Pambungad mula sa Patnugutan

Malinaw na ang polisiyang panlabas (foreign policies) ng Administrasyong Macapagal-Arroyo ay may pagkiling sa mga dayuhan at hindi sa mga mamamayan ng bansa. Dito nakatutok ang pamamalakad ng Pangulo, at ganang kanya, epektibo ang lahat ng polisiya’t programang kanyang inilalahad. Sinasabing sa pamamagitan ng kasalukuyang polisiya ng administrasyon, malaki ang suportang makukuha ng Pilipinas sa mga malalaking bansang tulad ng Estados Unidos. Gayunpaman, kung susuriin ang bawat hibla ng polisiya’t programa, malinaw na halos walang kahihinatnan ang bayan sa mga ito.

Handog ng isyung ito ang mga pagtatangkang suriin ang kasalukuyang kalagayan ng bansa sa kanyang posisyon sa pandaigdigang espasyo bungsod ng polisiyang panlabas ng kasalukuyang administrasyon.

Ano na ang napala ng ating mga kapatid na pinatalsik mula sa Malaysia? Nararapat ba silang paalisin nang ganoon, gayong sila ay naghahanap-buhay lamang? Marahil, wala na nga silang ibang magagawa kundi lumipat kung saan may pagkakataong iangat ang antas buhay. Ngunit, isa ba itong dahilan upang muling buhayin ang bangayan ng dalawang bansa tungkol sa Sabah?

Sa larangan ng kalakalan, napipintong mamatay ang industriya ng tuna sa may katimugan. Dahil sa tinatawag na Andean Trade Preference Act na ipinasa ng Mababang Kapulungan ng Estados Unidos, at sinusuri pa sa Senado, mas tatangkilikin ang mga produktong galing sa mga bansa ng Timog Amerika. Bunga rin nito ang pagtaas ng babayarang taripa ng Pilipinas sakaling ipagpatuloy nito ang pagbebenta ng tuna sa U.S. Malaking dagok ito para sa isang bansa kung saan isa sa pangunahing trabaho ng mamamayan ay pamamalakaya.

Sa larangan ng pakikidigma, umiigting na ang digmaan laban sa terorismo. Dati pang isinusulong ang Military Logistics Support Agreement na naglalayong palakasin ang kakayahan ng Hukbong Sandatahan sa paglaban sa terorismo. Ngunit — at ito’y isang napakalaking ngunit — totoo ba talagang palalakasin nito ang Hukbo? O ito ba’y isa na namang pagsasamantala ng U.S. sa isang mas mahinang bansa?

Paano naman ang mga “lola” nating ginawang aliping pang-aliw ng mga sundalong Hapon noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig? Matagal na silang nananawagan sa mga pamahalaan ng Pilipinas at Japan na pakinggan ang kanilang mga hinaing. Kabilang sa mga hinahangad nila ay ang paghingi ng paumanhin ng pamahalaang Hapon para sa mga kahayupang ginawa ng mga sundalo nito noon. Ngunit, katulad na ng nakagisnan, nagbibingi-bingihan ang mga Hapon habang isinasawalang-bahala na lamang ng pamahalaan natin ang hinaing ng mga lola. Ito ba’y dulot ng takot na baka lumayas ang mga investor na Hapon sa bansa? Halos manikluhod na ang pamahalaan na para bagang humihingi ng tawad mula sa nagkasala rito – isang malaking kabalintunaan.

Makikita sa mga halimbawang ito na umaasa ang pamahalaan sa “tulong” mula sa labas upang “umunlad” ang bansa. Ngunit ano nga ba ang pamantayan ng pag-unlad? Ito ba ang salaping lumalabas-masok sa bansa bawat taon? Paano kung ang “pag-unlad” na ito ay hindi napakikinabangan ng karaniwang mamamayan? Ano ang sinasabi nito sa mismong pamamalakad ng administrasyong Macapagal-Arroyo?

Tunay na hindi angkop para sa modernong panahon ang pagsasara ng sarili sa mundo. Ngunit hindi rin naman makatao ang mga pangmundong mga polisiya at kasunduan, na nilalahukan ng ating pamahalaan, na hindi pinag-aralan at hindi tinimbang nang husto ang mga benepisyong makakamit ng mamamayan, bagkus ay padalos-dalos lamang. Sa mga kasalukuyang pagkakataon ng pandaigdigang pakikipag-ugnayan ng pamahalaan natin, kailangan pa ng mga opisyal natin na gumawa ng kanilang homework.