapat ang mauunang mapagod at hindi siya, pero sa kaso ko, akong sinasakyan ang nagtatagal.

"Bakit ba naman kasi palaging kanya-kanyang bayad tuwing lumalabas tayo?" bulalas niya kagabi. Iskolar lang ako, gusto ko sanang isagot, pero ayaw ko nang makipag-away. Alam ko namang hindi patatalo si Angel pagdating sa ganyan. Puno ng pride ang syota, este, ex-syota ko. Ipagmamalaki niyang tindera lang sa palengke ang nanay niya, tapos ang tatay niya tagabasa lang ng metro sa Meralco, pero nagawa nilang pag-aralin ang mga anak nila. Lahat ng tatlong anak nila. At ang bunso, si Angel, ang pinaggastusan nila. Pinapasok sa isang Montessori sa Angono, nagtapos na honorable mention.

Ngayong nakasakay ako sa likod ng drayber, nakikita ko na naman kaming dalawa sa loob ng traysikel na ito. Palibhasa'y traysikel din ang sinakyan namin noong una ko siyang dinala sa Ateneo, noong kuhaan ng mga grado. Hindi pa kami noong umagang iyon, pero parang kami na. Hinalikan ko siya. Ngumiti lang siya. Noong kinagabiha'y hinalikan na rin niya ako sa wakas.

Ewan ko, pero ngayong naiisip ko, gagawin ko ang lahat makasama lang siya sa loob ng traysikel na ito. Papatawarin ko siya sa lahat ng ginawa niya, lalo na iyung ginawa niya kanina. At gagawin mamayang gabi. Manonood siya ng concert ng Freestyle sa Araneta, at ibang lalaki ang kasama niya. Noong isang linggo'y nagpaalam na siya pero ang sabi niya'y puro babae lang sila. Pero biglang nag-iba ang kwento kanina. May naka-chat kasi siya noong isang linggo, at siya raw ang ka-eyeball ni Angel. Sa San Beda nag-aaral, at ang kwento niya'y gwapo raw. Matangkad, tisoy, mayaman. Anak kasi ng Kano.

"Alam ba niyang may boypren ka na?" tanong ko sa kanya kanina noong nasa PSBA pa ako, bago niya ako iniwan sa ikatlong palapag.

"Oo."

"E ano naman ang sinabi niya?"

"He says he doesn't care. Wala naman kaming gagawing masama, 'di ba?"

Aray. Siyempre, wala na siyang pagkakasala mamayang gabi. Wala na kami, e.

At sampung piso na naman ang ginaan ng pitaka ko.

Traysikel na biyaheng LH TODA

Senglot na naman ako. Ngayon ko lang ito nasubukan, uminom sa tanghaling-tapat. Kasama ko si Kulas, isa pang kaibigan. Pareho kaming nasawi sa loob ng nakaraang dalawampu't apat na oras. Si Kulas kagabi, ako kani-kanina lang.

Nagyaya si Kulas. Libre niya. At kaibigan raw niya ang may-ari ng bar. Pumayag naman ako. Kaya naglakad kami palabas at tinawid ang Katipunan. Inabot kami ng dalawang oras sa kakainom. Bitin, sabi niya. May klase pa kasi ang loko. Pero magandang kwentuhan ang nangyari. Parang magkakaibigan kaming matagal nang hindi nagkita at nagkataong nagkabungguan sa loob ng bar na iyon. Pero kung bitin sa kanya, masyado na siguro ang dalawang oras at tatlong bote ng Texquila para sa akin.

Pero ngayong nasa loob na kami ng traysikel pabalik ng Ateneo, parang ayaw ko nang bumaba. Mainit sa labas. At hindi ko na talaga kayang maglakad. Susuray-suray na ako paglabas pa lang namin ng bar. Pero kailangang bumaba. Lahat ng bahay ay may katapusan, katulad ng mga sakay sa traysikel.

