INDIE FILMS: Kasarinlan sa Kumbensyunal
nina Jumie Cruz at PJ Mariano

Sanay na tayong makakita ng mga pelikula ng Viva Films, Star Cinema, o mga sari-saring pelikulang galing Hollywood. May pagakakapareho ang mga pelikula ni Juday at mga pelikula ni Tom Cruise—pareho silang mga halimbawa ng pelikulang komersyal o mainstream cinema. Malalaki ang budget, sikat na artista, at sa ilalim ng pamamahala ng malalaking kompanya ang mga pelikulang mainstream. Ginagawa ang mga pelikulang mainstream upang kumita, higit pa sa pagpapaunlad ng sining. Ika nga ni Ricky Gallardo, batikang scriptwriter, “film making is a business…art and expression only come in [second].”

Ngunit a kabilang dako, ang mga independent films ang tumatayong alternatibo sa mainstream. Dahil ginagawa ang mga pelikulang ito ng hindi nasasailalim sa mga production companies tulad ng Viva Films o Star Cinema, maliit ang pondo para produksyon nito. Ang mismong direktor ang naghahanap ng maaaring pagkuhaan ng pondo para sa kanyang pelikula. Ngunit maliit man ang nakalap na pondo, hitik na hitik naman sa maka-sining na paggawa ang mga independent films. Mas malaya ang isang direktor na bumuo ng isang pelikula na hindi iniisip kung papatok ito sa takilya at kikita ng marami para sa mga kompanya. Ang independent films ang siyang larangan ng mga eksperimental at makabagong paraan ng paglilikha ng mga pelikula.

Ayon kay Jon Red, respetadong direktor ng independent films (tulad ng “Utang ni Tatang”), ginagamit tuwing tinutukoy ang independent films ang alternatibo at experimental. “Alternative, dahil nagbibigay ito ng option sa audience at sa filmmakers mismo para makanood at makagawa ng ibang klase o uri ng pelikula; at experimental, dahil ito ang format o medium o venue para mag-explore o maglaro o gumawa ng ‘cutting edge’ works.”

Maraming uri ng independent films, ngunit ang pinaka-kilala sa mga ito ang independent short films, tumatagal ng humigit-kumulang ng 30 minuto, at fiction ang kuwento nito; ang independent feature films, mga pelikula na may humigit-kumulang sa dalawang oras na haba tulad ng pelikulang komersyal; at ang independent documentary film, na nagpapakita ng mga totoong nangyayari sa loob ng lipunan at bansa.

Ang Kasaysayan

Mayaman ang kasaysayan ng independent films sa Pilipinas. Ayon sa CCP Encyclopedia, sabay na umusbong ang tradisyon ng independent films at ng mainstream cinema sa bansa. Kung kumbensyonal na kuwento ang ginagawa ng mainstream cinema, ang independent films ang itinuring na alternatibong pinilakang tabing. Dekada 1920 pa lamang, mayroon nang mga gumagawa ng independent films na ayaw magpasailalim sa mga malalaking studio. Ngunit nahinto ang pag-usbong nila sa pagdating ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Noong dekada 1950, matapos ang digmaan, nagsimula ulit ang pagtatag ng komunidad ng independent filmmakers sa bansa. Naitatag ang mga paaralan at mga organisasyon na sumusuporta sa mga short-film at documentary-filmmmakers. Nagkaroon din ng mga pangmundo at pambansang film festivals para maranasan ang mas nakararaming tao ang iba’t ibang uri at estilo ng mga pelikula. Dalawa sa unang premyadong mga independent filmmakers sina Lamberto at Jose Avellana, sa mga huling taon ng dekada 1950 at mga unang taon ng dekada 1960.

Pero nananatiling pinaka-sikat at pinakamagaling sa mga unang kilalang independent filmmakers si Kidlat Tahimik. Nanalo ang kaniyang pelikulang “Mababangong Bangungot” (Prefumed Nightmares) ng Prix de la Critique Internationale, isa sa pinaka-tanyag na paligsahan ng independent films sa mundo. Hanggang sa kasalukuyan, aktibo pa rin si Kidlat Tahimik sa paggawa ng mga pelikula.

Simula ng dekada ’80 hanggang sa kasalukuyan, ang independent cinema ang nananatiling bukal ng mga orihinal, mapanlikha, at premyadong mga pelikula. Higit na naging sosyo-pulitikal ang karaniwang tema ng mga independent films, at naging higit na eksperimental ang mga paraan ng pagkuha ng mga pelikula. Ang “Anino,” isang maikling pelikula ni Raymond Red, ng Palme d’Or (Best Short Film) sa tanyag na Cannes Film Festival. Iyon din ang kauna-unahang panahong may nakasaling pelikulang Pilipino (komersyal man o hindi) sa paligsahan sa Cannes.

