Tao para sa Pera
ni Jose Leonardo Ancheta-Sabilano

Noong unang araw ng Marso ay pormal nang inilunsad ang bagong gusali ng Paaralan ng Pangangasiwa (School of Management). Nagkakahalaga ito ng humigit-kumulang P200 milyong ipinagkaloob ng tycoon na si John Gokongwei Jr., may-ari at chairman emeritus ng konglomeratong JG Summit Holdings. Maraming nagreklamo sa galaw na ito ng administrasyon sapagkat ipapangalan ito sa isang hindi Atenista kundi sa isang Lasalyano. 

Katabi nito at kasabay na itinatayo rito ang isa pang gusali: ang PLDT Center for Convergent Technology. Ang laman naman nito, ayon sa dekano ng Paaralan ng Agham at Inhenyera, ay mga kompyuter, networks, at anu-ano pang mga kagamitan may kinalaman sa teknolohiya ng impormasyon. Makikinabang sa proyektong ito ang tinatayang 1,393 na estudyante ng mga kursong Computer Science, Management Information Systems, Management of Communications Technology, Electronics and Communication Engineering at Computer Engineering -- halos 23 porsiyento ng populasyon ng mga Paaralang Loyola. Sa Paaralang Gokongwei naman ay 1,861 estudyante ang makikinabang -- higit pa sa 30% ng populasyon ng kolehiyo. Idagdag pa rito ang mga nag-aaral ng MBA at IT sa kampus ng Ateneo sa Rockwell at makikita talagang karamihan sa mga Atenista ay pumapasok sa mga kursong konektado sa pangangasiwa.

Noong 1983, nagsagawa ang Matanglawin ng pananaliksik tungkol sa mga kursong pinapasukan ng mga nasa unang taon ng kolehiyo. Lumabas na karamihan sa kanila ay nagpatala sa mga kursong pangangalakal ang oryentasyon, katulad ng BS Business Management, BS Management Engineering, AB Management Economics at BS Math-Computer Science. Ngayon naman ay hindi kalayuan ang nangyayari. Ayon sa datos na ipinamahagi sa Matanglawin ng Opisina ng Tagatala (Registrar's Office), anim sa sampung kursong pinakamaraming estudyante ay may oryentasyong panagagasiwa: MIS (566), Management (553), Comtech (435), ME (417), MEco (389), LM (312), at Eco (231) -- halos kalahati naman ng populasyon ng buong Ateneo Loyola Schools.

Kurso

Bilang ng Mag-aaral

Management Information Systems

566

Management

553

Communications Technology Management

435

Management Engineering

417

Management Economics

389

Interdisciplinary Studies

388

Legal Management

312

Communications

282

Political Science

245

AB Psychology

245

Economics

231

Table 2. Ang labing-isang kursong may pinakamaraming estudyanteng nagpatala. (Pinanggalingan: Opisina ng Tagatala)

Mapapansin ding apat na kurso mula sa SOM ang nasa top ten, at ang kursong may pinakamaraming mag-aaral, ang MIS, na kasali sa Paaralan ng Agham at Inhinyera, ay hindi naman nararapat sa nasabing paaralan sapagkat mas nakatuon ito sa pangangasiwa ng impormasyon. Saang kursong pang-agham nga ba kasi kinakailangan ng accounting?

Nota lamang: wala pang kursong accountancy dito sa Pamantasan. Ito ay isa sa mga dahilan kung bakit nagmamayabang ang ibang mga pamantasan na mas maganda ang mga programang pang-negosyo nila. Ngunit maugong ang mga demanda ng ilang mag-aaral na magtayo ng nasabing kurso rito.

Sining: nasaan na kayo?

Kilala ang Ateneo sa pagkakaroon ng magandang programa sa mga sining at humanidades. Saang pamantasan pa nga ba makakakita ng mga estudyante ng Pisika o di kaya'y Pangangasiwa na nag-aaral nang mataimitim ng Teolohiya (12 yunit) o Pilosopiya (12 yunit)? Kahit ang Ingles ay binibigyang-halaga rin (12 yunit), samantalang ang Filipino (9 yunit) ay halos hindi rin nahuhuli.  

