Tao ba Tayo para sa Iba?
(Pagmumuni-muni Habang Nakasakay
sa Traysikel ni Mang Johnny)
ni Noel Nicolas Diy Singson

Araw-araw, maraming mga tao ang sumasakay ng traysikel papasok ng Ateneo. Madalas ang iniisip nila ay ang kanilang kapakanan, karaniwa’y kung makakarating sila sa kanilang patutunguhan sa tamang oras. ‘Ni hindi man dumadapo sa kanilang isip ang kapakanan ng tsuper ng mismong trike na kanilang sinasakyan. Hindi nila naiisip ang kahirapan na dulot ng buong araw na paghahanap ng pasahero kapalit ng kakapiranggot na barya – baryang kanyang ipinangsusuporta sa pamilya, pati na rin sa sarili.

Alam nating mahirap ang buhay ngayon. Biglaan na lamang ang pagtaas ng presyo ng gasolina at kasama dito ang mga pangunahing pangangailangan sa buhay – pagkain, tirahan, damit. Nagigipit sa pera ang mga nagmamaneho ng trike dahil maliit lamang ang kinikita nila araw-araw.

Ang mga trike na pinapayagang pumasok ng Ateneo ay yaong mga mayroong Gate Pass Sticker. Upang makakuha ng sticker ng Ateneo, kailangang pumasa ito sa emissions test at physical inspection ng mismong tricycle. Kapag pumasa ang traysikel sa dalawang test na ito, kailangan pang magbayad ng P220. Ang halagang ito ay maaring maliit lamang para sa Atenista. Ngunit, malaki na ito para sa isang tsuper ng traysikel. Hindi lalampas sa P10 ang isang sakay mula sa Gonzaga hanggang KFC sa tapat ng Gate 3. Ilang beses ba niyang kailangang magpabalik-balik upang makabuo ng P220?

May isang kasabihan sa Ateneo, “Be a person for others.” Sa Pilipino, “Maging tao para sa iba.” Ang ibig sabihin nito: dapat ang Atenista ay hindi lamang nag-iisip at nagtatrabaho para sa sarili, pero para sa kanyang kapwa. Dapat, ‘ika nga, maging selfless ang Atenista.

Saan ang “pagiging tao para sa iba” sa pagpipiga ng P220 mula sa isang mahirap na tsuper upang makakuha ng sticker para lamang makapasada sa loob ng Ateneo?

Practice what you preach,” ayon nga sa isang kasabihan. Mulat ang lahat na may dakilang institusyong tulad ng Ateneo na humuhulma sa humigit-kumulang anim na libong mag-aaral na maging tao para sa kapwa. Ngunit, ano na lamang ang ibig sabihin ng aktong pagpipiga ng P220 sa mga tsuper na naghihikahos para sa kaunting barya?

Higit na masaklap isiping kasalukuyang bahagi ako ng institusyong ito.