Guerilla Attitude

“Guerilla attitude” ang paglalarawan ni Khavn dela Cruz, direktor ng independent films at alumnus ng Ateneo. Sa kanyang karanasan, “kahit anong mangayri, [kung] kailangang gawin, gagawin, no matter what!” Pumasok ang kasalukuyang henerasyon ng mga independent filmmakers sa paggawa ng ganitong uring pelikula dahil mas nabibigyan sila ng kalayaan sa sining dito kaysa sa mainstream cinema. Higit naibigan din nila ang independent films dahil siguradong hindi komersyalisado ang lilikhain nila. Sa isang banda, maaring magin sagabal rin ang ganitong atitud. Punong-puno pa ng ideyalismo ang mga gumagawa ng independent films, lalung-lalo na sa nakababatang henerasyong gumagawa ng mga ito.

Nababagay din ang guerilla attitude bilang paglalarawan dahil layunin ng independent films ang isang “rebolusyon” sa paglikha at sa nilalaman ng pelikulang Pilipino. Ika nga ni Red, “Tulad ng isang tunay na rebolusyon, nagsisimula sa maliit at umuusbong na [ang independent films].”

Bata pa lang

Bata pa lamang ang eksena ng mga independent films sa bansa. Bagaman may mga ugat ito noong sa dekada 1950 pa lamang, patuloy ang ebolusyon ng porma ng independent film. “Woeful but still hopeful” ang paglalarawan ni Gallardo sa kasalukuyang estado ng independent films sa bansa, dahil na rin sa kakulangan ng pera para sa produksyon ng pelikula. Sa pananaw naman ni Kidlat de Guia, independent documentary filmmaker, unti-unti itong umuusbong at lumalago. Kung ikukumpara raw ito sa estado nito noong dekada 1960, higit na marami ang tumatangkilik sa independent films. Dati, puros “film buffs” lamang ang mga nanonood, ngayon, hindi na.

Malaking tulong din sa paglago ng independent films ang mga institusyon na nagtuturo ng paggawa ng pelikula, tulad ng UP Film Center at Mowelfund. Nanggaling sa mga naturang institusyong ang marami sa kasalukuyang henerasyon ng gumagawa ng independent films.

Tulad ng nabanggit ni Gallardo, ang paghahanap ng pondo ang isa sa mga malaking hadlang ng pag-unlad ng paggawa ng independent films. Kung sa ibang bansa, madaling makahanap ng mga grant para pondohan ang pelikula mo, ayon kay de Guia, kahit para sa thesis film mo kung estudyante ka sa UP Film, ikaw pa rin ang hahanap ng perang panggastos.

“Art film? Di ba pang mayaman lang ‘yun?”

Naniniwala ang mga independent filmmakers na unti-unting nade-develop ang mga parokyano ng mga independent films sa Pilipinas. Sa katunayan, masasabi nating mga college students tulad natin ang karamihan sa mga bagong manonood ng independent films. Dumarami na rin ang mga lugar na nagpapalabas ng mga independent films, bagaman nasa mga malalayong lugar tulad ng Cultural Center of the Philippines at Mowelfund na mahirap dayuhin para sa nakararaming tao.

May opinyon din na pang mayaman o artsy-fartsy lamang ang mga independent films dahil natatawag din itong mga “art films.” Sa tingin ni Rica Arevalo, baguhang independent filmmaker, dala lamang ito na “hindi pa masyadong sanay ang mga audience [sa mga] art films.” Pero magbabago ito dahil nagkakaroon na ng unti-unting pagkilala ang karmihan ng mga manonood na nakakapagod, nakakasawa, at minsan nakakabobo pa ang mga promulang paulit-ulit na ginagamit ng mga prodyuser ng mainstream cinema.

Sang-ayon dito si de Guia. Sa kanyang palagay, makatutulong din sa pagdami ng mga manonood ng independent cinema kung magkakaroon ng isang cinema o kahit preview room man lamang sa isang mall kung saan maaaring ipakita ng isang independent filmmaker ang kanyang mga obra. Mahalagang nasa loob ito ng isang mall dahil naroon na ang mga tao, at maaaring hindi na mahirapan ang karaniwang tao na hindi kaya ng bulsa ang pamasahe hanggang CCP. Ito nga raw ang orihinal na plano sa Megamall Preview Cinema, na nakalaan lamang ito para sa mga independent films na gawa ng mga Pilipino, ngunit hindi rin ito natuloy.

