Ulan
ni Wenceslaus

Huling araw ng INTACT noong dumayo kami sa McDo, at dahil na rin nataon ito sa kaarawan ng aming tagapangasiwa, naisip na rin ng mga ka-block kong, ika nga, mga ‘Mcgoers’ na angkop rin nga naman kung dun na namin idaraos ang nasabing espesyal na araw. Nauna na akong nang tumungo doon kasama ng kaklase kong si Kaloy. Wala rin naman na kaming pasok, kaya naisipan na lang naming umistambay sa loob ng pinalamig na restawran.

Sa mga nakapunta na sa McDo dito sa Katipunan, napansin ninyo na marahil ang mga permanenteng istambay sa labas ng nasabing kainan. Kung hindi pa, ewan ko na lang. Naglalakad siguro kayong nakapikit. Ang aking tinutukoy ay ang mga paslit na nakahilera sa gilid-gilid o kaya nama’y sa bungad ng McDo. Sila ang mga musmos na binibigyan lamang ng pagkakataong makapasok kung sila’y mayroong pambili: na kadalasa’y; isang tasa ng kanin kasama ng isang order ng gravy, na lumalampas sa sampung piso ang presyo. Sila ang mga batang tinanggalan ng karapatang makapaglaro sa McDonald’s Playplace, sa mga kadahilanang hanggang sa ngayon ay di ko makuro. Sila ang mga tagabantay ng kotse, tagalimos, ang mga permanenteng istambay. Sila ang mga tunay na batang Katips.

Wala namang kakaiba noong araw na iyon. Matindi ang sikat ng araw kaya ito siguro ang nagsilbing dahilan kung bakit mistulang nagtatago ang karamihan ng mga tao. At gaya rin naman ng inaasahan, wala gaanong trapik sa kalye ng ganoong oras. Tulad ng dati, naroon ang mga nasabing batang Katips, may mga naghahabulan, nagbibilang ng barya, nangungulit ng mga dumadaan upang mabigyan ng tira-tirang pagkai’t inumin- at may isang nakaratay sa bangketa. Tanaw ko mula sa likod ng salaming nagpapanatili ng pinalamig na hangin ng McDo, ang lugmok na katawan ng batang mahimbing na umiidlip sa isang pirasong karton na nakalatag sa flowerbox. Oo, sa lupa siya natutulog. Sawa na siguro siyang maapakan.

Habang nagsidatingan ang aming mga ka-eskuwela, hindi naman napigilan ng kaibigan kong si Kaloy na ipagpahinahon ang nagmamaktol niyang baga para sa isang istik ng yosi. At dahil na rin sa hindi na ako mapakali sa kahihintay sa mga kamag-aral sa isang lugar na pinalamig at hiniwalay sa tunay na atmospera ng Pilipinas, sumama ako nang lumabas siya upang bumili sa maliit na tindahang katapat ng hinliliit ng isang higanteng korporasyon. Matapos bumili ang kaibigan ko, nagsindi siya ng isang istik, at nagpahangin kami sa tabi ng flowerbox.

Marumi ang paligid kaya’t nanatili na lamang kaming nakatayo sa tabi ng batang tahimik na nakahimlay sa karton. Dumilat ang kanyang mga mata at ang mga ito’y napatitig sa amin ni Kaloy. Animo’y biglang tumahimik ang paligid: parang hangin na lamang ang naririnig. At parang sabay sa pagpapanatili ng mga bintana ng McDo sa lamig ng lugar, nagsilbi ring hadlang ang salamin sa ingay at mga walang katuturang dakdakang maaaring umantala sa mga salitang nais iparating ng kanyang mga mata. Ang mga salita lamang ni Kaloy ang nakabasag sa nakababaliw na katahimikang pumalibot sa amin.

‘Ilang taon ka na?’ tanong ni Kaloy.

‘Onse,’ sagot ng bata.

‘Saan ka nag-aaral?’ tanong muli ni Kaloy.

‘Sa Batino ho,’ muli niyang tugon.

At ako naman, ‘Eh ba’t wala ka sa paaralan? Wala ka bang pasok ngayon?’

‘Meron ho, ngayong hapon.’

‘Eh anong ginagawa mo dito sa McDo?’ pahabol ko.

‘Masama ho pakiramdam ko eh.’

‘Ba’t ‘di ka na lang umuwi?’ bulalas ni Kaloy. At hindi umimik ang paslit.

Sa aking palagay, pumuwesto siya sa tapat ng kainan upang kumita ng kahit kakaunting barya sa kabila ng kanyang karamdaman. Malamang naisip niyang kapag nanatili siya sa kanilang tirahan, baka ituring lang siyang pabigat ng kanyang pamilya. Napagisip-isip niya siguro na mas makabubuti kung mayroon siyang naiipong pambayad, kapalit ng kanyang pagliban mula sa paaralan. Ang mga bata nga naman kung mag-isip.

Humithit si Kaloy ng pang-huling beses, pinitik ang yosi papalayo at lumingon sa akin. Bago pa man din siya nakapagsalita, napatingin ako sa batang pulubi’t napatanong. ‘Boy, nag-tanghalian ka na ba?’

‘Oo nga. Kumain ka na ba?’ pahabol ni Kaloy.