Ngunit kung ikukumpara ang mga ito sa kurikulum ng Ateneo noong 1968 at 1983, mapapansing lubhang nabawasan ang pansin sa mga humanidades. Masdan ang mga numero:

Taon

Ingles

Relihiyon (Teolohiya)

Pilosopiya

1963

24 yunit

24 yunit

24 yunit

1983

18 yunit

15 yunit

16 yunit

2002

12 yunit

12 yunit

12 yunit

Mga bilang ng yunit ng mga humanidades sa core curriculum. (Pinanggalingan: Matanglawin, Hulyo 1983)

Hindi rin kakaunti ang nagrereklamo sa pagbabawas ng mga kursong sining at humanidades. Sa isyu ng Matanglawin noong Hulyo 1983, nagreklamo si Marichi Castro sa pagbawas sa mga ito. Ilan sa mga asignaturang tinanggal noon ay pinalitan ng mga kursong itinakda ng Edukasyon dating Ministerya ng at Kultura katulad ng Ekonomiks, New Philippine Constitution, Sikolohiya, Pilipino at Sosyolohiya na hanggang ngayo'y narito pa rin.

Ngunit para sa ilang mag-aaral, halos sapilitan lamang ang pag-aaral ng mga asignaturang ito. Ayon sa kanila, dagdag-gastos lamang ang mga ito at wala namang maitutulong sa kanila pagkatapos nila ng kolehiyo. Mas gugustuhin nilang puro mga asignatura sa kanilang larangang pagdadalubhasaan na lamang ang kanilang pag-aralan. Kung tutuusin nga'y hindi ka yayaman sa Teolohiya ng Pagpapalaya o ng Metapisika.

Kaya naman hindi nakapagtatakang kakaunti lamang ang mga estudyante sa Paaralan ng Humanidades. Habang ang isang kurso rito, ang Interdisciplinary Studies, ay may 388 na estudyante, maaari itong ituring na hindi gaanong oryentado sa humanidades sapagkat maraming track ang kursong ito, katulad ng magkahalong Sikolohiya at Pangangasiwa o kaya'y Agham Pangkompyuter at Matematika, ang hindi naman talagang masasabing humanidades. Kahit kasama na ang IS sa School of Humanities, maliit lamang ang average na bilang ng estudyante kada kurso: 82.38, na wala pa sa kalahati ng average ng Paaralan ng Pangangasiwa: 181.18. Iilan lang dito ang may enrollment na mataas sa limampu: AB Humanities, AB IS, AB Philosophy, at AB Literature (English). Kaawa-awa naman ang Literaturang Pilipino dito sa Pamantasan: aapat lamang ang nagpatala rito, dalawa ang magtatapos ngayong taon, isa ang kumukuha ng double-major, at walang pumasok na bagong estudyante mula sa mga taga-unang taon.

Tingnan naman natin ang mga pasilidad ng Paaralan ng Humanidades: Isang gusali -- ang pinakamaliit sa buong kampus -- at ilang silid-aralan sa Gonzaga, Berchmans, Kostka, at Bellarmine na pinaghahatian pa nito at ng ibang mga Paaralang Loyola. Ngayong may mga sariling gusaling may silid-aralan na ang Paaralan ng Agham at Inhinyera, Paaralan ng Agham Panlipunan, at Paaralan ng Pangangasiwa, ang humanidades na lamang ang wala nito.

Tao para sa pera?

Maraming nagtatanong: bakit nga ba ganito ang nangyayari sa Ateneo?

May isang teorya galing sa estudyante ng Paaralan ng Pangangasiwa: may pera sa Management. Kilala ang Ateneo sa mga nagsipagtapos ditong naging matagumpay sa larangan ng pangangasiwa at pagnenegosyo, katulad ni Manuel Pangilinan ng First Pacific at PLDT at ang dating senador na si Juan Ponce Enrile na may-ari ng JAKA. Hindi alam ng lahat na pawang mga kurso sa mga humanidades ang natapos nila. At kung tutuusin nga’y mayaman na sila sa simula’t simula pa lamang.

Hindi sa pagmamayabang, ngunit kilala pa rin ang mga Atenista bilang mauutak at marunong mangasiwa ng tao at negosyo. Halos hindi na tinitingnan ng mga kumpanya ang kursong natapos, basta makita lang nila ang diplomang may nakasulat na “Pamantasang Ateneo de Manila” na nakasalin sa Latin.