Katulad ng tambalang Joel-Angel.

Pagbaba ko sa Gonzaga'y dumiretso agad ako sa ikalawang palapag. Nakita ako ni Kiko.

"O, Joel… Ano'ng nangyari sa inyo? Parang sabog kayo ngayon."

Tumango lang si Kulas, sabay turo sa akin, parang nagsasabing, Ayan, o. Mas lasing pa kaysa akin! Mahina ang batang ito!

"Wala… Hinde… ako… shabog!" pagpupumilit ko. "Tingnan mo o… Diresho… pa rin… ang… lakad… ko!" Sinubukan kong bagtasin ang kahabaan ng Gonzaga nang hindi umaalis sa imaginary na linya, ngunit ngayo'y tila nakakurba ito.

"Shige na nga… Shenglot na ako." At nabuwal ang aking katawan at kaluluwa.

Dyip na biyaheng UP-Katipunan

Wala na akong maalala sa mga nangyari. Nang nagkamalay ako'y nakahiga na ako sa bangko sa loob ng tambayan, bandang alas-singko y medya siguro ayon sa relo ko. Masarap talaga ang gising ng lasing, pero masakit nga lang sa ulo at katawan. Halos hindi ko na magalaw ang mga binti't kamay ko.

Pero kailangang tumayo. Kailangang maglakad ulit, kahit pagewang-gewang lang. Ang mahalaga’y makauwi na’t may klase kinabukasan. Doon na lang matutulog. Iinom nang kaunti, kakain ng kaunti, at matutulog. Bahala na kung tumawag siya’t babawiin ang lahat ng nasabi. Kesyo raw gusto niyang wala munang relasyon, gusto muna niyang mag-isa.

Ha. Akala niya, mauuto ako. Ano ang depinisyon niya ng pag-iisa? Bagong boylet, bagong ka-fling kada araw?

Basta ako, mag-iisa simula mamaya. Kapag sumakay na ako.

At nakasakay na nga. Medyo maaga akong nakalabas ng Ateneo. Wala pa masyadong trapik sa Katipunan. Kapag sinuwerte ka’y didiretso ang dyip sa Film Center sa pinaka-loob ng U.P., kung saan ilang metro, ilang daang hakbang na lamang at nasa Commonwealth ka na.

Alas singko y medya. Mga ganitong oras dati'y nasa Angono pa ako, sa bahay nila. Minsan ay inaabot ako ng alas-diyes. Milagro na nga kapag alas-otso ako makauwi. Maaga na iyon.

Matagal mapuno ang dyip. Naghihintay ang tsuper na mapuno ang sasakyan, para naman masulit ang gastos niya sa gasolina. Ayos lang sa akin ang maghintay, pero hindi ngayon. Makulimlim na ang langit sa ibabaw ng Fairview, ng Novaliches. Kahit dito’y nagsisimula na ring dumilim.

Kailangang magmadali. At kahit ano, gagawin ko basta makarating ako nang tuyo. Kahit magkano ang aabutin nito. Hindi naman ako napagastos kanina, salamat kay Kulas at sa dalawang sisig na in­-order niya. Kaya kahit mag-FX ulit ako, OK lang.

Sa pagmumuni-muni kong ito’y nakalimutan kong mag-krus sa harap ng Della Strada at sa Holy Sacrifice. Kung malungkot talaga ang isang tao’y malilimutan niya minsan ang nagligtas sa kanya. At ganoon nga ang nagyari. Bumaba ako sa Film Center nang hindi sinasaludo si Boss Chief.

FX na biyaheng SM Fairview

Sabi ko kanina, wala akong pakialam sa gastos basta hindi ako mabasa.

Ganoon na nga ang ginawa ko. Naghintay ako sa ilalim ng Central Overpass nang magsimula nang umambon. Mabuti na lang at may dumating na FX. Sumakay ako sa likod, katulad kanina. May sticker na naman ng San Beda sa likod. Naisip ko, baka ito ang nasakyan ko kanina. Iba na ang taong kasabay ko pero ganoon pa rin: nag-iisa ako. Habang may naglalampungan sa likod, kaharap ko, dumungaw na lang ako sa bintana, sa sticker ng San Beda.