Malaking tulong din ang pagkakaroon ng ArtFilm sa Glorietta at Greenbelt, at ng mga film festival ng mga embahada ng France at Japan. Kahit mga independent films ng ibang bansa ang pinapakita rito, unti-unting namumulatan ang mga manonood na mayroon palang ibang klaseng pelikula bukod sa mga galing Hollywood. Isang malaking pagkakataon din para sa mga independent filmmakers ang Cinemanila, isang film festival na ginaganap bawat taon sa Greenbelt, karaniwang sa mga buwan ng Hulyo at Agosto. Dahil libre ang lahat ng pinapakitang pelikula sa Cinemanila, mas nakakahikayat ito ng higit na nakararaming mga manonood.

Ang Kinabukasan

Hindi mawawala ang independent films sa bansa dahil kailangan at kailangang magkaroon ng alternatibo sa kumbesyunal na pelikula. Ngunit higit na makatutulong para sa pag-usbong ng independent films ang patuloy nating pagtangkilik sa mga ito. Ika ni Arevalo, “Ang importante, kapag may pelikulang matino at maganda, kailangang ikalat para mag-survive sa sinehan.” Marami kasing mga independent films na komersyal na inilabas pero hindi pumatok sa takilya. Pero kung may pumatok na independent film, matatauhan na ang mga producer ng mga pelikula na iba na pala ang hinahanap ng mga manonood.

Naobserbahan ni de Guia na dumarami na rin ang mga sikat na artistang lumalabas sa mga independent films, kahit kadalasang walang bayad. Isang paraan rin ito ng paghihikayat sa masa na manood ng independent films. “The masa…will go to a movie because it has Sharon Cuneta [and in the process] will be exposed to a different style of filmmaking.” Sa ganitong paraan, maaaring pumatok ang mga independent films sa takilya, at matauhan ang mga prodyuser na hindi lamang mga formula films ang papanoorin ng mga tao. Kahit hindi siya action, sex flick, o ang soap-opera drama, mayroon pa ring mga manonood.

Para sa maraming kabataang filmmakers, malaking bagay rin ang pagkakaroon ng mga bagong format para sa mga pelikula. “Ang digital filmmakers ang pag-asa ng indie films,” ika nga ni dela Cruz. Malaking katipiran at higit na madaling gamitin ang tinatawag na digital video (DV) kung ikukumpara sa tradisyunal na 16 at 35 mm film na ginagamit sa tradisyunal na movie cameras. Ayon kay de Guia, makabibili ng magandang DV8 camera sa halagang P24,000 at kung mag-e-edit ka na ng iyong gawa, puwede kang gumamit ng kahit anong mabilis na kompyuter na may video-editing software at wala ka nang problema. “Hanap ka na lang sa kabarkada mo—sinong may camera, sinong may kompyuter, at pwede na kayong [gumawa ng sine].” Ang laking katipiran nito kung ikukumpara sa tradisyunal na 16mm na ginagamit ng karamihan ng independent filmmakers noon. Camera at film pa lang, daan-daang libong piso na ang gagastusin mo, tapos iisa lang ang may mga processing machines para sa ganoong uri ng film, at maghahanap ka pa ng puwedeng gamiting pang-edit. Kung baga, ang DV ang demokratisasyon ng paggawa ng independent films.

Kailangan talagang ikompromiso ang artisitc expression kung nasa mainstream ka. Isang halimbawa galing kay Gallardo—napakagaling na independent filmmaker ni Lav Diaz, ngunit kinailangan talaga niyang umayon sa mga gusto ng prodyuser ng mainstream films dahil nasa kanila ang lahat ng kapangyarihan at higit sa lahat, ang pera. Ngunit malaki rin ang pag-asang inilalagay sa mga independent filmmakers na nagiging bahagi ng sistema ng pelikulang komersyal. Unti-unti rin nilang mababago ang sistema mula sa loob, at kahit-papaano, naroon pa rin sa kanilang mga likhang pelikula ang alternatibong panlasang pamana ng “indie films.”

Tunay na nababagay ang sinabi ni Red sa sitwasyon ng independent cinema. “Basta’t di palalamon sa sistema, basta’t di susuko at mapapagod ang mga independent filmmakers, patuloy na lalago at magtatagumpay ang rebolusyon.”

Baka sawa ka na sa mga kuwento ng pag-ibig ni Juday at Piolo, o sa pagpapakitang-gilas nina Rudy at Bong. O kaya’y pagod ka na sa pagpapakita ng katawan nina Joyce at Rosana. Baka pati kina Brat Pitt, Jodie Foster, at sa mga Ferrari at BMW na nilalaspag at pinasasabog pagkatapos, sawa ka na rin.

O baka naman naghahanap ka lang ng kakaiba. Para maiba naman ang mapanood mong sine… tara na!