‘Hindi pa po.’

‘Tara kain tayo…’

At sa isang iglap, dala-dala namin ang bago naming kaibigan kasama ng iilan pang mga batang Katips. Naroon na sa loob ang buong block namin nang kami’y nakapasok; masayang nagkukuwentuhan sa may tabi ng Playplace. Matapos kaming bumili ng pagkain para sa mga bata, dahan-dahan kaming naglakad patungo sa kinaroroonan ng aming mga ka-eskuwela. Sa aming bawat hakbang, mistulang paunti-untiang dumarami ang mga matang dumadapo sa aming kinalalagyan. Para bang tingin nila’y may bitbit kaming epidemya.

At nang maupo kami, hindi ko masasabing maipagmamalaki ko ang pagtanggap ng ilan sa aking mga ka-block. Hindi lamang dahil sa kulang na kulang ito, ngunit napili pa noong iba na maupo na lamang sa isang tabi, magkunwari na walang dapat pagtuunan ng pansin at magsatsatan tungkol sa mga ubod na makabuluhang bagay tulad ng... ng... shades. Ano nga ba naman ang buhay kung wala tayong magarang shades ‘di ba? Malungkot ngunit totoo: madalas tayong makapuna ng ganitong reaksyon mula sa mga estudyante ng ating “pamantasan” kapag ang nasangkot sila sa isang hindi inaasahang pakikisalamuha sa mga dukha. Pagwawalang-bahala: ang pinakamadaling solusyon sa kahirapan para sa nakararaming mag-aaral sa Ateneo. At bakit nga naman hindi? Bakit pa proproblemahin ng isang laki sa layaw ang mga suliraning hindi niya suliranin? Mas mainam nga naman siguro para sa kanya kung aalalahanin na lamang niya kung ano ba ang susuotin niyang shades sa kinabukasan. Bukod pa, hindi mo rin nga naman mahahanap ang pagmamahal sa mga bagay tulad ng pakikiramay sa mga ganitong elemento ng lipunan. Mas kaakit-akit ka nga naman kung shades na lamang ang aatupagin mo, rayt?

Subalit kahit na umiral ang pangkaraniwang mentalidad ng Atenista, mayroon rin nga namang mga taong may puso at hindi na lamang basta-bastang tumatahimik sa tawag ng paninilbihan. Isa na doon si Trisha (hindi niya totoong pangalan). Ewan ko kung bakit naisipan pa niyang tumulong sa amin sa pagbabantay ng mga musmos, samantalang kumportable na siyang nakikipag-talakayan kasama ng kanyang mga kaibigan. May hang-over siguro siya mula sa nakaraan naming exposure trip. Ngunit kung ganun rin lang naman, magpakalasing na kaya tayo linggo-linggo? At hindi lang naman din si Trisha ang nagpamukha ng mas nakabubuting aspeto ng Atenista. Nung kami’y nangailangan ng karagdagang pinansiyal na supporta para sa pagbili ng inumin, naroon naman ang iba naming mga kaklase upang tugonan ang pangangailangan. At pati na rin ang aming tagapangasiwang si Diane Sayo (hindi rin niya tunay na pangalan) ay tumulong na rin sa pamamagitan ng pag-aambag ng suportang medikal sa anyo ng isang tabletang Biogesic nung kinailangan ito ni Junel, ang batang una naming inalok ni Kaloy, na siya pa lang natuhog ng hito kamakailan sa kanyang paglalaro sa sapa.

Hinayaan naming makapaglaro ang mga bata sa Playplace ng McDo. Bakat sa mga mukha nila ang panahon ng paghihintay sa pagkakataong makapaglaro sa lugar na kanila lamang natatanaw mula sa likod ng nasabing salaming naghihiwalay sa lamig ng McDo at init ng mundo. May mga pagkakataon nga na mapapangiti ka na lang sa panonood sa kanila, dahil ang iba sa mga bata’y hindi malaman ang gagawin; kung kakain o kaya’y maglalaro. At pansin mo nga naman ang kanilang pagsisikap na ipagsabay ito.

At sa aming pagbabantay sa kanila, hindi lang yata kami ang nakapansin sa galak na aming naibahagi ng pansamantala sa mga batang Katips. Laking gulat ko na lang nang may maliit na batang mga tatlong taong gulang na mahinay na lumapit sa aking kinauupuan at nag-abot ng isang pirasong papel na may nakasulat na alok sa Ingles:

WILL YOU WELCOME SOME ICE CREAM (or other dessert) FOR THE KIDS? ?

My treat! D.W.

Natunaw ang mga puso namin ni Kaloy. Sino ba naman ang mag-aakala na mayroon pang mga ganoong uri ng taong magmamalasakit sa mga kaluluwang pilit na kinakalimutan ng lipunan. Tinaggap namin ang alok mula sa mag-ina at sumama kami sa pagbili ng apple pie para sa mga bata (ubos na kasi yung ice cream).

Ngunit kung mayroon init, mayroon din nga namang lamig. At hindi ko mahukay ang dahilan kung bakit may mga hudas na elementaryang Atenistang lumapit sa bantay at nagsumbong na ‘Yuck guard, they’re so dirty!!!

Biglang bumuhos ang ulan...