Kay Ninoy, Sa Bukana ng Hacienda Luisita
ni Jonar Sabilano
Halos dalawampung taon
matapos na matagpuan kang nalulunod
sa sarili mong dugo,
nakabantay ka pa rin —
buhay na batong pababa sa bakal na hagdan
upang mailigtas ang Inang Bayan.
Ngunit tila nakapagtatakang dito ka naluluklok:
sa bukana ng hacienda, nakikita mo ang lahat
ng pumapasok at lumalabas.
Nakikita mo ba ang mga pangyayari sa loob?
Ilang libong sakada pa ba ang hindi nabibigyan ng lupa?
Silang mga tanod ng lupang sinasaka
ngunit hindi naman kanila:
noong nasa ibang lupalop ka,
nakita ba sila ng mga mala-largabista mong mata?
Iilan lamang ba ang nakikinabang
sa lupang pinagdiligan ng bala?
Nakikita mo ba ngayon
ang palaruan ng panginoong maylupa?
Maaari ngang nasilayan mo sila
mula sa bintana ng eroplanong sinakyan mo pauwi.
Marahil, alam mo na talaga
na sila ang binabalikan mo.
Marahil, alam na rin pala ito
ng balang tumagos sa iyong sentido.
Nagawa pang muli kang buhayin sa marmol.
Ang mga mapanuri mong mata’y nakabantay
sa lahat ng pumapasok at lumalabas.
Ikaw ang tanod ng bayan,
ng isang buong hacienda —
Ngunit ang iyong binabantaya’y
hindi mo nakikita.
Pinilit ka nilang tumalikod
sa ekta-ektaryang bukid ng mapait na tubô,
sa lupang pinagdiligan ng bala’t dugo,
sa isang bayang naghihikahos.
Ikaw ay nakabantay
sa isang bayang dati mo pang kilala,
ngunit wala kang magagawa.