Maaari itong tingnan bilang mikrokosmos ng kasalukuyang sitwasyon ng edukasyon sa bansa. Para sa ibang tao, ang edukasyon ang tanging paraan upang maiangat ang kanilang antas ng pamumuhay. Kaya naman usong-uso ngayon ang mga kursong matataas naman ang kita: Management, Business Administration, Information Technology, at iba pang may kaugnayan sa kalakalan, negosyo at teknolohiya. Subalit hindi pinagtutuunan ng pansin ang mga kursong nagtuturo ng pagpapakatao: Pilosopiya, Agham Panlipunan, at kung anu-ano pa. Wika nga ng isang mag-aaral na nakapanayam ko ukol dito, “The Ateneo is on the verge of becoming another AMA.

Sabi ng isa pang mag-aaral, “Lumipat akong Comm galing sa ME dahil ayaw ko sa prestige. Hindi ko magawa ang mga gusto kong gawin, katulad ng pagsusulat.” Ngunit bihira na lamang ang makikitang ganito sa Ateneo, kung saan mayoridad ng mga mag-aaral ay wala nang pakialam kung makukulong sila sa trabahong 9-to-5 basta gumanda pa ang pamumuhay nilang maganda na. 

Sa elementarya pa lamang ay nagsisimula na ang persekusyon ng bellas artes: Mas binibigyan ng halaga ang Ingles, Matematika at Agham. Oo nga’t mahalaga ang mga ito sa ikauunlad ng bayan, ngunit nakakatakot ang maaaring hantungan nito: isang bansa ng mga robot, mga makinang wala nang ibang saysay sa buhay kundi ang gumawa nang gumawa nang gumawa, ayon sa isang “sistematikong” paraan. Parang punso ni Teilhard: wala nang lugar para sa pagpapalago ng sarili at lipunan. Ang nararapat gawin ay ipantay ang mga asignaturang agham panlipunan at humanidades sa mga paaralan, hindi katulad ng ginagawa ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) sa panukala nilang Millennium Curriculum na pinagsasama na lamang sa iisang asignatura ang Pilipino, Kasaysayan, Sibika, Kultura, Home Economics, at iba pang asginaturang hindi nababagay na bigyang-pansin.

May nabasa akong akda sa isang lumang isyu ng Pambata Magazine. Ang abiso nito sa mga bata’y huwag kumuha ng mga kursong AB kundi mga kursong sigurado ang kita pagkagradweyt, katulad ng Computer Science. Marahil sa mindset na ito maibibintang ang paghupa ng humanidades, hindi lamang dito sa Ateneo, kundi sa pangkalahatang sistema ng edukasyon sa buong bansa. Naging biktima ang kabataan ng kaisipang salapi ang nagpapatakbo sa daigdig. Dulot ito ng globalisasyon: kung gusto mong mabuhay, kailangang maging malaki ka, hindi sa sukat, kundi sa yaman at impluwensya. Walang lugar para sa mapagpalayang diskurso sa ganitong idolatriya ng salapi na pinapatawan sa atin ng kasalukuyang sistema.

Ngayon, Atenista: totoo nga bang pumasok ka rito upang matuto ng pagpapakatao? O pumunta ka lamang dito upang magkaroon ng marangyang pamumuhay pagkatapos ng pamamalagi mo rito? Kakalimutan na lamang ba ang metapisika, ang pakikipagkapwa-tao, ang ispiritwalidad ni Ignacio?

Uulitin ko ang tinanong ng isang taga-Matanglawin halos dalawampung taon na ang nakaraan: Ikaw, Atenista, tao ka lamang ba para sa pera?

Tatapusin ko ang artikulong ito sa pamamagitan ng isang sipi mula sa nasabing artikulo:

                …Ipapasok ka namin sa Ateneo. Mag-aaral ka. At pag-aaralan mo… ang halaga ng buhay… hindi halaga ng salapi. Pag-aaralan mo kung ano ang tunay na kaligayahan sa mundo.

            – Macario Pineda, Ginto sa Makilinga

Mga Sanggunian:
Marichi Castro, “Tao Para sa Pera?” Matanglawin, Hulyo 1983                
Mga datos na ibinigay ng Registrar’s Office