Nasa Ever na kami. Halos kalahating oras ang inabot ko mula Central hanggang dito dahil sa trapik. Lahat ng tao’y pauwi na at nakikisabay ako sa kanila. Doon nagsimulang lumakas ang ambon, na hindi nagtagal ay naging bagyo na. Kasama ng ilaw ng daan, gumawa ang sticker ng aninong animo’y tato sa balat ko: San Beda. Naalala ko tuloy si Angel at ang kanyang ka-eyeball. Malamang ay nasa Araneta na sila. Siguro’y masaya na siya ngayong umuuwi na naman akong mag-isa.

Anak ng… minumulto na ako ng kupal na manunulot na iyon!

Pero sige, manonood na lang ako sa mga naglalampungan sa harap ko. Sisilip-silip ako. Iisipin ko: Putang ina niyo, kabalintunaan lahat ng paglalandi ninyo! Magsasawa kayo sa isa’t isa!

Pero kailangang matapos ang lahat. Katulad ng tambalang Joel-Angel na natapos kani-kanina lang, kailangang may bumaba, kailangang may pumara. At ako ang napili ng Camaro, para bagang tinatawag na ako ng bahay ko: Pumara ka na. Naghihintay ako.

At lalong lumakas ang ulan pagbaba ko.

Traysikel na biyaheng Fairview TODA

Walang traysikel sa terminal sa Camaro. Kaya nakisilong na lang ako sa sakayan ng dyip, sa kabilang kanto. Hindi ko marinig ang parating na traysikel, ngunit merong ibang nakarinig at naunahan ako. Sa sobrang pagkadesperado ko’y lumusong na ako sa ulan, wala nang pakialam. Alam ko namang hindi ako mababasa dahil sa waterproof na varsity jacket ko – ang jacket na ibinalot ko sa kanya habang naghihintay kami ng masasakyan sa Aurora at kumakanta kami’t humirit siya tungkol sa pinakamamahal niyang si Ronnie (putang ina niya), ang jacket na suot ko noong nasa Ateneo kami’t inamin niyang mahal niya rin ako.   

Mukhang nawalan na ng madyik ang jacket ko. Nabasa ako sa paghihintay. Nang dumating ang sumunod na traysikel ay basang-basa na sana ako kung hindi lang sa diyaryong binili ko kaninang umaga sa New Era.

Camaro. Pontiac. Consul. Kahit saang kalye kami dumaan, puro traysikel. Merong dilaw, merong berde. Lahat sila may patutunguhan: naghahatid ng pasahero, pabalik sa terminal, naghahanap ng masisilungan. Ako rin, lahat ng iyon, ginagawa. Ako ang pasahero, pabalik na ako sa terminal, naghahanap ako ng masisilungan. Ngayo’y alam ko na kung bakit merong umuuwi ng ganitong oras at nag-iistorbo sa pagtulog ko.

Ngunit wala akong masisilungan mamaya.

Pagbaba ko sa munti naming eskinita sa Consul, tinakbo ko na ang natitirang mga metro patungong dulo at bahay namin.

“Kuya, bakit ginabi ka ng uwi?” salubong ng utol ko.

Tiningnan ko ang relo ko. Alas-singko pa rin. Sabay tingin sa orasan sa dingding. Alas-otso na pala.

Hindi na pala maaga ang alas-otso, ngayong wala na akong dahilang magpagabi.

Si Jose Leonardo Ancheta-Sabilano ay hindi galit sa San Beda. Kung tutuusin nga’y nagpapasalamat siya rito dahil kina Magnum at LA at sa manunulot na kinuha sa kanya ang pinaka-user na syota sa buong mundo.